“Pag-aayuno,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pag-aayuno
Paglapit sa Diyos at pagtulong sa mga nangangailangan
Ang mabuhay nang walang pagkain ay maaaring parang pagkagutom, at maaaring totoo iyan. Pero kapag wala tayong kinakain at iniinom dahil sinusunod natin ang batas ng pag-aayuno, hindi lamang tayo basta lumiliban sa pagkain; sinusunod natin ang isa sa mga utos ng Diyos na tumutulong sa atin na espirituwal na mapalapit sa Kanya.
Sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin, isinasantabi natin ang ilan sa mga bagay na inaasahan natin sa pisikal at pinipili nating umasa sa Diyos. Sinasamba natin Siya at hinahangad ang Kanyang mga pagpapala ng kapanatagan, patnubay, at lakas. Nag-aayuno rin tayo at nagdarasal para sa iba kapag may sakit sila o nangangailangan ng mga partikular na pagpapala. Sa pagtanggap natin sa paanyaya ng Panginoon na mag-ayuno, tayo ay nagiging lalong mahabagin, mas mapagmahal, mas mapagpakumbaba, at mas handang maglingkod—mas katulad ni Jesucristo.
Ano ang Pag-aayuno?
Ang pag-aayuno ay karaniwang kinabibilangan ng “pagdarasal, hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24-oras (kung kaya ng katawan), at pagbibigay ng bukas-palad na handog-ayuno.” Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay inaanyayahan na mag-ayuno nang kahit minsan lang sa isang buwan at kusang-loob na mag-ambag ng halaga ng pera na gagastusin sana nila sa pagkain sa panahon ng kanilang pag-aayuno para matulungan ang iba na nangangailangan. Parehong maaaring mag-ayuno ang mga indibiduwal at grupo. Ang pag-aayuno ay higit pa sa “simpleng pagkagutom”—ito ay isang paraan upang “itaas ang ating puso, isipan, at tinig sa pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit” at hangarin ang Kanyang kalooban at Kanyang mga pagpapala.
Buod ng paksa: Pag-aayuno
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Panalangin, Paghahayag, Pangangalaga sa mga Nangangailangan
Bahagi 1
Itinatag ng Diyos ang Batas ng Ayuno at mga Handog-ayuno para Pagpalain ang Kanyang mga Anak
Ipinamuhay ng mga tao ng Diyos ang batas ng pag-aayuno noong unang panahon (tingnan sa Exodo 34:28; Esther 4:16; Mateo 6:16–18; Alma 45:1). Muli ring ipinakilala ng Panginoon ang batas na ito sa ating panahon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:76). Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nag-aayuno sa pamamagitan ng hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24-oras kung kaya ng kanilang katawan. Ang mga hindi kayang mag-ayuno o walang pagkain at inumin sa loob ng 24-oras ay maaaring magpasiya kung ano ang angkop na pag-aayuno para matulungan silang alalahanin si Jesucristo.
Ang mga miyembro ng Simbahan ay regular na magkasamang nag-aayuno, karaniwan sa unang Sabbath ng bawat buwan. Kusang-loob din silang nagbibigay ng donasyong pera, na tinatawag na handog-ayuno, at hindi bababa sa katumbas ng halaga ng mga pagkain na hindi nila kinain sa kanilang pag-aayuno. Ang kanilang donasyon ay tumutulong sa pagbibigay ng pagkain, pabahay, damit, at iba pang mahahalagang bagay para sa mga nangangailangan. Ang pag-aayuno ay nagdudulot din ng espirituwal na mga pagpapala. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na, “Ang ating pag-aayuno para tulungan ang nagugutom ay pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa at, kapag ginawa nang may dalisay na layunin, ito ay espirituwal na pagpapakabusog.”
Mga bagay na pag-iisipan
-
Mula pa noong unang panahon, ang batas ng pag-aayuno ay nagpala sa mga anak ng Diyos. Basahin ang Isaias 58:6–11 para malaman ang ilan sa mga pagpapalang ito. Pagkatapos ay basahin ang Mateo 25:35–40. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng pag-aayuno at pangangalaga sa mga nangangailangan? Maaari mong mapanalanging pag-isipan ang mga talatang ito sa susunod na mag-ayuno ka o magbigay ng handog-ayuno. Paano ginagawang mas makabuluhan ng pagtutuon kay Jesucristo ang iyong karanasan sa batas ng pag-aayuno?
-
Sa Simbahan, ang fast and testimony meeting ay ginaganap buwan-buwan. Basahin ang Alma 5:45–48 para malaman kung paano mapapalakas ng pag-aayuno ang iyong patotoo kay Jesucristo. Maaari mong rebyuhin ang mga talatang ito bago ang susunod na fast and testimony meeting na dadaluhan mo. Paano makapagbibigay ng higit na layunin sa pag-aayuno mo ang pagpapatotoo mo sa nalalaman, pinaniniwalaan, at nadarama mo tungkol kay Jesucristo? Paano ito makatutulong sa iba na nag-aayuno? Maaari mo ring itala ang mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap mo kapag nakikinig ka sa patotoo ng iba at pagkatapos ay kumilos ayon sa mga ito.
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang pag aayuno ay sagradong pribilehiyo na nagdudulot ng mga himala. Panoorin ang video na “Fast Offerings: Are We Not All Beggars” (2:31), at pag-usapan kung paano tayo tinutulungan ng batas ng pag-aayuno na pangalagaan at mahalin ang iba tulad ng gagawin ni Jesus. Maaari mo ring basahin o kantahin ang himnong “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami” nang magkakasama. Pag-usapan kung paano naging bukas-palad ang Panginoon sa inyo nang ipamuhay ninyo ang batas ng ayuno. Gumawa ng listahan o magdrowing ng mga himalang naranasan ninyo, at talakayin kung paano pinagpapala ng mga ito ang inyong buhay.
-
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Marami pang magagawa ang inyong handog-ayuno bukod sa pagbibigay ng pagkain at kasuotan. Pagagalingin at babaguhin nito ang mga puso.” Sama-sama ninyong rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Eyring na “Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?” Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi kung paano pinagaling at binago ng pagbibigay o pagtanggap ng mga handog-ayuno ang inyong puso. Paano nadagdagan ng mga karanasang ito ang pagmamahal ninyo sa mga anak ng Diyos? Paano nakatulong ang mga ito sa inyo na madama ang pagmamahal ng Panginoon para sa inyo?
Alamin ang iba pa
-
Dean M. Davies, “Ang Batas ng Ayuno: Isang Personal na Responsibilidad na Pangalagaan ang mga Maralita at Nangangailangan,” Liahona, Nob. 2014, 53–55
-
Carl B. Pratt, “Ang mga Pagpapala ng Wastong Pag-aayuno,” Liahona, Nob. 2004, 47–49
-
Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Pag-aayuno,” Gospel Library
Bahagi 2
Ang Pag-aayuno at Panalangin ay Tumutulong sa Atin na Maghanda para sa mga Pagpapala ng Diyos
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nag-aayuno sa maraming kadahilanan. Ang pag-aayuno ay isang paraan para matulungan ang iba, sambahin ang Diyos, at magpasalamat sa Kanya (tingnan sa Alma 45:1). Maaari rin tayong mag-ayuno para humingi ng personal na paghahayag mula sa Diyos o hilingin sa Kanya na basbasan ang maysakit at naghihirap (tingnan sa Mga Awit 35:13; Alma 5:46). Sa pag-aayuno, magkakaroon tayo ng lakas na labanan ang mga tukso at makatanggap ng kapanatagan sa panahon ng mga pagsubok (tingnan sa Mateo 4:2–4; Alma 30:1–2). Bukod pa rito, tinutulungan tayo ng pag-aayuno na maging mas mapagpakumbaba, dahil ipinapaalala nito sa atin ang lubos nating pagdepende sa Diyos (tingnan sa Mga Awit 35:13).
Magkasama ang pag-aayuno at panalangin. Ang pag-aayuno ay maaaring magdagdag ng elemento ng sinseridad at katapatan sa ating mga panalangin, at ang panalangin ay nag-aangat sa ating pag-aayuno mula sa paglaktaw lamang sa pagkain tungo sa pagkakaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kung magkasama, ang pag-aayuno at panalangin ay may malaking epekto sa ating pagpapakumbaba at pananampalataya kay Cristo (tingnan sa Helaman 3:35).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Kung minsan ang pag-aayuno ay maaaring mahirap, pero nagdudulot din ito ng maraming espirituwal na pagpapala. Basahin ang Mateo 4:1–4, pati ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng mga talata 1 at 2, para sa halimbawa kung kailan nag-ayuno si Jesucristo. Bakit mahalaga para kay Jesus na makasama ang Diyos sa panahong ito? Isipin kung paano makakatulong sa inyo ang pag-aayuno at panalangin na mapalapit sa Diyos. Paano mo gagawing mas pinahahalagahang bahagi ng iyong pag-aayuno ang panalangin? Kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap mo.
-
Ang pag-aayuno at panalangin ay makatutulong sa iyo na maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Basahin ang Alma 17:1–3, 9. Anong espirituwal na mga pagpapala ang dumating sa mga anak ni Mosias mula sa pag-aayuno at panalangin na nakatulong sa kanila na gawin ang gawain ng Panginoon? Ano ang matututuhan mo mula sa kanilang halimbawa na magagamit mo habang naglilingkod kayo sa mga anak ng Diyos, ginagampanan ang iyong tungkulin, at ibinabahagi ang ebanghelyo?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa kanyang mensaheng “Si Cristo ay Nabuhay na Mag-uli; Ang pananampalataya sa Kanya ay Maglilipat ng mga Bundok,” ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang kuwento tungkol sa mga Banal sa Samoa, Fiji, Tahiti, at Tonga na nag-ayuno at nagdasal para sa isang himala. Basahin ang kuwentong ito, at pagkatapos ay pag-usapan ang tungkol sa mga bundok, o hamon, sa sarili ninyong buhay (tingnan sa Mateo 17:14–21). Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga salita ni Pangulong Nelson tungkol sa mga paraan na maihahatid ng pag-aayuno at panalangin ang kapangyarihan ng Panginoon sa inyong buhay? Maaari ninyong talakayin ang inyong mga iniisip pagkatapos tingnan ang mga larawan ng mga bundok o magkasamang maglakad-lakad. Maaari din ninyong pag-usapan ang mga pagpapala at pagkakataong natanggap ninyo nang mag-ayuno at manalangin kayo nang may pananampalataya.
-
Ang pag aayuno ay karaniwang hindi pagkain o pag-inom, pero maaari rin tayong makibahagi sa iba’t ibang uri ng pag-aayuno. Sa sesyon ng kababaihan ng pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018, ipinayo ni Pangulong Nelson na: “Inaanyayahan ko kayong makibahagi sa 10 araw na pag-aayuno mula sa social media at sa anumang media na nagdudulot ng negatibo at maruming kaisipan. Ipagdasal na malaman kung aling mga impluwensya ang aalisin habang hindi kayo gumagamit nito. Mabibigla kayo sa epekto ng 10-araw na hindi ninyo paggamit ng social media. Ano ang napansin ninyo matapos tumigil sa pagtingin sa mga pananaw ng mundo na matagal nang sumusugat sa inyong kaluluwa? May nabago ba sa kung saan ninyo gustong gugulin ngayon ang inyong panahon at lakas? Nagbago ba ang anuman sa inyong mga priyoridad—kahit bahagya lang? Hinihimok ko kayong itala at isagawa ang bawat impresyong natanggap ninyo.” Bilang grupo, pag-usapan ang ilang bagay na maaari ninyong ipag-ayuno na maaaring pumipigil sa inyo na maging mas malapit sa Diyos. Pagkatapos ay tanggapin ang hamon ni Pangulong Nelson. Pagkatapos ng inyong pag-aayuno, talakayin kung paano ginabayan ng panalangin ang inyong karanasan at kung paano kayo pinagpala sa pag-aayuno sa ganitong paraan.
Alamin ang iba pa
-
Nehemias 1; Mga Gawa 10:30–33; 13:3; Mosias 27:22; Alma 17:3; 3 Nephi 27:1–2; Doktrina at mga Tipan 59:13–14
-
James B. Martino, “Bumaling sa Kanya at Darating ang mga Sagot,” Liahona, Nob. 2015, 58–60
-
“The Hope of God’s Light” (video), Gospel Library