“Pagbabalik-loob,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Buod
Pagbabalik-loob
Kasama sa pagbabalik-loob ang pagbabago ng ugali, ngunit hindi lamang ugali; ito ay pagbabago ng mismong likas na pagkatao natin. Dahil napakalaking pagbabago nito, tinawag ito ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta na isang muling pagsilang, isang pagbabago ng puso, at isang pagbibinyag sa apoy. Sabi ng Panginoon:
“Huwag manggilalas na ang buong sangkatauhan, oo, kalalakihan at kababaihan, lahat ng bansa, lahi, wika at tao, ay kinakailangang isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae;
“At sa gayon sila ay naging mga bagong nilikha; at maliban kung kanilang gagawin ito, hindi nila mamamana sa anumang paraan ang kaharian ng Diyos.”
Ang pagbabalik-loob ay isang proseso, hindi isang pangyayari. Ang pagbabalik-loob ay dumarating dahil sa mga matwid na pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas. Kasama sa mga pagsisikap na ito ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi sa kasalanan, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas sa pananampalataya.
Bagama’t mahimala at nagpapabago ng buhay ang pagbabalik-loob, ito ay isang tahimik na himala. Hindi nagpapabalik-loob ang mga pagbisita ng mga anghel at iba pang kagila-gilalas na pangyayari. Kahit si Alma, na nakakita ng isang anghel, ay nagbalik-loob lamang noong siya ay “nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw” para sa isang patotoo tungkol sa katotohanan. At itinuro ni Pablo, na nakakita sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, na “walang makapagsasabi[ng], ‘Si Jesus ay Panginoon,’ maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”
Ang Aklat ni Mormon ay naglalarawan ng mga taong nagbalik-loob sa Panginoon:
Hangad nilang gumawa ng mabuti. Ipinahayag ng mga tao ni Haring Benjamin, “[Ang] Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan [ay] gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.” Nagsalita si Alma tungkol sa mga taong “hindi makatitingin sa kasalanan maliban nang may kapootan.”
Hindi sila naghihimagsik laban sa Panginoon. Ikinuwento ni Mormon ang tungkol sa isang grupo ng mga Lamanita na naging masasama at uhaw sa dugo ngunit “nagbalik-loob sa Panginoon.” Binago ng mga taong ito ang kanilang pangalan at ginawa itong mga Anti-Nephi-Lehi at “sila ay naging mabubuting tao; ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos, ni ang labanan ang sino man sa kanilang mga kapatid.”
Ibinabahagi nila ang ebanghelyo. Inilaan ni Enos, ng Nakatatandang Alma, ng Nakababatang Alma, ng mga anak nina Mosias, Amulek, at Zisrom ang kanilang mga sarili sa pangangaral ng ebanghelyo matapos silang magbalik-loob sa Panginoon.
Puspos sila ng pagmamahal. Nang bisitahin ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang mga tao sa mga lupain ng Amerika, “ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain, kapwa ang mga Nephita at Lamanita, at hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa. …
“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.
“At walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan, ni pagpapatutot, ni pagsisinungaling, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.
“Walang mga tulisan, ni mamamatay-tao, ni nagkaroon ng mga Lamanita, ni anumang uri ng mga ‘ita’; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.”