“Panguluhang Diyos,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Buod
Panguluhang Diyos
Nakasaad sa unang saligan ng pananampalataya ng Simbahan, “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.” Ang tatlong nilalang na ito ang bumubuo sa Panguluhang Diyos. Sila ang namamahala sa daigdig na ito at sa lahat ng iba pang nilikha ng ating Ama sa Langit.
Ang pananaw ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay umaayon sa ilang pananaw ng ibang Kristiyano, pero may mahahalagang pagkakaiba. Nananalangin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Diyos Ama sa pangalan ni Jesucristo. Kinikilala nila ang Ama bilang pangunahing tuon ng kanilang pagsamba, ang Anak bilang Panginoon at Manunubos, at ang Banal na Espiritu bilang sugo at tagapaghayag ng Ama at ng Anak. Ngunit ang kaibhan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa ibang relihiyong Kristiyano ay nasa paniniwala nila na ang Diyos at si Jesucristo ay mga nilalang na may niluwalhating katawan at na ang bawat miyembro ng Panguluhang Diyos ay magkakahiwalay na nilalang.
Ang tunay na doktrina ng Panguluhang Diyos ay nawala sa panahon ng apostasiya na nangyari pagkatapos ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas at ng pagkamatay ng Kanyang mga Apostol. Ang doktrinang ito ay nagsimulang ipanumbalik nang matanggap ng 14 na taong gulang na si Joseph Smith ang kanyang Unang Pangitain. Mula sa salaysay ng Propeta tungkol sa Unang Pangitain at mula sa iba pa niyang mga turo, alam natin na tatlong magkakahiwalay na nilalang ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos. Ang Ama at ang Anak ay may mga niluwalhating katawan na may laman at mga buto, at ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.
Bagama’t ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay magkakahiwalay na nilalang na may iba’t ibang ginagampanang tungkulin, iisa sila sa layunin at doktrina. Sila ay ganap na nagkakaisa sa pagsasakatuparan ng banal na plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.