“Mga Templo,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Mga Templo
Pinagpapala tayo kapag sumasamba tayo sa bahay ng Panginoon
Isipin ang pinakamaganda at pinakapayapang lugar na napuntahan mo na. Ano ang nagustuhan mo sa mga ito? Ano ang naiparamdam nito sa iyo? Kapag nakakabisita o nakakapasok tayo sa templo ng Panginoon, makadarama rin tayo ng kapayapaan. Pero hindi iyan ang pangunahing dahilan kung bakit mahalaga ang mga ito sa atin. Ang mga templo ay hindi katulad ng ibang lugar sa mundo dahil bahay ito ng Panginoon. Sa loob ng templo maaari tayong makipagtipan sa Diyos upang mas mapalapit tayo sa Kanya at maghanda para sa buhay na walang hanggan.
Sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Mahal at mahalaga sa atin ang inilaan nating mga templo at ang mahahalaga at nagpapadakilang mga ordenansang isinasagawa roon. Nagpapasalamat tayo sa langit na mas marami pang [templo ang] itinatayo na nagbibigay sa bawat isa sa atin ng mas malaking pagkakataong pumasok sa mga ito. Ang mga templo ng Panginoon ay tunay na pinakabanal, pinakasagradong mga istruktura sa kaharian ng Diyos.”
Ano ang mga Templo?
Ang templo ay literal na bahay ng Panginoon. Sa mga banal na gusaling ito, ang mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay nakikibahagi sa mga sagradong ordenansa at nakikipagtipan sa Panginoon. Halimbawa, ang ordenansa ng pagbubuklod ay magbibigay-daan na makasama natin ang ating pamilya sa kawalang-hanggan kung tutupad tayo sa ating mga tipan. Matatanggap din natin sa mga templo ang mga ordenansa sa ngalan ng mga ninuno natin na namatay na. Binibisita ng Panginoon ang Kanyang mga templo, at kabilang ang mga ito sa pinakabanal na lugar sa mundo.
Buod ng paksa: Mga Templo
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Tipan at Mga Ordenansa, Endowment and Sealing Ordinances [Mga Ordenansa na Endowment at Pagbubuklod], Pakikibahagi sa Gawain sa Templo at Family History, Mga Ordenansa para sa mga Patay
Bahagi 1
Inutusan ng Diyos ang Kanyang mga Tao na Magtayo ng mga Templo
Laging inuutusan ng Diyos ang Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo. Ang mga templo ng Simbahan ngayon ay maraming pagkakatulad sa mga templo sa sinaunang banal na kasulatan at matatagpuan sa maraming bansa sa buong mundo. Iba ang mga ito sa mga meetinghouse ng Simbahan, dahil mga lugar ito kung saan tayo gumagawa ng mga natatanging tipan at nakikibahagi sa mga sagradong ordenansa. Sa loob ng mga banal na templo, makapagsasagawa rin ang mga miyembro ng Simbahan ng mga ordenansa sa pamamagitan ng proxy para sa kanilang mga ninunong patay na at iba pang mga indibiduwal na hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang mga ito sa buhay na ito. Nasa mga patay na ang pagtanggap sa mga ordenansang ito at tumanggap ng kaligtasan at kadakilaan.
Lahat ng bagay sa loob ng bahay ng Panginoon ay nagtuturo sa atin tungkol sa Ama sa Langit, sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Ang mga templo ay mga lugar kung saan maaari tayong maging malapit sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak. Mga sagradong lugar ang mga ito na inilaan para sa pagsamba at pagtuturo. Sa templo, madarama natin ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang pagmamahal.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang Kirtland Temple ang unang templong itinayo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maraming sakripisyo ang kinailangan para dito, gayunman, pinangakuan din ang mga Banal ng maraming pagpapala sa paggawa ng mga sakripisyong iyon. Basahin ang tungkol sa mga pangakong ito sa Doktrina at mga Tipan 97:8–16. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang ilan sa mga espirituwal na karanasan ng mga Banal sa Kirtland Temple sa Doktrina at mga Tipan 110 at sa kabanata 21 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 266–80. Paano mo nadama na naroon ang Panginoon sa Kanyang banal na bahay? Ano pang mga pagpapala ang natanggap mo dahil naitayo na ang mga templo sa ating panahon? Mapagninilayan mo rin ang mga sakripisyong magagawa mo para makatanggap ng mga pagpapala mula sa Panginoon sa loob ng Kanyang bahay.
-
Bagama’t walang dalawang templo ang eksaktong magkatulad, bawat templo ay may parehong mahahalagang silid para sa pagtanggap ng tagubilin, pakikibahagi sa mga sagradong ordenansa, at pakikipagtipan. Maaari kang matuto nang higit pa tungkol sa layunin ng mga silid na ito sa pagbabasa ng maikling artikulo na “Inside Temples” (ChurchofJesusChrist.org). Ano ang natutuhan mo sa artikulong nanghihikayat sa iyo na sumamba sa templo o gawin ito nang mas madalas?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kung kaya ninyo, sama-sama kayong magpunta sa kalapit na templo. Magagawa ninyong maglakad nang tahimik sa paligid ng bakuran ng templo. O maaari kayong tumingin sa mga larawan ng mga templo. Habang ginagawa ninyo ito, basahin o kantahin nang mahina ang mga titik ng awit sa “Templo’y Ibig Makita.” Pagkatapos ay ibahagi sa isa’t isa ang anumang naiisip o nadarama ninyo tungkol sa templo. Maaari ninyong talakayin bilang isang grupo ang inyong palagay kung bakit inuutusan tayo ng Panginoon na magtayo ng mga templo sa ating panahon. Sa anong mga paraan pinagpapala ang mga tao, pamilya, at komunidad sa pagtatayo ng mas maraming templo?
Alamin ang iba pa
-
Exodo 26–27; 40; 2 Cronica 5; 2 Nephi 5:16; Doktrina at mga Tipan 88:119; 95:8–17; 124:38–42
-
“Why Latter-day Saints Build Temples,” ChurchofJesusChrist.org
-
“Welcome to the House of the Lord” (video), youtube.com
-
Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Pagtatayo ng Templo,” Gospel Library
-
Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Paglalaan ng Templo at mga Panalangin Nito,” Gospel Library
Bahagi 2
May Espirituwal na Kapangyarihan at Patnubay Tayong Makakamit sa Bahay ng Panginoon
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang templo ay isang lugar ng paghahayag. Doon ay ipinapakita sa inyo kung paano sumulong tungo sa selestiyal na buhay. Doon ay mas napapalapit kayo sa Tagapagligtas at mas nakahuhugot ng lakas sa Kanyang kapangyarihan. Doon ay ginagabayan kayo sa paglutas ng mga problema sa buhay, maging ang mga labis na nakababagabag sa inyo.” Sa templo, makatatagpo ka ng espirituwal na tulong at kapangyarihan. Makatatagpo ka ng kapanatagan at lakas na magpatuloy sa panahon ng mga hamon at pagsubok.
Mapapalakas mo ang iyong kakayahang tumanggap ng espirituwal na tulong at patnubay sa bahay ng Panginoon habang inihahanda mo ang iyong sarili at naghahangad na magkaroon ng “malilinis na kamay, at pusong dalisay” (Mga Awit 24:4). Sa mapayapa, sagrado, at inilaang espasyong ito, kadalasan ay mas madaling madama na malapit sa Kanya at marinig ang mga pahiwatig ng Kanyang Espiritu.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Marahil may mahalagang tanong ka o mahirap na pagsubok. Naisip mo bang maglaan ng oras sa templo para humingi ng patnubay sa Panginoon? Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo na magkaroon ng kalinawan tungkol sa iyong tanong o pagsubok. Kung wala kang temple recommend, maaari kang maglakad-lakad sa bakuran ng templo at mag-ukol ng ilang oras sa panalangin at pagninilay roon. Itala ang anumang pahiwatig na natatanggap mo.
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Mahal kong mga kapatid, nawa’y mas lalo pa kayong magtuon sa templo sa mga paraang hindi pa ninyo nagagawa. Binabasbasan ko kayong maging mas malapit sa Diyos at kay Jesucristo araw-araw.” Para maunawaan ang ibig sabihin ng magtuon sa templo, maaari ninyong pag-usapan ang mga instrumentong tumutulong sa atin na ituon ang ating paningin. Maaari kayong magsalitan sa pagtingin sa salamin sa mata, binoculars, o teleskopyo (o tingnan ang larawan ng isa sa mga item na ito). Pagkatapos ay pag-usapan kung paano ninyo madaragdagan ang inyong pagtuon sa templo sa mga paraang hindi pa ninyo nagawa dati. Maaari din ninyong pagnilayan at itala ang mga pagpapalang natatanggap ninyo habang nakatuon kayo sa templo sa susunod na ilang buwan.
Alamin ang iba pa
-
Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 93–96
-
Dale G. Renlund, “Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2023, 35–37
Bahagi 3
Inaanyayahan ng Panginoon ang Lahat na Pumunta sa Templo
Nais ng Panginoon na pumunta ang lahat sa Kanyang banal na bahay at makipagtipan sa Kanya. Pero nais din Niyang maghanda muna tayo. Alam Niya na ang pakikipagtipan sa Kanya nang hindi pa tayo handa ay talagang maglilimita sa kakayahan nating matamasa ang mga pagpapala ng templo. Kaya nagtatakda Siya ng mga pamantayan ng espirituwal na kahandaan sa pagpasok sa templo—mga pamantayan na inaanyayahan Niyang ipamuhay ng lahat upang matanggap ng lahat ang Kanyang mga pagpapala.
Para makapasok sa templo, kailangan mo ng temple recommend, na matatanggap mo pagkatapos ng interbyu ng mga lider mo sa priesthood. Tutulungan ka ng kanilang inspiradong patnubay kung paano ka maghahandang tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Ang temple recommend mo ay pisikal na tanda ng iyong personal na paghahanda sa pagpasok sa bahay ng Panginoon. Ito ay tanda na nagsisikap kang sundin ang mga utos ng Diyos. Ibig sabihin nito, ikaw, ang Panginoon, at ang Kanyang mga kinatawan ay “inirerekomenda” ka para makapasok sa bahay ng Panginoon.
Pagkatapos kapag natanggap mo na ang endowment at iba pang mga ordenansa sa loob ng templo, huwag kang titigil doon! Maghandang bumalik sa bahay ng Panginoon at matuto nang higit pa. Itinuro ni Sister Silvia H. Allred, “Tumatanggap tayong lahat ng [iisang] tagubilin, ngunit ang pag-unawa natin sa kahulugan ng mga ordenansa at tipan ay mag-iibayo kapag dadalasan natin ang pagbalik sa templo nang may pagnanais na matuto at magnilay-nilay sa itinuturong mga walang hanggang katotohanan.”
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isipin ang isang mahalagang bagay na kailangan mong paghandaan, tulad ng pagsusulit sa paaralan, job interview, o lesson sa simbahan. Paano ka naghanda? Ano kaya ang nangyari kung hindi ka naghanda? Pagkatapos ay pagnilayan kung bakit kailangan nating maghanda sa pagpasok sa bahay ng Panginoon. Maaari mong basahin ang Exodo 40:7–15 at isipin ang ginawa ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki para maghanda sa pagpasok sa tabernakulo. Maaari mo ring basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:15–16 at pagnilayan kung ano ang ibig sabihin para sa iyo na maging dalisay ang puso. Isipin kung may mga paraan na mapagsisikapan mong maging mas dalisay ang iyong puso at maging mas espirituwal na handang sumamba sa bahay ng Panginoon.
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Matapos mamatay at Mabuhay na Mag-uli ang Tagapagligtas, binisita Niya ang mga tao sa Amerika. Ang unang lugar na nagpakita Siya ay sa templo sa Masagana. Basahin ang 3 Nephi 11:1–10, at pag-usapan kung bakit, sa inyong palagay, pinili ng Panginoong magpakita sa mga tao kung saan Siya nagpakita. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pagbisitang ito: “Makabuluhan na pinili ng Tagapagligtas na magpakita sa mga tao sa templo. Bahay Niya ito. … Ipinapangako ko na ang mas madalas na pagpunta sa templo ay magpapala sa inyong buhay na hindi matatamo sa ibang paraan.” Pag-usapan kung bakit gusto rin ng Panginoon na magpunta tayo sa templo. Kung nakapunta na kayo sa templo, isipin ang mga pagpapalang natanggap ninyo sa pagpunta roon. Kung walang malapit na templo sa inyo o hindi kayo kasalukuyang sumasamba sa templo dahil sa iba pang mga dahilan, maaari ninyong pag-usapan ang mga paraan na maging bahagi pa rin ang templo ng inyong buhay, tulad ng regular na pagninilay sa mga pagpapalang natatanggap natin mula sa pagsamba sa templo o pag-alaala sa inyong mga tipan sa templo.
-
Matatagpuan ninyo ang mga tanong para sa temple recommend sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022), mga pahina 36–37. Para matulungang maunawaan ng isa’t isa ang mga pamantayan ng Panginoon sa pagpasok sa templo, maaaring pumili ang bawat isa ng mga tanong na pag-aaralan. Magagamit ninyo ang Mga Gabay sa mga Banal na Kasulatan at iba pang mga materyal ng Simbahan para madagdag pa ang nalalaman tungkol sa paksa ng tanong. Itanong sa sarili, Bakit mahalagang bahagi ito ng paghahanda para sa templo? Pagkatapos ay ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan ninyo.
Alamin ang iba pa
-
Mga Awit 122:1; Isaias 2:2–3
-
Ronald A. Rasband, “Rekomendado sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 22–25
-
“Maghanda para sa Bahay ng Panginoon,” ChurchofJesusChrist.org
-
“Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo,” Gospel Library