Library
Mga Ordenansa ng Endowment at Sealing [Pagbubuklod]


“Mga Ordenansa ng Endowment at Sealing [Pagbubuklod],” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

babaeng naglalakad sa harap ng templo

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Mga Ordenansa ng Endowment at Sealing [Pagbubuklod]

Paraan ng pag-akay ng Diyos ang Kanyang mga anak pauwi

Kunwari ikaw ay nasa mahabang paglalakbay. Ang landas ay makitid at kung minsan ay mahirap hanapin, pero alam mo na ikaw ay papunta sa tamang direksyon dahil sa ilang mga pananda sa daan. Habang nararating mo ang bawat isa, mas lumalapit ka sa iyong mithiin. Sa wakas, sa pagtatapos ng iyong paglalakbay, lumingon ka at nakita kung paano nakatulong ang mga marker na iyon na akayin ka papunta sa iyong patutunguhan.

Sa ebanghelyo, ang endowment at mga ordenansa ng pagbubuklod ay parang mga marker sa makitid na landas. Ang mga ito ay kapwa mahalaga sa pagtulong sa iyo sa iyong paglalakbay sa buhay, na mas naglalapit sa iyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Inakay ka ng bawat isa pabalik sa Kanila, tinutulungan kang malampasan ang mga hamong nararanasan mo sa lupa at inihahanda ka para sa walang-hanggang mga pagpapalang nakalaan sa iyo sa kabilang-buhay.

Ano ang mga Ordenansa ng Endowment at Sealing?

Ang mga ordenansa ng endowment at sealing ay mahahalagang bahagi ng landas ng tipan na umaakay sa atin pabalik sa Diyos. Nakikibahagi tayo sa mga ordenansa ng endowment at sealing sa templo. Sa pagtanggap ng mga ordenansang ito, gumagawa tayo ng mga tipan, o mga pangako, sa Diyos. Kung tayo ay tapat sa mga tipang ginagawa natin kaugnay ng mga ordenansang ito, makakatanggap tayo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mga buod ng paksa: Endowment, Pagbubuklod

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Tipan at Ordenansa, Mga Templo, Pakikibahagi sa Gawain sa Templo at Family History

Bahagi 1

Sa Ordenansa ng Endowment, Gumagawa Tayo ng mga Sagradong Tipan sa Diyos

itsura ng loob ng templo

Ang isa sa mga ordenansang tinatanggap natin sa bahay ng Panginoon ay ang endowment. Ang endowment ay isang kaloob mula sa Diyos. Sa sagradong ordenansang ito, o seremonya, nalalaman natin ang tungkol sa plano ng kaligtasan ng Diyos at ang pangunahing papel ng ating Tagapagligtas sa plano na iyan. Nakikipagtipan din tayo sa Diyos. Pinagpapala tayo ng Ama sa Langit sa paggawa at pagtupad sa mga tipang ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng dagdag na access sa Kanyang kapangyarihan. Ang mga tipang ginagawa natin bilang bahagi ng endowment ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong umunlad at magbago. Sa pamamagitan ng mga ito, mas magiging katulad tayo ni Jesucristo at makakaramdam ng kapayapaan, tiwala, at kagalakan.

Matapos nating matanggap ang sarili nating endowment, maaari tayong makibahagi sa ordenansa ng endowment sa ngalan ng iba pang namatay. Sa daigdig ng mga espiritu, maaaring piliin ng mga yumaong iyon na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo gayundin ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila at tumanggap ng kaligtasan at kadakilaan.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa oras ng endowment, nakikipagtipan tayo na ipamumuhay ang limang magkakaibang batas. Basahin ang tungkol sa mga batas na ito sa bahagi 27.2 ng Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (Gospel Library). Kumusta na ang pagsasabuhay ninyo ng mga batas na ito? Ano ang magagawa ninyo upang mas lalo pa itong maipamuhay? Paano ipinapakita ni Jesucristo ang pagsasabuhay sa mga batas na ito? Pag-isipan kung paano makakatulong sa inyo ang pagsasabuhay sa bawat isa sa mga batas na ito na maging mas katulad Niya.

  • Mapalad tayong mabuhay sa panahong itinatayo ang mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Hindi kataka-taka na ang pagbabalita tungkol sa bawat bagong templo ay pinagmumulan ng malaking kagalakan at dahilan para magpasalamat sa Panginoon. Gayunman, ang dapat na pangunahin nating pagtuunan ng pansin ay ang mga tipan at ordenansa na makapagpapabago ng ating mga puso at magpapalalim ng ating katapatan sa Tagapagligtas at hindi lamang [ang] lugar o ganda ng gusali.” Paano kayo naniniwala na mababago ng mga tipan at ordenansa ng endowment ang inyong puso? Paano nito mapapalalim ang inyong katapatan sa Tagapagligtas? Pag-isipan kung paano makakatulong ang pagtutuon sa mga tipan at ordenansa ng endowment sa ganitong paraan para maihanda kayo sa kadakilaan.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sa kanyang mensaheng “Bakit Kailangan ang Landas ng Tipan,” inihambing ni Elder D. Todd Christofferson ang pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pag-iwas sa “mga hindi sapilitang pagkakamali” sa tennis. Basahin ang paghahambing na ito sa kanyang mensahe, at talakayin kung anong “mga hindi sapilitang pagkakamali” ang iniiwasan natin sa pagtupad sa limang tipan na ginagawa natin sa oras ng endowment (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 27.2). Maaari din kayong manood ng video ng tennis match o kaya ay maglaro ng tennis para makita kung ano ang hitsura ng mga hindi sapilitang pagkakamali. Pagkatapos ay talakayin ang iba pang mga pagpapala ng pagtupad sa mga tipan na ibinahagi ni Elder Christofferson sa kanyang mensahe. Paano pinatitibay ng mga pagpapalang ito ang hangarin ninyong lumakad sa landas ng tipan at tumanggap ng kaloob na endowment o tuparin ang mga tipang ginawa na ninyo sa templo?

  • Bahagi ng endowment ang pagsusuot ng sagradong kasuotan kapag tayo ay nakikipagtipan at tumatanggap ng mga ordenansa. Isiping talakayin ang ilang halimbawa ng iba pang mga okasyon kung kailan tayo nagsusuot ng espesyal na kasuotan at kung bakit mahalaga ang kasuotang iyon sa karanasan. Pagkatapos ay maaari ninyong panoorin ang video na “Sacred Temple Cloting” (4:12), na nagpapaliwanag kung ano ang inilalarawan ng kasuotan sa templo at kung bakit ang mga endowed member ay nagsusuot ng mga temple garment sa ilalim ng kanilang damit araw-araw. Pag-usapan kung paano tayo tinutulungan ng sagradong kasuotan na ipahayag ang damdamin ng katapatan sa Diyos at tinutulungan tayong mapalapit sa Kanya. Maaari din ninyong rebyuhin ang mensahe ni Sister J. Anette Dennis na “Ibihis Ninyo ang Panginoong Jesucristo” para malaman pa ang tungkol sa temple garment. O maaari ninyong sama-samang pag-aralan ang “Mga Templo” sa ChurchofJesusChrist.org para makahanap ng mas maraming makatutulong na resources tungkol sa mga templo, kabilang na ang mga nagpapakita sa inyo ng nasa loob ng bahay ng Panginoon. Paano ninyo magagamit ang resources na ito para matulungan ang iba na maaaring may mga tanong tungkol sa templo at sa kasuotan sa templo?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Ordenansa ng Pagbubuklod ay Nagbibigkis sa Atin sa Pamilya ng Diyos at sa Ating mga Pamilya sa Lupa Magpakailanman

Maraming-henerasyon na pamilyang nasa templo

Ang ilan sa pinakamalalaking pagpapala ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay available sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod. Sa ordenansang ito, ang isang lalaki at isang babae ay pumapasok sa bago at sa walang hanggang tipan ng kasal kapag gumagawa sila ng mga sagradong tipan sa isa’t isa at sa Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4). Kung tapat ang mag-asawa sa kanilang mga tipan, maaari silang mabigkis sa pamilya ng Diyos at sa kanilang pamilya sa lupa sa kawalang-hanggan. Ipinapangako rin sa kanila ang kagila-gilalas na mga pagpapala sa buhay na darating.

Ang mga pagbubuklod ay maaaring isagawa para sa mga namatay upang sila rin ay makatanggap ng mga walang-hanggang pagpapala at makasama magpakailanman ang kanilang pamilya at ang pamilya ng Diyos. Tulad ng lahat ng iba pang mga ordenansa ng priesthood, ang ordenansa ng pagbubuklod ay naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at makapagdudulot sa atin ng kapayapaan at layunin sa buhay na ito.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Nang ibigay ni Jesucristo kay Apostol Pedro ang “mga susi ng kaharian ng langit,” binigyan Niya sila noon ng kapangyarihang magbuklod—ang kapangyarihang magbigay ng mga pagpapala sa lupa na magpapatuloy sa langit (tingnan sa Mateo 16:19). Basahin ang Doktrina at mga Tipan 110:13–16; 132:7, 45–46 para malaman kung paano ipinanumbalik ang mga susi na ito kay Propetang Joseph Smith sa mga huling araw. Ang mga susi na ito ay hawak ngayon ng ating kasalukuyang propeta, at pinagkakaisa nito ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Subalit ang kapangyarihang magbuklod ay “tila isang napakapangahas na doktrina” (Doktrina at mga Tipan 128:9). Bakit kaya tila ganoon? Paano nagdudulot sa inyo ng pag-asa na malaman na ang mga ugnayan ng pamilya na ibinuklod sa lupa ay ibinuklod din sa langit?

  • Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang tipan sa kasal na ginawa sa templo ay direktang nakatali sa tipan ni Abraham. Sa templo, ipinababatid sa mag-asawa ang lahat ng mga pagpapalang nakalaan para sa matatapat na inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob.” Basahin ang ilan sa mga pagpapalang ito sa Doktrina at mga Tipan 76:50–60; 132:19. Paano kayo magiging “matwid at totoo” (Doktrina at mga Tipan 76:53) sa inyong mga tipan sa Diyos upang matanggap ninyo at ng inyong mga mahal sa buhay ang Kanyang mga pinakamagandang pangako? Isulat ang anumang mga impresyon na natanggap ninyo, at pagkatapos ay kumilos ayon sa mga ito.

  • Ang ordenansa ng pagbubuklod ay natatanggap sa banal na altar sa loob ng templo. Ano sa palagay ninyo ang maaaring katawanin ng isang altar? Ang mga banal na kasulatan na ito ang gagabay sa inyong iniisip: Genesis 8:20; 26:23–25; 1 Nephi 2:7; Moises 5:5–9. Ano ang ipinahihiwatig sa inyo ng simbolismo ng altar tungkol sa ordenansa ng pagbubuklod at mga ugnayan ng pamilya?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ayon sa kaugalian, ang mga seal ay ginagamit para sa mga legal na dokumento, diploma, o mahahalagang liham upang ipakita na lehitimo ang mga ito. Marahil ay maaari ninyong tingnan ang mga larawan ng ilan sa iba’t ibang uri ng mga seal o tatak na ito o gumawa ng sarili ninyong seal o tatak. Pagkatapos ay sama-samang rebyuhin ang mensaheng “Ang Kapangyarihang Magbuklod” ni Elder D. Todd Christofferson. Ano ang mga pagkakaiba ng seal sa lupa at ng kapangyarihan ng Diyos na magbuklod? Anong mga pagpapala ang makukuha sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihang magbuklod? Kung natanggap na ninyo ang ordenansa ng pagbubuklod sa bahay ng Panginoon para sa inyong sarili o para sa isang ninuno, isiping ibahagi ang inyong karanasan. Paano ninyo nalaman na kinikilala ng Panginoon ang inyong ordenansa sa pagbubuklod bilang “lehitimo” o may bisa?

  • Kung minsan, ang mahirap o hindi malusog na sitwasyon ng pamilya ang dahilan kung bakit tila ayaw nating makasama ang ating pamilya sa kawalang-hanggan. O marahil hindi tinupad ng isang kapamilya ang kanyang mga tipan sa kasal, kaya nagdududa tayo kung magtatagal nga ba ang ating pamilya magpakailanman. Sa gayong mga sitwasyon, itinuro ni Elder David A. Bednar: “Sa inyo na nakaranas ng sakit ng diborsyo sa inyong pamilya o nakadama ng pagdurusa ng nasirang tiwala, alalahanin sana na nagsisimula itong muli sa inyo! Maaaring naputol ang isang dugtong sa kawing ng inyong mga henerasyon, ngunit ang iba pang matitibay na dugtong at ang natitira sa kawing ay walang hanggan din ang kahalagahan. Maaari mong mapatibay ang iyong kawing at marahil ay maibalik pa ang naputol na mga dugtong. Magagawa iyan nang paisa-isa.” Sabay-sabay na basahin ang mga salita ni Elder Bednar at gumawa ng kadenang papel. Pagkatapos ay maaari ninyong isulat sa isa sa mga link ang isang bagay na gagawin ninyo para maging matatag na kawing sa inyong pamilya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na magbuklod.

Alamin ang iba pa