Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 68


Bahagi 68

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, Nobyembre 1831, sa pakiusap nina Orson Hyde, Luke S. Johnson, Lyman E. Johnson, at William E. McLellin (History of the Church, 1:227–229). Kahit na ang paghahayag na ito ay ibinigay bilang tugon sa pagsusumamo na ang kaisipan ng Panginoon ay ipaalam hinggil sa mga nabanggit na elder, marami sa mga nilalaman ang tumutukoy sa buong Simbahan.

1–5, Ang mga salita ng mga elder kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay banal na kasulatan; 6–12, Ang mga elder ay mangangaral at magbibinyag, at mga tanda ay susunod sa mga tunay na naniniwala; 13–24, Ang panganay sa mga anak na lalaki ni Aaron ay maaaring maglingkod bilang Namumunong Obispo (iyon ay, hawakan ang mga susi ng panguluhan bilang isang obispo) sa ilalim ng tagubilin ng Unang Panguluhan; 25–28, Ang mga magulang ay inutusang ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak; 29–35, Ang mga Banal ay kailangang sundin ang Sabbath, masikap na gumawa, at manalangin.

1 Ang aking tagapaglingkod, si Orson Hyde, ay tinawag sa pamamagitan ng kanyang ordinasyon na ipahayag ang walang hanggang ebanghelyo, sa pamamagitan ng Espiritu ng buhay na Diyos, nang tao sa tao, at nang lupain sa lupain, sa mga kongregasyon ng masasama, sa kanilang mga sinagoga, tinatalakay at ipinaliliwanag ang lahat ng banal na kasulatan sa kanila.

2 At, masdan, at narito, ito ay isang halimbawa sa lahat ng yaong naorden sa pagkasaserdoteng ito, kung kaninong misyon ay itinakda sa kanila na humayo—

3 At ito ang halimbawa sa kanila, na sila ay mangungusap habang sila ay pinakikilos ng Espiritu Santo.

4 At anuman ang kanilang sasabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan, ang magiging kalooban ng Panginoon, ang magiging kaisipan ng Panginoon, ang magiging salita ng Panginoon, ang magiging tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.

5 Masdan, ito ang pangako ng Panginoon sa inyo, O kayo na aking mga tagapaglingkod.

6 Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo; at magpapatotoo kayo sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos, na ako ang noon, na ako ang ngayon, at na ako ay paparito.

7 Ito ang salita ng Panginoon sa iyo, aking tagapaglingkod na Orson Hyde, at gayon din sa aking tagapaglingkod na si Luke Johnson, at sa aking tagapaglingkod na si Lyman Johnson, at sa aking tagapaglingkod na si William E. McLellin, at sa lahat ng matapat na elder ng aking simbahan—

8 Humayo kayo sa buong sanlibutan, ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal, gumaganap sa karapatan na aking ibinigay sa inyo, nagbibinyag sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

9 At siya na naniniwala at nabinyagan ay maliligtas, at siya na hindi naniniwala ay mapapahamak.

10 At siya na naniniwala ay pagpapalain ng mga kalakip na tanda, maging tulad ng nasusulat.

11 At sa inyo ay ipagkakaloob na malaman ang mga tanda ng panahon, at ang mga tanda ng pagparito ng Anak ng Tao;

12 At kasindami ng patototohanan ng Ama, sa inyo ay ipagkakaloob ang kapangyarihang ibuklod ang mga ito hanggang sa buhay na walang hanggan. Amen.

13 At ngayon, hinggil sa mga bagay na karagdagan sa mga tipan at kautusan, ito ang mga yaon—

14 May matitira pagkaraan nito, sa takdang panahon ng Panginoon, na ibang mga obispo na itatalaga sa simbahan, upang mangasiwa maging alinsunod sa una;

15 Kaya nga sila ay magiging matataas na saserdote na mga karapat-dapat, at sila ay itatalaga ng Unang Panguluhan ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, maliban sa sila ay mga literal na inapo ni Aaron.

16 At kung sila ay mga literal na inapo ni Aaron sila ay may legal na karapatan sa obispado, kung sila ay mga panganay sa mga anak na lalaki ni Aaron;

17 Sapagkat ang mga panganay ang may karapatan sa panguluhan ng pagkasaserdoteng ito, at ang mga susi o karapatan nito.

18 Walang sinumang tao ang may legal na karapatan sa katungkulang ito, na hawakan ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito, maliban sa siya ay literal na inapo at ang panganay ni Aaron.

19 Subalit, bilang mataas na saserdote ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay may kapangyarihang gampanan ang lahat ng nakabababang katungkulan maaari niyang gampanan ang katungkulan ng obispo kung walang literal na inapo ni Aaron ang matatagpuan, kung siya ay tinawag at itinalaga at inordenan sa kapangyarihang ito, sa ilalim ng mga kamay ng Unang Panguluhan ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.

20 At ang literal na inapo ni Aaron, din, ay kailangang tawagin ng Panguluhang ito, at natagpuang karapat-dapat, at hinirang, at inordenan sa ilalim ng mga kamay ng Panguluhang ito, kung hindi sila ay hindi legal na may karapatan na gumanap sa kanilang pagkasaserdote.

21 Subalit, sa bisa ng batas hinggil sa kanilang karapatan sa pagkasaserdote magmula sa ama hanggang sa anak na lalaki, maaari nilang maangkin ang pagkakahirang sa kanila kung sa anumang oras ay mapatutunayan nila ang kanilang angkan, o matitiyak ito sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Panginoon sa ilalim ng mga kamay ng mga nabanggit na Panguluhan.

22 At muli, walang obispo o mataas na saserdote na itatalaga sa ministeryong ito ang lilitisin o uusigin sa anumang krimen, maliban sa ito ay sa harapan ng Unang Panguluhan ng simbahan;

23 At yayamang siya ay natagpuang may kasalanan sa harapan ng Panguluhang ito, sa pamamagitan ng patotoo na hindi mapabubulaanan, siya ay parurusahan;

24 At kung siya ay magsisisi siya ay patatawarin, alinsunod sa mga tipan at kautusan ng simbahan.

25 At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.

26 Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag.

27 At ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang pagpapatong ng kamay.

28 At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.

29 At ang mga naninirahan sa Sion ay susundin din ang araw ng Sabbath upang panatilihin itong banal.

30 At ang mga naninirahan sa Sion ay aalalahanin din ang kanilang mga gawain, yayamang sila ay itinalagang gumawa, nang buong katapatan; sapagkat ang mga tamad ay naaalaala ng Panginoon.

31 Ngayon, ako, ang Panginoon, ay hindi lubos na nalulugod sa mga naninirahan sa Sion, sapagkat may mga tamad sa kanila; at ang kanilang mga anak ay lumalaki rin sa kasamaan; hindi rin nila hinahanap nang may pagsusumigasig ang mga yaman ng kawalang-hanggan, sa halip ang kanilang mga mata ay puno ng kasakiman.

32 Ang mga bagay na ito ay hindi nararapat, at kinakailangang mahinto mula sa kanila; kaya nga, ang aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery ay dadalhin ang mga salitang ito sa lupain ng Sion.

33 At isang kautusan ang ibinibigay ko sa kanila—na siya na hindi tumutupad sa kanyang mga panalangin sa harapan ng Panginoon sa panahong yaon, siya ay pananatilihin sa alaala sa harapan ng hukom ng aking mga tao.

34 Ang mga salitang ito ay tunay at tapat; kaya nga, huwag labagin ang mga ito, ni magbawas mula rito.

35 Masdan, ako ang Alpha at Omega, at ako ay madaling paparito. Amen.