Library
Kapatawaran, Pagpapatawad


“Kapatawaran, Pagpapatawad,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

babaeng nagdarasal

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Kapatawaran, Pagpapatawad

Magtamo ng pag-asa at paggaling sa pamamagitan ni Jesucristo

Ang pagsisisi ay kaloob ng Diyos sa atin. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, makatatanggap tayo ng kapatawaran kapag nagsisi tayo. Kung minsan, hirap na hirap tayong humingi ng kapatawaran sa mga bagay na pinagsisisihan natin. Ngunit kapag tinatalikuran natin ang ating mga kasalanan at nakakaranas ng pagbabago ng puso sa pamamagitan ng nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo, nakasusumpong tayo ng pagpapagaling, kapayapaan, at panibagong kagalakan.

Sa buhay na ito, natututo rin tayong magpatawad sa mga taong maaaring nakasakit o nagkasala sa atin. Ang pagpapatawad sa iba ay maaaring mahirap, lalo na kapag nasaktan tayo nang labis ng isang tao. Ngunit sa pagsunod sa utos ng Panginoon na magpatawad at sa pagsalig kay Jesucristo, makasusumpong tayo ng kaginhawaan mula sa sakit at magkakaroon ng pag-asa para sa hinaharap. Ang pagpapatawad sa iba ay tumutulong din sa atin na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo upang mas handa tayong tumanggap ng buhay na walang hanggan at makasamang muli ang ating Ama sa Langit.

Ano ang Pagpapatawad?

Ang tumanggap ng kapatawaran ay ganap na pagpapawalang-sala sa ating mga kasalanan at pagkakamali—malaki man o maliit. Naging posible ito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan, muli tayong magiging malinis kapag taos-puso tayong nagsisisi at sumasampalataya sa kakayahan ng Tagapagligtas na pagalingin tayo. Sa awa ng Diyos makadarama tayo ng kapayapaan, lakas, at kagalakan sa pagtalikod natin sa ating mga kasalanan. Inutusan din tayo ng Tagapagligtas na patawarin ang iba tulad ng pagpapatawad Niya sa atin.

Buod ng paksa: Kapatawaran, Pagpapatawad

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pananampalataya kay Jesucristo, Pagsisisi, Binyag, Paghatol, Paghuhukom, Pag-ibig sa Kapwa-tao

Bahagi 1

Nangangako ang Panginoon ng Kapatawaran Kapag Taos-puso Tayong Nagsisisi sa Ating mga Kasalanan

young adult na lalaki

Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kautusan para tulungan tayong manatili sa landas ng tipan at makabalik sa piling Niya. Sa pamamagitan ng kaloob na kalayaang pumili, maaari nating piliing tularan ang halimbawa ng ating Tagapagligtas at sundin ang mga kautusan na tulad ng ginawa Niya. Siyempre pa, hindi tayo magiging perpekto sa pagsunod sa mga kautusan—madalas tayong magkakamali dahil sa ating mga paghihirap, kahinaan, at tukso. Ngunit kapag sumampalataya tayo sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, madaraig natin ang ating mga kasalanan at pagkukulang. Makasusumpong din tayo ng kapayapaan sa kaalaman na nangangako ang Diyos ng kapatawaran sa lahat ng nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan (tingnan sa 1 Juan 1:9; Doktrina at mga Tipan 1:31–32).

Kapag nagsisisi tayo at nagpabinyag at nakumpirma, tatanggap tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at bibigyan tayo ng kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Mga Gawa 2:38). Sa tuwing nakikibahagi tayo ng sakramento, tayo ay nakikipagtipan sa Panginoon at mapatatawad ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog sa Panginoon ng pusong bagbag at nagsisising espiritu (tingnan sa Moroni 6:1–4).

Sa pamamagitan ng proseso ng pagsisisi, ang ating puso ay nagbabago at nagnanais tayong gumawa ng mabuti at maglingkod sa iba (tingnan sa Mosias 5:2; Alma 36:24). Nadarama natin ang kagalakan dahil sa kabutihan ng Diyos at sinisikap nating mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan (tingnan sa Mosias 4:10–12, 26). Sa taos-puso nating pagsisisi, paggawa at pagtupad sa ating mga tipan, at pagtitiis hanggang wakas, tayo ay nagiging banal at karapat-dapat bumalik sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit (tingnan sa 3 Nephi 27:19–22).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Napuspos ng kagalakan at kapayapaan ng budhi ang mga tao ni haring Benjamin nang matanggap nila ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Basahin ang Mosias 4:1–3 at pagnilayan kung paano maghahatid ng kagalakan at kapayapaan sa iyong buhay ang pananampalataya mo kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. May mga paraan ba na mas ganap mong masusunod ang kalooban ng Diyos at hindi ang sa iyo kapag tinalikuran mo ang iyong mga kasalanan?

  • Nang magbalik-loob ang Nakababatang Alma sa ebanghelyo, hindi na niya nadama ang sakit ng dating mga kasalanan niya (tingnan sa Alma 36:12–14, 17–24). Isiping panoorin ang video tungkol kay Pangulong Russell M. Nelson na ito na nagpapaliwanag kung ano ang malaking pagbabago ng puso at kung paano tayo tunay na magbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Paano ka nagsisikap magbalik-loob sa Panginoon? Paano pinagpala ng pagbabalik-loob mo ang iyong buhay at ang buhay ng mga taong nakapaligid sa iyo?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Kapag humingi tayo ng kapatawaran, naghahanap tayo ng mga pagkakataong umunlad—pati pagbabago—sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Manood ng isang time-lapse video tungkol sa ilang bagay sa kalikasan na dumaraan sa isang pagbabago, tulad ng pagbabagong-anyo ng caterpillar sa isang paruparo o pagbabagong-anyo ng binhi sa isang bulaklak. Talakayin kung paanong may potensyal tayo na maging maganda sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Itinuro ni Pangulong Nelson na kailangan nating lahat na magsisi at kapag gagawin natin ito araw-araw, tayo ay magiging pinakamagandang bersyon ng ating sarili. Rebyuhin ang kanyang mensaheng “Maaari Tayong Gumawa ng Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” at talakayin kung paano kayo magsisisi sa araw-araw upang magkaroon ng bagong pananaw sa inyong sarili, sa Diyos, at sa mundo (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” Gospel Library).

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Inuutusan Tayo ng Panginoon na Patawarin ang Iba

mga binatilyong nag-uusap

Noong si Cristo ay nasa krus, hiniling Niya sa Ama na patawarin ang mga kawal na nagpako sa Kanya sa krus. Ang ganitong pagpapakita ng pagmamahal ay isang perpektong halimbawa ng pagpapatawad at nagpapaalala sa atin na magpatawad na tulad ng ginawa Niya.

Sa Kanyang ministeryo sa lupa, itinuro sa atin ng Tagapagligtas na mahalin ang ating mga kaaway at “ibigin ninyo ang inyong mga kaaway [gawan ninyo ng mabuti ang mga nagagalit sa inyo], at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo” (Mateo 5:44). Madarama natin na tila imposibleng ipagdasal ang mga taong lubhang nakasakit sa atin, ngunit ang paggawa nito ay nagpapakita sa Diyos na nananalig tayo sa Kanya. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “Ang taos-pusong pananalangin para sa mga maaaring ituring na ating mga kaaway ay nagpapakita ng ating paniniwala na kayang baguhin ng Diyos ang ating puso at ang puso ng iba.”

Sa Doktrina at mga Tipan 64:8–11, nalaman natin na kung pipiliin nating huwag magpatawad, mas malaki ang kasalanan natin kaysa sa taong nagkasala sa atin. Sa pagbibigay natin ng kapatawaran sa lahat, ipinapakita natin sa Diyos na hindi lamang handa tayong sundin ang Kanyang mga kautusan kundi nagtitiwala rin tayo sa Kanya na gagawin Niya ang pinakamainam para sa Kanyang mga anak.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Bilang paggalang sa Pasko ng Pagkabuhay noong 2023, inanyayahan ni Pangulong Nelson ang mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo na damhin ang himala ng pagpapatawad. Sinabi niya: “Ipinapangako ko na kapag nagpatawad kayo, palalayain kayo ng Tagapagligtas mula sa galit, hinanakit, at pasakit. Ang Prinsipe ng Kapayapaan ay maghahatid sa inyo ng kapayapaan.” May sama ng loob ka bang itinatago o sakit na nararamdaman dahil nag-aatubili kang patawarin ang isang tao? Isipin kung anong mga hakbang ang magagawa mo para makapagpatawad, at pagnilayan kung paano ka gagabayan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  • Sa masigasig nating pagdarasal sa paghingi ng Kanyang tulong, mabibigyan tayo ng Tagapagligtas ng lakas na kailangan natin para patawarin ang iba, kahit pa tila imposible ito. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ipagkakaloob sa inyo ng Tagapagligtas ang kakayahang patawarin ang sinumang gumawa sa inyo [ng] masama sa anumang paraan. Pagkatapos noon, ang mga nakasasakit na ginawa nila ay hindi na babagabag sa inyong kaluluwa.” Pagnilayan kung paano naging kaloob sa atin ng Tagapagligtas ang pagpapatawad at kung paano Niya ginagawang posible para sa iyo na magpatawad kahit sa iyong pakiramdam ay malayong magawa mo ito. Paano naghahatid sa iyo ng pag-asa ang isiping isang kaloob ang pagpapatawad?

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Kung minsan kailangan din ng lakas ng loob para magpatawad tulad ng paghingi ng tawad. Talakayin ang ilang halimbawa ng mga taong nagbigay ng kapatawaran sa mahihirap na sitwasyon. Anong mga pagpapala ang dumarating kapag nagpapatawad tayo sa iba? Anyayahan ang lahat na isipin ang isang taong nakasakit o nagkasala sa kanila sa anumang paraan at ipagdasal ang taong iyon sa sarili nilang panahon. Maaari mo ring imungkahi na subukan nilang paglingkuran ang taong iyon kung angkop sa kanilang sitwasyon, at anyayahan silang pakiramdaman kung binabago nito ang damdamin nila sa taong iyon.

  • Kapag hinihiling natin sa Tagapagligtas na palakasin tayo ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, matatanggap natin ang espirituwal na momentum na kailangan natin para patawarin ang iba. Ipakita kung ano ang momentum—marahil sa pamamagitan ng pagpapalabas ng video ng isang tren na pabilis nang pabilis ang takbo o isang atleta na gumagawa ng kahanga-hangang stunt. Basahin ang ilang bahagi ng mensahe ni Pangulong Nelson, at talakayin kung paano tayo bibigyan ng lakas ng Tagapagligtas na patawarin ang mga taong labis na nakasakit sa atin habang nakatuon tayo sa ating espirituwal na momentum.

Alamin ang iba pa