Library
Paglalaan


“Paglalaan,” Mga Paksa at Tanong (2023)

bata pang mag-asawa na nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Paglalaan

Ilaan ang isang bagay para sa isang banal na layunin

Naranasan mo na bang magmahal nang labis kaya gagawin mo ang kahit ano para sa kanila? Ang ilaan ng iyong sarili sa taong iyon ay nangangailangan ng oras at pagtitiyaga, ngunit ito rin ay nagpapalalim sa inyong relasyon sa isa’t isa.

Ang ganitong uri ng kusang-loob na paglalaan ay nagpapaalala sa atin ng ibig sabihin ng paglalaan ng ating sarili sa Panginoon. Sa pamamagitan ng paglalaan, inaalay natin ang ating sarili sa Diyos dahil mahal natin Siya. At kapag ginawa natin ito, pinatitibay natin ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Ano ang Paglalaan?

Ang paglalaan ay pagtatalaga ng isang bagay sa kabanalan para sa gawain ng Panginoon. Kusang-loob na ibinibigay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang oras, mga talento, at kabuhayan sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos. Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar, ang paglalaan ay “nagagawa dahil sa pag-ibig sa kapwa-tao at lumilikha ng dagdag na hangaring maglingkod.” Sa templo, nakikipagtipan ang mga miyembro ng Simbahan na susundin ang batas ng paglalaan. Ang pinakamataas na uri ng paglalaan ay ialay nang buung-buo ang ating sarili at lahat ng ating makakaya sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Buod ng paksa: Paglalaan

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Tipan at mga Ordenansa, Sakripisyo, Temple Endowment at Pagbubuklod, Pangangalaga sa mga Nangangailangan

Bahagi 1

Sa Pamamagitan ng Paglalaan Tinutulungan Tayo ng Panginoon na Maging Banal na Tulad Niya

babaeng may hawak na larawan ni Cristo

Kapag may inilalaan tayo sa Diyos, inaalay natin ito para sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon. Kapag may inilalaan tayo sa Diyos dahil sa pagmamahal natin sa Kanya, nagiging banal ito.

Bagama’t mailalaan natin ang ating oras, mga talento, at kabuhayan sa Panginoon, ang “tunay na paglalaan ay ang pagpapasailalim natin sa Diyos.” Sa ganitong pakahulugan, ang paglalaan ay hindi talaga isang pangyayari o ritwal ng pagsuko sa isang bagay—ito ay isang proseso na tumutulong sa atin na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Kapag tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo na nabuhay nang tapat, maaari tayong maging banal na tulad Niya.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Kailangan ng oras at pagsisikap para ilaan ang ating sarili sa Diyos. Isiping basahin ang Doktrina at mga Tipan 4:2 at pagnilayan ang ibig sabihin ng paglingkuran ang Diyos nang “inyong buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.” Paano mo unti-unting ilalaan ang “lahat” sa Panginoon? Maaari ka bang maglaan sa Kanya ng isang bagay na tutulong sa iyo na mas makilala Siya? Kumilos ayon sa mga impresyon na natatanggap mo.

  • Maaari din tayong pagpalain ng Panginoon sa pamamagitan ng paglalaan, o pagsasabanal ng ating mga pagsubok. Sa Aklat ni Mormon, sinabi ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob na ang Panginoon ay “ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan.” Basahin ang kanyang mga salita sa 2 Nephi 2:1–2. Paano inilaan ng Panginoon ang mga hamon sa iyo para mapabuti ka? Paano ka Niya tinulungang gamitin ang mga karanasang iyon para pagpalain ang buhay ng iba? Itala ang anumang naiisip mo sa kung paano ka naging mas banal at mas napalapit kay Cristo dahil sa iyong mga pagsubok.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Sa isang mensahe sa pandaigdigang debosyonal noong 2017 na pinamagatang “Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos,” inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga young adult na ilaan ang ilan sa kanilang oras sa pag-aaral tungkol kay Jesucristo. Sinabi niya: “Kung patuloy ninyong pag-aaralan ang lahat ng kaya ninyo tungkol kay Jesucristo, ipinapangako ko na ang inyong pagmamahal sa Kanya, at sa mga batas ng Diyos, ay lalago nang higit pa sa inaakala ninyo ngayon. Ipinapangako ko rin na mag-iibayo ang kakayahan ninyong tumalikod sa kasalanan. Titindi ang hangarin ninyong sundin ang mga kautusan. Mas kakayanin ninyong lumayo sa libangan at gusot na dulot ng mga nangungutya sa mga alagad ni Jesucristo.” Repasuhin nang sama-sama ang mensahe ni Pangulong Nelson at pagkatapos ay pakinggan o kantahin ang himnong “Take Time to Be Holy.” Paano makatutulong ang paglalaan ng inyong oras sa pag-aaral tungkol kay Jesucristo para maging banal kayo? Maaari kayong magbahagi ng mga ideya sa isa’t isa kung paano mas ilalaan ang inyong oras sa pag-aaral tungkol sa Kanya. Kumilos ayon sa mga impresyon na natatanggap ninyo.

  • Ang paglalaan ng isang bagay sa Diyos para magamit Niya ay tila mahirap, ngunit sa katunayan, ang buhay na matapat ay nabubuo sa pamamagitan ng mga simpleng pagpili na ginagawa natin sa araw-araw. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2015, itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Sa pagtitiis at pagtitiyaga, kahit ang pinakamaliit na gawain ng pagkadisipulo o pinakamaliit na ningas ng paniniwala ay maaaring maging nagliliyab na siga ng isang banal na buhay. Katunayan, ganyan nagsisimula ang karamihan sa mga siga—sa isang simpleng ningas.” Panoorin ang video na ito na nagpapakita kung paano sinisimulan ang isang bonfire. O, kung nasa isang lugar kayo na ligtas gawin ito, magsimulang mag-campfire nang magkakasama. Talakayin ang tila maliliit at pang-araw-araw na bagay na mailalaan ninyo sa Panginoon na tutulong sa inyo na mas maging banal na tulad Niya.

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Sa mga Templo, Nakikipagtipan ang mga Banal sa mga Huling Araw na Susundin ang Batas ng Paglalaan

mag-asawa na naglalakad sa bakuran ng templo

Sa bahay ng Panginoon, nakikipagtipan ang mga Banal sa mga Huling Araw na ipamumuhay ang batas ng paglalaan. Sa pamumuhay ng batas ng paglalaan, tumutulong ang mga miyembro na pangalagaan ang pisikal at espirituwal na pangangailangan ng iba at isulong ang gawain ng Panginoon sa lupa. Ang pagtupad sa tipan na ipamumuhay ang batas ng paglalaan ay maghahatid ng maraming pagpapala, at “lalo nating natatamo ang kapangyarihan ng Diyos at walang-hanggang pag-ibig, kapayapaan, kapanatagan, at kagalakan.”

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang batas ng paglalaan ay walang hanggan. Ito ay ipinamuhay noon pa man sa magkakaibang panahon ng mga alagad ng Diyos at ipinanumbalik sa mga huling araw. Mababasa mo ang tungkol sa paglalaan sa Mga Gawa 4:32; 4 Nephi 1:1–3; at Moises 7:18. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “lahat ng pag-aari ay para sa lahat” at magkaroon ng “pagkakaisa sa puso at kaluluwa” kasama ang iba? Paano mo susundin ang mga mithiing ito habang sinisikap mong ipamuhay ang batas ng paglalaan? Isulat at pagkatapos ay kumilos ayon sa anumang impresyong natatanggap mo.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ang isang paraan para maipamuhay natin ang batas ng paglalaan ay pagtulong sa iba na tugunan ang kanilang temporal at espirituwal na pangangailangan. Bilang grupo, basahin ang Mosias 4:26 at pagkatapos ay awitin ang himnong “Akok Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Pag-usapan ang mga paraan na matutulungan ninyo ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng ministering, ikapu, handog-ayuno, proyektong pangkawanggawa, at iba pang uri ng paglilingkod. Maaari din kayong magplano ng gagawing paglilingkod sa ibang tao bilang isang grupo. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa ang mga personal na karanasan na nagpapakita kung paano pinagpala ng pagtulong sa isang tao ang inyong buhay at nagpalapit sa inyo kay Jesucristo.

  • Ang isang paraan para maipamuhay natin ang batas ng paglalaan ay kapag ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin para gampanan ang ating mga calling at assignment sa Simbahan. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Ang tawag na maglingkod ay bunsod ng ating pagmamahal. Sa pagbibigay ng buong puso sa Guro at pagsunod sa Kanyang mga utos natin Siya nakikilala. Darating ang araw, dahil sa Pagbabayad-sala, ay mababago ang ating puso at magiging katulad Niya tayo.” Sabihin sa mga miyembro ng grupo na mag-isip ng isang tao sa kanilang buhay na buong pusong naglingkod sa isang tungkulin. Ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan ninyo sa halimbawa ng taong iyon na namuhay sa paglalaan at sa inyong paniwala, paano nakagawa ito ng kaibhan sa buhay ng iba.

Alamin ang iba pa