Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 18


Bahagi 18

Paghahayag kina Joseph Smith, ang Propeta, Oliver Cowdery, at David Whitmer, na ibinigay sa Fayette, New York, Hunyo 1829 (History of the Church, 1:60–64). Nang ang Pagkasaserdoteng Aaron ay iginawad, ang pagkakaloob ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay ipinangako (tingnan ang ulo sa bahagi 13). Bilang kasagutan sa panalangin na magkaroon ng kaalaman sa mga ito, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito.

1–5, Ang mga banal na kasulatan ay nagpapakita kung paano itatatag ang Simbahan; 6–8, Ang sanlibutan ay nahihinog na sa kasamaan; 9–16, Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila; 17–25, Upang matamo ang kaligtasan, kailangang taglayin ng mga tao sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo; 26–36, Ang tungkulin at ang misyon ng Labindalawa ay ipinahayag; 37–39, Sina Oliver Cowdery at David Whitmer ang maghahanap sa Labindalawa; 40–47, Upang matamo ang kaligtasan, ang mga tao ay kailangang magsisi, mabinyagan, at sundin ang mga kautusan.

1 Ngayon, masdan, dahil sa bagay na iyong hinangad na malaman sa akin, aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery, ibinibigay ko sa iyo ang mga salitang ito:

2 Masdan, ipinaalam ko sa iyo, sa pamamagitan ng aking Espiritu sa maraming pagkakataon, na ang mga bagay na iyong isinulat ay totoo; dahil dito alam mo na ang mga ito ay totoo.

3 At kung alam mo na ang mga ito ay totoo, masdan, binibigyan kita ng isang kautusan, na ikaw ay manalig sa mga bagay na nakasulat;

4 Sapagkat sa mga ito nakasulat ang lahat ng bagay hinggil sa pagtatatag ng aking simbahan, ng aking ebanghelyo, at ng aking bato.

5 Dahil dito, kung iyong itatayo ang aking simbahan, sa saligan ng aking ebanghelyo at aking bato, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa iyo.

6 Masdan, ang sanlibutan ay nahihinog na sa kasamaan; at talagang kinakailangan na ang mga anak ng tao ay mapukaw tungo sa pagsisisi, kapwa ang mga Gentil at gayon din ang sambahayan ni Israel.

7 Dahil dito, yayamang ikaw ay nabinyagan sa pamamagitan ng mga kamay ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., alinsunod sa yaong aking ipinag-utos sa kanya, kanyang tinupad ang bagay na aking iniutos sa kanya.

8 At ngayon, huwag manggilalas na tinawag ko siya ayon sa sarili kong layunin, na kung aling layunin ay nalalaman ko; dahil dito, kung siya ay magiging masigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan siya ay pagpapalain tungo sa buhay na walang hanggan; at ang kanyang pangalan ay Joseph.

9 At ngayon, Oliver Cowdery, sinasabi ko sa iyo, at gayon din kay David Whitmer, bilang kautusan; sapagkat, masdan, iniuutos ko sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi, at sinasabi ko sa inyo, maging katulad kay Pablo na aking apostol, sapagkat kayo ay tinawag maging sa gayon ding tungkulin kung saan siya tinawag.

10 Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos;

11 Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya.

12 At siya ay nabuhay na muli mula sa patay, upang kanyang madala ang lahat ng tao sa kanya, kung sila ay magsisisi.

13 At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!

14 Dahil dito, kayo ay tinawag upang ipangaral ang pagsisisi sa mga taong ito.

15 At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

16 At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!

17 Masdan, nasa inyo ang aking ebanghelyo, at ang aking bato, at ang aking pagliligtas.

18 Humingi sa Ama sa aking pangalan, nang may pananampalataya na naniniwalang kayo ay makatatanggap, at mapapasainyo ang Espiritu Santo, na nagpapahayag ng lahat ng bagay na kinakailangan ng mga anak ng tao.

19 At kung wala kayong pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong magagawa ni anuman.

20 Huwag makipagtalo laban sa anumang simbahan, maliban sa simbahan ng diyablo.

21 Taglayin sa inyo ang pangalan ni Cristo, at sabihin ang katotohanan nang may kahinahunan.

22 At kasindami ng magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan, na Jesucristo, at magtitiis hanggang wakas, sila rin ay maliligtas.

23 Masdan, Jesucristo ang pangalang ibinigay ng Ama, at wala nang iba pang pangalan na ibinigay kung saan ang tao ay maliligtas;

24 Dahil dito, lahat ng tao ay kailangang taglayin sa kanilang sarili ang pangalang ibinigay ng Ama, sapagkat sa gayong pangalan sila tatawagin sa huling araw;

25 Dahil dito, kung hindi nila alam ang pangalan na itatawag sa kanila, hindi sila magkakaroon ng puwang sa kaharian ng aking Ama.

26 At ngayon, masdan, may iba pang tinawag upang ipahayag ang aking ebanghelyo, kapwa sa Gentil at sa Judio;

27 Oo, maging labindalawa; at ang Labindalawa ang aking magiging mga disipulo, at kanilang tataglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan; at ang Labindalawa ay silang magnanais na taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso.

28 At kung nanaisin nilang taglayin sa kanilang sarili ang aking pangalan nang may buong layunin ng puso, sila ay tinatawag na humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang aking ebanghelyo sa bawat nilikha.

29 At sila ay yaong mga inorden ko upang magbinyag sa aking pangalan, alinsunod sa yaong nakasulat;

30 At kayo ay mayroon ng yaong nasusulat; dahil dito, kailangan ninyong isagawa ito alinsunod sa mga salitang nakasulat.

31 At ngayon sinasabi ko sa inyo, na Labindalawa—Masdan, ang aking biyaya ay sapat para sa inyo; kailangan ninyong lumakad nang matwid sa harapan ko at huwag magkasala.

32 At, masdan, kayo yaong inorden ko upang mag-orden ng mga saserdote at guro; na magpahayag ng aking ebanghelyo, alinsunod sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na nasa inyo, at alinsunod sa mga katungkulan at kaloob ng Diyos sa mga tao;

33 At ako, si Jesucristo, na inyong Panginoon at inyong Diyos, ang nagsabi nito.

34 Ang mga salitang ito ay hindi mula sa mga tao ni galing sa tao, kundi mula sa akin; dahil dito, kayo ay magpapatotoo na ang mga ito ay mula sa akin at hindi mula sa tao;

35 Sapagkat ang aking tinig ang nangusap ng mga ito sa inyo; sapagkat ang mga ito ay ibinigay sa pamamagitan ng aking Espiritu sa inyo, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan ay maaari ninyong basahin ang mga ito sa isa’t isa; at maliban sa aking kapangyarihan hindi ninyo matatanggap ang mga ito;

36 Dahil dito, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig, at nababatid ang aking mga salita.

37 At ngayon, masdan, ibinibigay ko sa iyo, Oliver Cowdery, at sa iyo rin David Whitmer, na hanapin ninyo ang Labindalawa, na may pagnanais sa mga yaong aking sinabi;

38 At sa pamamagitan ng kanilang mga naisin at ng kanilang mga gawa ay makikilala ninyo sila.

39 At kapag natagpuan ninyo sila ay ipakikita ninyo ang mga bagay na ito sa kanila.

40 At kayo ay titirapa at sasambahin ang Ama sa aking pangalan.

41 At kailangan ninyong mangaral sa sanlibutan, nagsasabing: Kailangan ninyong magsisi at magpabinyag, sa pangalan ni Jesucristo;

42 Sapagkat lahat ng tao ay kailangang magsisi at magpabinyag, at hindi lamang mga kalalakihan, kundi kababaihan, at mga bata na sumapit na sa gulang ng pananagutan.

43 At ngayon, pagkaraan ninyong matanggap ito, kailangan ninyong sundin ang aking mga kautusan sa lahat ng bagay;

44 At sa pamamagitan ng inyong mga kamay ako ay gagawa ng isang kagila-gilalas na gawain sa mga anak ng tao, sa ikamumulat ng marami sa kanilang mga kasalanan, upang sila ay magsipagsisi, at upang sila ay makaparoon sa kaharian ng aking Ama.

45 Dahil dito, ang mga pagpapalang ibinigay ko sa inyo ay higit pa sa lahat ng bagay.

46 At pagkaraan ninyong matanggap ito, kung hindi ninyo susundin ang aking mga kautusan ay hindi kayo maliligtas sa kaharian ng aking Ama.

47 Masdan, ako, si Jesucristo, ang inyong Panginoon at inyong Diyos, at inyong Manunubos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu sinabi ko ito. Amen.