Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 59


Bahagi 59

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Sion, Jackson County, Missouri, ika-7 ng Agosto 1831 (History of the Church, 1:196–201). Nauna sa kanyang talaan ng paghahayag na ito, ang Propeta ay nagsusulat nang naglalarawan ng lupain ng Sion, kung saan ang mga tao noon ay nagkatipun-tipon. Ang lupain ay inilaan, tulad ng iniutos ng Panginoon, at ang lugar para sa itatayong templo ay inilaan. Ginawa ng Panginoon ang mga kautusang ito na sadyang naaangkop sa mga Banal sa Sion.

1–4, Ang matatapat na Banal sa Sion ay pagpapalain; 5–8, Kailangan nilang mahalin at paglingkuran ang Panginoon at sundin ang kanyang mga kautusan; 9–19, Sa pamamagitan ng pagpapanatiling banal sa araw ng Panginoon, ang mga Banal ay pagpapalain sa temporal at espirituwal; 20–24, Ang mabubuti ay pinangakuan ng kapayapaan sa daigdig na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.

1 Masdan, pinagpala, wika ng Panginoon, sila na nagtungo sa lupaing ito na ang mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, alinsunod sa aking mga kautusan.

2 Sa mga yaong nabubuhay ay mamanahin ang lupa, at yaong mga namamatay ay mamamahinga mula sa lahat ng kanilang gawain, at ang kanilang mga gawa ay susunod sa kanila; at sila ay makatatanggap ng putong sa mga mansiyon ng aking Ama, na aking inihanda para sa kanila.

3 Oo, pinagpala sila na kung kaninong mga paa ay nakatindig sa lupain ng Sion, na sumunod sa aking ebanghelyo; sapagkat kanilang tatanggapin bilang kanilang gantimpala ang mabubuting bagay ng lupa, at ito ay magbubunga sa kanyang kasaganahan.

4 At sila rin ay puputungan ng mga pagpapala mula sa itaas, oo, at ng mga kautusang hindi kakaunti, at ng mga paghahayag sa kanilang panahon—sila na matatapat at masisigasig sa harapan ko.

5 Dahil dito, binibigyan ko sila ng isang kautusan, nagsasabi nang ganito: Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya.

6 Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng sa inyong sarili. Huwag kayong magnakaw; ni makiapid, ni pumatay, ni gumawa ng anumang bagay tulad nito.

7 Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay.

8 Maghandog kayo ng hain sa Panginoon ninyong Diyos sa kabutihan, maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu.

9 At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa palanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw;

10 Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan;

11 Gayunman ang inyong mga panata ay iaalay sa kabutihan sa lahat ng araw at sa lahat ng panahon;

12 Subalit tandaan na dito, sa araw ng Panginoon, inyong iaalay ang inyong mga handog at ang inyong mga sakramento sa Kataas-taasan, ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan sa inyong mga kapatid at sa harapan ng Panginoon.

13 At sa araw na ito wala kayong iba pang bagay na gagawin, kundi ihanda ang inyong pagkain nang may katapatan ng puso upang ang inyong pag-aayuno ay maging ganap, o, sa madaling salita, upang ang inyong kagalakan ay malubos.

14 Katotohanan, ito ay pag-aayuno at pananalangin, o sa madaling salita, kagalakan at panalangin.

15 At yayamang ginagawa mo ang mga bagay na ito nang may pasasalamat, nang may maligayang mga puso at mukha, hindi nang may labis na tawanan, sapagkat ito ay kasalanan, kundi may masayang puso at maligayang mukha—

16 Katotohanang sinasabi ko, na yayamang ginagawa ninyo ito, ang kabuuan ng mundo ay sa inyo, ang mga hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid, at yaong umaakyat sa mga puno at lumalakad sa lupa;

17 Oo, at ang damo, at ang mabubuting bagay na nanggagaling sa lupa, maging para sa pagkain o para sa kasuotan, o para sa mga bahay, o para sa mga kamalig, o para sa mga taniman, o para sa mga halamanan, o para sa mga ubasan;

18 Oo, lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa, sa panahon niyon, ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso;

19 Oo, para sa pagkain at para sa kasuotan, para sa panlasa at para sa pang-amoy, upang palakasin ang katawan at pasiglahin ang kaluluwa.

20 At ikinalulugod ng Diyos na kanyang ibinigay ang lahat ng bagay na ito sa tao; sapagkat sa ganitong hangarin ang mga ito ay ginawa upang gamitin, nang may karunungan, hindi sa kalabisan, ni sa pagkuha nang sapilitan.

21 At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay, at hindi sumusunod sa kanyang mga kautusan.

22 Masdan, ito ay alinsunod sa batas at mga propeta; kaya, huwag na ninyo akong abalahin hinggil sa bagay na ito.

23 Subalit matutuhan na siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.

24 Ako, ang Panginoon, ang nangusap nito, at ang Espiritu ay nagpapatotoo. Amen.