Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 38


Bahagi 38

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Fayette, New York, ika-2 ng Enero 1831 (History of the Church, 1:140–143). Ang pagkakataon ay isang pagpupulong ng Simbahan.

1–6, Nilikha ni Cristo ang lahat ng bagay; 7–8, Siya ay nasa gitna ng kanyang mga Banal, na malapit nang makita siya; 9–12, Ang lahat ng laman ay makasalanan sa harapan niya; 13–22, Siya ay naglaan ng isang lupang pangako para sa kanyang mga Banal sa panahon at sa kawalang-hanggan; 23–27, Ang mga Banal ay inutusang magkaisa at ituring ang bawat isa bilang kapatid; 28–29, Ang mga digmaan ay hinulaan; 30–33, Ang mga Banal ay bibigyan ng kapangyarihan mula sa kaitaasan at hahayo sa lahat ng bansa; 34–42, Ang Simbahan ay inutusang kalingain ang mga maralita at nangangailangan, at hangarin ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan.

1 Ganito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Diyos, maging si Jesucristo, ang Dakilang Ako Nga, ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang siya ring tumatanaw sa kalawakan ng kawalang-hanggan, at sa lahat ng anghel na hukbo ng langit, bago nilikha ang daigdig;

2 Ang siya ring nakaaalam ng lahat ng bagay, sapagkat lahat ng bagay ay nakikita ng aking mga mata;

3 Ako rin ang yaong nagsalita, at ang daigdig ay nalikha, at ang lahat ng bagay ay dumating sa pamamagitan ko.

4 Ako rin ang yaong kumuha ng Sion ni Enoc sa aking sinapupunan; at katotohanan, sinasabi ko, maging kasindami ng naniwala sa aking pangalan, sapagkat ako ay si Cristo, at sa aking sariling pangalan, sa pamamagitan ng dugo na aking ibinuhos, ako ay nagsumamo sa Ama para sa kanila.

5 Subalit masdan, ang mga natitirang masasama ay aking pinanatili sa mga tanikala ng kadiliman hanggang sa paghuhukom ng dakilang araw, na darating sa katapusan ng mundo;

6 At sa gayon ko papapangyarihing manatili ang masasama, na hindi makikinig sa aking tinig kundi pinatitigas ang kanilang mga puso, at sa aba, sa aba, sa aba, ang kanilang kapahamakan.

7 Subalit masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ang aking mga mata ay nakatuon sa inyo. Ako ay nasa gitna ninyo at hindi ninyo ako nakikita;

8 Subalit ang araw ay malapit nang dumating na ako ay inyong makikita, at malalaman ninyo na ako nga; sapagkat ang tabing ng kadiliman ay malapit nang mapunit, at siya na hindi dalisay ay hindi makatatagal sa araw na yaon.

9 Dahil dito, bigkisan ang inyong mga balakang at maging handa. Masdan, ang kaharian ay inyo, at ang kaaway ay hindi mananaig.

10 Katotohanan sinasabi ko sa inyo, kayo ay malinis, subalit hindi lahat; at wala nang iba pa akong kinalulugdan;

11 Sapagkat lahat ng laman ay makasalanan sa harapan ko; at ang kapangyarihan ng kadiliman ay nangingibabaw sa mundo, sa mga anak ng tao, sa harapan ng lahat ng hukbo ng langit—

12 Na dahilan ng paghahari ng katahimikan, at ang lahat ng kawalang-hanggan ay nasasaktan, at ang mga anghel ay naghihintay sa dakilang utos na gapasin ang mundo, na tipunin ang mga agingay upang ang mga yaon ay sunugin; at, masdan, ang kaaway ay nagsama-sama.

13 At ngayon magpapakita ako sa inyo ng isang hiwaga, isang bagay na naroroon sa mga lihim na silid, na magpapangyari maging ng inyong pagkalipol sa paglipas ng panahon, at hindi ninyo ito nalalaman;

14 Subalit ngayon aking sasabihin ito sa inyo, at kayo ay pinagpala, hindi dahil sa inyong kasamaan, ni sa inyong mga puso na walang paniniwala; sapagkat sa katotohanan ang ilan sa inyo ay may kasalanan sa harapan ko, subalit ako ay magiging maawain sa inyong mga kahinaan.

15 Samakatwid, kayo ay maging malakas magmula ngayon; huwag matakot, sapagkat ang kaharian ay inyo.

16 At para sa inyong kaligtasan ay binibigyan ko kayo ng isang kautusan, sapagkat aking narinig ang inyong mga panalangin, at ang mga maralita ay dumaing sa harapan ko, at ang mayayaman ay aking ginawa, at lahat ng laman ay akin, at ako ay walang kinikilingang mga tao.

17 At aking ginawang mayaman ang lupa, at masdan ito ay aking tuntungan ng paa, dahil dito, muli akong tatayo rito.

18 At ako ay magkakaloob at mamarapatin na bigyan kayo ng higit na kayamanan, maging isang lupang pangako, isang lupain na sagana sa gatas at pulot-pukyutan, kung saan ay walang sumpa kapag pumarito ang Panginoon;

19 At aking ibibigay ito sa inyo bilang lupain na inyong mana, kung hahangarin ninyo ito nang buo ninyong puso.

20 At ito ang aking magiging tipan sa inyo, inyong makakamit ito bilang lupain na inyong mana, at bilang mana ng inyong mga anak magpakailanman, samantalang ang mundo ay nakatayo, at inyong aariin itong muli sa kawalang-hanggan, hindi na muling mawawala.

21 Subalit, katotohanan sinasabi ko sa inyo na sa panahong ito kayo ay hindi magkakaroon ng hari ni tagapamahala, sapagkat ako ang inyong magiging hari at magbabantay sa inyo.

22 Dahil dito, makinig sa aking tinig at sumunod sa akin, at kayo ay magiging malayang tao, kayo ay hindi magkakaroon ng mga batas maliban sa aking mga batas sa pagparito ko, sapagkat ako ang inyong tagabigay ng batas, at ano ang makapipigil sa aking kamay?

23 Subalit, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, turuan ang bawat isa alinsunod sa tungkulin na kung saan ko kayo itinalaga;

24 At pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili, at gumawa ng kabutihan at kabanalan sa harapan ko.

25 At muli sinasabi ko sa inyo, pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili.

26 Sapagkat sino sa inyo na may labindalawang anak, at walang kinikilingan sa kanila, at sila ay masunuring naglilingkod sa kanya, at sinabi niya sa isa: Magsuot ka ng bata at umupo ka rito; at sa isa: Magsuot ka ng basahan at umupo ka roon—at tumingin sa kanyang mga anak at sinabing ako ay makatarungan?

27 Masdan, ito ay ibinigay ko sa inyo bilang isang talinghaga, at ito ay maging kagaya ko. Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.

28 At muli, sinasabi ko sa inyo na ang kaaway na nasa mga lihim na silid ay naghahangad ng inyong buhay.

29 Inyong naririnig ang mga digmaan sa malalayong bansa, at inyong sinasabi na malapit nang magkaroon pa ng malalaking digmaan sa malalayong bansa, subalit hindi ninyo nalalaman ang mga kalooban ng mga tao sa inyong sariling lupain.

30 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito dahil sa inyong mga panalangin; dahil dito, pahalagahan ang karunungan sa inyong mga dibdib, at baka ang kasamaan ng mga tao ay maghayag ng mga bagay na ito sa inyo sa pamamagitan ng kanilang kasamaan, sa isang paraan na magsasalita sa inyong mga tainga na may tinig na mas malakas pa kaysa sa yaong makapagpapayanig ng mundo; subalit kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.

31 At maaari ninyong matakasan ang kapangyarihan ng kaaway, at matipon sa akin bilang isang mabubuting tao, na walang bahid-dungis at walang kasalanan—

32 Dahil dito, sa kadahilanang ito ako ay nagbigay sa iyo ng kautusan na ikaw ay nararapat na magtungo sa Ohio; at doon bibigyan kita ng aking batas; at doon ikaw ay papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan;

33 At mula roon, sinuman ang naisin ko ay hahayo sa lahat ng bansa, at sasabihin sa kanila kung ano ang kanilang nararapat gawin; sapagkat ako ay may mahalagang gawaing nakalaan, sapagkat ang Israel ay maliligtas, at akin silang aakayin saan ko man naisin, at walang kapangyarihan ang makapipigil sa aking kamay.

34 At ngayon, ibinibigay ko sa simbahan sa mga dakong ito ang isang kautusan, na may ilang tao sa inyo na itatalaga, at sila ay itatalaga sa pamamagitan ng tinig ng simbahan;

35 At sila ay titingin sa mga maralita at sa nangangailangan, at magbibigay ng tulong sa kanila upang hindi sila maghirap; at isusugo sila sa lugar na aking ipinag-utos;

36 At ito ang kanilang magiging gawain, ang pamahalaan ang pamamalakad ng mga ari-arian ng simbahang ito.

37 At sila na may mga bukid na hindi maaaring maipagbili, iwan ang mga yaon o paupahan kung ano ang inaakala nilang makabubuti.

38 Tiyakin na ang lahat ng bagay ay maingatan; at kapag ang mga tao ay pinagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan at isinugo, lahat ng bagay na ito ay titipunin sa sinapupunan ng simbahan.

39 At kung inyong hinahangad ang mga kayamanan na yaong kalooban ng Ama na ibigay sa inyo, kayo ang magiging pinakamayaman sa lahat ng tao, sapagkat tatanggapin ninyo ang kayamanan ng walang hanggan; at talagang kinakailangan na ang kayamanan ng mundo ay akin upang ibigay; subalit mag-ingat sa kapalaluan, at baka kayo ay maging katulad ng mga Nephita noong sinauna.

40 At muli, sinasabi ko sa inyo, binibigyan ko kayo ng isang kautusan, na bawat lalaki, kapwa mga elder, saserdote, guro, at gayon din ang kasapi, na humayo nang buo niyang lakas, lakip ang gawain sa kanyang mga kamay, upang ihanda at tuparin ang mga bagay na aking ipinag-utos.

41 At ang inyong pangangaral ang magiging tinig ng babala, bawat tao sa kanyang kapwa, sa kahinahunan at kaamuan.

42 At kayo ay lumayo mula sa masasama. Iligtas ang inyong sarili. Maging malinis kayo na nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon. Maging gayon nga. Amen.