Bahagi 137
Isang pangitaing ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa templo ng Kirtland, Ohio, ika-21 ng Enero 1836 (History of the Church, 2:380–381). Ang pangyayari ay tungkol sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng endowment kung hanggang saan ang mga ito ay ipinahayag.
1–6, Nakita ng Propeta ang kanyang kapatid na si Alvin sa kahariang selestiyal; 7–9, Ang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ay ipinahayag; 10, Lahat ng bata ay ligtas sa kahariang selestiyal.
1 Ang kalangitan ay nabuksan sa amin, at aking namalas ang kahariang selestiyal ng Diyos, at ang kaluwalhatian niyaon, maging sa katawan o sa wala nito ay hindi ko masabi.
2 Nakita ko ang kahanga-hangang kagandahan ng pasukan kung saan ang mga tagapagmana ng kahariang iyon ay papasok, na tulad ng nakapaikot na ningas ng apoy;
3 Gayundin ang nagliliyab na trono ng Diyos, kung saan nakaupo ang Ama at ang Anak.
4 Nakita ko ang magagandang daan ng kahariang yaon, na sa ayos ay nalalatagan ng ginto.
5 Nakita ko sina Amang Adan at Abraham; at ang aking ama at aking ina; ang aking kapatid na si Alvin, na matagal nang natutulog.
6 At namangha kung paano niya natamo ang pamana sa kahariang yaon, nalalamang kanyang nilisan ang buhay na ito bago pa iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay upang tipunin ang Israel sa ikalawang pagkakataon, at hindi pa nabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
7 Sa ganito dumating ang tinig ng Panginoon sa akin, sinasabing: Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos;
8 Gayundin ang lahat ng mamamatay magmula ngayon na walang kaalaman dito, na tatanggap nito nang buo nilang puso, ay magiging tagapagmana ng kahariang yaon;
9 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso.
10 At namalas ko rin na ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit.