Bahagi 88
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Disyembre 27 at 28, 1832, at Enero 3, 1833. Tinawag ito ng Propeta na “‘dahon ng olibo’ … pinitas mula sa Puno ng Paraiso, ang mensahe na kapayapaan ng Panginoon para sa atin.” Ibinigay ang paghahayag matapos manalangin ng matataas na saserdote sa isang kapulungan “nang hiwa-hiwalay at malakas sa Panginoon na ihayag ang kanyang kalooban sa amin hinggil sa pagtatayo sa Sion.”
1–5, Natatanggap ng matatapat na Banal ang yaong Mang-aaliw, na pangako na buhay na walang hanggan; 6–13, Pinangangasiwaan at pinamamahalaan ng Liwanag ni Cristo ang lahat ng bagay; 14–16, Ang Pagkabuhay na mag-uli ay sumasapit sa pamamagitan ng Pagtubos; 17–31, Inihahanda ng pagiging masunurin sa selestiyal, terestriyal, o telestiyal na batas ang mga tao para sa kaukulang mga kaharian at kaluwalhatiang yaon; 32–35, Mananatiling marurumi pa rin ang mga yaong mamamalagi sa kasalanan; 36–41, Pinamamahalaan ng batas ang lahat ng kaharian; 42–45, Ang Diyos ay nagbibigay ng batas sa lahat ng bagay; 46–50, Mauunawaan ng tao maging ang Diyos; 51–61, Ang talinghaga ng tao na isinusugo ang kanyang mga tagapaglingkod sa bukid at pagdalaw sa bawat isa sa kanila; 62–73, Lumapit sa Panginoon, at makikita ninyo ang Kanyang mukha; 74–80, Gawing banal ang inyong sarili at ituro sa isa’t isa ang mga doktrina ng kaharian; 81–85, Ang bawat tao na nabalaan ay nararapat balaan ang kanyang kapwa; 86–94, Inihahanda ng mga tanda, pagngangalit ng panahon, at anghel ang daan para sa pagparito ng Panginoon; 95–102, Tatawagin ng mga trumpeta ng mga anghel ang mga patay ayon sa kanilang pagkakasunud-sunod; 103–116, Ipinahahayag ng mga trumpeta ng mga anghel ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo, ang pagbagsak ng Babilonia, at ang digmaan ng dakilang Diyos; 117–126, Maghangad na matuto, magtayo ng bahay ng Diyos (isang templo), at damitan ang inyong sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa tao; 127–141, Inilalahad ang kaayusan ng Paaralan ng mga Propeta, kabilang ang ordenansa ng paghuhugas ng mga paa.
1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo na sama-samang nagtitipon ng inyong sarili upang tanggapin ang kanyang kalooban hinggil sa inyo:
2 Dinggin, ito ay nakalulugod sa inyong Panginoon, at ang mga anghel ay nagsasaya sa inyo; ang mga panlilimos ng inyong mga panalangin ay nakararating sa mga pandinig ng Panginoon ng Sabaoth, at natatala sa aklat ng mga pangalan ng mga ginawang-banal, maging sila na nasa selestiyal na daigdig.
3 Anupa’t ako ay nagpapadala ngayon sa inyo ng isa pang Mang-aaliw, maging sa inyo na aking mga kaibigan, upang ito ay mamalagi sa inyong mga puso, maging ang Banal na Espiritu ng pangako; kung aling iba pang Mang-aaliw ay siya ring ipinangako ko sa aking mga disipulo, tulad ng natatala sa patotoo ni Juan.
4 Ang Mang-aaliw na ito ang pangakong aking ibinibigay sa inyo na buhay na walang hanggan, maging ang kaluwalhatian ng kahariang selestiyal;
5 Kung aling kaluwalhatian ay yaong sa simbahan ng Panganay, maging ng Diyos, ang pinakabanal sa lahat, sa pamamagitan ni Jesucristo na kanyang Anak—
6 Siya na umakyat sa kaitaasan, tulad din ng pagpapakababa niya sa lahat ng bagay, kung kaya’t kanyang nauunawaan ang lahat ng bagay, upang siya ay maging sa lahat at susamalahat ng bagay, ang liwanag ng katotohanan;
7 Na katotohanang nagniningning. Ito ang liwanag ni Cristo. Tulad din na siya ay nasa araw, at ang liwanag ng araw, at ang kapangyarihang yaon na gumawa nito.
8 Tulad din na siya ay nasa buwan, at ang liwanag ng buwan, at ang kapangyarihang yaon na gumawa nito;
9 Tulad din ng liwanag ng mga bituin, at ang kapangyarihang yaon na gumawa ng mga ito;
10 At sa mundo rin, at ang kapangyarihan yaon, maging ang mundo kung saan kayo nakatayo.
11 At ang liwanag na nagniningning, na nagbibigay sa inyo ng liwanag, ay sa pamamagitan niya na nagbibigay-liwanag sa inyong mga mata, na gayunding liwanag na gumigising sa inyong mga pang-unawa;
12 Na liwanag na nanggagaling mula sa kinaroroonan ng Diyos na pumupuno sa kalakhan ng kalawakan—
13 Ang liwanag na nasa lahat ng bagay, na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay, na batas na namamahala sa lahat ng bagay, maging ang kapangyarihan ng Diyos na siyang nakaupo sa kanyang luklukan, na siyang nasa dibdib ng kawalang-hanggan, na siyang nasa gitna ng lahat ng bagay.
14 Ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na sa pamamagitan ng pagtubos na ginawa para sa inyo ay isinasakatuparan ang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay.
15 At ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao.
16 At ang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay ang pagtubos sa kaluluwa.
17 At ang pagtubos sa kaluluwa ay sa pamamagitan niya na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay, kung kaninong dibdib isinasabatas na mamanahin ito ng mga maralita at ng maaamo ng mundo.
18 Samakatwid, talagang kinakailangang ito ay gawing banal mula sa lahat ng kasamaan, upang ito ay maihanda para sa selestiyal na kaluwalhatian;
19 Sapagkat matapos nitong magampanan ang layunin sa paglikha rito, ito ay puputungan ng kaluwalhatian, maging ng luwalhati ng Diyos Ama;
20 Upang ang mga yaong katawan na nasa kahariang selestiyal ay makamtan ito magpakailanman at walang katapusan; sapagkat sa layuning ito ginawa at nilikha ang yaon, at para sa layuning ito sila ginagawang banal.
21 At sila na hindi ginagawang banal sa pamamagitan ng batas na aking ibinibigay sa inyo, maging ang batas ni Cristo, ay talagang magmamana ng ibang kaharian, maging ang yaong kahariang terestriyal, o ang yaong kahariang telestiyal.
22 Sapagkat siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal ay hindi makakayanan ang isang kaluwalhatiang selestiyal.
23 At siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang terestriyal ay hindi makakayanan ang isang kaluwalhatiang terestriyal.
24 At siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang telestiyal ay hindi makakayanan ang isang kaluwalhatiang telestiyal; kaya nga siya ay hindi nararapat para sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Samakatwid, talagang titiisin niya ang isang kaharian na hindi isang kaharian ng kaluwalhatian.
25 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang mundo ay sumusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal, sapagkat ginagampanan nito ang layunin sa paglikha nito, at hindi nilalabag ang batas—
26 Samakatwid, ito ay gagawing banal; oo, bagama’t mamamatay ito, muli itong bibigyang-buhay, at makakayanan ang kapangyarihang nagbibigay-buhay rito, at ang matwid ay mamanahin ito.
27 Sapagkat bagama’t namamatay sila, sila rin ay magbabangong muli, isang espirituwal na katawan.
28 Sila na may selestiyal na espiritu ay tatanggapin ang yaon ding katawan na isang likas na katawan; maging inyong matatanggap ang mga katawan ninyo, at ang inyong kaluwalhatian ay magiging ang gayong kaluwalhatian na nagbibigay-buhay sa inyong mga katawan.
29 Kayo na binibigyang-buhay ng isang bahagi ng kaluwalhatiang selestiyal, sa gayon ay makatatanggap ng gayundin, maging isang kabuuan.
30 At sila na binibigyang-buhay ng isang bahagi ng kaluwalhatiang terestriyal, sa gayon ay makatatanggap ng gayundin, maging isang kabuuan.
31 At gayundin sila na binibigyang-buhay ng isang bahagi ng kaluwalhatiang telestiyal, sa gayon ay makatatanggap ng gayundin, maging isang kabuuan.
32 At sila na maiiwan ay bibigyang-buhay rin; gayunpaman, magbabalik silang muli sa kanilang sariling lugar, upang tamasahin ang yaong kanilang handang tanggapin, dahil hindi sila handang tamasahin ang yaong kanila sanang matatanggap.
33 Sapagkat ano ang pakinabang sa isang tao kung ang isang handog ay ipinagkakaloob sa kanya, at hindi niya tinatanggap ang handog? Dinggin, hindi siya nagsasaya sa yaong ibinibigay sa kanya, ni nagsasaya sa kanya ang yaong nagkaloob ng handog.
34 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ang yaong pinamamahalaan ng batas ay pinangangalagaan din ng batas at ginagawang ganap at ginagawang banal ng gayundin.
35 Ang yaong lumalabag sa batas, at hindi sumusunod sa batas, sa halip ay naghahangad na maging batas sa sarili nito, at pinipiling manatili sa kasalanan, at lubos na nananatili sa kasalanan, ay hindi magagawang-banal ng batas, ni ng awa, katarungan, o paghuhukom. Samakatwid, sila ay talagang mananatili pa ring marurumi.
36 Ang lahat ng kaharian ay may batas na ibinibigay;
37 At may maraming kaharian; sapagkat walang lugar kung saan walang kaharian; at walang kaharian kung saan walang lugar, maging isang higit na dakila o higit na mababang kaharian.
38 At sa bawat kaharian ay ibinibigay ang isang batas; at ang bawat batas ay mayroon ding ilang hangganan at kinakailangan.
39 Ang lahat ng nilalang na hindi sumusunod sa mga kinakailangang iyon ay hindi binibigyang-katwiran.
40 Sapagkat ang katalinuhan ay kumakapit sa katalinuhan; ang karunungan ay tumatanggap ng karunungan; ang katotohanan ay yumayakap sa katotohanan; ang karangalan ay minamahal ang karangalan; ang liwanag ay kumakapit sa liwanag; ang awa ay may habag sa awa at inaangkin ang kanya; ang katarungan ay nagpapatuloy sa landas nito at inaangkin ang kanya; nauuna ang paghuhukom sa harapan ng mukha niya na nakaupo sa luklukan at namamahala at nagsasagawa ng lahat ng bagay.
41 Nauunawaan niya ang lahat ng bagay, at lahat ng bagay ay nasa harapan niya, at napalilibutan siya ng lahat ng bagay; at siya ay nangingibabaw sa lahat ng bagay, at napapasalahat ng bagay, at sumasalahat ng bagay, at nakapalibot sa lahat ng bagay; at lahat ng bagay ay sa kanya, at mula sa kanya, maging ang Diyos, magpakailanman at walang katapusan.
42 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, siya ay nagbibigay ng batas sa lahat ng bagay, na nagpapakilos sa mga ito alinsunod sa mga oras ng mga ito at mga panahon ng mga ito;
43 At ang landas nila ay nakatakda, maging ang mga landas ng kalangitan at ng lupa, na kinabibilangan ng mundo at ng lahat ng planeta.
44 At binibigyang-liwanag ng mga ito ang bawat isa alinsunod sa mga sandali ng mga ito at sa mga panahon ng mga ito, sa mga minuto ng mga ito, sa mga oras ng mga ito, sa mga araw ng mga ito, sa mga linggo ng mga ito, sa mga buwan ng mga ito, sa mga taon ng mga ito—lahat ng ito ay isang taon sa Diyos, subalit hindi sa tao.
45 Ang mundo ay umiinog sa kanyang mga pakpak, at ang araw ay nagbibigay ng kanyang liwanag sa umaga, at ang buwan ay nagbibigay ng kanyang liwanag sa gabi, at ang mga bituin ay nagbibigay rin ng kanilang liwanag, habang umiinog sila sa mga pakpak nila alinsunod sa kanilang kaluwalhatian, sa gitna ng kapangyarihan ng Diyos.
46 Sa ano ko ihahalintulad ang mga kahariang ito, upang maunawaan ninyo?
47 Dinggin, lahat ng ito ay mga kaharian, at sinumang tao na nakikita ang anuman o ang pinakamaliit nito ay nakikita ang Diyos na kumikilos sa kanyang kamahalan at kapangyarihan.
48 Sinasabi ko sa inyo, kanyang nakikita siya; gayunpaman, siya na naparoon sa sariling kanya ay hindi naunawaan.
49 Ang ilaw ay nagliliwanag sa kadiliman, at ang kadiliman ay hindi ito nauunawaan; gayunpaman, darating ang panahon na inyong mauunawaan maging ang Diyos, sapagkat binigyang-buhay kayo sa kanya at sa pamamagitan niya.
50 Sa gayon ninyo makikilala na inyong nakita ako, na ako nga, at na ako ang tunay na liwanag na nasa inyo, at kayo ay nasa akin; kung hindi, kayo ay hindi uunlad.
51 Dinggin, aking ihahalintulad ang mga kahariang ito sa isang lalaki na may isang bukid, at kanyang isinugo sa bukid ang mga tagapaglingkod niya na magbungkal sa bukid.
52 At kanyang sinabi sa una: Humayo ka at gumawa sa bukid, at sa unang oras ay patutungo ako sa iyo, at makikita mo ang kagalakan sa aking mukha.
53 At kanyang sinabi sa pangalawa: Humayo ka rin sa bukid, at sa pangalawang oras ay dadalawin kita nang may kagalakan sa aking mukha.
54 At gayundin sa pangatlo, sinasabing: Ikaw ay aking dadalawin;
55 At sa pang-apat, at gayon nga hanggang sa panlabindalawa.
56 At ang panginoon ng bukid ay nagtungo sa una sa unang oras, at nanatili sa kanya sa buong oras na yaon, at siya ay napasaya ng liwanag ng mukha ng kanyang panginoon.
57 At pagkatapos ay lumisan siya mula sa una upang makadalaw rin siya sa pangalawa, at sa pangatlo, at sa pang-apat, at gayon nga hanggang sa panlabindalawa.
58 At sa gayon nila lahat natanggap ang liwanag ng mukha ng kanilang panginoon, bawat tao sa kanyang oras, at sa kanyang sandali, at sa kanyang panahon—
59 Simula sa una, at gayon nga hanggang sa huli, at mula sa huli hanggang sa una, at mula sa una hanggang sa huli;
60 Bawat tao alinsunod sa kanyang sariling pagkakasunud-sunod, hanggang sa matapos ang kanyang oras, maging alinsunod sa ipinag-utos sa kanya ng kanyang panginoon, upang ang kanyang panginoon ay maluwalhati sa kanya, at siya sa kanyang panginoon, nang silang lahat ay maluwalhati.
61 Anupa’t sa talinghagang ito ko ihahalintulad ang lahat ng kahariang ito, at ang mga naninirahan sa mga ito—bawat kaharian sa oras nito, at sa sandali nito, at sa panahon nito, maging alinsunod sa batas na ginawa ng Diyos.
62 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, iniiwan ko ang mga pananalitang ito sa inyo upang pagnilayan sa inyong mga puso, lakip ang kautusang ito na aking ibinibigay sa inyo, na mananawagan kayo sa akin habang ako ay malapit—
63 Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makasusumpong; kumatok, at kayo ay pagbubuksan.
64 Anuman ang inyong hinihingi sa Ama sa aking pangalan, ipagkakaloob ito sa inyo, na marapat sa inyo;
65 At kung kayo ay hihingi ng anumang bagay na hindi marapat sa inyo, ito ay magdudulot sa inyo ng kaparusahan.
66 Dinggin, ang yaong inyong naririnig ay tulad ng tinig ng isang sumisigaw sa ilang—sa ilang, sapagkat hindi ninyo siya nakikita—ang aking tinig, sapagkat ang aking tinig ay Espiritu; ang aking Espiritu ay katotohanan; ang katotohanan ay nagpapatuloy at walang katapusan; at kung nasa inyo ito, mananagana ito.
67 At kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuspos ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo; at ang yaong katawan na puspos ng liwanag ay nauunawaan ang lahat ng bagay.
68 Samakatwid, gawing banal ang inyong sarili upang ang mga isipan ninyo ay matuon sa Diyos, at darating ang mga araw na inyo siyang makikita; sapagkat ilalantad niya ang kanyang mukha sa inyo, at iyon ay sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban.
69 Tandaan ang dakila at huling pangako na aking ginawa sa inyo; itapon ang inyong mga walang kabuluhang iniisip at ang inyong labis na pagtawa nang malayo sa inyo.
70 Manatili kayo, manatili kayo sa lugar na ito, at tumawag ng isang kapita-pitagang kapulungan, maging kinabibilangan ng mga yaong unang manggagawa sa huling kahariang ito.
71 At mananawagan sa Panginoon ang mga yaong kanilang binabalaan sa kanilang paglalakbay, at pagninilayan ang babala na kanilang natatanggap sa mga puso nila, sa sandaling panahon.
72 Dinggin, at makinig, aking aalagaan ang inyong mga kawan, at magbabangon ng mga elder at magsusugo sa kanila.
73 Dinggin, aking mamadaliin ang gawain ko sa panahon nito.
74 At aking ibinibigay sa inyo, na mga unang manggagawa sa huling kahariang ito, ang isang kautusan na sama-sama ninyong tipunin ang inyong sarili, at isaayos ang inyong sarili, at ihanda ang inyong sarili, at gawing banal ang inyong sarili; oo, gawing dalisay ang inyong mga puso, at linisin ang inyong mga kamay at inyong mga paa sa harapan ko, upang akin kayong gawing malinis;
75 Upang ako ay makapagpatotoo sa inyong Ama, at inyong Diyos, at aking Diyos, na kayo ay malinis mula sa dugo ng masamang salinlahing ito; upang aking matupad ang pangakong ito, ang dakila at huling pangakong ito, na aking ginawa sa inyo, kung kailan ko ito loloobin.
76 Gayundin, binibigyan ko kayo ng isang kautusan na kayo ay magpapatuloy sa pananalangin at pag-aayuno mula sa sandaling ito.
77 At binibigyan ko kayo ng isang kautusan na ituturo ninyo sa isa’t isa ang doktrina ng kaharian.
78 Masigasig kayong magturo at mapapasainyo ang aking biyaya, upang kayo ay higit na ganap na matagubilinan hinggil sa teorya, sa alituntunin, sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, na marapat ninyong maunawaan;
79 Hinggil sa mga bagay na kapwa nasa langit at nasa lupa, at sa ilalim ng lupa; mga bagay na nangyari na, mga bagay na nangyayari, mga bagay na talagang malapit nang mangyari; mga bagay na nasa tahanan, mga bagay na nasa ibang bansa; ang mga digmaan at ang mga pagkaligalig ng mga bansa, at ang mga kahatulan na nasa lupa; at kaalaman din tungkol sa mga bansa at sa mga kaharian—
80 Upang kayo ay maging handa sa lahat ng bagay kapag muli ko kayong isusugo na gampanang mabuti ang tungkulin na kung saan ko kayo tinatawag, at ang misyon na aking iniaatas sa inyo.
81 Dinggin, isinugo ko kayo na magpatotoo at balaan ang mga tao, at naaangkop sa bawat tao na nabalaan na balaan ang kanyang kapwa.
82 Samakatwid, maiiwan silang walang maidadahilan, at ang kanilang mga kasalanan ay nasa sarili nilang mga ulo.
83 Siya na naghahanap sa akin nang maaga ay masusumpungan ako, at hindi pababayaan.
84 Anupa’t manatili kayo, at masigasig na gumawa, upang kayo ay magawang ganap sa inyong paglilingkod na humayo sa mga Gentil sa huling pagkakataon, kasindami ng papangalanan ng bibig ng Panginoon, na ingatan ang batas at tatakan ang patotoo, at na ihanda ang mga banal para sa oras ng kahatulan na sasapit;
85 Upang ang kanilang mga kaluluwa ay makatakas sa poot ng Diyos, ang karumal-dumal na kapanglawan na naghihintay sa masasama, kapwa sa daigdig na ito at sa susunod na daigdig. Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, magpapatuloy sa ubasan ang mga yaong hindi mga unang elder hanggang sa tawagin sila ng bibig ng Panginoon, sapagkat ang kanilang panahon ay hindi pa sumasapit; ang kanilang mga kasuotan ay hindi malinis mula sa dugo ng salinlahing ito.
86 Mamalagi kayo sa kalayaan na nagpalaya sa inyo; huwag isasangkot ang inyong sarili sa kasalanan, sa halip, panatilihing malinis ang inyong mga kamay, hanggang sa pumarito ang Panginoon.
87 Sapagkat hindi na maraming araw mula ngayon at ang lupa ay manginginig at magpapagiray-giray nang paroo’t parito na parang isang taong lango; at itatago ng araw ang kanyang mukha, at tatangging magbigay ng liwanag; at ang buwan ay maliligo sa dugo; at ang mga bituin ay labis na magagalit, at ihuhulog nila ang kanilang sarili tulad ng isang igos na nalalaglag mula sa puno ng igos.
88 At pagkaraan ng inyong patotoo ay sasapit ang poot at galit sa mga tao.
89 Sapagkat pagkaraan ng inyong patotoo ay sasapit ang patotoo ng mga lindol, na magdudulot ng paghihinagpis sa kaibuturan niya, at ang mga tao ay babagsak sa lupa at hindi makatatayo.
90 At sasapit din ang patotoo ng tinig ng mga kulog, at ng tinig ng mga kidlat, at ng tinig ng mga unos, at ng tinig ng mga alon sa dagat, pinaaalon ang kanilang sarili na lagpas sa kanilang mga hangganan.
91 At lahat ng bagay ay magkakagulo; at tiyak na manlulupaypay ang mga puso ng mga tao; sapagkat ang takot ay mapapasalahat ng tao.
92 At ang mga anghel ay lilipad sa gitna ng langit, sumisigaw sa malakas na tinig, hinihipan ang trumpeta ng Diyos, sinasabing: Maghanda kayo, maghanda kayo, O mga naninirahan sa mundo; sapagkat ang paghuhukom ng ating Diyos ay sumapit na. Dinggin, at makinig, ang Kasintahanang lalaki ay dumarating na; lumabas kayo upang salubungin siya.
93 At kaagad na may lilitaw na isang dakilang tanda sa langit, at lahat ng tao ay sama-samang makikita ito.
94 At isa pang anghel ang iihip sa kanyang trumpeta, sinasabing: Ang yaong makapangyarihang simbahan, ang ina ng mga karumal-dumal na gawain, na nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng kapootan ng kanyang pangangalunya, na umuusig sa mga banal ng Diyos, na pinadanak ang kanilang dugo—siya na nakaupo sa maraming katubigan, at sa mga pulo ng dagat—dinggin, siya ang mga agingay ng mundo; siya ay nakabungkos; ang kanyang mga gapos ay ginawang matibay, walang sinumang tao ang makakakalag ng mga ito; kaya nga, siya ay handa nang sunugin. At kanyang hihipan ang trumpeta niya nang kapwa matagal at malakas, at maririnig ito ng lahat ng bansa.
95 At magkakaroon ng katahimikan sa langit sa loob ng kalahating oras; at pagkatapos na pagkatapos nito, ang tabing ng langit ay mahahawi, tulad ng isang pergaminong balumbon na iniladlad matapos itong ibalumbon, at ang mukha ng Panginoon ay ilalantad;
96 At ang mga banal na nasa mundo, na buhay, ay bibigyang-kapangyarihan at dadalhing paakyat upang salubungin siya.
97 At sila na natutulog sa kanilang mga libingan ay babangon, sapagkat bubuksan ang kanilang mga libingan; at sila rin ay dadalhing paakyat upang salubungin siya sa gitna ng haligi ng langit—
98 Sila ay kay Cristo, ang mga unang bunga, sila na mga unang bababang kasama niya, at sila na mga nasa mundo at sa kanilang mga libingan, na mga unang dadalhing paakyat upang salubungin siya; at lahat ng ito ay bunga ng pagpapatunog ng trumpeta ng anghel ng Diyos.
99 At pagkaraan nito, isa pang anghel ang iihip, na pangalawang trumpeta; at pagkatapos ay sasapit ang pagtubos sa mga yaong kay Cristo sa kanyang pagparito; na tumatanggap ng kanilang bahagi sa yaong bilangguan na inihahanda para sa kanila, upang kanilang matanggap ang ebanghelyo, at mahatulan alinsunod sa mga tao sa laman.
100 At muli, isa pang trumpeta ang tutunog, na pangatlong trumpeta; at pagkatapos ay darating ang mga espiritu ng mga taong hahatulan, at mga natagpuang napapasailalim ng paghahatol;
101 At sila ang mga natira sa mga patay; at sila ay hindi muling mabubuhay hanggang sa matapos ang isanlibong taon, ni hindi na muli, hanggang sa katapusan ng mundo.
102 At isa pang trumpeta ang tutunog, na pang-apat na trumpeta, sinasabing: May matatagpuan sa mga yaong mananatili hanggang sa yaong dakila at huling araw, maging sa katapusan, na mananatili pa ring marurumi.
103 At isa pang trumpeta ang tutunog, na panlimang trumpeta, na panlimang anghel na siyang nagdadala ng walang hanggang ebanghelyo—na lumilipad sa gitna ng langit, sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao;
104 At ito ang magiging tunog ng kanyang trumpeta, sinasabi sa lahat ng tao, kapwa sa nasa langit at nasa lupa, at sa mga yaong nasa ilalim ng lupa—sapagkat bawat tainga ay maririnig ito, at bawat tuhod ay luluhod, at bawat dila ay magtatapat, habang kanilang naririnig ang tunog ng trumpeta, sinasabing: Matakot sa Diyos, at magbigay-luwalhati sa kanya na nakaupo sa luklukan, magpakailanman at walang katapusan; sapagkat ang oras ng kanyang paghuhukom ay dumating na.
105 At muli, isa pang anghel ang iihip sa kanyang trumpeta, na pang-anim na anghel, sinasabing: Siya ay nahulog, na nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng kapootan ng kanyang pangangalunya; siya ay nahulog, nahulog!
106 At muli, isa pang anghel ang iihip sa kanyang trumpeta, na pampitong anghel, sinasabing: Tapos na; tapos na! Ang Kordero ng Diyos ay nananaig at niyayapakang mag-isa ang pisaan ng alak, maging ang pisaan ng alak ng kabagsikan ng poot ng Pinakamakapangyarihang Diyos.
107 At pagkatapos, ang mga anghel ay puputungan ng kaluwalhatian ng kanyang kapangyarihan, at ang mga banal ay mapupuspos ng kanyang kaluwalhatian, at tatanggapin ang kanilang mana at gagawing pantay sa kanya.
108 At pagkatapos, muling hihipan ng unang anghel ang kanyang trumpeta sa mga tainga ng lahat ng nabubuhay, at ibubunyag ang mga lihim na gawain ng tao, at ang mga dakilang gawa ng Diyos sa unang isanlibong taon.
109 At pagkatapos, hihipan ng pangalawang anghel ang kanyang trumpeta, at ibubunyag ang mga lihim na gawain ng tao, at ang mga saloobin at layunin ng kanilang mga puso, at ang mga dakilang gawa ng Diyos sa pangalawang isanlibong taon—
110 At gayundin ang iba pa, hanggang sa hipan ng pampitong anghel ang kanyang trumpeta; at siya ay tatayo sa ibabaw ng lupa at sa ibabaw ng dagat, at manunumpa sa pangalan niya na nakaupo sa luklukan, na wala nang panahon pa; at si Satanas ay igagapos, ang yaong matandang ahas, na tinatawag na diyablo, at hindi kakalagan sa loob ng isanlibong taon.
111 At pagkatapos, siya ay kakalagan nang sandaling panahon, upang kanyang sama-samang makalap ang mga hukbo niya.
112 At si Miguel, ang pampitong anghel, maging ang arkanghel, ay sama-samang kakalapin ang kanyang mga hukbo, maging ang mga hukbo ng langit.
113 At ang diyablo ay sama-samang kakalapin ang kanyang mga hukbo; maging ang mga hukbo ng impiyerno, at sasalakay upang makidigma kay Miguel at sa kanyang mga hukbo.
114 At pagkatapos ay sasapit ang digmaan ng dakilang Diyos; at ang diyablo at ang kanyang mga hukbo ay itatapon sa kanilang sariling lugar, kung kaya’t hindi na sila magkakaroon pa ng kapangyarihan sa mga banal.
115 Sapagkat si Miguel ang lalaban sa kanilang mga digmaan, at daraigin siya na hinahangad ang luklukan niya na nakaupo sa luklukan, maging ang Kordero.
116 Ito ang kaluwalhatian ng Diyos, at ng mga ginawang banal; at sila ay hindi na makakikita pa ng kamatayan.
117 Anupa’t katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, tawagin ang inyong kapita-pitagang kapulungan, tulad ng aking ipinag-uutos sa inyo.
118 At sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya, masigasig na maghangad at magturo sa isa’t isa ng mga salita ng karunungan; oo, magsaliksik kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayundin sa pamamagitan ng pananampalataya.
119 Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalangin, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos;
120 Upang ang inyong mga pagpasok ay maging sa pangalan ng Panginoon; nang ang inyong mga paglabas ay maging sa pangalan ng Panginoon; upang ang lahat ng inyong mga pagbati ay maging sa pangalan ng Panginoon, nang nakataas ang mga kamay sa Kataas-taasan.
121 Anupa’t tumigil sa lahat ng inyong mabababaw na pananalita, mula sa lahat ng halakhak, mula sa lahat ng inyong mahahalay na pagnanasa, mula sa lahat ng inyong kapalaluan at mabababaw na pag-iisip, at mula sa lahat ng inyong masasamang gawain.
122 Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat nang sabay-sabay; sa halip, magsasalita nang paisa-isa at makikinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag nakapagsalita na ang lahat, ang lahat ay mapababanal ng lahat, at upang magkaroon ang lahat ng tao ng pantay na karapatan.
123 Tiyakin na inyong minamahal ang isa’t isa; tumigil sa pagiging mapag-imbot; matutong magbahagi sa bawat isa tulad ng hinihingi ng ebanghelyo.
124 Tumigil sa pagiging tamad; tumigil sa pagiging marumi; tumigil sa paghahanap ng mali sa isa’t isa; tumigil sa pagtulog nang higit na mahaba kaysa sa kinakailangan; humiga sa inyong higaan nang maaga, upang kayo ay hindi mapagod; gumising nang maaga, upang ang inyong mga katawan at inyong mga isip ay mabigyang-lakas.
125 At higit sa lahat, damitan ang inyong sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao, tulad ng isang balabal, na siyang bigkis ng kasakdalan at kapayapaan.
126 Manalangin sa tuwina, upang hindi kayo manghina, hanggang sa ako ay pumarito. Dinggin, at makinig, ako ay madaling paparito, at tatanggapin kayo sa aking sarili. Amen.
127 At muli, ang kaayusan ng bahay na inihahanda para sa panguluhan ng paaralan ng mga propeta, itinatatag para sa kanilang tagubilin sa lahat ng bagay na marapat para sa kanila, maging para sa lahat ng pinuno sa simbahan, o sa ibang salita, ang mga yaong tinatawag sa paglilingkod sa simbahan, mula sa matataas na saserdote, maging pababa sa mga diyakono—
128 At ito ang magiging kaayusan ng bahay ng panguluhan ng paaralan: Siya na itinatalaga na maging pangulo, o guro, ay matatagpuang nakatayo sa lugar niya, sa bahay na ihahanda para sa kanya.
129 Samakatwid, siya ay mauuna sa bahay ng Diyos, sa lugar kung saan ang kongregasyon sa bahay ay maririnig ang kanyang mga salita nang maingat at malinaw, hindi nang may malakas na pananalita.
130 At kapag siya ay pumapasok sa bahay ng Diyos, sapagkat nararapat na mauna siya sa bahay—dinggin, ito ay maganda, nang maging isang halimbawa siya—
131 Iaalay niya ang kanyang sarili sa pananalangin nang nakaluhod sa harapan ng Diyos, bilang sagisag o alaala ng walang hanggang tipan.
132 At kung may sinumang papasok pagkaraan niya, tatayo ang guro, at, nang may mga kamay na nakataas sa langit, oo, maging nang tuwid, babatiin niya ang kanyang kapatid o mga kapatid gamit ang mga salitang ito:
133 Ikaw ba ay kapatid o mga kapatid ba kayo? Binabati kita sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, bilang sagisag o alaala ng walang hanggang tipan, na kung saang tipan ay tinatanggap kita sa kapatiran, sa isang paninindigang matatag, hindi natitinag, at hindi nababago, na iyong maging kaibigan at kapatid sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos sa mga bigkis ng pagmamahal, na bumabagtas sa lahat ng kautusan ng Diyos nang walang kasalanan, sa pagpapasalamat, magpakailanman at walang katapusan. Amen.
134 At siya na natatagpuang hindi karapat-dapat sa pagbating ito ay hindi magkakaroon ng lugar sa inyo; sapagkat hindi ninyo ipahihintulot na ang aking bahay ay marumihan niya.
135 At siya na papasok at matapat sa harapan ko, at isang kapatid, o kung sila ay mga kapatid, babatiin nila ang pangulo o guro gamit ang mga kamay na nakataas sa langit, gamit ang gayunding panalangin at tipan, o sa pamamagitan ng pagsasabi ng Amen, na sagisag din nito.
136 Dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ay isang halimbawa sa inyo bilang isang pagbati sa isa’t isa sa bahay ng Diyos, sa paaralan ng mga propeta.
137 At kayo ay tinatawag na gawin ito sa pamamagitan ng panalangin at pagpapasalamat, habang ang Espiritu ay magbibigay ng pananalita sa lahat ng inyong gawain sa bahay ng Panginoon, sa paaralan ng mga propeta, upang ito ay maging isang santuwaryo, isang tabernakulo ng Banal na Espiritu sa inyong ikababanal.
138 At kayo ay hindi tatanggap ng sinuman sa inyo sa paaralang ito maliban sa malinis siya mula sa dugo ng salinlahing ito;
139 At siya ay tatanggapin sa pamamagitan ng ordenansa ng paghuhugas ng mga paa, sapagkat sa ganitong hangarin sinimulan ang ordenansa ng paghuhugas ng mga paa.
140 At muli, ang ordenansa ng paghuhugas ng mga paa ay pangangasiwaan ng pangulo, o namumunong elder ng simbahan.
141 Ito ay sisimulan sa panalangin; at pagkaraang makibahagi ng tinapay at alak, bibigkisan niya ang kanyang sarili alinsunod sa huwarang ibinigay sa ikalabintatlong kabanata ng patotoo ni Juan hinggil sa akin. Amen.