Bahagi 83
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Independence, Missouri, Abril 30, 1832. Natanggap ang paghahayag na ito habang nakikipagpulong ang Propeta sa kanyang mga kapatid.
1–4, May karapatan ang kababaihan at mga anak sa kanilang mga asawa at ama para sa kanilang panustos; 5–6, May karapatan ang mga balo at ulila sa Simbahan para sa kanilang panustos.
1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, bilang karagdagan sa mga batas ng simbahan hinggil sa kababaihan at mga anak, na mga yaong nabibilang sa simbahan, na nawalan ng kanilang mga asawa o ama:
2 Ang kababaihan ay may karapatan sa kanilang mga asawa para sa kanilang ikabubuhay, hanggang sa kunin ang kanilang mga asawa; at kung sila ay hindi natagpuang lumabag, magkakaroon sila ng pakikipagkapatiran sa simbahan.
3 At kung sila ay hindi matatapat, hindi sila magkakaroon ng pakikipagkapatiran sa simbahan; gayunpaman, maaaring manatili sa kanila ang mga mana nila alinsunod sa mga batas ng lupain.
4 Ang lahat ng anak ay may karapatan sa kanilang mga magulang para sa kanilang ikabubuhay hanggang sa sumapit sila sa hustong gulang.
5 At pagkaraan niyon, sila ay may karapatan sa simbahan, o sa ibang salita, sa kamalig ng Panginoon, kung ang kanilang mga magulang ay walang maibibigay na anuman sa kanila na mga mana.
6 At ang kamalig ay pananatilihin sa pamamagitan ng mga paglalaan ng simbahan; at paglalaanan ang mga balo at ulila, gayundin ang mga maralita. Amen.