Bahagi 76
Isang pangitain na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Sidney Rigdon, sa Hiram, Ohio, Pebrero 16, 1832. Bilang paunang salita sa tala ng pangitaing ito, ipinahahayag ng kasaysayan ni Joseph Smith: “Pagkabalik ko mula sa pagpupulong sa Amherst, ipinagpatuloy ko ang pagsasalin ng mga Banal na Kasulatan. Mula sa iba’t ibang paghahayag na natanggap, kitang-kita na maraming mahalagang paksa hinggil sa kaligtasan ng tao ang inalis mula sa Biblia, o nawala bago ito tinipon. Tila kapansin-pansin mula sa mga naiwang katotohanan na kung ginagantimpalaan ng Diyos ang lahat alinsunod sa gawang ginawa sa katawang-lupa, ang katagang ’Langit,’ na ginagamit upang tukuyin ang walang hanggang tahanan ng mga Banal, ay kinakailangang kabilangan ng higit na marami pang kaharian kaysa sa isa. Sa gayon, … habang isinasalin ang Ebanghelyo ni San Juan, nakita ko at ni Elder Rigdon ang sumusunod na pangitain.” Noong oras na ibinigay ang pangitain, isinasalin ng Propeta ang Juan 5:29.
1–4, Ang Panginoon ay Diyos; 5–10, Ihahayag ang mga hiwaga ng kaharian sa lahat ng matapat; 11–17, Babangon ang lahat sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid o ng mga hindi matwid; 18–24, Ang mga naninirahan sa maraming daigdig ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo; 25–29, Isang anghel ng Diyos ang bumagsak at naging ang diyablo; 30–49, Dumaranas ang mga anak ng kapahamakan ng walang hanggang kapahamakan; nagkakamit ang lahat ng iba pa ng ilang antas ng kaligtasan; 50–70, Inilalarawan ang kaluwalhatian at gantimpala ng mga dinakilang nilalang sa kahariang selestiyal; 71–80, Inilalarawan ang mga yaong magmamana ng kahariang terestriyal; 81–113, Ipinaliliwanag ang kalagayan ng mga yaong nasa kaluwalhatiang telestiyal, terestriyal, at selestiyal; 114–119, Maaaring makita at maunawaan ng matatapat ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
1 Pakinggan, O kayong kalangitan, at makinig, O lupa, at magsaya kayong mga naninirahan sa mga ito, sapagkat ang Panginoon ay Diyos, at maliban sa kanya ay wala nang Tagapagligtas.
2 Dakila ang kanyang karunungan, kagila-gilalas ang kanyang mga pamamaraan, at ang lawak ng kanyang mga gawain ay walang makatutuklas.
3 Ang kanyang mga layunin ay hindi nabibigo, ni walang sinuman ang makapipigil sa kanyang kamay.
4 Mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, siya ay gayundin, at ang kanyang mga taon ay hindi nagwawakas.
5 Sapagkat ganito ang wika ng Panginoon—Ako, ang Panginoon, ay maawain at mapagbiyaya sa mga yaong natatakot sa akin, at nalulugod na parangalan ang mga yaong naglilingkod sa akin sa katwiran at sa katotohanan hanggang sa katapusan.
6 Dakila ang kanilang magiging gantimpala at walang hanggan ang kanilang magiging kaluwalhatian.
7 At sa kanila ay aking ihahayag ang lahat ng hiwaga, oo, lahat ng nakakubling mga hiwaga ng aking kaharian mula noong sinauna, at sa mga panahong darating, aking ipaaalam sa kanila ang mabuting pagnanais ng aking kalooban hinggil sa lahat ng bagay na nauukol sa aking kaharian.
8 Oo, maging ang mga kamangha-mangha ng kawalang-hanggan ay kanilang malalaman, at ang mga bagay na sasapit ay aking ipakikita sa kanila, maging ang mga bagay hinggil sa maraming salinlahi.
9 At ang kanilang karunungan ay magiging walang hangganan, at ang kanilang pang-unawa ay aabot hanggang sa langit; at sa harapan nila, ang karunungan ng matatalino ay mapapawi, at ang pang-unawa ng mahihinahon ay mawawalang-saysay.
10 Sapagkat sa pamamagitan ng aking Espiritu ko sila bibigyang-liwanag, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan ko ipaaalam sa kanila ang mga lihim ng aking kalooban—oo, maging ang mga yaong bagay na hindi nakikita ng mata, ni hindi naririnig ng tainga, ni hindi pa pumapasok sa puso ng tao.
11 Kami, sina Joseph Smith, Jun., at Sidney Rigdon, habang napapasailalim ng Espiritu noong ikalabing-anim na araw ng Pebrero, sa taon ng ating Panginoon isanlibo walong daan at tatlumpu’t dalawa—
12 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, ang aming mga mata ay nabuksan at ang aming mga pang-unawa ay naliwanagan, kaya nakikita at nauunawaan ang mga bagay na patungkol sa Diyos—
13 Maging ang mga yaong bagay na mula pa sa simula bago nilikha ang daigdig, na inorden ng Ama, sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak, na nasa kandungan ng Ama, maging mula sa simula;
14 Na siya naming pinatototohanan; at ang pinatototohanan namin ay ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na siyang Anak, na siyang aming nakita at siyang aming nakausap sa isang pangitain mula sa langit.
15 Sapagkat habang aming ginagawa ang gawain ng pagsasalin, na itinakda ng Panginoon sa amin, kami ay humantong sa ikadalawampu’t siyam na talata ng ikalimang kabanata ni Juan, na ibinigay sa amin tulad ng sumusunod—
16 Nangungusap tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, hinggil sa mga yaong makaririnig sa tinig ng Anak ng Tao:
17 At babangon; sila na gumawa ng mabuti, sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid; at sila na gumawa ng masama, sa pagkabuhay na mag-uli ng mga hindi matwid.
18 Ngayon, ito ay nagdulot sa amin na mamangha, sapagkat ibinigay ito sa amin ng Espiritu.
19 At habang kami ay nagbubulay-bulay tungkol sa mga bagay na ito, hinipo ng Panginoon ang mga mata ng aming mga pang-unawa at ang mga ito ay nabuksan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa paligid.
20 At aming namasdan ang kaluwalhatian ng Anak, sa kanang kamay ng Ama, at natanggap ang kanyang kabuuan;
21 At nakita ang mga banal na anghel, at sila na mga ginagawang banal sa harapan ng kanyang luklukan, sinasamba ang Diyos, at ang Kordero, na silang sumasamba sa kanya magpakailanman at walang katapusan.
22 At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay tungkol sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibinibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!
23 Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—
24 Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at dahil sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan sa mga ito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.
25 At ito ay nakita rin namin, at pinatototohanan, na isang anghel ng Diyos na may karapatan sa harapan ng Diyos, na naghimagsik laban sa Bugtong na Anak na siyang minahal ng Ama at siyang nasa kandungan ng Ama, ay iwinaksi mula sa harapan ng Diyos at ng Anak,
26 At tinawag na Kapahamakan, sapagkat ang kalangitan ay tumangis dahil sa kanya—siya si Lucifer, na anak ng umaga.
27 At aming namasdan, at dinggin, siya ay bumagsak! bumagsak, maging ang anak ng umaga!
28 At habang kami ay napapasailalim pa ng Espiritu, inutusan kami ng Panginoon na nararapat naming isulat ang pangitain; sapagkat aming namalas si Satanas, ang yaong matandang ahas, maging ang diyablo, na naghimagsik laban sa Diyos, at naghangad na kunin ang kaharian ng aming Diyos at ng kanyang Cristo—
29 Samakatwid, siya ay nakikipagdigma sa mga banal ng Diyos, at pinaliligiran sila.
30 At aming nakita ang isang pangitain ng mga pagdurusa ng mga yaong kanyang dinigma at nilupig, sapagkat ganito dumating ang tinig ng Panginoon sa amin:
31 At ganito ang wika ng Panginoon hinggil sa lahat ng yaong nakaaalam ng aking kapangyarihan, at ginawang kabahagi nito, at pinahintulutan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kakayahan ng diyablo na manlupig, at na itatwa ang katotohanan at labanan ang aking kapangyarihan—
32 Sila ang mga yaong anak ng kapahamakan, na silang sinabi ko na higit na mabuti pa para sa kanila na hindi na isinilang;
33 Sapagkat sila ay mga sisidlan ng poot, hinatulan na danasin ang poot ng Diyos, kasama ng diyablo at ng kanyang mga anghel sa kawalang-hanggan;
34 Hinggil sa mga yaong aking sinabi na walang kapatawaran sa daigdig na ito ni sa susunod na daigdig—
35 Itinatwa ang Banal na Espiritu matapos matanggap ito, at itinatwa ang Bugtong na Anak ng Ama, ipinako siya sa krus sa kanilang sarili at inilagay siya sa hayag na kahihiyan.
36 Sila ang mga yaong tutungo sa lawa ng apoy at asupre, kasama ng diyablo at ng kanyang mga anghel—
37 At sa kanila lamang magkakaroon ng anumang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan;
38 Oo, katotohanan, sila lamang ang hindi tutubusin sa takdang panahon ng Panginoon, pagkatapos ng mga pagdurusa dahil sa kanyang poot.
39 Sapagkat ang lahat ng iba pa ay babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, sa pamamagitan ng pagwawagi at kaluwalhatian ng Kordero, na pinatay, na nasa kandungan ng Ama bago pa nilikha ang mga daigdig.
40 At ito ang ebanghelyo, ang masasayang balita, na pinatototohanan sa amin ng tinig mula sa kalangitan—
41 Na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus para sa sanlibutan, upang pasanin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang gawing banal ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan;
42 Na sa pamamagitan niya, ang lahat ay maliligtas na inilagay ng Ama sa kanyang kapangyarihan at nilalang sa pamamagitan niya;
43 Na siyang lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay, maliban ang mga yaong anak ng kapahamakan na itinatatwa ang Anak matapos siyang ihayag ng Ama.
44 Samakatwid, inililigtas niya ang lahat maliban sa kanila—sila ay patutungo sa walang hanggang kaparusahan, na walang katapusang kaparusahan, na kaparusahang walang-hanggang, upang maghari kasama ng diyablo at ng kanyang mga anghel sa kawalang-hanggan, kung saan ang kanilang uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi naaapula, na kanilang kaparusahan—
45 At ang hangganan nito, ni ang pangyayarihan nito, ni ang kanilang kaparusahan, walang taong nakaaalam;
46 Ni hindi ito inihayag, ni inihahayag, ni ihahayag sa tao, maliban sa kanila na magiging kabahagi nito;
47 Gayunpaman, ako, ang Panginoon, ay ipinakikita ito sa pamamagitan ng pangitain sa marami, subalit agad itong ikinukubling muli;
48 Samakatwid, ang hangganan, ang lapad, ang taas, ang lalim, at ang kalungkutan nito, ay hindi nila nauunawaan, ni ninuman maliban sa mga yaong itinakda sa kahatulang ito.
49 At aming narinig ang tinig, sinasabing: Isulat ang pangitain, sapagkat dinggin, ito ang katapusan ng pangitain tungkol sa mga pagdurusa ng mga hindi maka-diyos.
50 At muli, kami ay nagpapatotoo—sapagkat aming nakita at narinig, at ito ang patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Cristo hinggil sa kanila na babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid—
51 Sila ang mga yaong tumanggap ng patotoo tungkol kay Jesus, at naniwala sa kanyang pangalan at nabinyagan sa paraan ng kanyang pagkakalibing, na nalubog sa tubig sa kanyang pangalan, at ito ay alinsunod sa kautusan na kanyang ibinibigay—
52 Na sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan, sila ay maaaring mahugasan at malinis mula sa lahat ng kanilang mga kasalanan, at matanggap ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay niya na inorden at binigyan ng karapatang ito;
53 At siya na nananaig sa pamamagitan ng pananampalataya, at ibinubuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako, na ibinubuhos ng Ama sa lahat ng yaong makatarungan at totoo.
54 Sila ang mga yaong simbahan ng Panganay.
55 Sila ang mga yaon kung kaninong kamay ibinigay ng Ama ang lahat ng bagay—
56 Sila ang mga yaong saserdote at hari, na natanggap ang kanyang kabuuan, at ang kanyang kaluwalhatian;
57 At mga saserdote ng Kataas-taasan, alinsunod sa orden ni Melquisedec, na alinsunod sa orden ni Enoc, na alinsunod sa orden ng Bugtong na Anak.
58 Samakatwid, tulad ng nakasulat, sila ay mga diyos, maging mga anak ng Diyos—
59 Samakatwid, ang lahat ng bagay ay kanila, maging sa buhay man o kamatayan, o mga bagay sa kasalukuyan, o mga bagay na darating, lahat ay sa kanila at sila ay kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.
60 At kanilang madaraig ang lahat ng bagay.
61 Anupa’t walang sinumang tao ang magluluwalhati sa tao, sa halip, magluluwalhati siya sa Diyos, na siyang lulupig sa lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa.
62 Ang mga yaon ay mananahanan sa kinaroroonan ng Diyos at ng kanyang Cristo magpakailanman at walang katapusan.
63 Sila ang mga yaong dadalhing kasama niya, kapag siya ay pumarito sa mga ulap ng langit upang maghari sa lupa sa kanyang mga tao.
64 Sila ang mga yaong makababahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli.
65 Sila ang mga yaong babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid.
66 Sila ang mga yaong tutungo sa Bundok ng Sion, at sa lungsod ng buhay na Diyos, ang makalangit na lugar, ang pinakabanal sa lahat.
67 Sila ang mga yaong makikiisa sa mga hindi mabilang na kalipunan ng mga anghel, sa pangkalahatang pagtitipon at simbahan ni Enoc, at ng Panganay.
68 Sila ang mga yaon na ang mga pangalan ay nakasulat sa langit, kung saan ang Diyos at si Cristo ang hukom ng lahat.
69 Sila ang mga yaong matwid na tao na ginawang sakdal sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng sakdal na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo.
70 Sila ang mga yaong ang katawan ay selestiyal, na ang kaluwalhatian ay tulad ng sa araw, maging ang kaluwalhatian ng Diyos, ang pinakamataas sa lahat, na ang kaluwalhatian ay tulad ng araw sa kalangitan na nasusulat bilang isang sagisag.
71 At muli, aming nakita ang terestriyal na daigdig, at dinggin at makinig, sila ang mga yaong nabibilang sa terestriyal, na ang yaong kaluwalhatian ay naiiba mula sa nabibilang sa simbahan ng Panganay na natanggap ang kabuuan ng Ama, maging tulad ng pagkakaiba ng buwan mula sa araw sa kalangitan.
72 Dinggin, sila ang mga yaong namatay nang walang batas;
73 At sila rin ang mga espiritu ng tao na nakabilanggo, na dinalaw ng Anak, at nangaral ng ebanghelyo sa kanila, upang sila ay mahatulan alinsunod sa mga tao sa laman;
74 Na hindi tinanggap ang patotoo ni Jesus sa laman, subalit pagkaraan ay tinanggap ito.
75 Sila ang mga yaong mararangal na tao sa mundo, na nabulag ng panlilinlang ng mga tao.
76 Sila ang mga yaong tumanggap ng kanyang kaluwalhatian, subalit hindi ng kanyang kabuuan.
77 Sila ang mga yaong tumanggap sa luwalhati ng Anak, subalit hindi sa kabuuan ng Ama.
78 Samakatwid, sila ay mga katawang terestriyal, at hindi mga katawang selestiyal, at naiiba sa kaluwalhatian tulad ng pagkakaiba ng buwan sa araw.
79 Sila ang mga yaong hindi magigiting sa patotoo kay Jesus; kaya nga, hindi nila natatamo ang putong sa kaharian ng ating Diyos.
80 At ngayon, ito ang katapusan ng pangitain na aming nakita tungkol sa terestriyal, na iniutos sa aming isulat ng Panginoon habang kami ay napapasailalim pa ng Espiritu.
81 At muli, aming nakita ang kaluwalhatian ng telestiyal, na ang kaluwalhatian ay mas mababa, maging tulad ng kaluwalhatian ng mga bituin ay naiiba sa kaluwalhatian ng buwan sa kalangitan.
82 Sila ang mga yaong hindi tinanggap ang ebanghelyo ni Cristo, ni ang patotoo tungkol kay Jesus.
83 Sila ang mga yaong hindi nagtatwa sa Banal na Espiritu.
84 Sila ang mga yaong iwinawaksi sa impiyerno.
85 Sila ang mga yaong hindi matutubos mula sa diyablo hanggang sa huling pagkabuhay na mag-uli, hanggang ang Panginoon, maging si Cristo ang Kordero, ay matapos sa kanyang gawain.
86 Sila ang mga yaong hindi tinatanggap ang kanyang kabuuan sa walang hanggang daigdig, subalit mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng paglilingkod ng terestriyal;
87 At ang terestriyal sa pamamagitan ng paglilingkod ng selestiyal.
88 At gayundin, ang telestiyal ay natatanggap ito sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel na itinatalagang maglingkod sa kanila, o na silang itinatalaga na maging mga espiritung naglilingkod sa kanila; sapagkat sila ay magiging mga tagapagmana ng kaligtasan.
89 At sa ganito namin nakita, sa isang pangitain mula sa langit, ang kaluwalhatian ng telestiyal, na hindi nawawari ng buong pang-unawa;
90 At walang tao ang nakauunawa nito maliban sa kanya na pinaghayagan ng Diyos.
91 At sa ganito namin nakita ang kaluwalhatian ng terestriyal na nakahihigit sa lahat ng bagay sa kaluwalhatian ng telestiyal, maging sa kaluwalhatian, at sa kapangyarihan, at sa lakas, at sa kapamahalaan.
92 At sa ganito namin nakita ang kaluwalhatian ng selestiyal, na nakahihigit sa lahat ng bagay—kung saan ang Diyos, maging ang Ama, ay naghahari sa kanyang luklukan magpakailanman at walang katapusan;
93 Sa harapan ng kanyang luklukan, ang lahat ng bagay ay yumuyukod sa mapagpakumbabang pagpipitagan, at nagbibigay sa kanya ng kaluwalhatian magpakailanman at walang katapusan.
94 Sila na nananahanan sa kanyang kinaroroonan ay ang simbahan ng Panganay; at nakakikita sila tulad ng pagkakakita sa kanila, at nakaaalam tulad ng pagkakaalam sa kanila, sapagkat natanggap ang kanyang kabuuan at ang kanyang biyaya;
95 At kanya silang ginagawang pantay-pantay sa kapangyarihan, at sa lakas, at sa kapamahalaan.
96 At iba ang kaluwalhatian ng selestiyal, maging tulad ng kaluwalhatian ng araw ay iba.
97 At iba ang kaluwalhatian ng terestriyal, maging tulad ng kaluwalhatian ng buwan ay iba.
98 At iba ang kaluwalhatian ng telestiyal, maging tulad ng kaluwalhatian ng mga bituin ay iba; sapagkat tulad ng pagkakaiba ng isang bituin mula sa isa pang bituin sa kaluwalhatian, maging gayon ang pagkakaiba ng isa sa isa pa sa kaluwalhatian sa telestiyal na daigdig;
99 Sapagkat sila ang mga yaong kay Pablo, at kay Apollos, at kay Cephas.
100 Sila ang mga yaong nagsasabi na ilan sila sa nabibilang sa isa at ang ilan sa isa pa—kay Cristo ang ilan at kay Juan ang ilan, at kay Moises ang ilan, at kay Elias ang ilan, at kay Esaias ang ilan, at kay Isaias ang ilan, at kay Enoc ang ilan;
101 Subalit hindi tinanggap ang ebanghelyo, ni ang patotoo tungkol kay Jesus, ni ang mga propeta, ni ang walang hanggang tipan.
102 Ang pinakahuli sa lahat, sila ang lahat ng yaong hindi titipunin kasama ng mga banal, na isasama sa simbahan ng Panganay, at tatanggapin sa ulap.
103 Sila ang mga yaong sinungaling, at manggagaway, at nakikiapid, at patutot, at sinumang nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan.
104 Sila ang mga yaong dumaranas ng poot ng Diyos sa mundo.
105 Sila ang mga yaong dumaranas ng paghihiganti ng apoy na walang hanggan.
106 Sila ang mga yaong iwinawaksi sa impiyerno at dumaranas ng poot ng Pinakamakapangyarihang Diyos, hanggang sa kaganapan ng panahon, kapag nalupig na ni Cristo ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa, at nagawang ganap ang kanyang gawain;
107 Kapag ibibigay na niya ang kaharian, at ihahandog ito sa Ama, na walang bahid-dungis, sinasabing: Aking nadaig at tinapakang mag-isa ang pisaan ng ubas, maging ang pisaan ng ubas ng kabagsikan ng poot ng Pinakamakapangyarihang Diyos.
108 Pagkatapos, siya ay puputungan ng putong ng kanyang kaluwalhatian, uupo sa luklukan ng kanyang kapangyarihan upang maghari magpakailanman at walang katapusan.
109 Subalit dinggin, at makinig, aming nakita ang kaluwalhatian at ang mga naninirahan sa telestiyal na daigdig, na sila ay hindi mabilang tulad ng mga bituin sa kalawakan ng langit, o tulad ng buhangin sa dalampasigan;
110 At narinig ang tinig ng Panginoon, sinasabing: Ang lahat ng ito ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanya na nakaupo sa luklukan magpakailanman at walang katapusan;
111 Sapagkat sila ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, at bawat tao ay tatanggap alinsunod sa kanyang mga sariling gawa, sa kanyang sariling kapamahalaan, sa mga mansiyong inihahanda;
112 At sila ay magiging mga tagapaglingkod ng Kataas-taasan; subalit kung saan ang Diyos at si Cristo ay nananahanan, hindi sila makaparoroon, mga daigdig na walang katapusan.
113 Ito ang katapusan ng pangitain na aming nakita, na inutusan kaming isulat habang kami ay napapasailalim pa ng Espiritu.
114 Subalit dakila at kagila-gilalas ang mga gawain ng Panginoon, at ang mga hiwaga ng kanyang kaharian na ipinakita niya sa amin, na hindi nawawari ng buong pang-unawa sa kaluwalhatian, at sa lakas, at sa kapamahalaan;
115 Na kanyang ipinag-utos sa amin na hindi namin nararapat isulat habang kami ay napapasailalim pa ng Espiritu, at hindi pinapayagang sabihin ng tao;
116 Ni walang kakayahan ang tao na ipahayag ang mga ito, sapagkat nakikita at nauunawaan lamang ang mga ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, na iginagawad ng Diyos sa mga yaong nagmamahal sa kanya, at nililinis ang kanilang sarili sa harapan niya;
117 Na kung kanino niya ipinagkakaloob ang pribilehiyong ito na makakita at makaalam para sa kanilang sarili;
118 Na sa pamamagitan ng kapangyarihan at pagpapahayag ng Espiritu, habang nasa laman, sila ay maaaring makatagal sa kanyang harapan sa daigdig ng kaluwalhatian.
119 At sa Diyos at sa Kordero ang kaluwalhatian, at karangalan at kapamahalaan magpakailanman at walang katapusan. Amen.