Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 45


Bahagi 45

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Simbahan, sa Kirtland, Ohio, Marso 7, 1831. Bilang paunang salita sa tala ng paghahayag na ito, ipinapahayag ng kasaysayan ni Joseph Smith na “sa gulang na ito ng Simbahan … maraming huwad na ulat … at mga hangal na kuwento, ang nailathala … at kumalat, … upang mahadlangan ang mga tao sa pagsisiyasat sa gawain, o sa pagyakap sa pananampalataya. Subalit sa kagalakan ng mga Banal, … natanggap ko ang mga sumusunod.”

1–5, Si Cristo ang ating tagapamagitan sa Ama; 6–10, Ang ebanghelyo ay isang sugo upang ihanda ang daan para sa Panginoon; 11–15, Tinanggap ng Panginoon sa Kanyang Sarili si Enoc at ang kanyang mga kapanalig; 16–23, Inihayag ni Cristo ang mga palatandaan ng Kanyang pagparito alinsunod sa mga ibinigay sa Bundok ng mga Olibo; 24–38, Ipanunumbalik ang ebanghelyo, matatapos ang panahon ng mga Gentil, at isang mapamanglaw na karamdaman ang babalot sa lupa; 39–47, Magiging kalakip ng Ikalawang Pagparito ang mga palatandaan, kababalaghan, at ang Pagkabuhay na Mag-uli; 48–53, Si Cristo ay tatayo sa Bundok ng mga Olibo, at makikita ng mga Judio ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa; 54–59, Ang Panginoon ay maghahari sa Milenyo; 60–62, Inatasan ang Propeta na simulan ang pagsasalin ng Bagong Tipan, na sa pamamagitan nito, ipaaalam ang mahahalagang kaalaman; 63–75, Inutusan ang mga Banal na magtipun-tipon at itayo ang Bagong Jerusalem, kung saan paroroon ang mga tao mula sa lahat ng bansa.

1 Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan, kung kanino ibinigay ang kaharian; makinig kayo at pakinggan siya na naglagay ng saligan ng mundo, na siyang lumikha sa kalangitan at sa lahat ng hukbo nito, at sa pamamagitan niya na lumikha ng lahat ng bagay na nabubuhay, at gumagalaw, at umiiral.

2 At muli, sinasabi ko, makinig sa aking tinig, sapagkat baka maabutan kayo ng kamatayan; sa oras na hindi ninyo inaakala na ang tag-init ay palipas na, at ang pag-aani ay tapos na, at ang inyong mga kaluluwa ay hindi nakaligtas.

3 Makinig sa kanya na siyang tagapamagitan sa Ama, na siyang nagmamakaawa sa inyong kapakanan sa harapan niya—

4 Sinasabing: Ama, masdan po ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan, na inyo pong labis na kinalugdan; masdan po ang dugo ng inyong Anak na nabuhos, ang dugo niya na inyong ibinigay upang maluwalhati ang inyong sarili;

5 Samakatwid, Ama, iligtas po ang mga kapatid kong ito na naniniwala sa aking pangalan, upang sila po ay makalapit sa akin at magkaroon ng buhay na walang katapusan.

6 Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan, at kayong mga elder ay sama-samang makinig, at pakinggan ang aking tinig habang may ngayon pa, at huwag patigasin ang inyong mga puso;

7 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan—isang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman at ang kadiliman ay hindi ito nauunawaan.

8 Ako ay naparito sa sariling akin, at ang sariling akin ay hindi ako tinanggap; subalit kasindami ng tumanggap sa akin ay pinagkalooban ko ng kakayahang gumawa ng maraming himala, at maging mga anak ng Diyos; at maging sa kanila na naniwala sa aking pangalan ay ibinigay ko ng kapangyarihang makamtan ang buhay na walang hanggan.

9 At sa gayon ko ipinadala ang aking walang katapusang tipan sa daigdig, upang maging ilaw ng sanlibutan, at maging pamantayan para sa aking mga tao, at upang hangarin ito ng mga Gentil, at maging sugo sa harapan ko upang ihanda ang daan para sa akin.

10 Samakatwid, pumaroon kayo, at sa kanya na paroroon, mangangatwiran ako tulad sa mga tao noong sinauna, at ipakikita ko sa inyo ang aking matibay na pangangatwiran.

11 Samakatwid, makinig kayong sama-sama at hayaang ipakita ko sa inyo maging ang aking karunungan—ang karunungan niya na sinasabi ninyong ang Diyos ni Enoc, at ng kanyang mga kapatid,

12 Na kinuha sa mundo, at tinanggap sa aking sarili—isang lungsod na inilaan hanggang ang araw ng katwiran ay sumapit—isang araw na hinangad ng lahat ng banal na tao, at hindi nila ito natagpuan dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain;

13 At inamin na sila ay pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng mundo;

14 Subalit nagtamo ng isang pangako na kanilang matatagpuan ito at makikita ito sa kanilang laman.

15 Anupa’t makinig at mangangatwiran ako sa inyo, at mangungusap ako sa inyo at magpopropesiya, tulad sa mga tao noong sinauna.

16 At malinaw ko itong ipakikita tulad ng pagpapakita ko nito sa aking mga disipulo noong ako ay nakatayo sa harapan nila sa laman, at nangusap sa kanila, sinasabing: Sapagkat tinanong ninyo ako hinggil sa mga palatandaan ng aking pagparito, sa araw kung kailan ako paparito sa aking kaluwalhatian sa mga ulap ng langit, upang tuparin ang mga pangako na aking ginawa sa inyong mga ama,

17 Sapagkat dahil ipinalagay ninyo ang matagal na paglisan ng inyong mga espiritu sa inyong mga katawan na isang pagkakaalipin, ipakikita ko sa inyo kung paano sasapit ang araw ng pagtubos, at gayundin ang pagpapanumbalik ng ikinalat na Israel.

18 At ngayon, namamasdan ninyo ang templong ito na nasa Jerusalem, na tinatawag ninyong bahay ng Diyos, at sinasabi ng inyong mga kaaway na ang bahay na ito ay hindi kailanman babagsak.

19 Subalit, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na sasapit ang kapanglawan sa salinlahing ito na tulad ng isang magnanakaw sa gabi, at ang mga taong ito ay malilipol at ikakalat sa lahat ng bansa.

20 At ang templong ito na nakikita ninyo ngayon ay babagsak kung kaya’t walang maiiwan ni isang bato sa ibabaw ng kapwa bato.

21 At ito ay mangyayari, na ang salinlahing ito ng mga Judio ay hindi lilipas hangga’t mangyari ang bawat kapanglawan na sinabi ko sa inyo hinggil sa kanila.

22 Inyong sinasabi na alam ninyo na ang katapusan ng daigdig ay darating; inyo ring sinasabi na alam ninyo na ang kalangitan at ang lupa ay lilipas;

23 At ang sinasabi ninyong ito ay totoo, sapagkat gayon nga ito; subalit ang mga bagay na ito na sinabi ko sa inyo ay hindi lilipas hanggang sa matupad ang lahat.

24 At ito ay sinabi ko sa inyo hinggil sa Jerusalem; at kapag sumapit ang araw na yaon, isang labi ang ikakalat sa lahat ng bansa;

25 Subalit sila ay titipuning muli; ngunit mananatili sila hanggang sa matapos ang panahon ng mga Gentil.

26 At sa araw na iyon ay makaririnig ng mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan, at magkakagulo ang buong mundo, at ang puso ng mga tao ay manlulupaypay, at sasabihin nila na inaantala ni Cristo ang kanyang pagparito hanggang sa katapusan ng mundo.

27 At ang pag-ibig ng tao ay manlalamig, at ang kasamaan ay lalaganap.

28 At kapag ang panahon ng mga Gentil ay sumapit na, isang ilaw ang magliliwanag sa kanila na mga nakaupo sa kadiliman, at ito ang kabuuan ng aking ebanghelyo;

29 Subalit hindi nila ito tinanggap; sapagkat hindi nila napansin ang ilaw, at inilayo nila ang kanilang mga puso sa akin dahil sa mga tuntunin ng mga tao.

30 At sa salinlahing yaon matatapos ang panahon ng mga Gentil.

31 At may mga taong mabubuhay sa salinlahing yaon, na hindi mamamatay hanggang sa makakita sila ng labis na paghihirap; sapagkat isang mapamanglaw na karamdaman ang babalot sa lupa.

32 Subalit ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag; subalit sa masasama, ang mga tao ay magtataas ng kanilang mga tinig at isusumpa ang Diyos at mamamatay.

33 At magkakaroon din ng mga lindol sa iba’t ibang dako, at maraming kapanglawan; gayunpaman, patitigasin ng mga tao ang kanilang mga puso laban sa akin, at hahawak sila ng espada, isa laban sa isa, at papatayin nila ang isa’t isa.

34 At ngayon, nang ako, ang Panginoon, ay nagwika sa mga salitang ito sa aking mga disipulo, nabagabag sila.

35 At sinabi ko sa kanila: Huwag kayong mabagabag, sapagkat sa panahong ang mga bagay na ito ay mangyari, malalaman ninyo na ang mga pangakong ginawa sa inyo ay matutupad.

36 At kapag ang ilaw ay magsimulang lumiwanag, sa kanila ay mahahalintulad ito sa isang talinghaga na aking ipakikita sa inyo—

37 Nakikita at namamasdan ninyo ang mga puno ng igos, at namamalas ninyo ang mga ito gamit ang inyong mga mata, at sinasabi ninyo na kapag nagsimula nang sumibol ang mga ito, at ang mga dahon nito ay bagong tubo, na nalalapit na ang tag-init;

38 Gayundin ito sa araw na iyon kapag makikita nila ang lahat ng bagay na ito, sa gayon nila malalaman na ang oras ay nalalapit na.

39 At ito ay mangyayari na siya na natatakot sa akin ay aabangang dumating ang dakilang araw ng Panginoon, maging ang mga palatandaan ng pagparito ng Anak ng Tao.

40 At makakikita sila ng mga palatandaan at kababalaghan, sapagkat ang mga ito ay ipakikita sa kalangitan sa itaas, at sa lupa sa ibaba.

41 At makamamalas sila ng dugo, at apoy, at mga ulap na usok.

42 At bago sumapit ang araw ng Panginoon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay magkukulay dugo, at ang mga bituin ay magsisibagsak mula sa langit.

43 At ang labi ay titipunin sa dakong ito;

44 At sa gayon nila ako aabangan, at, dinggin, ako ay paparito; at makikita nila ako sa mga alapaap ng langit, nadaramitan ng kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian; kasama ang lahat ng banal na anghel; at siya na hindi mag-aabang sa akin ay ihihiwalay.

45 Subalit bago bumagsak ang bisig ng Panginoon, isang anghel ang iihip ng kanyang trumpeta, at ang mga banal na nakatulog ay magsisibangon upang salubungin ako sa ulap.

46 Anupa’t kung kayo ay nakatulog sa kapayapaan, pinagpala kayo; sapagkat tulad ng namamasdan ninyo ako ngayon at nalalaman na ako nga, sa gayundin kayo lalapit sa akin at ang inyong mga kaluluwa ay mabubuhay, at magiging ganap ang inyong pagkatubos; at ang mga banal ay magsisibangon mula sa apat na sulok ng mundo.

47 Pagkatapos, babagsak ang bisig ng Panginoon sa mga bansa.

48 At pagkatapos, iyayapak ng Panginoon ang kanyang mga paa sa bundok na ito, at mahahati ito sa dalawa, at ang mundo ay manginginig, at gigiray nang paroo’t parito, at ang kalangitan ay mayayanig din.

49 At ang Panginoon ay mangungusap sa kanyang tinig, at maririnig ito ng lahat ng dulo ng mundo; at magdadalamhati ang mga bansa ng mundo, at sila na nagsihalakhak ay mababatid ang kanilang kamalian.

50 At kapahamakan ay babalot sa mapangutya, at ang manlilibak ay matutupok; at sila na nag-aabang na gumawa ng kasamaan ay puputulin at ihahagis sa apoy.

51 At pagkatapos, titingin ang mga Judio sa akin at sasabihin: Ano itong mga sugat sa iyong mga kamay at sa iyong mga paa?

52 Sa gayon nila malalaman na ako ang Panginoon; sapagkat sasabihin ko sa kanila: Ang mga sugat na ito ang mga sugat na tinanggap ko sa bahay ng aking mga kaibigan. Ako ang siyang itinaas. Ako si Jesus na ipinako sa krus. Ako ang Anak ng Diyos.

53 At sa gayon sila mananangis dahil sa kanilang mga kasamaan; sa gayon sila mananaghoy dahil inusig nila ang kanilang hari.

54 At pagkatapos, tutubusin ang mga bansang pagano, at sila na hindi nakaaalam sa batas ay makababahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli; at ito ay makakayanan nila.

55 At si Satanas ay igagapos, upang siya ay mawalan ng puwang sa mga puso ng mga anak ng tao.

56 At sa araw na iyon, kung kailan ako paparito sa aking kaluwalhatian, matutupad ang talinghaga na aking sinabi hinggil sa sampung birhen.

57 Sapagkat sila na matatalino at tumanggap ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at ihahagis sa apoy, kundi makatatagal sa araw na yaon.

58 At ang mundo ay ibibigay sa kanila upang maging mana; at sila ay darami at magiging makapangyarihan, at ang kanilang mga anak ay magsisilaking walang kasalanan tungo sa kaligtasan.

59 Sapagkat ang Panginoon ay mapapasa gitna nila, at ang kanyang kaluwalhatian ay mapapasakanila, at siya ay kanilang magiging hari at kanilang tagabigay ng batas.

60 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo, hindi itutulot na higit pa ang iyong malaman hinggil sa kabanatang ito, hanggang sa ang Bagong Tipan ay maisalin, at dito, ang lahat ng bagay na ito ay ipaaalam;

61 Samakatwid, iginagawad ko sa iyo na maaari mo na itong isalin ngayon, upang kayo ay maging handa para sa mga bagay na magaganap.

62 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na mga dakilang bagay ang naghihintay sa inyo;

63 Inyong naririnig ang tungkol sa mga digmaan sa mga ibang lupain; subalit, dinggin, sinasabi ko sa inyo, ang mga ito ay nalalapit na, maging sa inyong mga pintuan, at hindi maraming taon mula ngayon ay makaririnig kayo ng mga digmaan sa sarili ninyong mga lupain.

64 Samakatwid, ako, ang Panginoon, ay nagsabi, magsialis kayo sa mga lupain sa silangan, magkakasamang tipunin ang inyong sarili, kayong mga elder ng aking simbahan; magsitungo kayo sa mga bansa sa kanluran, ipanawagan sa mga naninirahan na magsipagsisi, at yamang sila ay nagsisisi, magtayo ng mga simbahan para sa akin.

65 At nang may isang puso at isang isipan, tipunin ang inyong mga kayamanan upang kayo ay makabili ng mana na itatakda sa inyo pagkaraan nito.

66 At ito ay tatawaging Bagong Jerusalem, isang lupain ng kapayapaan, isang lungsod na kanlungan, isang lugar ng kaligtasan para sa mga banal ng Kataas-taasang Diyos;

67 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay paroroon, at ang takot sa Panginoon ay paroroon din, kaya nga hindi paroroon ang masasama, at ito ay tatawaging Sion.

68 At ito ay mangyayari sa masasama, na ang bawat tao na hindi hahawak ng kanyang espada laban sa kanyang kapwa ay talagang kinakailangang magtungo sa Sion para sa kaligtasan.

69 At doon matitipon ang mga mula sa lahat ng bansang nasa ilalim ng langit; at sila lamang ang mga tao na hindi makikidigma sa isa’t isa.

70 At masasabi sa masasama: Huwag tayong umahon upang makidigma laban sa Sion, sapagkat ang mga naninirahan sa Sion ay nakakikilabot; kaya nga hindi tayo makalalaban.

71 At ito ay mangyayari na titipunin ang mga matwid mula sa lahat ng bansa, at patutungo sa Sion, umaawit ng mga awit ng walang katapusang kagalakan.

72 At ngayon, sinasabi ko sa inyo, huwag hayaang kumalat ang mga bagay na ito sa sanlibutan hanggang sa ito ay maging naaangkop sa akin, upang inyong maisakatuparan ang gawaing ito sa mga paningin ng mga tao, at sa mga paningin ng inyong mga kaaway, upang hindi nila malaman ang inyong mga gawain hanggang sa maisakatuparan ang bagay na ipinag-uutos ko sa inyo;

73 Upang kapag kanilang nalaman ito, kanilang maisaalang-alang ang mga bagay na ito.

74 Sapagkat kapag ang Panginoon ay nagpakita, nakakikilabot siya sa kanila, upang lupigin sila ng takot, at sila ay tatayo sa malayo at manginginig.

75 At ang lahat ng bansa ay mangangamba dahil sa takot sa Panginoon, at sa lakas ng kanyang kapangyarihan. Maging gayon nga. Amen.