Bahagi 35
Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Sidney Rigdon, sa o malapit sa Fayette, New York, Disyembre 7, 1830. Sa panahong ito, ang Propeta ay abalang-abala halos araw-araw sa pagsasalin ng Biblia. Sinimulan ang pagsasalin noong mga unang araw ng buwan ng Hunyo 1830, at sina Oliver Cowdery at John Whitmer ay kapwa naglingkod bilang mga tagasulat. Sapagkat tinawag na sila ngayon sa ibang mga tungkulin, tinawag si Sidney Rigdon sa pamamagitan ng banal na paghirang na maglingkod bilang tagasulat ng Propeta sa gawaing ito (tingnan sa talata 20). Bilang paunang salita sa tala niya ng paghahayag na ito, ipinapahayag ng kasaysayan ni Joseph Smith na: “Noong Disyembre, si Sidney Rigdon ay dumating [mula sa Ohio] upang magtanong sa Panginoon, at kasama niyang dumating si Edward Partridge. … Hindi nagtagal mula sa pagdating ng dalawang kapatid na ito, ganito ang winika ng Panginoon.”
1–2, Paano magiging mga anak ng Diyos ang mga tao; 3–7, Si Sidney Rigdon ay tinawag na magbinyag at maggawad ng Espiritu Santo; 8–12, Nagagawa ang mga tanda at himala sa pamamagitan ng pananampalataya; 13–16, Gigiik-giikin ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu; 17–19, Taglay ni Joseph Smith ang mga susi ng mga hiwaga; 20–21, Mananatili ang mga hinirang sa araw ng pagparito ng Panginoon; 22–27, Maliligtas ang Israel.
1 Makinig sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos, maging ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, kung kaninong landas ay isang walang hanggang pag-ikot, ang siya rin kahapon, ngayon, at magpakailanman.
2 Ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, na ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, maging kasindami ng maniniwala sa aking pangalan, upang sila ay maging mga anak ng Diyos, maging isa sa akin katulad ng pagiging isa ko sa Ama, katulad ng pagiging isa ng Ama sa akin, upang tayo ay maging isa.
3 Dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Sidney, pinagmasdan kita at ang iyong mga gawa. Narinig ko ang iyong mga panalangin, at inihanda kita para sa isang higit na dakilang gawain.
4 Ikaw ay pinagpala, sapagkat gagawa ka ng mga dakilang bagay. Dinggin, ikaw ay isinugo, maging katulad ni Juan, upang ihanda ang daan bago ang pagparito ko, at ni Elijah, na darating, at hindi mo ito alam.
5 Ikaw ay nagbinyag sa pamamagitan ng tubig tungo sa pagsisisi, subalit hindi nila natanggap ang Espiritu Santo;
6 Subalit ngayon, binibigyan kita ng kautusan, na ikaw ay magbibinyag sa pamamagitan ng tubig, at tatanggapin nila ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, maging katulad ng mga apostol noong sinauna.
7 At ito ay mangyayari na magkakaroon ng isang dakilang gawain sa lupain, maging sa mga Gentil, sapagkat ang kanilang mga kahangalan at kanilang mga karumal-dumal na gawain ay ipakikita sa mga mata ng lahat ng tao.
8 Sapagkat ako ang Diyos, at hindi naging maiksi ang aking bisig; at magpapakita ako ng mga himala, tanda, at kababalaghan, sa lahat ng yaong naniniwala sa aking pangalan.
9 At sinumang hihiling nito sa aking pangalan nang may pananampalataya, sila ay magtataboy ng mga diyablo; sila ay magpapagaling ng may sakit; mapangyayari nilang makakita ang bulag, at makarinig ang bingi, at makapagsalita ang pipi, at makalakad ang pilay.
10 At mabilis na darating ang panahon na ang mga kagila-gilalas na bagay ay ipakikita sa mga anak ng tao;
11 Subalit kung walang pananampalataya, walang anumang bagay na ipakikita maliban sa kapanglawan ng Babilonia, ang siya ring nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng kapootan ng kanyang pangangalunya.
12 At walang gumagawa ng kabutihan maliban sa mga yaong handang tumanggap ng kabuuan ng aking ebanghelyo, na aking ipinadala sa salinlahing ito.
13 Anupa’t tinatawag ko ang mahihinang bagay ng sanlibutan, ang mga yaong mangmang at hinahamak, na giik-giikin ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu;
14 At ang kanilang bisig ay magiging aking bisig, at ako ang kanilang magiging pananggalang at kanilang kalasag; at aking bibigkisan ang kanilang mga balakang, at sila ay matapang na makikipaglaban para sa akin; at ang kanilang mga kaaway ay mapasaiilalim ng kanilang mga paa; at aking ibabagsak ang espada para sa kapakanan nila, at sa pamamagitan ng apoy ng aking pagkapoot, sila ay aking pangangalagaan.
15 At sa mga maralita at maaamo, ang ebanghelyo ay ipangangaral sa kanila, at hihintayin nila ang panahon ng aking pagparito, sapagkat ito ay nalalapit na—
16 At kanilang matututuhan ang talinghaga ng puno ng igos, sapagkat maging ngayon, ang tag-init ay nalalapit na.
17 At aking ipinadala ang kabuuan ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng kamay ng aking tagapaglingkod na si Joseph; at sa kahinaan ay pinagpala ko siya;
18 At aking ipinagkaloob sa kanya ang mga susi ng hiwaga tungkol sa mga yaong bagay na tinatakan, maging mga bagay na magmula pa sa pagkakatatag ng daigdig, at ang mga bagay na sasapit mula sa panahong ito hanggang sa panahon ng aking pagparito, kung siya ay mananatili sa akin, at kung hindi, may iba akong itatalagang kahalili niya.
19 Anupa’t bantayan siya upang ang kanyang pananampalataya ay hindi mawala, at ibibigay ito ng Mang-aaliw, ang Espiritu Santo, na nakaaalam ng lahat ng bagay.
20 At isang kautusan ang ibinibigay ko sa iyo—na ikaw ay magsusulat para sa kanya; at ang mga banal na kasulatan ay ibibigay, maging katulad ang mga ito ng nasa loob ng sarili kong dibdib, para sa kaligtasan ng aking sariling mga hinirang;
21 Sapagkat kanilang maririnig ang aking tinig, at makikita ako, at hindi makatutulog, at mananatili sa araw ng aking pagparito; sapagkat sila ay dadalisayin, maging tulad ko na dalisay.
22 At ngayon, sinasabi ko sa iyo, manatiling kasama niya, at siya ay maglalakbay na kasama ka; huwag mo siyang iwanan, at tiyak na matutupad ang mga bagay na ito.
23 At yamang hindi ka magsusulat, dinggin, itatalaga sa kanya na magpropesiya; at ikaw ay mangangaral ng aking ebanghelyo at sasangguni sa mga banal na propeta upang patunayan ang kanyang mga salita, tulad ng pagbibigay ng mga ito nila sa kanya.
24 Sundin ang lahat ng kautusan at tipan na sumasaklaw sa iyo; at aking papangyarihin na mayanig ang kalangitan para sa iyong ikabubuti, at manginginig si Satanas at magsasaya ang Sion sa mga burol at mananagana;
25 At ang Israel ay maliligtas sa aking sariling takdang panahon; at sa pamamagitan ng mga susi na aking ibinigay sila pamumunuan, at hindi na muli pang maihahalo sa iba.
26 Magalak sa inyong mga puso at magsaya, ang inyong pagkatubos ay malapit na.
27 Huwag matakot, munting kawan, ang kaharian ay sa inyo hanggang sa aking pagparito. Dinggin, ako ay madaling paparito. Maging gayon nga. Amen.