Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 34


Bahagi 34

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Orson Pratt, sa Fayette, New York, ika-4 ng Nobyembre 1830 (History of the Church, 1:127–128). Si kapatid na Pratt ay labinsiyam na taong gulang noong mga panahong iyon. Siya ay nagbalik-loob at nabinyagan nang una niyang marinig ang pangaral ng pinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng kanyang nakatatandang kapatid, na si Parley P. Pratt, anim na linggo ang nakaraan. Ang paghahayag na ito ay natanggap sa tahanan ni Peter Whitmer, Sr.

1–4, Ang matapat ay naging mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala; 5–9, Ang pangangaral ng ebanghelyo ang naghahanda ng daan para sa Ikalawang Pagparito; 10–12, Ang propesiya ay dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

1 Aking anak na Orson, pakinggan at makinig at masdan kung ano ang akin, na Panginoong Diyos, ay sasabihin sa iyo, maging si Jesucristo na iyong Manunubos;

2 Ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan, isang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman at ang kadiliman ay hindi ito nauunawaan;

3 Gayon na lamang ang pagsinta niya sa sanlibutan na ibinigay niya ang sariling buhay, na kasindami ng mga maniniwala ay magiging mga anak ng Diyos. Dahil dito ikaw ay aking anak;

4 At pinagpala ka dahil ikaw ay naniwala;

5 At lalo kang pinagpala dahil ikaw ay tinawag ko na mangaral ng aking ebanghelyo—

6 Na itaas ang iyong tinig tulad ng tunog ng pakakak, na matagal at malakas, at mangaral ng pagsisisi sa liko at balakyot na salinlahi, inihahanda ang daan ng Panginoon para sa kanyang ikalawang pagparito.

7 Sapagkat masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ang panahon ay nalalapit na at ako ay paparito sa isang alapaap nang may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

8 At ito ay magiging isang dakilang araw sa panahon ng aking pagparito, sapagkat ang lahat ng bansa ay manginginig.

9 Subalit bago dumating ang dakilang araw na yaon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay magkukulay dugo; at ang mga bituin ay magkakait ng kanilang liwanag, at ang ilan ay magsisipagbagsakan, at malaking pagkawasak ang naghihintay sa masasama.

10 Dahil dito, itaas ang iyong tinig at huwag nang manahimik, sapagkat ang Panginoong Diyos ay nangusap; kaya nga magpropesiya, at ibibigay ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

11 At kung ikaw ay magiging matapat, masdan, ako ay makakasama mo hanggang sa ako ay pumarito—

12 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ako ay madaling paparito. Ako ang iyong Panginoon at iyong Manunubos. Maging gayon nga. Amen.