Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 29


Bahagi 29

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kaharap ang anim na elder, sa Fayette, New York, Setyembre 1830. Ibinigay ang paghahayag na ito ilang araw bago sumapit ang pagpupulong na nagsimula noong Setyembre 26, 1830.

1–8, Tinitipon ni Cristo ang Kanyang mga hinirang; 9–11, Ang Kanyang pagparito ang magpapasimula ng Milenyo; 12–13, Ang Labindalawa ang hahatol sa buong Israel; 14–21, Mauuna ang mga palatandaan, salot, at kapanglawan sa Ikalawang Pagparito; 22–28, Ang huling pagkabuhay na mag-uli at ang huling paghuhukom ang susunod sa Milenyo; 29–35, Espirituwal ang lahat ng bagay sa Panginoon; 36–39, Pinalayas sa langit ang diyablo at ang kanyang mga hukbo upang tuksuhin ang tao; 40–45, Ang Pagkahulog at Pagbabayad-sala ay nagdudulot ng kaligtasan; 46–50, Tinubos ang maliliit na bata sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.

1 Makinig sa tinig ni Jesucristo, ang inyong Manunubos, ang Dakilang Ako Nga, na kung kaninong bisig ng awa ay nagbayad-sala para sa inyong mga kasalanan;

2 Na siyang magtitipon sa kanyang mga tao maging tulad ng pagtitipon ng isang inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, maging kasindami ng makikinig sa aking tinig at magpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ko, at mananawagan sa akin sa taimtim na panalangin.

3 Dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na sa oras na ito, ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad ko na, kaya nga tinatanggap ninyo ang mga bagay na ito; subalit tandaan na huwag na muling magkasala, nang walang sumapit na panganib sa inyo.

4 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay pinili mula sa sanlibutan upang ipahayag ang aking ebanghelyo nang may ingay ng kasiyahan, katulad ng tunog ng isang trumpeta.

5 Magalak sa inyong mga puso at malugod, sapagkat ako ay nasa gitna ninyo, at ako ang inyong tagapamagitan sa Ama; at kanyang mabuting hangarin na ibigay sa inyo ang kaharian.

6 At, tulad ng nakasulat—Anuman ang inyong hihingin nang may pananampalataya, na nagkakaisa sa panalangin alinsunod sa aking utos, makatatanggap kayo.

7 At kayo ay tinawag upang isakatuparan ang pagtitipon ng aking mga hinirang; sapagkat ang aking mga hinirang ay naririnig ang aking tinig at hindi pinatitigas ang kanilang mga puso;

8 Anupa’t ang panuntunan ay nagmula sa Ama na titipunin sila sa isang lugar sa ibabaw ng lupaing ito, upang ihanda ang kanilang mga puso at maging handa sa lahat ng bagay para sa araw kung kailan ang pagdurusa at kapanglawan ay ipadadala sa masasama.

9 Sapagkat nalalapit na ang oras at malapit nang dumating ang araw kung kailan ang mundo ay hinog na; at ang lahat ng palalo at silang gumagawa ng kasamaan ay magiging katulad ng pinaggapasan; at akin silang susunugin, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, upang ang kasamaan ay mawala na sa mundo;

10 Sapagkat ang oras ay nalalapit na, at ang yaong sinabi ng aking mga apostol ay tiyak na matutupad; sapagkat tulad ng kanilang sinabi, gayundin ang mangyayari;

11 Sapagkat ipakikita ko ang aking sarili mula sa langit sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, kasama ang lahat ng hukbo nito, at mamumuhay sa katwiran kasama ng mga tao sa mundo nang isanlibong taon, at ang masasama ay hindi makatitindig.

12 At muli, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, at ito ay naipahayag na sa pamamagitan ng isang matibay na panuntunan, dahil sa kalooban ng Ama, na ang aking mga apostol, ang Labindalawa na kasama ko sa aking ministeryo sa Jerusalem, ay titindig sa aking kanang kamay sa araw ng aking pagparito sa isang haliging apoy, na nabibihisan ng báta ng katwiran, na may mga putong sa kanilang mga ulo, sa kaluwalhatian maging katulad ko, upang hatulan ang buong sambahayan ni Israel, maging kasindami ng nagmahal sa akin at sumunod sa aking mga kautusan, at wala nang iba.

13 Sapagkat isang trumpeta ang tutunog nang kapwa matagal at malakas, maging katulad noong sa Bundok ng Sinai, at ang buong mundo ay mayayanig, at magsisibangon sila—oo, maging ang mga patay na nangamatay sa akin, upang tanggapin ang isang putong ng katwiran, at upang mabihisan, maging katulad ko, upang makasama ko, nang kami ay maging isa.

14 Subalit, dinggin, sinasabi ko sa inyo na bago sumapit ang dakilang araw na ito, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay magkukulay dugo, at ang mga bituin ay magsisibagsak mula sa langit, at magkakaroon ng mga higit na kagila-gilalas na palatandaan sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba;

15 At magkakaroon ng pagtangis at pagtaghoy sa maraming tao;

16 At magkakaroon ng isang matinding pag-ulan ng yelo na ipadadala upang wasakin ang mga pananim sa lupa.

17 At ito ay mangyayari, dahil sa kasamaan ng sanlibutan, na ako ay maghihiganti sa masasama, sapagkat ayaw nilang magsisi; sapagkat ang saro ng aking pagkapoot ay puno na; sapagkat dinggin, hindi sila malilinis ng aking dugo kung hindi nila ako pakikinggan.

18 Samakatwid, ako, ang Panginoong Diyos, ay magpapadala ng mga langaw sa balat ng lupa, na sasalakay sa mga naninirahan doon, at kakainin ang kanilang laman, at magiging sanhi ng paglabas ng uod sa kanila;

19 At ang kanilang mga dila ay mapipigilan kaya hindi sila makapagsasalita laban sa akin; at mahihiwalay ang kanilang laman mula sa kanilang mga buto, at ang kanilang mga mata mula sa kanilang mga kinalalagyan;

20 At ito ay mangyayari na lalamunin sila ng mga hayop sa kagubatan at ng mga ibon sa himpapawid.

21 At ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na siyang patutot ng buong mundo, ay wawasakin ng nagniningas na apoy, alinsunod sa pagkakasabi ng bibig ni Ezekiel, ang propeta, na siyang nagsalita tungkol sa mga bagay na ito, na hindi pa nangyayari subalit tiyak na mangyayari, yamang ako ay buhay, sapagkat hindi mananaig ang mga karumal-dumal na gawain.

22 At muli, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na kapag natapos na ang isanlibong taon, at ang mga tao ay muling magsimulang ikaila ang kanilang Diyos, sa gayon ko ililigtas ang mundo subalit sa sandaling panahon lamang;

23 At sasapit ang katapusan, at ang langit at ang lupa ay magugunaw at lilipas, at magkakaroon ng isang bagong langit at isang bagong lupa.

24 Sapagkat lahat ng lumang bagay ay lilipas, at lahat ng bagay ay magiging bago, maging ang langit at ang lupa, at ang lahat ng kabuuan nito, maging ang mga tao at hayop, ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa karagatan;

25 At walang mawawala na kahit isang buhok, ni katiting, sapagkat ito ay likha ng aking kamay.

26 Subalit, dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, bago lumipas ang mundo, si Miguel, ang aking arkanghel, ay patutunugin ang kanyang trumpeta, at sa gayon gigising ang lahat ng patay, sapagkat ang kanilang mga libingan ay mabubuksan, at magsisibangon sila—oo, maging silang lahat.

27 At ang mga matwid ay titipunin sa aking kanang kamay tungo sa buhay na walang hanggan; at ang masasama sa aking kaliwang kamay ay aking ikahihiyang ariin sa harapan ng Ama;

28 Samakatwid, sasabihin ko sa kanila—Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa, tungo sa walang katapusang apoy, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel.

29 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, hindi ko kailanman ipinahayag mula sa sarili kong bibig na sila ay babalik, sapagkat kung nasaan ako ay hindi sila makaparoroon, sapagkat wala silang kakayahan.

30 Subalit tandaan na ang lahat ng aking mga kahatulan ay hindi ibinigay sa mga tao; at tulad ng paglabas ng mga salita mula sa aking bibig, maging gayundin matutupad ang mga ito, na ang una ay mahuhuli at ang huli ay mauuna sa lahat ng bagay anuman ang aking nilikha sa pamamagitan ng salita ng aking kapangyarihan, na kapangyarihan ng aking Espiritu.

31 Sapagkat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu, nilikha ko ang mga ito, oo, lahat ng bagay kapwa espirituwal at temporal—

32 Una ay espirituwal, pangalawa ay temporal, na simula ng aking gawain; at muli, una ay temporal, at pangalawa ay espirituwal, na katapusan ng aking gawain—

33 Sinasabi sa inyo upang inyong likas na maunawaan; subalit sa aking sarili, ang aking gawain ay walang katapusan, ni simula; subalit ibinigay ito sa inyo upang inyong maunawaan, sapagkat inyong hiniling ito sa akin at sinang-ayunan.

34 Anupa’t katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng bagay ay espirituwal sa akin, at hindi ako kailanman nagbigay ng batas sa inyo na temporal; ni hindi sa kaninumang tao, ni sa mga anak ng tao; ni kay Adan, na inyong ama, na aking nilikha.

35 Dinggin, pinahintulutan ko siya na maging kinatawan siya ng kanyang sarili; at binigyan ko siya ng kautusan, subalit wala akong ibinigay sa kanya na temporal na kautusan, sapagkat ang aking mga kautusan ay espirituwal; hindi likas o temporal ang mga ito, ni mahalay ni makalaman.

36 At ito ay nangyari na si Adan, na natukso ng diyablo—sapagkat, dinggin, ang diyablo ay nauna kay Adan, sapagkat naghimagsik siya laban sa akin, sinasabing, Ibigay mo sa akin ang iyong karangalan, na aking kapangyarihan; at gayundin, ang ikatlong bahagi ng hukbo ng langit ay inilayo niya sa akin dahil sa kanilang kalayaang pumili;

37 At sila ay itinapon, at sa gayon nagkaroon ng diyablo at ang kanyang mga anghel;

38 At, dinggin, may isang lugar na inihanda para sa kanila mula sa simula, kung aling lugar ay impiyerno.

39 At talagang kinakailangan na tuksuhin ng diyablo ang mga anak ng tao, o hindi sila magiging kinatawan sa kanilang sarili; sapagkat kung hindi nila kailanman natikman ang mapait, hindi nila malalaman ang matamis—

40 Samakatwid, ito ay nangyari na tinukso ng diyablo si Adan, at kinain niya ang ipinagbabawal na bungang-kahoy at lumabag sa kautusan, kung saan siya ay napasakop sa kagustuhan ng diyablo, dahil siya ay nagpatalo sa tukso.

41 Samakatwid, ako, ang Panginoong Diyos, ay pinapangyari na palayasin siya mula sa Halamanan ng Eden, mula sa aking harapan, dahil sa kanyang paglabag, kung saan siya ay espirituwal na namatay, na unang kamatayan, maging ang gayunding kamatayan na huling kamatayan, na espirituwal, na igagawad sa masasama kapag aking sinabi na: Lumayo, kayong mga isinumpa.

42 Subalit, dinggin, sinasabi ko sa inyo na ako, ang Panginoong Diyos, ay itinulot kay Adan at sa kanyang mga binhi, na hindi sila mamamatay sa temporal na kamatayan, hanggang sa ako, ang Panginoong Diyos, ay magsugo ng mga anghel upang ipahayag sa kanila ang pagsisisi at pagtubos, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ng aking Bugtong na Anak.

43 At sa gayon ko, ang Panginoong Diyos, itinakda sa tao ang mga araw ng kanyang pagsubok—na sa pamamagitan ng kanyang likas na kamatayan, maaari siyang bumangon sa kawalang-kamatayan tungo sa buhay na walang hanggan, maging kasindami ng maniniwala;

44 At sila na hindi naniniwala tungo sa walang hanggang kaparusahan; sapagkat sila ay hindi matutubos sa kanilang espirituwal na pagkahulog, dahil sila ay hindi nagsisisi;

45 Sapagkat kanilang iniibig ang kadiliman kaysa sa liwanag, at ang kanilang mga gawa ay masasama, at tatanggapin nila ang kanilang gantimpala mula sa kanya na kanilang piniling sundin.

46 Subalit dinggin, sinasabi ko sa inyo, na ang maliliit na bata ay tinubos mula pa sa pagkakatatag ng daigdig sa pamamagitan ng aking Bugtong na Anak;

47 Samakatwid, hindi sila magkakasala, sapagkat hindi binigyan si Satanas ng kapangyarihang tuksuhin ang maliliit na bata, hanggang sa sila ay magsimulang magkaroon ng pananagutan sa akin;

48 Sapagkat ibinigay sa kanilang maging ang kalooban ko, alinsunod sa sarili kong kagustuhan, upang kagila-gilalas na mga gawa ang hingin sa kamay ng kanilang mga ama.

49 At, muli, sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang may kaalaman, hindi ko ba inuutusang magsisi?

50 At siya na walang pang-unawa, nasasa akin na gawin ang alinsunod sa nasusulat. At ngayon, wala na akong ipahahayag pa sa inyo sa oras na ito. Amen.