Bahagi 27
Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Harmony, Pennsylvania, Agosto 1830. Sa paghahanda para sa isang pagpupulong sa simbahan kung saan ipangangasiwa ang sakramento ng tinapay at alak, umalis si Joseph upang kumuha ng alak. Sinalubong siya ng isang sugo mula sa langit at tinanggap ang paghahayag na ito, na ang isang bahagi ay isinulat sa panahong iyon at ang nalabing bahagi noong sumunod na Setyembre. Tubig na ngayon ang ginagamit sa halip na alak sa mga pagdaraos ng sakramento sa Simbahan.
1–4, Ipinaalam ang mga simbolong gagamitin sa sakramento; 5–14, Si Cristo at ang kanyang mga tagapaglingkod mula sa lahat ng dispensasyon ay tatanggap ng sakramento; 15–18, Isuot ang buong baluti ng Diyos.
1 Makinig sa tinig ni Jesucristo, ang inyong Panginoon, inyong Diyos, at inyong Manunubos, na ang salita ay buhay at makapangyarihan.
2 Sapagkat dinggin, sinasabi ko sa inyo, na hindi mahalaga kung ano ang inyong kakainin o ano ang inyong iinumin kapag kayo ay tumatanggap ng sakramento, kung ito ay gagawin ninyo nang may matang nakatuon sa aking kaluwalhatian—inaalala sa harapan ng Ama ang aking katawan na inialay para sa inyo, at ang aking dugo na ibinuhos para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.
3 Samakatwid, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na huwag kayong bumili ng alak ni matapang na inumin mula sa inyong mga kaaway;
4 Samakatwid, hindi kayo iinom ng anuman maliban kung ito ay ginawang bago sa inyo; oo, sa kahariang ito ng aking Ama na itatayo sa mundo.
5 Dinggin, ito ay karunungan sa akin; anupa’t huwag manggilalas, sapagkat darating ang oras na ako ay iinom ng katas ng bunga ng puno ng ubas na kasama kayo sa mundo, at kasama si Moroni, na siyang isinugo ko sa inyo upang ihayag ang Aklat ni Mormon, na naglalaman ng kabuuan ng aking walang katapusang ebanghelyo, kung kanino ko ipinagkatiwala ang mga susi ng tala ng tungkod ng Ephraim;
6 At gayundin si Elias, kung kanino ko ipinagkatiwala ang mga susi ng pagsasakatuparan ng pagpapanumbalik ng lahat ng bagay na winika ng bibig ng lahat ng banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig, hinggil sa mga huling araw;
7 At gayundin si Juan na anak ni Zacarias, ang Zacarias na kanyang (Elias) dinalaw at binigyan ng pangako na siya ay magkakaroon ng isang anak na lalaki, at ang kanyang magiging pangalan ay Juan, at mapupuspos siya ng diwa ni Elias;
8 Na siyang Juan na isinugo ko sa inyo, aking mga tagapaglingkod, Joseph Smith, Jun., at Oliver Cowdery, upang iorden kayo sa unang pagkasaserdote na inyong tinanggap, nang kayo ay matawag at maorden maging tulad ni Aaron;
9 At gayundin si Elijah, kung kanino ko ipinagkatiwala ang mga susi ng kapangyarihan ng pagbabaling ng mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga puso ng mga anak sa mga ama, upang hindi maparusahan ang buong sangkatauhan ng isang sumpa;
10 At gayundin sina Jose at Jacob, at Isaac, at Abraham, na inyong mga ama, kung kanino ang mga pangako ay nananatili;
11 At gayundin si Miguel, o Adan, ang ama ng lahat, ang prinsipe ng lahat, ang matanda sa mga araw;
12 At gayundin sina Pedro, at Santiago, at Juan, na silang isinugo ko sa inyo, kung kanino ko kayo pinaordenan at pinagtibay upang maging mga apostol, at mga natatanging saksi ng aking pangalan, at taglayin ang mga susi ng inyong ministeryo at ng mga gayunding bagay na aking inihayag sa kanila;
13 Kung kanino ko ipinagkatiwala ang mga susi ng aking kaharian, at dispensasyon ng ebanghelyo para sa huling panahon; at para sa kaganapan ng panahon, kung kailan ko sama-samang titipunin sa isa ang lahat ng bagay, maging ang mga nasa langit, at ang mga nasa lupa;
14 At gayundin silang lahat na ibinigay sa akin ng Ama mula sa sanlibutan.
15 Anupa’t magalak sa inyong mga puso at magsaya, at bigkisan ang inyong mga balakang, at isuot ninyo ang aking buong baluti, upang inyong mapaglabanan ang araw ng kasamaan, matapos na maisagawa ang lahat, nang kayo ay makatindig.
16 Tumindig, samakatwid, na nabibigkisan ang inyong mga balakang ng katotohanan, na suot ang baluti sa dibdib ng katwiran, at nababalot ang inyong mga paa ng paghahanda ng ebanghelyo ng kapayapaan, na ipinadala ko sa aking mga anghel upang ipagkatiwala sa inyo;
17 Tinataglay ang kalasag ng pananampalataya na magbibigay-kakayahan sa inyo na pawiin ang lahat ng nag-aapoy na palaso ng masama;
18 At taglayin ang pananggalang sa ulo ng kaligtasan, at ang espada ng aking Espiritu, na aking ibubuhos sa inyo, at ang aking salita na inihahayag ko sa inyo, at sumang-ayon hinggil sa lahat ng bagay, anuman ang hinihingi ninyo sa akin, at maging matapat hanggang sa ako ay pumarito, at kayo ay dadalhin, na kung saan ako naroon, kayo ay paroroon din. Amen.