Bahagi 20
Paghahayag hinggil sa kaayusan at pamahalaan ng Simbahan, ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa o malapit sa Fayette, New York. Ang mga bahagi ng paghahayag na ito ay maaaring ibinigay simula pa noong tag-araw ng 1829. Ang buong paghahayag, na tinawag noong panahong iyon na Mga Takda at Tipan, ay maaaring itinala pagkatapos na pagkatapos ng Abril 6, 1830 (ang araw na itinatag ang Simbahan). Isinulat ng Propeta, “Aming natanggap mula sa Kanya [Jesucristo] ang sumusunod, sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at paghahayag; na hindi lamang nagbigay sa amin ng maraming kaalaman, kundi sinabi rin sa amin ang tiyak na araw kung kailan, alinsunod sa Kanyang kalooban at kautusan, na nararapat naming itatag na muli ang Kanyang Simbahan dito sa ibabaw ng mundo.”
1–16, Pinatutunayan ng Aklat ni Mormon ang kabanalan ng gawain sa huling araw; 17–28, Pinagtibay ang mga doktrina ng paglikha, pagkahulog, pagbabayad-sala, at pagbibinyag; 29–37, Ibinigay ang mga batas na namamahala sa pagsisisi, pagbibigay-katwiran, pagpapakabanal, at pagbibinyag; 38–67, Ibinuod ang mga tungkulin ng mga elder, saserdote, guro, at diyakono; 68–74, Inihayag ang mga tungkulin ng mga kasapi, pagbabasbas sa mga bata, at pamamaraan ng pagbibinyag; 75–84, Ibinigay ang mga panalangin sa sakramento at mga patakarang namamahala sa pagiging kasapi sa Simbahan.
1 Ang pagbangon ng Simbahan ni Cristo sa mga huling araw na ito, na isanlibo walong daan at tatlumpung taon mula noong pumarito ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo sa laman, ito na binubuo nang wasto at itinatatag nang sang-ayon sa mga batas ng ating bansa, sa pamamagitan ng kalooban at mga kautusan ng Diyos, sa ikaapat na buwan, at sa ikaanim na araw ng buwang tinatawag na Abril—
2 Na kung aling mga kautusan ay ibinigay kay Joseph Smith, Jun., na tinawag ng Diyos, at inorden na apostol ni Jesucristo, na maging unang elder ng simbahang ito;
3 At kay Oliver Cowdery, na tinawag din ng Diyos na isang apostol ni Jesucristo, na maging pangalawang elder ng simbahang ito, at inorden ng kanyang kamay;
4 At ito ay alinsunod sa biyaya ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, sumasakanya ang lahat ang kaluwalhatian, kapwa ngayon at magpakailanman. Amen.
5 Pagkatapos na tunay na maipahayag sa unang elder na ito na nakatanggap siya ng kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, siya ay nasangkot muli sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig;
6 Subalit pagkatapos magsisi, at taos-pusong magpakumbaba ng kanyang sarili, sa pamamagitan ng pananampalataya, ang Diyos ay naglingkod sa kanya sa pamamagitan ng isang banal na anghel, na ang mukha ay tila kidlat, at ang kasuotan ay malinis at maputi kaysa sa lahat ng iba pang kaputian;
7 At nagbigay sa kanya ng mga kautusan na pumukaw sa kanya;
8 At nagbigay sa kanya ng kapangyarihan mula sa kaitaasan, sa pamamagitan ng mga pamamaraan na inihanda noong una, na maisalin ang Aklat ni Mormon;
9 Na naglalaman ng isang tala ng mga taong nahulog, at ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo para sa mga Gentil at gayundin sa mga Judio;
10 Na ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon, at pinagtibay sa iba sa pamamagitan ng pagmiministro ng mga anghel, at ipinahayag sa sanlibutan sa pamamagitan nila—
11 Pinatutunayan sa sanlibutan na ang mga banal na kasulatan ay totoo, at na binibigyang-inspirasyon ng Diyos ang mga tao at tinatawag sila sa kanyang banal na gawain sa panahon at salinlahing ito, maging tulad sa mga sinaunang salinlahi;
12 Sa ganitong pamamaraan, kanyang pinatutunayang siya rin ang Diyos kahapon, ngayon, at magpakailanman. Amen.
13 Samakatwid, sa pagkakaroon ng mga napakadakilang saksi, sa pamamagitan nila ay hahatulan ang sanlibutan, maging kasindami ng makararating sa kaalaman ng gawaing ito pagkaraan nito.
14 At ang mga yaong tatanggap nito nang may pananampalataya, at gumagawa ng katwiran, ay makatatanggap ng putong ng buhay na walang hanggan;
15 Subalit ang mga yaong magpapatigas ng kanilang mga puso sa kawalang-paniniwala, at tatanggihan ito, magdudulot ito ng kanilang sariling kahatulan—
16 Sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsalita nito; at kami, ang mga elder ng simbahan, ay narinig at nagpapatotoo sa mga salita ng maluwalhating Kamahalan sa kaitaasan, sumasakanya ang kaluwalhatian magpakailanman at walang katapusan. Amen.
17 Dahil sa mga bagay na ito, nalalaman namin na may Diyos sa langit, na walang katapusan at walang hanggan, mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, ang siya ring hindi nagbabagong Diyos, ang nagbigay-anyo sa langit at lupa, at sa lahat ng bagay na naroroon sa mga yaon;
18 At na kanyang nilikha ang tao, lalaki at babae, ayon sa kanyang sariling larawan at sa kanyang sariling wangis, nilikha niya sila;
19 At nagbigay sa kanila ng mga kautusan na nararapat nilang mahalin at paglingkuran siya, ang tanging buhay at tunay na Diyos, at na siya lamang ang tanging katauhan na nararapat nilang sambahin.
20 Subalit sa paglabag sa mga banal na batas na ito, ang tao ay naging makalaman at mala-diyablo, at naging taong nahulog.
21 Samakatwid, ibinigay ng Pinakamakapangyarihang Diyos ang kanyang Bugtong na Anak, tulad ng nakasulat sa mga banal na kasulatan na inilahad tungkol sa kanya.
22 Siya ay nagdanas ng mga tukso subalit hindi siya tumalima sa mga ito.
23 Siya ay ipinako sa krus, namatay, at muling bumangon sa ikatlong araw;
24 At umakyat sa langit, upang umupo sa kanang kamay ng Ama, upang maghari nang may dakilang kapangyarihan alinsunod sa kalooban ng Ama;
25 Na kasindami ng maniniwala at magpapabinyag sa kanyang banal na pangalan, at magtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas ay maliligtas—
26 Hindi lamang ang mga yaong naniwala pagkatapos niyang pumarito sa kalagitnaan ng panahon, sa laman, kundi lahat ng yaong mula pa sa simula, maging kasindami noong bago pa siya pumarito, na naniwala sa mga salita ng mga banal na propeta, na nangusap habang sila ay pinupukaw ng kaloob na Espiritu Santo, na tunay na nagpatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng bagay, ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan,
27 Gayundin ang mga yaong susunod pa, na maniniwala sa mga kaloob at pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa Ama at sa Anak;
28 Na ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay isang Diyos, walang katapusan at walang hanggan, walang wakas. Amen.
29 At aming nalalaman na lahat ng tao ay kinakailangang magsisi at maniwala sa pangalan ni Jesucristo, at sambahin ang Ama sa kanyang pangalan, at magtiis nang may pananampalataya sa kanyang pangalan hanggang wakas, o hindi sila maliligtas sa kaharian ng Diyos.
30 At aming nalalaman na ang pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng biyaya ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay makatarungan at totoo;
31 At amin ding nalalaman na ang pagpapakabanal sa pamamagitan ng biyaya ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay makatarungan at totoo, sa lahat ng yaong nagmamahal at naglilingkod sa Diyos nang buo nilang kakayahan, pag-iisip, at lakas.
32 Subalit maaaring mahulog ang tao mula sa biyaya at malayo sa buhay na Diyos;
33 Samakatwid, mag-ingat ang simbahan at manalangin sa tuwina, nang huwag silang mahulog sa tukso;
34 Oo, at magsipag-ingat din maging ang mga yaong pinabanal na.
35 At aming nalalaman na ang mga bagay na ito ay totoo at naaalinsunod sa mga paghahayag ni Juan, ni hindi nagdaragdag, ni bumabawas mula sa propesiya sa kanyang aklat, ang mga banal na kasulatan, o ang mga paghahayag ng Diyos na ihahayag pagkaraan nito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo, ng tinig ng Diyos, o ng paglilingkod ng mga anghel.
36 At ang Panginoong Diyos ang nagsabi nito; at karangalan, kapangyarihan at kaluwalhatian ay sumasakanyang banal na pangalan, maging ngayon at magpakailanman. Amen.
37 At muli, bilang kautusan sa simbahan hinggil sa paraan ng pagbibinyag—Ang lahat ng yaong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at nagnanais na magpabinyag, at lumalapit nang may mga bagbag na puso at nagsisising espiritu, at pinatutunayan sa simbahan na sila ay tunay na nagsisisi sa lahat ng kanilang mga kasalanan, at handang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, nang may matibay na hangaring maglingkod sa kanya hanggang wakas, at tunay na ipinakikita sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na natanggap nila ang Espiritu ni Cristo para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, ay tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan.
38 Ang tungkulin ng mga elder, saserdote, guro, diyakono, at kasapi ng simbahan ni Cristo—Ang isang apostol ay isang elder, at tungkulin niya ang magbinyag;
39 At mag-orden ng ibang mga elder, saserdote, guro, at diyakono;
40 At pangasiwaan ang tinapay at alak—ang mga simbolo ng laman at dugo ni Cristo—
41 At pagtibayin ang mga yaong bininyagan sa simbahan, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay para sa pagbibinyag ng apoy at ng Espiritu Santo, alinsunod sa mga banal na kasulatan;
42 At magturo, magpaliwanag, manghikayat, magbinyag, at mangalaga sa simbahan;
43 At pagtibayin ang simbahan sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at pagbibigay ng Espiritu Santo;
44 At pamunuan ang lahat ng pagpupulong.
45 Ang mga elder ay kinakailangang pangasiwaan ang mga pagpupulong habang ginagabayan sila ng Espiritu Santo, alinsunod sa mga kautusan at paghahayag ng Diyos.
46 Ang tungkulin ng saserdote ay mangaral, magturo, magpaliwanag, manghikayat, at magbinyag, at mangasiwa sa sakramento,
47 At dumalaw sa bahay ng bawat kasapi, at hikayatin silang manalangin nang malakas at nang palihim at asikasuhin ang lahat ng tungkulin na pang-mag-anak.
48 At siya rin ay maaaring mag-orden ng ibang mga saserdote, guro, at diyakono.
49 At kinakailangan niyang pamunuan ang mga pagpupulong kapag walang elder na naroroon;
50 Subalit kapag may elder na naroroon, siya ay mangangaral, magtuturo, magpapaliwanag, manghihikayat, at magbibinyag lamang,
51 At dadalaw sa bahay ng bawat kasapi, hinihikayat silang manalangin nang malakas at nang palihim at asikasuhin ang lahat ng tungkulin na pang-mag-anak.
52 Sa lahat ng tungkuling ito, ang saserdote ay kinakailangang tumulong sa elder kung hinihingi ng pagkakataon.
53 Ang tungkulin ng mga guro ay pangalagaan ang simbahan sa tuwina, at makapiling at palakasin sila;
54 At tiyaking walang kasamaan sa simbahan, ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama;
55 At tiyaking ang simbahan ay madalas na sama-samang nagtitipon, at tiyakin ding ginagawa ng lahat ng kasapi ang kanilang tungkulin.
56 At kinakailangan niyang pamunuan ang mga pagpupulong kapag walang elder o saserdote na naroroon—
57 At kinakailangang tulungan sa tuwina, sa lahat ng kanyang mga tungkulin sa simbahan, ng mga diyakono, kung hinihingi ng pagkakataon.
58 Subalit walang karapatan ang mga guro ni mga diyakono na magbinyag, mangasiwa ng sakramento, o magpatong ng mga kamay;
59 Sila, gayunman, ay kinakailangang magbabala, magpaliwanag, manghikayat, at magturo, at mag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo.
60 Bawat elder, saserdote, guro, o diyakono ay kinakailangang ordenan alinsunod sa mga kaloob at pagtawag ng Diyos sa kanya; at siya ay kinakailangang ordenan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na taglay niya na mag-oorden sa kanya.
61 Ang maraming elder na bumubuo sa simbahang ito ni Cristo ay kinakailangang magtipun-tipon sa isang pagpupulong isang beses kada tatlong buwan, o sa pana-panahon sa pag-aatas o pagtatakda ng naturang mga kapulungan;
62 At ang mga naturang kapulungan ay magsasagawa ng anumang gawain sa simbahan na kinakailangang gawin sa panahong yaon.
63 Kinakailangang tanggapin ng mga elder ang kanilang mga lisensiya mula sa ibang mga elder, sa pamamagitan ng pagboto ng simbahan kung saan sila kabilang, o mula sa mga kapulungan.
64 Bawat saserdote, guro, o diyakono, na inorden ng isang saserdote, ay maaaring kumuha ng isang katibayan mula sa kanya sa panahong yaon, kung aling katibayan, kapag ipinakita sa isang elder, ay magbibigay sa kanya ng lisensiya, na magbibigay-karapatan sa kanya na gampanan ang mga tungkulin ng kanyang katungkulan, o maaari niya itong matanggap sa isang kapulungan.
65 Walang taong oordenan sa anumang katungkulan sa simbahang ito, kung saan may isang wastong itinatag na sangay nito, nang walang boto ng simbahang ito;
66 Subalit ang mga namumunong elder, naglalakbay na obispo, miyembro ng mataas na kapulungan, mataas na saserdote, at elder, ay may pribilehiyong mag-orden sa kung saan walang sangay ng simbahan na maaaring magpatawag ng pagboto.
67 Bawat pangulo ng mataas na pagkasaserdote (o namumunong elder), obispo, miyembro ng mataas na kapulungan, at mataas na saserdote, ay kinakailangang ordenan sa ilalim ng pamamatnubay ng mataas na kapulungan o pangkalahatang pagpupulong.
68 Ang tungkulin ng mga kasapi pagkatapos silang tanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag—Ang mga elder o saserdote ay kinakailangang magkaroon ng sapat na panahon upang ipaliwanag ang lahat ng bagay hinggil sa simbahan ni Cristo upang kanilang maunawaan, bago sa kanilang pakikibahagi ng sakramento at pagpapatibay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga elder, upang ang lahat ng bagay ay maisagawa nang may kaayusan.
69 At ipakikita ng mga kasapi sa harapan ng simbahan, at gayundin sa harapan ng mga elder, sa pamamagitan ng makadiyos na paglakad at pakikipag-usap, na sila ay karapat-dapat dito, upang magkaroon ng mga gawa at pananampalataya na naaayon sa mga banal na kasulatan—lumalakad nang may kabanalan sa harapan ng Panginoon.
70 Bawat kasapi ng simbahan ni Cristo na may mga anak ay kinakailangang dalhin sila sa mga elder sa harapan ng simbahan, na siyang kinakailangang magpatong ng kanilang mga kamay sa kanila sa pangalan ni Jesucristo, at basbasan sila sa kanyang pangalan.
71 Walang sinumang tatanggapin sa simbahan ni Cristo maliban kung siya ay sumapit na sa gulang ng pananagutan sa harapan ng Diyos, at may kakayahan nang magsisi.
72 Ang pagbibinyag ay kinakailangang pangasiwaan sa mga sumusunod na pamamaraan sa lahat ng yaong nagsisisi—
73 Ang taong tinawag ng Diyos at may karapatan mula kay Jesucristo na magbinyag ay bababa sa tubig kasama ang taong inilapit ang kanyang sarili upang binyagan, at sasabihin, tinatawag siya sa kanyang pangalan: Bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
74 Pagkatapos, kanyang ilulubog siya sa tubig, at muling iaaahon mula sa tubig.
75 Kinakailangan na ang simbahan ay magtipon nang madalas upang makibahagi ng tinapay at alak sa pag-alala sa Panginoong Jesus;
76 At ang elder o saserdote ang mangangasiwa nito; at alinsunod sa pamamaraang ito niya pangangasiwaan ito—siya ay luluhod kasama ang simbahan at magsusumamo sa Ama sa taimtim na panalangin, sinasabing:
77 O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami po ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito para sa mga kaluluwa ng lahat nilang kakain nito, nang sila po ay makakain bilang pag-alala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila po ay handang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at sa tuwina ay aalalahanin siya at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen.
78 Ang pamamaraan ng pangangasiwa ng alak—hahawakan din niya ang saro, at sasabihing:
79 O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami po ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang alak na ito para sa mga kaluluwa ng lahat nilang iinom nito, nang ito po ay kanilang magawa bilang pag-alala sa dugo ng inyong Anak, na nabuhos alang-alang sa kanila; nang kanilang mapatunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila po sa tuwina ay aalalahanin siya, nang mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen.
80 Ang sinumang kasapi ng simbahan ni Cristo na nagkakasala, o natuklasang nagkamali, ay pakikitunguhan alinsunod sa itinatagubilin ng mga banal na kasulatan.
81 Katungkulan ng maraming simbahan, na bumubuo sa simbahan ni Cristo, na magsugo ng isa o higit pa sa kanilang mga guro na dumalo sa maraming pagpupulong na idinaraos ng mga elder ng simbahan,
82 Dala ang tala ng mga pangalan ng maraming kasapi na nakikiisa sa simbahan matapos ang nakaraang pagpupulong; o ipadala sa pamamagitan ng kamay ng ilang saserdote; nang sa gayon ay maingatan ang isang maayos na tala ng lahat ng pangalan ng buong simbahan sa isang aklat ng isa sa mga elder, kung sinuman ang itatalaga ng ibang mga elder sa pana-panahon;
83 At gayundin, kung may sinumang itiniwalag sa simbahan, nang sa gayon ay mabura ang kanilang mga pangalan sa pangkalahatang talaan ng pangalan sa simbahan.
84 Ang lahat ng kasapi na lumilipat mula sa simbahan kung saan sila naninirahan, kung magtutungo sa isang simbahan na hindi sila nakikilala, ay maaaring magdala ng isang liham na nagpapatunay na sila ay maaayos na kasapi at may mabuting katayuan, kung aling katibayan ay maaaring lagdaan ng sinumang elder o saserdote kung kakilala ng elder o saserdote ang kasapi na tatanggap ng liham, o maaari itong lagdaan ng mga guro o diyakono ng simbahan.