Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 19


Bahagi 19

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith sa Manchester, New York, malamang noong tag-araw ng Marso 1829. Sa kanyang kasaysayan, ipinakilala ito ng Propeta bilang “isang kautusan ng Diyos at hindi ng tao, kay Martin Harris, na ibinigay niya na Walang Hanggan.”

1–3, Taglay ni Cristo ang lahat ng kapangyarihan; 4–5, Ang lahat ng tao ay kinakailangang magsisi o magdusa; 6–12, Ang walang hanggang kaparusahan ay kaparusahan ng Diyos; 13–20, Si Cristo ay nagdusa para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung magsisisi sila; 21–28, Ipangaral ang ebanghelyo ng pagsisisi; 29–41, Ipahayag ang masasayang balita.

1 Ako ang Alpha at Omega, ang Cristo na Panginoon; oo, maging ako ay siya, ang simula at ang wakas, ang Manunubos ng sanlibutan.

2 Ako, na naisagawa at natupad ang kalooban niya na nagsugo sa akin, maging ang Ama, hinggil sa akin—na isinagawa ito upang aking maipailalim ang lahat ng bagay sa aking sarili—

3 Pinanatili ang lahat ng kapangyarihan, maging sa pagkalupig ni Satanas at ng kanyang mga gawain sa katapusan ng daigdig, at ang huling dakilang araw ng paghuhukom, na aking ipapataw sa lahat ng naninirahan dito, hahatulan ang bawat tao alinsunod sa kanyang mga gawa at mga gawain na kanyang ginawa.

4 At tiyak na ang bawat tao ay kinakailangang magsisi o magdusa, sapagkat ako, ang Diyos, ay walang katapusan.

5 Anupa’t hindi ko babawiin ang mga paghahatol na aking ipapataw, sa halip, ang mga kapighatian ay mangyayari, pananangis, pananaghoy at pagngangalit ng mga ngipin, oo, sa mga yaong matatagpuan sa aking kaliwang kamay.

6 Gayunman, hindi nasusulat na hindi magkakaroon ng katapusan ang pagdurusang ito, kundi nasusulat ito na walang katapusang pagdurusa.

7 Muli, nasusulat ito na walang hanggang kapahamakan; kaya nga ito ay higit na maliwanag kaysa sa ibang mga banal na kasulatan, nang maantig nito ang mga puso ng mga anak ng tao, nang lubusan para sa ikaluluwalhati ng aking pangalan.

8 Anupa’t aking ipaliliwanag sa iyo ang hiwagang ito, sapagkat ito ay dapat mong malaman maging tulad ng aking mga apostol.

9 Ako ay nangungusap sa inyo na mga pinili sa bagay na ito, maging tulad sa iisa, upang makapasok kayo sa aking kapahingahan.

10 Sapagkat, dinggin, ang hiwaga ng kabanalan, kay dakila nito! Sapagkat, dinggin, ako ay walang katapusan, at ang kaparusahang ibinigay mula sa aking kamay ay walang katapusang kaparusahan, sapagkat Walang Katapusan ang aking pangalan. Samakatwid—

11 Ang walang hanggang kaparusahan ay kaparusahan ng Diyos.

12 Ang walang katapusang kaparusahan ay kaparusahan ng Diyos.

13 Anupa’t iniuutos ko sa iyong magsisi, at sumunod sa mga kautusang iyong natanggap sa pamamagitan ng kamay ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sa aking pangalan;

14 At sa pamamagitan ng aking pinakamakapangyarihang lakas na natanggap mo ang mga yaon;

15 Anupa’t iniuutos ko sa iyong magsisi—magsisi, kung hindi, parurusahan kita sa pamamagitan ng pamalo ng aking bibig, at sa pamamagitan ng aking poot, at sa pamamagitan ng aking galit, at magiging matindi ang iyong mga pagdurusa—kung gaano katindi ay hindi mo nalalaman, kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.

16 Sapagkat dinggin, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

17 Subalit kung hindi sila magsisisi, kinakailangang magdusa sila maging katulad ko;

18 Kung aling pagdurusa ay nagdulot sa aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakadakila sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at dumugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—at nagnais na hindi ko inumin ang mapait na saro at umurong—

19 Gayunpaman, luwalhatiin ang Ama, at ininom ko at tinapos ang aking mga paghahanda para sa mga anak ng tao.

20 Anupa’t iniuutos kong muli sa iyo na magsisi, kung hindi ay gagawin kitang mapagpakumbaba sa pamamagitan ng aking pinakamakapangyarihang lakas; at na ipagtapat mo ang iyong mga kasalanan, kung hindi ay daranasin mo ang mga kaparusahang aking sinabi, na yaong pinakamaliit, oo, maging sa kaliit-liitang antas na iyong natikman sa panahong inalis ko ang aking Espiritu.

21 At iniuutos ko sa iyo na huwag mangaral ng anuman maliban sa pagsisisi, at huwag ipakita ang mga bagay na ito sa sanlibutan hanggang sa ito ay maging karunungan sa akin.

22 Sapagkat hindi nila makakayanan ang karne sa ngayon, sa halip, gatas ang kanilang kailangang matanggap; kaya nga, hindi nila kinakailangang malaman ang mga bagay na ito, upang hindi sila masawi.

23 Matuto sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.

24 Ako si Jesucristo; ako ay naparito sa kalooban ng Ama, at aking ginagawa ang kanyang kalooban.

25 At muli, iniuutos ko sa iyo na huwag mong pag-iimbutan ang asawa ng iyong kapwa; ni huwag mong hangaring kitlin ang buhay ng iyong kapwa.

26 At muli, iniuutos ko sa iyo na huwag mong pag-iimbutan ang sarili mong ari-arian, kundi malaya itong ibahagi sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon, na naglalaman ng katotohanan at ng salita ng Diyos—

27 Na aking salita sa Gentil, upang sa lalong madaling panahon ay mapasa Judio ito, kung kanino ang mga Lamanita ay labi, upang maniwala sila sa ebanghelyo, at huwag nang maghintay sa pagparito ng isang Mesiyas na pumarito na.

28 At muli, iniuutos ko sa iyo na ikaw ay manalangin nang malakas gayundin sa iyong puso; oo, sa harapan ng sanlibutan gayundin nang palihim, sa harapan ng madla gayundin sa sarili.

29 At iyong ipahahayag ang masasayang balita, oo, ipahayag ito sa kabundukan, at sa bawat mataas na lugar, at sa bawat tao na pahihintulutan kang makilala.

30 At ito ay gagawin mo nang may buong pagpapakumbaba, nagtitiwala sa akin, hindi nilalait ang mga manlalait.

31 At ang mga doktrina ay hindi mo tatalakayin, sa halip, iyong ipahahayag ang pagsisisi at pananampalataya sa Tagapagligtas, at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pagbibinyag, at sa pamamagitan ng apoy, oo, maging ng Espiritu Santo.

32 Dinggin, ito ang dakila at huling kautusan na aking ibibigay sa iyo hinggil sa bagay na ito; sapagkat ito ay magiging sapat na para sa iyong araw-araw na lakbayin, maging hanggang sa katapusan ng iyong buhay.

33 At kalungkutan ang iyong matatamo kung iyong pawawalang-halaga ang mga payong ito, oo, maging ang pagkawasak ng iyong sarili at ari-arian.

34 Ibahagi ang isang piraso ng iyong ari-arian, oo, maging mula sa iyong mga lupain, at lahat, maliban ang pantustos sa iyong mag-anak.

35 Bayaran ang utang na iyong pinagkasundo sa manlilimbag. Palayain ang iyong sarili sa pagkakautang.

36 Lisanin ang iyong bahay at tahanan, maliban na lamang kung nanaisin mong makita ang iyong mag-anak;

37 At malayang makipag-usap sa lahat; oo, mangaral, manghikayat, ipahayag ang katotohanan, maging sa malakas na tinig, nang may tunog ng kagalakan, isinisigaw ang—Hosana, hosana, purihin ang pangalan ng Panginoong Diyos!

38 Manalangin sa tuwina, at ibubuhos ko sa iyo ang aking Espiritu, at malaki ang iyong magiging pagpapala—oo, maging mas higit pa sa kung iyong matatamo ang mga kayamanan ng mundo at kabulukan na katumbas ng mga ito.

39 Dinggin, mababasa mo ba ito nang hindi nagsasaya at nagagalak sa iyong puso dahil sa kasiyahan?

40 O makatatakbo ka ba nang mas matagal bilang isang bulag na taga-akay?

41 O magpapakumbaba ka ba at magpapakaamo, at kikilos ka nang marapat sa harapan ko? Oo, lumapit ka sa akin na iyong Tagapagligtas. Amen.