Bahagi 110
Mga pangitaing ipinakita kay Joseph Smith, ang Propeta, at kay Oliver Cowdery sa templo sa Kirtland, Ohio, Abril 3, 1836. Ang pangyayari ay isang pagpupulong sa araw ng Sabbath. Ipinahahayag ng kasaysayan ni Joseph Smith na: “Kinahapunan, tinulungan ko ang iba pang mga Pangulo sa pamamahagi ng Hapunan ng Panginoon sa Simbahan, matapos matanggap ito mula sa Labindalawa, na silang may pribilehiyong pangasiwaan ito sa banal na hapag ngayong araw na ito. Matapos magawa ang paglilingkod na ito sa aking mga kapatid, nagtungo ako sa pulpito, na nakababa ang mga tabing, at iniyukod ang sarili, kasama si Oliver Cowdery, sa taimtim at tahimik na panalangin. Matapos tumayo mula sa pananalangin, ipinakita sa aming dalawa ang mga sumusunod na pangitain.”
1–10, Ang Panginoong Jehova ay nagpakita sa kaluwalhatian at tinanggap ang Templo ng Kirtland bilang Kanyang bahay; 11–12, Sina Moises at Elias ay kapwa nagpakita at ipinagkatiwala ang kanilang mga susi at dispensasyon; 13–16, Si Elijah ay nagbalik at ipinagkatiwala ang mga susi ng kanyang dispensasyon tulad ng ipinangako ni Malakias.
1 Ang tabing ay inalis mula sa aming mga isipan, at ang mga mata ng aming pang-unawa ay nabuksan.
2 Aming nakita ang Panginoon na nakatayo sa dantayan ng pulpito, sa aming harapan; at sa ilalim ng kanyang mga paa ay may isang yari sa lantay na ginto, na ang kulay ay tulad ng ambar.
3 Ang kanyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti tulad ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay katunog ng lagaslas ng malalawak na katubigan, maging ang tinig ni Jehova, na nagsasabing:
4 Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.
5 Dinggin, ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na; malinis kayo sa aking harapan; kaya nga, itaas ang inyong mga ulo at magsaya.
6 Magsaya ang mga puso ng inyong mga kapatid, at magsaya ang mga puso ng lahat ng aking mga tao, na, sa pamamagitan ng kanilang lakas, ay itinayo ang bahay na ito sa aking pangalan.
7 Sapagkat dinggin, tinatanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay paparito; at ipakikita ko ang aking sarili nang may awa sa aking mga tao sa bahay na ito.
8 Oo, ako ay magpapakita sa aking mga tagapaglingkod, at mangungusap sa kanila sa sarili kong tinig, kung susundin ng aking mga tao ang mga kautusan ko, at hindi durumihan ang banal na bahay na ito.
9 Oo, ang mga puso ng libu-libo at sampu-sampung libo ay labis na magsasaya dahil sa mga pagpapalang ibubuhos, at sa kaloob na ipinagkaloob sa aking mga tagapaglingkod sa bahay na ito.
10 At ang katanyagan ng bahay na ito ay lalaganap sa mga ibang lupain; at ito ang simula ng mga pagpapalang ibubuhos sa ulo ng aking mga tao. Maging gayon nga. Amen.
11 Matapos magwakas ng pangitaing ito, ang kalangitan ay muling nabuksan sa amin; at nagpakita sa amin si Moises, at ipinagkatiwala sa amin ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo, at ang pangunguna sa sampung lipi mula sa hilagang lupain.
12 Pagkatapos nito, si Elias ay nagpakita, at ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, sinasabi na sa pamamagitan namin at ng aming mga binhi, lahat ng susunod sa amin na mga salinlahi ay pagpapalain.
13 Matapos magwakas ng pangitaing ito, isa pang dakila at maluwalhating pangitain ang bumungad sa amin; sapagkat ang propetang si Elijah, na dinala sa langit nang hindi nakatitikim ng kamatayan, ay tumindig sa aming harapan, at sinabi:
14 Dinggin, ang panahon ay ganap nang dumating, na binanggit ng bibig ni Malakias—nagpapatotoong siya [si Elijah] ay isusugo, bago ang pagsapit ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—
15 Upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, upang hindi parusahan ang mundo ng isang sumpa—
16 Samakatwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito, inyong malalaman na malapit na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon, maging nasa mga pintuan na.