Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 101


Bahagi 101

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Disyembre 16 at 17, 1833. Sa panahong ito, dumaranas ng matinding pag-uusig ang mga Banal na nagtipon sa Missouri. Pinalayas sila ng mga manggugulo mula sa kanilang mga tahanan sa Jackson County; at nagtangka ang ilan sa mga Banal na manirahan sa mga County ng Van Buren, Lafayette, at Ray na mga County, subalit sinundan sila ng pag-uusig. Nasa Clay County, Missouri ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal sa panahong yaon. Marami ang mga pagbabanta ng kamatayan laban sa mga kasapi ng Simbahan. Nawalan ang mga Banal sa Jackson County ng mga kasangkapan sa bahay, kasuotan, mga hayop, at iba pang pansariling ari-arian; at nawasak ang marami sa kanilang mga pananim.

1–8, Pinarurusahan at pinahihirapan ang mga Banal dahil sa kanilang mga paglabag; 9–15, Ipapataw sa mga bansa ang kapootan ng Panginoon, subalit titipunin at aaluin ang Kanyang mga tao; 16–21, Itatatag ang Sion at ang Kanyang mga istaka; 22–31, Ipinaliliwanag ang uri ng buhay sa Milenyo; 32–42, Ang mga Banal ay pagpapalain at gagantimpalaan sa panahong ito; 43–62, Sumasagisag ang talinghaga ng maharlika at ng mga puno ng olibo sa mga kaguluhan at sa pagtubos ng Sion sa huli; 63–75, Kinakailangang magpatuloy ang mga Banal sa sama-samang pagtitipun-tipon; 76–80, Itinatag ng Panginoon ang Saligang-batas ng Estados Unidos; 81–101, Kinakailangang ipagsumamo ng mga Banal ang pagbabayad-pinsala para sa ng mga hinaing, alinsunod sa talinghaga ng babae at ng hindi makatarungang hukom.

1 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hinggil sa mga kapatid ninyo na pinahirapan, at hinamak, at ipinagtabuyan mula sa lupain na kanilang mana—

2 Ako, ang Panginoon, ay ipinahintulot na sumapit sa kanila ang paghihirap, na nagpahirap sa kanila, bilang bunga ng kanilang mga paglabag;

3 Gayunman ay kikilalanin ko sila, at magiging akin sila sa araw na yaon kung kailan ako paparito upang tipunin ang aking mga hiyas.

4 Anupa’t sila ay talagang kinakailangang parusahan at subukan, maging tulad ni Abraham, na inutusang ialay ang kanyang nag-iisang anak na lalaki.

5 Sapagkat ang lahat ng yaong hindi matitiis ang pagpaparusa, sa halip ay itinatatwa ako, ay hindi magagawang-banal.

6 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, may mga pagtatalo, at mga alitan, at mga inggitan, at mga pag-aaway, at mga mahalay at mapag-imbot na pagnanasa sa kanila; kaya nga, sa pamamagitan ng mga bagay na ito ay dinumihan nila ang kanilang mga mana.

7 Sila ay mabagal sa pagdinig sa tinig ng Panginoon nilang Diyos; kaya nga, ang Panginoon nilang Diyos ay mabagal sa pagdinig sa kanilang mga panalangin, sa pagtugon sa kanila sa araw ng kanilang suliranin.

8 Sa araw ng kanilang kapayapaan ay hindi nila gaanong pinahalagahan ang aking payo; subalit sa araw ng kanilang suliranin, dahil sa pangangailangan ay hinahagilap nila ako.

9 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sa kabila ng kanilang mga kasalanan, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa kanila. Hindi ko sila ganap na itatakwil; at sa araw ng kapootan, aking maaalala ang awa.

10 Aking isinumpa, at ang panuntunan ay lumabas na sa isang naunang kautusan na aking ibinigay sa inyo, na aking ibabagsak ang espada ng aking pagkapoot para sa kapakanan ng aking mga tao; at maging tulad ng aking sinabi, ito ay mangyayari.

11 Ang aking galit ay malapit nang ibuhos nang walang sukat sa lahat ng bansa; at ito ay aking gagawin kapag puno na ang saro ng kanilang kasalanan.

12 At sa araw na iyon, ang lahat ng matatagpuan sa tore, o sa ibang salita, ang aking buong Israel, ay maliligtas.

13 At sila na ikinalat ay titipunin.

14 At lahat sila na nagdadalamhati ay aaluin.

15 At lahat sila na nagbubuwis ng kanilang buhay para sa aking pangalan ay puputungan.

16 Samakatwid, maalo ang inyong mga puso hinggil sa Sion; sapagkat ang lahat ng laman ay nasa aking mga kamay; mapanatag at kilalanin na ako ang Diyos.

17 Ang Sion ay hindi maaalis sa kanyang lugar, sa kabila ng pagkakakalat ng kanyang mga anak.

18 Sila na naiwan, at dalisay ang puso, ay babalik, at matatamo ang kanilang mga mana, sila at ang kanilang mga anak, na may mga awit ng walang hanggang kagalakan, hanggang sa itayo ang mga napabayaang lugar ng Sion—

19 At ang lahat ng bagay na ito ay upang maisakatuparan ang mga propeta.

20 At, dinggin, wala nang iba pang lugar na itinakda maliban sa yaon na aking itinakda; ni wala nang iba pang lugar na itatakda maliban sa yaon na aking itinatakda, para sa gawain ng pagtitipon ng aking mga banal—

21 Hanggang sa sumapit ang araw na wala nang matagpuang lugar para sa kanila; at sa gayon ay may iba pa akong mga lugar na aking itatakda sa kanila, at ang mga ito ay tatawaging mga istaka, upang maging mga tabing o lakas ng Sion.

22 Dinggin, kalooban ko na lahat sila na nananawagan sa aking pangalan, at sinasamba ako alinsunod sa aking walang hanggang ebanghelyo, ay nararapat na sama-samang magtipon, at tumayo sa mga banal na lugar;

23 At maghanda para sa paghahayag na darating, kapag ang tabing ng panakip ng aking templo, sa aking tabernakulo, na nagtatago sa mundo, ay aalisin, at sabay-sabay akong makikita ng lahat ng laman.

24 At ang lahat ng nabubulok na bagay, kapwa kinabibilangan ng mga tao, o ng mga hayop sa parang, o ng mga ibon sa kalangitan, o ng mga isda sa dagat, na naninirahan sa balat ng lupa, ay malilipol;

25 At gayundin, ang yaong yari sa elemento ay matutunaw sa matinding init; at magiging bago ang lahat ng bagay, upang ang aking kaalaman at kaluwalhatian ay makapanatili sa buong mundo.

26 At sa araw na yaon, ang pag-aalitan ng tao, at ang pag-aalitan ng mga hayop, oo, ang pag-aalitan ng lahat ng laman, ay matitigil sa aking harapan.

27 At sa araw na yaon, anuman ang hihilingin ng sinumang tao, ito ay ipagkakaloob sa kanya.

28 At sa araw na yaon, si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihang tuksuhin ang sinumang tao.

29 At hindi magkakaroon ng kalungkutan sapagkat walang kamatayan.

30 Sa araw na yaon, hindi mamamatay ang isang sanggol hanggang sa siya ay matanda na; at ang kanyang buhay ay magiging tulad sa gulang ng isang puno;

31 At kapag siya ay namatay, hindi siya matutulog, na ang ibig sabihin ay sa lupa, kundi magbabago sa isang kisap-mata, at dadalhin, at magiging maluwalhati ang kanyang katiwasayan.

32 Oo, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sa araw na yaon kung kailan ang Panginoon ay paparito, ihahayag niya ang lahat ng bagay—

33 Ang mga bagay na nakalipas, at mga nakatagong bagay na walang sinumang tao ang nakaaalam, mga bagay tungkol sa mundo, kung paano ito nagawa, at ang layunin at ang pakay nito—

34 Mga bagay na pinakamahalaga, mga bagay na nasa itaas, at mga bagay na nasa ilalim, mga bagay na nasa mundo, at sa ibabaw ng mundo, at nasa langit.

35 At lahat sila na nagdurusa ng pag-uusig dahil sa aking pangalan, at nagtitiis nang may pananampalataya, bagama’t sila ay tinawag na ialay ang kanilang mga buhay para sa aking kapakanan, gayunman ay makababahagi sila sa lahat ng kaluwalhatiang ito.

36 Samakatwid, huwag matakot maging hanggang sa kamatayan; sapagkat sa daigdig na ito, ang inyong kagalakan ay hindi lubos, subalit sa akin, ang inyong kagalakan ay lubos.

37 Samakatwid, huwag mag-aalala para sa katawan, ni sa buhay ng katawan; sa halip, mag-alala para sa kaluluwa, at para sa buhay ng kaluluwa.

38 At hanapin ang mukha ng Panginoon sa tuwina, upang sa pagtitiyaga ay matamo ninyo ang inyong mga kaluluwa, at magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

39 Kapag ang mga tao ay tinatawag sa aking walang hanggang ebanghelyo, at nakikipagtipan nang may walang hanggang tipan, sila ay ituturing na asin ng lupa at tagapagpalasa ng mga tao;

40 Sila ay tinatawag na maging tagapagpalasa ng mga tao; kaya nga, kung ang yaong asin ng lupa ay mawawalan ng lasa, dinggin, kung magkagayon ay wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at yapakan ng mga paa ng tao.

41 Dinggin, narito ang karunungan hinggil sa mga anak ng Sion, maging marami, subalit hindi lahat; sila ay natagpuang mga lumalabag, kaya nga sila ay talagang kinakailangang parusahan—

42 Siya na nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, at siya na nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas.

43 At ngayon, ilalahad ko sa inyo ang isang talinghaga, upang inyong malaman ang aking kalooban hinggil sa pagtubos sa Sion.

44 May isang maharlika na may isang lote ng lupa, na napakaganda; at sinabi niya sa kanyang mga tagapaglingkod: Humayo kayo sa aking ubasan, maging sa napakagandang loteng ito ng lupa, at magtanim ng labindalawang puno ng olibo;

45 At magtalaga ng mga tagabantay sa palibot ng mga ito, at magtayo ng isang tore, upang matunghayan ng isa ang lupain na nasa palibot, upang maging isang tagabantay sa tore, nang hindi masira ang aking mga puno ng olibo kapag ang kaaway ay dumating upang manloob at kunin ang bunga ng aking ubasan para sa kanilang sarili.

46 Ngayon, ang mga tagapaglingkod ng maharlika ay humayo at gumawa tulad ng ipinag-utos sa kanila ng panginoon nila, at nagtanim ng mga puno ng olibo, at nagtayo ng bakod sa palibot, at nagtalaga ng mga tagabantay, at nagsimulang magtayo ng tore.

47 At habang itinatayo pa lamang nila ang saligan nito, nagsimula nilang sabihin sa kani-kanilang sarili: At bakit kinakailangan ng aking panginoon ang toreng ito?

48 At nagsanggunian sa mahabang panahon, sinasabi sa kanilang sarili: Bakit kinakailangan ng aking panginoon ang toreng ito, nakikitang ngayon ay panahon ng kapayapaan?

49 Bakit hindi na lang ibigay ang salaping ito sa mga nagpapalit? Sapagkat hindi kinakailangan ang mga bagay na ito.

50 At habang nagkikipagtalo sila sa isa’t isa, sila ay naging napakatatamad, at hindi na sila nakinig sa mga kautusan ng kanilang panginoon.

51 At ang kaaway ay dumating ng gabi, at sinira ang bakod; at ang mga tagapaglingkod ng maharlika ay bumangon at natakot, at tumakas; at winasak ng kaaway ang kanilang mga ginawa, at sinira ang mga puno ng olibo.

52 Ngayon, dinggin, ang maharlika, ang panginoon ng ubasan, ay tinawag ang kanyang mga tagapaglingkod, at sinabi sa kanila, Bakit! ano ang dahilan ng matinding kasamaang ito?

53 Hindi ba’t nararapat na ginawa ninyo maging ang tulad ng aking ipinag-utos sa inyo, at—pagkatapos ninyong tamnan ang ubasan, at itinayo ang bakod sa palibot, at nagtalaga ng mga tagabantay sa mga pader niyon—nagtayo rin ng tore, at nagtalaga ng tagabantay sa tore, at bantayan ang aking ubasan, at hindi nakatulog, sapagkat baka lumusob ang kaaway sa inyo?

54 At dinggin, nakita sana ng tagabantay sa tore ang kaaway habang siya ay malayo pa; at sa gayon ay nakapaghanda sana kayo at napigilan ang kaaway sa pagsira ng bakod nito, at nailigtas ang aking ubasan mula sa mga kamay ng mangwawasak.

55 At sinabi ng panginoon ng ubasan sa isa sa kanyang mga tagapaglingkod: Humayo at sama-samang tipunin ang natira sa aking mga tagapaglingkod, at pamunuan ang buong lakas ng aking sambahayan, na aking mga mandirigma, aking mga kabataang lalaki, at sila na nasa katanghaliang-gulang din sa lahat ng aking tagapaglingkod, na silang lakas ng aking sambahayan, maliban lamang sa mga yaon na itinalaga kong manatili;

56 At magtungo kayo kaagad sa lupain ng aking ubasan, at bawiin ang aking ubasan; sapagkat ito ay akin; binili ko ito ng salapi.

57 Samakatwid, magtungo kayo kaagad sa aking lupain; sirain ang mga bakod ng aking mga kaaway; pabagsakin ang kanilang tore, at ikalat ang kanilang mga tagabantay.

58 At yamang sila ay sama-samang nagtitipon laban sa inyo, ipaghiganti ako sa aking mga kaaway, upang sa lalong madaling panahon ay makatungo ako kasama ng mga natira sa aking sambahayan at angkinin ang lupain.

59 At sinabi ng tagapaglingkod sa kanyang panginoon: Kailan po magaganap ang mga bagay na ito?

60 At sinabi niya sa kanyang tagapaglingkod: Kapag aking niloob; humayo kayo kaagad, at gawin ang lahat ng anumang bagay na aking ipinag-uutos sa inyo;

61 At ito ang aking magiging tatak at pagpapala sa iyo—isang matapat at matalinong katiwala sa aking sambahayan, isang tagapamahala sa aking kaharian.

62 At ang kanyang tagapaglingkod ay humayo kaagad, at ginawa ang lahat ng anumang bagay na ipinag-utos ng panginoon niya sa kanya; at pagkaraan ng maraming araw, ang lahat ng bagay ay natupad.

63 Muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ipakikita ko sa inyo ang karunungan sa akin hinggil sa buong simbahan, yamang sila ay nakahandang maakay sa tama at wastong pamamaraan para sa kanilang kaligtasan—

64 Upang ang gawain ng pagtitipong magkakasama ng aking mga banal ay magpatuloy, nang maitatag ko sila sa aking pangalan sa mga banal na lugar; sapagkat ang panahon ng pag-aani ay sumapit na, at talagang kinakailangang matupad ang aking salita.

65 Samakatwid, dapat kong tipuning magkakasama ang aking mga tao, alinsunod sa talinghaga ng trigo at ng mga agingay, upang ang trigo ay maging ligtas sa mga bangan nang magkaroon ng buhay na walang hanggan, at maputungan ng kaluwalhatiang selestiyal, kapag ako ay paparoon sa kaharian ng aking Ama upang gantimpalaan ang bawat tao alinsunod sa gawaing kanyang gagawin;

66 Samantalang ang mga agingay ay ibubungkos, at ang kanilang mga gapos ay ginawang matibay, upang masunog sila ng hindi maapulang apoy.

67 Samakatwid, isang kautusan ang aking ibinibigay sa buong simbahan, na sila ay magpapatuloy na magtipong sama-sama sa mga lugar na aking itinatakda.

68 Gayunpaman, tulad ng aking sinabi sa inyo sa isang naunang kautusan, huwag magtitipon sa pagmamadali, ni nang patakas; kundi ihanda ninyo ang lahat ng bagay nang maaga.

69 At upang maihanda ninyo ang lahat ng bagay nang maaga, sundin ang kautusang aking ibinigay hinggil sa mga bagay na ito—

70 Na nagsasabi, o nagtuturo, na bilhin ang lahat ng lupain ng salapi, na maaaring bilhin ng salapi, sa dako sa paligid ng lupain na aking itinakda na maging lupain ng Sion, para sa pagsisimula ng pagtitipon ng aking mga banal;

71 Ang lahat ng lupain na maaaring bilhin sa Jackson county, at sa mga county sa paligid, at iwanan ang natira sa aking kamay.

72 Ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, titipunin ng buong simbahan ang lahat ng kanilang salapi; gagawin ang lahat ng bagay na ito sa panahon ng mga ito, subalit hindi sa pagmamadali; at pagsikapang maihanda ninyo ang lahat ng bagay nang maaga.

73 At magtalaga ng mararangal na tao, maging matatalinong tao, at isugo sila upang bilhin ang mga lupaing ito.

74 At ang mga simbahan sa mga bayan sa kasilanganan, kapag naitayo ang mga ito, kung makikinig sila sa payong ito, sila ay makabibili ng mga lupain at titipuning sama-sama sa kanila; at sa ganitong pamamaraan nila maaaring maitatag ang Sion.

75 Maging sa ngayon ay mayroon nang naitabing sapat, oo, maging kasaganahan, upang mabawi ang Sion, at maitatag ang kanyang mga napabayaang lugar, hindi na muling maibabagsak, kung ang mga simbahan, na tinatawag ang kanilang sarili sunod sa aking pangalan, ay nakahandang makinig sa aking tinig.

76 At muli, sinasabi ko sa inyo, ang mga yaong ikinalat ng kanilang mga kaaway, aking kalooban na sila ay nararapat na magpatuloy na magsumamo para sa bayad-pinsala, at pagtubos, sa pamamagitan ng mga kamay ng mga yaong hinirang na mga tagapamahala at may kapangyarihan sa inyo—

77 Alinsunod sa mga batas at saligang-batas ng mga tao, na aking pinahintulutang maitatag, at nararapat na panatilihin para sa mga karapatan at kaligtasan ng lahat ng laman, alinsunod sa mga matwid at banal na alituntunin;

78 Nang ang bawat tao ay makakilos alinsunod sa doktrina at alituntunin na nauukol sa hinaharap, alinsunod sa kalayaang moral na aking ibinigay sa kanya, upang ang bawat tao ay managot sa kanyang sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom.

79 Samakatwid, hindi tama na ang sinumang tao ay nasa pagkaalipin sa isa’t isa.

80 At dahil sa layuning ito ko itinatag ang Saligang-batas ng lupaing ito, sa pamamagitan ng mga kamay ng matatalinong tao na aking ibinangon para sa tanging layuning ito, at tinubos ang lupain sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo.

81 Ngayon, sa ano ko ihahalintulad ang mga anak ng Sion? Akin silang ihahalintulad sa talinghaga ng babae at ng hindi makatarungang hukom, sapagkat ang mga tao ay nararapat na manalangin sa tuwina at hindi manghina, na nagsasabing—

82 Sa isang lungsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos, ni walang taong iginagalang.

83 At may isang balong babae sa lungsod na iyon, at siya ay nagtungo sa kanya, sinasabing: Ipaghiganti mo ako sa aking kaaway.

84 At tumanggi siya nang ilang panahon, subalit pagkatapos ay sinabi niya sa kanyang sarili: Bagama’t hindi ako natatakot sa Diyos, ni gumagalang sa tao, gayunman, dahil ang balong ito ay ginagambala ako, akin siyang ipaghihiganti, sapagkat baka sa kanyang patuloy na paglapit ay guluhin niya ako.

85 Sa gayon ko ihahalintulad ang mga anak ng Sion.

86 Magsumamo sila sa paanan ng hukom;

87 At kung hindi niya sila pakikinggan, magsumamo sila sa paanan ng gobernador;

88 At kung hindi sila pakikinggan ng gobernador, magsumamo sila sa paanan ng pangulo;

89 At kung hindi sila pakikinggan ng pangulo, sa gayon, ang Panginoon ay babangon at lalabas mula sa kanyang pinagtataguang lugar, at sa kanyang matinding galit ay gagambalain ang bansa;

90 At sa kanyang sukdulang pagkayamot, at sa kanyang matinding galit, sa kanyang panahon, ay iwawaksi ang mga yaong masasama, hindi tapat, at hindi matwid na katiwala, at ang bahaging itatakda sa kanila ay tulad ng sa mga mapagpaimbabaw, at hindi naniniwala;

91 Maging sa labas na kadiliman, kung saan may pagtangis, at panaghoy, at pagngangalit ng mga ngipin.

92 Samakatwid, manalangin kayo na ang kanilang mga tainga ay mabubuksan sa inyong mga pagsusumamo, upang ako ay maging maawain sa kanila, nang hindi sumapit sa kanila ang mga bagay na ito.

93 Ang sinabi ko sa inyo ay talagang kinakailangang mangyari, upang ang lahat ng tao ay maiiwan nang walang maidadahilan;

94 Upang marinig at malaman ng matatalinong tao at tagapamahala ang yaong hindi nila kailanman naunawaan;

95 Upang ako ay makapagpatuloy na maisakatuparan ang aking gawa, ang aking pambihirang gawa, at gawin ang aking gawain, ang aking pambihirang gawain, upang makilala ng mga tao ang pagkakaiba ng matwid at ng masama, wika ng inyong Diyos.

96 At muli, sinasabi ko sa inyo, salungat sa aking kautusan at sa aking kalooban na ipagbili ng aking tagapaglingkod na si Sidney Gilbert ang kamalig ko, na itatayo ko sa aking mga tao, sa mga kamay ng aking mga kaaway.

97 Huwag hayaan na ang yaong aking itinalaga ay dumihan ng aking mga kaaway, sa pamamagitan ng pagpapahintulot ng mga yaong tinatawag ang kanilang sarili sunod sa aking pangalan;

98 Sapagkat ito ay isang labis na matindi at mabigat na kasalanan laban sa akin, at laban sa aking mga tao, na bunga ng mga yaong bagay na aking ipinanuto at na malapit nang sumapit sa mga bansa.

99 Samakatwid, kalooban ko na nararapat angkinin ng aking mga tao, at panghahawakan ang pag-angkin sa yaong aking itinalaga sa kanila, bagama’t hindi sila pahihintulutang manirahan doon.

100 Gayunpaman, hindi ko sinasabi na hindi sila maninirahan doon; sapagkat yamang sila ay namumunga at kumikilos nang nararapat para sa aking kaharian, sila ay maninirahan doon.

101 Sila ay magtatayo, at hindi ito mamanahin ng iba; sila ay magtatanim ng mga ubasan, at kanilang kakainin ang bunga niyon. Maging gayon nga. Amen.