Kabanata 43
Muling Binuhay ni Jesus si Lazaro
Nagkasakit nang malubha si Lazaro. Nasa ibang bayan noon ang Tagapagligtas. Nagpadala ng mensahe sina Maria at Marta sa Kanya na maysakit si Lazaro.
Pinasama ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa Kanya para tulungan si Lazaro. Takot magpunta sa Betania ang mga disipulo. Malapit iyon sa Jerusalem. May ilang tao sa Jerusalem na gustong patayin si Jesus.
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na patay na si Lazaro. Sabi Niya bubuhayin Niya itong muli. Makakatulong ang himalang ito na malaman ng mga disipulo na Siya ang Tagapagligtas. Nagpunta si Jesus sa Betania. Pagdating Niya roon, apat na araw nang patay si Lazaro.
Sinabi ni Marta kay Jesus na buhay pa sana si Lazaro kung napaaga Siya ng dating. Sabi ni Jesus muling mabubuhay si Lazaro. Tinanong Niya si Marta kung naniniwala siya sa Kanya. Sinabi ni Marta na oo. Alam niya na si Jesus ang Tagapagligtas.
Iniwan ni Marta si Jesus para sunduin ang kapatid niyang si Maria. Sinalubong din ni Maria si Jesus. Maraming taong sumunod sa kanya. Lumuhod si Maria, na umiiyak, sa paanan ng Tagapagligtas. Umiiyak din ang mga kasama niya. Tinanong ni Jesus kung nasaan ang katawan ni Lazaro.
Nagpunta si Jesus sa kuwebang pinaglibingan kay Lazaro. May malaking batong nakatakip sa harap nito. Ipinaalis Niya sa mga tao ang bato.
Tumingin sa langit si Jesus. Pinasalamatan Niya ang Ama sa Langit sa pagdinig sa Kanyang mga dalangin.
Pagkatapos, sa malakas na tinig, pinalabas Niya ng kuweba si Lazaro. Lumabas si Lazaro. Naniwala na ang marami sa mga taong nakakita ng himala na si Jesus ang Tagapagligtas.