“Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Pambungad” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Pambungad
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng kaisipan at kalooban ng Diyos na inihayag sa Kanyang mga lingkod. Ang pangunahing mensahe ng lahat ng banal na kasulatan ay magpatotoo tungkol kay Jesucristo at anyayahan ang lahat ng tao na tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan Niya.
Bagama’t ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng banal na katotohanan, kung minsan ang mga katotohanang ito ay maaaring maitago ng mga hindi malinaw na pagsasalin, mga idyoma, mahihirap na pananalita, mga lumang istilo ng panitikan, at mga hindi pamilyar na kultura. Ang resource na ito ay ginawa upang tulungan ang mga mag-aaral na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan. Ito ay magbibigay ng mga sumusunod na tulong:
-
Background ng impormasyon. Mga kaalamang pangkasaysayan, pangkultura, at pangheograpiya na nagbibigay ng konteksto sa mga kuwento, turo, at doktrina ng mga banal na kasulatan
-
Mga paliwanag tungkol sa wika. Mga paglilinaw ng mahirap na mga pananalita, makalumang ekspresyon, at mga nakalilitong salin
-
Tulong sa mahihirap o nakalilitong talata. Mga Banal na Kasulatan ng Pagpapanumbalik, mga salita ng mga makabagong propeta at apostol, at mga mapagkakatiwalaang kaalaman upang makatulong sa paglilinaw ng kahulugan ng mahihirap na pananalita
-
Mga mensahe at artikulo. Ang bahaging “Alamin ang Iba Pa” na may mga mensahe mula sa mga lider ng Simbahan at mga artikulo na gawa ng Simbahan na may kaugnayan sa mga kuwento at turo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan
-
Media. Mga imahe at video na makatutulong sa mga mambabasa na maisalarawan sa isipan at maunawaan ang kapaligiran, bagay, simbolismo, at kuwento ng mga banal na kasulatan
Ang resource na ito ay isang tool upang matulungan ang mga mag-aaral na matukoy ang katotohanan at malaman ang tungkol sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan. Layon nitong tumulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at hindi upang palitan ito.
Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Habang sinisikap mong mas maunawaan ang mga banal na kasulatan, tandaan ang kahalagahan ng pag-aaral din ng itinuturo ng mga buhay na propeta at apostol ng Tagapagligtas. Sa pag-aaral mo, hangaring malaman kung paano binibigyang-kahulugan, ipinaliliwanag, at isinasabuhay ng mga lingkod ng Panginoon ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Scripture Study Skills [Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan], “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures [Paggamit ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan upang Maunawaan ang mga Banal na Kasulatan]”).
Simulan sa panalangin ang iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo. Siya ay napakahalaga sa paghahanap mo ng katotohanan. Bilang miyembro ng Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, nagtuturo ng katotohanan, at nagpapabanal sa atin. Ipinapaalala Niya sa atin ang mga bagay-bagay, nagpapanatag, nagbibigay sa atin ng pag-asa, at ipinapakita sa atin kung paano ipamuhay ang ating natututuhan.