Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 15–17; Marcos 7–9


“Mateo 15–17; Marcos 7–9,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mateo 15–17; Marcos 7–9

Pinuna ng ilang eskriba at Fariseo ang mga disipulo ni Jesus dahil sa pagkain ng tinapay nang hindi naghuhugas ng kamay. Pinagaling ng Tagapagligtas ang anak na babae ng isang Gentil at pinakain ang apat na libong tao. Gusto ng mga Fariseo ng tanda mula kay Jesus. Pinagaling Niya ang isang bulag. Si Pedro ay nagpatotoo tungkol kay Cristo. Ipinangako ng Tagapagligtas na ibibigay Niya kay Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit. Ipinropesiya ni Jesus ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Itinuro Niya sa mga alagad na pasanin ang kanilang mga krus at ilaan ang kanilang buhay sa Kanyang layunin. Nakita nina Pedro, Santiago, at Juan na nagbagong-anyo si Jesus sa isang bundok. Nagpakita sa kanila sina Moises at Elias. Pinagaling ni Jesus ang isang batang lalaki na pinahihirapan dahil sa pag-atake ng epilepsiya. Gumawa ng himala ang Tagapagligtas para magbayad ng buwis.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Mateo 15:4–9

Paano ginamit ng mga Fariseo sa maling paraan ang pagbibigay ng corban?

(Ikumpara sa Marcos 7:9–13.)

Ang pagbibigay ng corban ay bahagi ng tradisyon ng matatanda [elder], na tinatawag ding oral law dahil ang mga tradisyong ito ay ipinapasa-pasa nang pasalita. Kasama sa tradisyon ng matatanda ang mga patakaran na ang layunin ay tulungan ang mga Judio na ipamuhay ang batas ni Moises.

Ang ibig sabihin ng salitang corban ay “ibinigay sa Diyos.” Ang salita ay naglalarawan ng anumang bagay na nakalaan sa Diyos at samakatuwid ay hindi ukol para sa mga ordinaryong paggamit.” Sa pagkakataong ito, ipinahayag ng mga Fariseo ang kanilang mga pag-aari bilang corban, o inilaan sa Diyos, kaya hindi nila kailangang gamitin ang mga ito upang alagaan ang kanilang mga magulang. Kaya, nilabag nila ang batas ni Moises, na nagsasabing, “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” Pinagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo dahil hinayaan nila ang tradisyon ng matatanda na mas maging mahalaga sa salita ng Diyos.

Mateo 15:21–28

Bakit ikinumpara ni Jesus ang mga Gentil sa mga aso?

(Ikumpara sa Marcos 7:25–30.)

Nang humingi ng tulong kay Jesus ang isang Canaanita (hindi Israelita, o Gentil) para pagalingin ang kanyang anak na babae, hindi Niya tinugon ang unang pagsamo nito. Ang kanyang misyon ay unahing puntahan ang mga pinagtipanang tao ng sambahayan ni Israel. Gayunman, sinamba niya si Jesus at nagmakaawa na siya ay tulungan Niya. Dahil sa pagpupumilit ng babae, tumugon si Jesus sa pamamagitan ng isang analohiya na ikinukumpara ang Israel sa mga anak at ang mga Gentil sa mga aso: “Hindi mabuti na kunin ang tinapay [mga pagpapala ng tipan] ng mga anak at itapon ito sa mga aso.” Ang pagkukumpara sa mga Gentil sa mga aso ay maaaring nakasasakit ng damdamin para sa mga mambabasa ngayon. Ang salitang Griyego na isinalin bilang “aso” ay tumutukoy sa maliliit na aso na kadalasang mga alagang hayop sa bahay. Ginamit ni Jesus ang analohiya na ito upang ituro sa babae na ang Kanyang misyon ay unahin ang Israel.

Subalit malinaw na naunawaan ng babaeng Gentil na ito ang analohiya at pagkakaiba ng Israel at mga Gentil. Nagpakita siya ng pagpapakumbaba at malaking pananampalataya kay Jesus nang sumagot siya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.” Nakita ni Jesus ang pambihirang pananampalataya ng babae at pinagaling ang anak nito. Ang pangyayaring ito ay nagpasimula ng pagpapadala ng ebanghelyo sa mga Gentil.

Mateo 16:18

Ano ang koneksyon ng pangalang Pedro sa “batong ito”?

Ibinigay ni Jesus kay Simon ang karagdagang pangalang Cefas. Ipinaliwanag sa Pagsasalin ni Joseph Smith na ang ibig sabihin ng Cefas ay “tagakita, o bato.” Kalaunan ay tinanggap ni Simon ang pangalang Pedro. Ito ay transliterasyon ng salitang Griyego na petros, isang anyo ng petra, na ang ibig sabihin din ay “bato.” Matapos magbigay si Simon ng patotoong natanggap niya sa pamamagitan ng paghahayag, sinabi ni Jesus, “Ikaw ay Pedro [Petros], at sa ibabaw ng batong [petra] ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.” Sa ganitong paraan, itinuro ni Jesus na itatayo Niya ang Kanyang Simbahan sa bato ng paghahayag.

Mateo 16:21–23

Bakit tinawag ng Tagapagligtas si Pedro na Satanas?

(Ikumpara sa Marcos 8:31–33.)

Nang magpatotoo si Jesus na Siya ay magdurusa ng maraming bagay at papatayin, sinubukan ni Pedro na sawayin Siya. Pinagsabihan ni Jesus si Pedro at tinawag siyang Satanas. Hindi ipinahihiwatig ni Jesus na si Pedro ay si Lucifer. Ang salitang Hebreo na satanas ay nangangahulugang “kaaway” o “tagahusga.” Si Pedro ay sumalungat sa pinakamisyon ng Tagapagligtas na magligtas. Sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus na ang mga salita ni Pedro ay isang pagkakasala, o isang “batong katitisuran” sa Kanya.

Kung sinunod ni Jesus ang payo ni Pedro at hindi tinupad ang Kanyang Pagbabayad-sala, hindi magkakaroon ng pagtubos para sa sangkatauhan. Ang kagyat na pagsalungat ni Pedro ay hindi sinasadyang nagdala sa kanya sa panig ng kaaway.

Mateo 17:1–13

Ano ang nangyari sa Bundok ng Pagbabagong-anyo?

(Ikumpara sa Marcos 9:2–13.)

Nauna nang ipinangako ng Tagapagligtas kay Pedro na ibibigay Niya sa kanya ang “mga susi ng kaharian ng langit.” Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “ibinigay ng Tagapagligtas, ni Moises, at ni Elias [Elijah] ang mga susi kina Pedro, Santiago, at Juan, sa bundok, nang magbagong-anyo sila sa kanyang harapan.”

Sa mga huling araw, nagpakita ang Tagapagligtas, si Moises, at si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple para ibigay sa kanila ang mga susi ring ito. Mula sa karanasang ito, nalaman natin kung ano ang mga susi ng kaharian ng langit. Hawak ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel, na nagbibigay-daan sa pag-oorganisa ng mga gawaing misyonero sa buong mundo. Hawak ni Elijah ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod. Ang kapangyarihang ito ay nagtutulot na maitali o maibuklod sa langit ang mga ordenansang isinasagawa sa lupa. Ang mga susi na ito ay hawak ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ng Simbahan ni Jesucristo at nagbibigay-kakayahan sa kanila na pamahalaan at pangasiwaan ang gawain ng Tagapagligtas na kaligtasan at kadakilaan.

Nakasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith na nagpakita rin si Juan Bautista sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Nakinita sa pagpapakita ni Juan Bautista ang kanyang magiging tungkulin sa mga huling araw kung kailan darating siya upang ipanumbalik ang Aaronic Priesthood. Binabanggit sa mga banal na kasulatan ang karagdagang mga karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.

Mateo 17:2

Ano ang ibig sabihin ng nagbagong-anyo?

Sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ang ibig sabihin ng pagbabagong-anyo ay “ang kalagayan ng mga tao na panandaliang nagbago sa kaanyuan at kalikasan—gayon nga, itinaas sa isang mataas na antas ng espirituwalidad—nang sa gayon magtagal sila sa harapan at kaluwalhatian ng mga makalangit na tao.”

Marcos 7:1–8

Bakit pinuna ng ilang eskriba at Fariseo ang mga disipulo ng Tagapagligtas dahil sa hindi paghuhugas ng kanilang mga kamay?

(Ikumpara sa Mateo 15:1–3.)

Kasama sa batas ni Moises ang mga patakaran para mapanatili ang ritwal sa pagpapadalisay, na kinakailangang sundin ng mga saserdote para makapaglingkod sa templo. Ang mahawa sa mga sakit at madaiti sa ilang uri ng hayop, likido ng katawan, o mga bangkay ay nagpaparumi sa isang saserdote. Upang maging malinis muli, ang isang pari ay kailangang dumaan sa isang proseso ng ritwal na paghuhugas.

Iginiit ng mga Fariseo na lahat ng Judio, hindi lamang mga saserdote, ay kailangang maging ritwal na malinis. Naniniwala sila na ang pagiging ritwal na malinis ay magbibigay-daan sa kanila na “magdala ng kadalisayan at kabanalan ng templo sa kanilang mga tahanan.” Upang manatiling malinis, sinunod ng mga Judio ang tradisyon ng matatanda, o ang oral law, na kinabibilangan ng mga patakaran sa paghuhugas ng kamay, tasa, kaldero, pitsel, at takure.

Itinuro ni Jesus sa mga Fariseo na dapat mas alalahanin nila ang pagiging espirituwal na malinis sa halip na ritwal na malinis. Sinabi Niya, “Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao. … Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip.”

Marcos 8:1–9

Paano naghanda ng daan ang pagpapakain ni Jesus sa apat na libong tao para madala ang ebanghelyo sa mga Gentil?

(Ikumpara sa Mateo 15:29–38.)

Ayon sa Marcos 7:31, pinakain ni Jesus ang apat na libong tao sa rehiyon ng Decapolis na karamihan ay mga Gentil. Ito rin ang lugar kung saan pinalayas ni Jesus ang isang lehiyon ng mga diyablo papunta sa isang kawan ng mga baboy. Ang bilang ng mga mananampalataya sa lugar na ito ay lumaki at naging “napakarami”, at nakinita sa himalang ito ang pagdadala ng ebanghelyo sa mga Gentil.

Marcos 8:34

Ano ang ibig sabihin ng pasanin ang kanyang krus?

(Ikumpara sa Mateo 16:24; Lucas 9:23.)

Itinuro ni Jesus sa kanyang mga disipulo, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.”

Malamang na pamilyar ang mga disipulo ni Jesus sa imahe na pagpasan ng krus ng isang tao. Ginamit ng mga Romano ang pagpapako sa krus upang pumatay ng mga kriminal. Nagdulot ito ng hindi makakayanang pagdurusa at maaaring tumagal ng mahabang oras. Ito ay isang uri ng pagpapahiya sa publiko. Kadalasan, ang mga nahatulan ay kailangang magdala ng kanilang sariling krus papunta sa lugar kung saan gagawin ang pagpapako.

Sa pariralang “tumanggi sa kanyang sarili” ginamit nina Mateo at Marcos ang salitang Griyego na aparneomai. Ang salitang ito ay “nagpapahiwatig na ang pagkadisipulo ay pagpapatid ng bawat kawing na nag-uugnay sa tao maging sa kanyang sarili. Ito ay tungkol sa kakayahang ipasakop ang ating kalooban sa Ama, tulad ng Tagapagligtas.” Gumamit si Lucas ng kahalintulad na pandiwa sa Griyego, ang arneomai, at idinagdag na kailangan nating “pasanin [ang ating] krus araw-araw.”

Nagbigay ng karagdagang kabatiran ang Pagsasalin ni Joseph Smith: “At ngayon, ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus, ay itanggi sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa aking mga kautusan.”

Marcos 9:38–40

Sino ang lalaking nagpapalayas ng mga diyablo sa pangalan ng Tagapagligtas?

(Ikumpara sa Lucas 9:49–50.)

Nagpahayag ng pag-aalala si Juan tungkol sa isang lalaking nagpapalayas ng mga diyablo sa pangalan ni Jesus ngunit hindi sumusunod sa kanila. Ang salita ni Lucas na “hindi siya sumusunod na kasama namin,” ay maaaring magbigay ng posibilidad na ang lalaki ay tagasunod ni Jesus, hindi lamang isa sa mga disipulo na kasama Niya sa paglalakbay.

Ang pag-aalala ni Juan ay tila tungkol sa awtoridad. Malinaw na binigyan ni Jesus ng kapangyarihan ang Labindalawang Apostol na gumawa ng mga himala. Tumugon si Jesus sa pag-aalala ni Juan sa pagsasabing, “Huwag ninyo siyang pagbawalan: … Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Mula sa sagot ng Tagapagligtas, tila ang lalaking nagpapalayas ng mga diyablo sa pangalan ni Jesus ay isang matwid na tao na kumikilos sa ilalim ng wastong awtoridad ng priesthood. Tila mas iniisip ni Jesus ang pagbabahagi ng Kanyang kapangyarihan kaysa sa paghihigpit dito.

Nilinaw sa ibang mga tala ng banal na kasulatan na hindi lahat ng gumagamit ng pangalan ni Cristo upang palayasin ang masasamang espiritu ay nagtatagumpay.

Marcos 9:42–48

Ano ang nadama ng Tagapagligtas sa mga taong hindi mabuti ang pagtrato sa Kanyang “maliliit na ito”?

(Ikumpara sa Mateo 18:1–10.)

Sa mga talatang ito, ang pariralang “maliliit na ito” ay tumutukoy sa mga mananampalataya. Ang salitang “katitisuran” ay nagmula sa salitang Griyego na skandalizō, na nangangahulugang “dahilan upang matisod.” Ibinigay ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang sumusunod na paglilinaw: “Kaya nga, kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, putulin ito o kung ang iyong kapatid ay makapagpapatisod sa iyo at hindi magtatapat at tatalikod, siya ay itatakwil.”

Ginamit ni Jesus ang imahe ng isang gilingang bato sa leeg at pagputol ng mga bahagi ng katawan upang ipahiwatig kung gaano kalubha ang gumawa ng ikakatisod sa pananampalataya ng mga nananalig sa Kanya. Ang imaheng ito ay isang halimbawa ng eksaherasyon [hyperbole]—mga pahayag na labis-labis na hindi dapat gawing literal.

isang malaking gilingang bato

Ang gilingang bato ay isang malaking bato na ginagamit sa paggiling ng butil na gagawing harina.

Marcos 9:49

Ano ang kahalagahan ng asin at apoy?

Sa sinaunang Israel, kabilang sa mga sakripisyo ang asin at apoy. Ang asin ay simbolo ng tipan sa pagitan ng Panginoon at ng Israel. Ang apoy ay simbolo ng pagdadalisay, mga pagsubok, at lubos na katapatan sa Diyos. Ang sinumang nagnanais na makapasok sa kaharian ng Diyos ay dapat handang magsakripisyo sa pamamagitan ng paggawa ng mga tipan at paglalaan ng lahat sa Diyos.

Alamin ang Iba Pa

Mga Susi ng Priesthood

  • Russell M. Nelson, “Mga Susi ng Priesthood,” Liahona, Okt. 2005, 40–44

Pagkadisipulo, pagiging disipulo

Media

Video

“Thou Art the Christ” (1:34)

1:34

Mga Larawan

pinakain ni Jesus ang limang libong tao

The Miracle of the Loaves and Fishes [Ang Himala ng mga Tinapay at Isda], ni James Tissot

mapa ng Banal na Lupain sa panahon ng Bagong Tipan
Nagpakita si Jesucristo sa Kanyang kaluwalhatian kasama sina Moises at Elias kina Pedro, Santiago, at Juan

Mount of Transfiguration [Bundok ng Pagbabagong-anyo], ni Robert T. Barrett

si Jesucristo at iba pa na nagpakita kina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo

The Transfiguration of Christ [Ang Pagbabagong-anyo ni Cristo], ni Greg K. Olsen

Mga Tala

  1. Bible Dictionary, “Corban.”

  2. Exodo 20:12.

  3. Tingnan sa Mateo 15:24.

  4. Mateo 15:26.

  5. Mateo 15:27.

  6. Tingnan sa Mateo 28:19–20.

  7. Sa Juan 1:42, nalaman natin na ibinigay ni Jesus kay Simon ang pangalang Cefas, na salitang Aramaiko para sa “bato” (tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], 1098).

  8. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:42.

  9. Shon D. Hopkin, “Peter, Stones, and Seers,” sa The Ministry of Peter, the Chief Apostle, pat. Frank F. Judd Jr. at iba pa (2014), 107–8.

  10. Matthew 16:18; tingnan din sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, 1124.

  11. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 226.

  12. Si Pedro, tulad ng marami sa kanyang panahon, ay maaaring inasahan ang isang Mesiyas na mapanakop na hari, hindi isang taong magdurusa at mamamatay. Ang misyon ng Tagapagligtas ay hindi naunawaan nang husto bago ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Lucas 24:13–27, 36–47; 1 Pedro 2:21–25).

  13. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, 1135; tingnan din sa Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 1673, tala para sa Mateo 16:23.

  14. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, 1137.

  15. Tingnan sa 2 Nephi 9:7–11; Alma 34:9.

  16. Mateo 16:19.

  17. Mga Turo: Joseph Smith (2007), 122.

  18. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110.

  19. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11.

  20. Ganito ang buod ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kahalagahan ng misyon ni Elijah: “Ang diwa, kapangyarihan, at tungkulin ni Elijah ay, upang magkaroon kayo ng kapangyarihang hawakan ang susi sa mga paghahayag, ordenansa, orakulo, kapangyarihan at mga pagkakaloob ng kabuuan ng [Melchizedek Priesthood] at sa kaharian ng Diyos sa lupa; at upang tanggapin, kamtin, at isagawa ang lahat ng ordenansa na nakapaloob sa kaharian ng Diyos” (Mga Turo: Joseph Smith, 364).

  21. Tingnan sa Mateo 16:19; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 110:12–15.

  22. “Taglay ngayon ng bawat miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang lahat ng mga susing ito ng priesthood. Ang mga lider na ito ay tinatawag at binibigyan ng awtorisasyon ang ibang mga miyembro ng Simbahan na gamitin ang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood ng Diyos upang tumulong sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.1, Gospel Library).

  23. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:3.

  24. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–74.

  25. Tingnan sa Lucas 9:28–31; 2 Pedro 1:16–19; Doktrina at mga Tipan 63:21.

  26. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-anyo,” Gospel Library.

  27. Tingnan sa Matthew J. Grey, “Beholdest Thou … the Priests and the Levites,” sa The Sermon on the Mount in Latter-day Scripture, pat. Gaye Strathearn at iba pa (2010), 186.

  28. Tingnan sa Levitico 13–15.

  29. Jennifer C. Lane, “Hostility toward Jesus: Prelude to the Passion,” sa Celebrating Easter, pat. Thomas A. Wayment at Keith J. Wilson (2007), 141.

  30. Tingnan sa Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible, 1724, tala para sa Marcos 7:3–4.

  31. Marcos 7:15, 21.

  32. Tingnan sa Mateo 4:23–25; Marcos 5:2–20.

  33. Marcos 8:1.

  34. Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary (1972), 1:375.

  35. Marcos 8:34.

  36. Tingnan sa Gaye Strathearn, “Christ’s Crucifixion: Reclamation of the Cross,” sa With Healing in His Wings, pat. Camille Fronk Olson at Thomas A. Wayment (2013), 57–59. Tingnan din sa Juan 19:16–17.

  37. Strathearn, “Christ’s Crucifixion: Reclamation of the Cross,” 70.

  38. Strathearn, “Christ’s Crucifixion: Reclamation of the Cross,” 70; Lucas 9:23, idinagdag ang pagbibigay-diin.

  39. Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26.

  40. Lucas 9:49, idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 1:417.

  41. Tingnan sa Marcos 6:7.

  42. Marcos 9:39–40.

  43. Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 1:417.

  44. Ganito rin ang naging tugon ni Moises nang ipahayag ni Josue ang pag-aalala sa dalawang lalaking nagpopropesiya sa kanilang kampo. Sumagot si Moises: “Ikaw ba’y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!” (Mga Bilang 11:29).

  45. Tingnan sa Mga Gawa 19:13–16.

  46. “Sa unang pagkaunawa, ang tagubilin na ito ay tila tungkol sa kabanalan ng mga bata, ngunit tulad ng ipinahihiwatig ng [Mateo 18:6], ang talagang tinutukoy ni Cristo ay mga mananampalataya. … Ang dahilan kung bakit ito makabuluhan ay ang katotohanan na ang mga tagubilin ni Cristo hinggil sa pagtanggap sa mga taong tulad ng maliliit na bata ay hindi nauukol sa mga hindi mananampalataya, ngunit sa halip ay upang magsilbing babala sa mga mananampalataya hinggil sa kanilang pakikitungo sa iba pang mga mananampalataya. Ang partikular na mensaheng ito sa mga ‘sumasampalataya’ ay makikita rin sa bahagi 121, kung saan ang mga ‘[umapi sa] aking maliliit na anak … ay puputulin sa mga ordenansa ng aking bahay.’ Sa dalawang talata, ang tagubilin na tumanggap ‘sa isang batang ganito’ o tanggapin ang ‘maliit na bata’ ay, tagubilin hinggil sa tamang pag-uugali sa pagitan ng mga mananampalataya, hindi hinggil sa pag-uugali sa pagitan ng hindi mananampalataya at mananampalataya” (Daniel L. Belnap, “‘Those Who Receive You Not’: The Rite of Wiping Dust off the Feet,” sa By Our Rites of Worship: Latter-day Saint Views on Ritual in Scripture, History, and Practice, pat. Daniel L. Belnap [2013], 225).

  47. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, 1137.

  48. Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:40 (Gospel Library); ang italics ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto.

  49. Tingnan sa Levitico 2:13.

  50. Tingnan sa Malakias 3:2–3; 2 Nephi 31:13.

  51. Tingnan sa Roma 12:1.