“Mga Hebreo 1–6,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Hebreo 1–6
Si Jesucristo ay Anak ng Diyos, ang “tagapagmana ng lahat ng mga bagay.” Siya ang Tagapaglikha at nakaupo sa kanan ng Diyos. Si Jesucristo ay higit na dakila kaysa sa mga anghel at lahat ng propeta, kabilang na si Moises. Nabigo ang sinaunang Israel na makapasok sa kapahingahan ng Panginoon dahil pinatigas nila ang kanilang puso laban kay Jesucristo. Bilang Dakilang Mataas na Saserdote, nakahihigit si Jesus sa lahat ng mataas na saserdoteng naglingkod alinsunod sa batas ni Moises. Siya ang pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan para sa lahat ng mga sumusunod sa Kanya. Ang mga Banal ay hinihikayat na magtiis nang may pananampalataya tulad ni Abraham sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pag-asa sa mga ipinangakong pagpapala.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Para kanino isinulat ang aklat ng Mga Hebreo at bakit?
Dahil dumaranas ng iba’t ibang paghihirap, maraming Judiong Kristiyano ang umalis sa Simbahan at bumalik sa dati nilang pagsamba ng mga Judio sa sinagoga. Hinihikayat ng aklat ng Mga Hebreo ang mga convert na Judio na manatiling tapat kay Jesucristo at huwag bumalik sa dati nilang pamumuhay.
Ang aklat ng Mga Hebreo ay tulad ng isang pinalawig na sermon na nagtutuon kay Jesucristo sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagbanggit sa mga turo ng Lumang Tipan. Ang aklat ay may tatlong pangunahing bahagi upang hikayatin ang mga convert na Judio na magtiis nang may pananampalataya kay Jesucristo:
-
Ang pagiging pangunahin ni Jesucristo sa lahat bilang Anak ng Diyos
-
Ang kahalagahan ng nagbabayad-salang sakripisyo at ministeryo ni Cristo
Pinagtitibay ng sulat na ito na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ang pumalit sa batas ni Moises. Ipinaliliwanag din nito na ang batas ni Moises ay natupad kay Jesucristo.
May ilang iskolar na nagduda kung si Pablo ang sumulat ng Mga Hebreo, dahil walang pinangalanang awtor sa aklat at ang istilo ng pagsulat ay naiiba sa iba pang mga liham ni Pablo. “Gayunman, dahil kapareho ng iba pang mga turo ni Pablo ang mga ideyang nakasaad sa Mga Hebreo, tinanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa pagsunod sa tradisyong Kristiyano, na kasali si Pablo sa pagsulat [sa liham na ito].”
Hindi tiyak kung kailan isinulat ang aklat ng Mga Hebreo. Dahil ang aklat ay palaging tumutukoy sa templo sa kasalukuyang panahon, ipinapalagay na ito ay isinulat bago ang AD 70, nang wasakin ng mga Romano ang templo. Walang nakakaalam kung saang lugar isinulat ang Mga Hebreo.
Mga Hebreo 1:3
Ano ang ibig sabihin ng si Jesucristo ay tunay na larawan ng Kanyang Ama?
Ang katagang “tunay na larawan” ay nagmula sa pagsasalin ng isang salitang Griyego na nangangahulugang isang bagay na “eksaktong representasyon o kawangis na kawangis.” Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang Biblia ay naglalaman ng pagsaksi ng mga apostol na si Jesus ay ‘tunay na larawan’ ng pagka-Diyos ng Kanyang Ama (Mga Hebreo 1:3), na lalong naglinaw sa itinuro ni Jesus na ‘ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama’ (Juan 14:9).”
Mga Hebreo 1:4–14; 2:1–10
Bakit inihambing si Jesucristo sa mga anghel?
Karamihan sa mga Judio ay naniniwala na “ang mga anghel ay mga dinakilang nilalang.” Higit pa nga ang pagpipitagang ibinibigay ng mga ilang pinunong Judio sa mga anghel kaysa sa Mesiyas. Sinabi ng isang iskolar ng Biblia, “Sa kanilang pananampalataya kay Jehova at sa kanyang mga anghel, tila isinama [ng mga convert na Judio] si Cristo sa kanilang sistemang pangrelihiyon bilang bahagi ngunit hindi ang sentro.” Upang maitama ang maling pagkaunawa na ito, sumipi si Pablo mula sa Lumang Tipan upang ipakita na si Jesucristo ay higit na mataas kaysa sa lahat ng mga anghel.
Mga Hebreo 2:16
Sino ang itinuturing na binhi ni Abraham?
“Ang binhi ni Abraham” ay tumutukoy hindi lamang sa literal na inapo ni Abraham kundi maging sa lahat ng mga taong pumapasok sa mga tipan ng ebanghelyo, anuman ang lipi. Kapag ang isang tao ay nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo at nabinyagan, sila ay nagiging miyembro ng pamilyang nakipagtipan.
Mga Hebreo 2:18
Paano tayo masasaklolohan ni Jesucristo kapag natutukso tayo?
Ang salitang boētheō ay isinalin bilang pagsaklolo sa King James Version ng Biblia at nangangahulugang “pagtulong; pagsagip; lumapit para tumulong.” Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Dama at alam ng ating Tagapagligtas ang mga tukso, paghihirap, pasakit, at pagdurusang dinaranas natin, sapagkat kusang-loob Niyang dinanas ang lahat ng ito bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. … Dapat tandaan ng lahat ng nagdaranas ng anumang klase ng mga kahinaan sa mundo na ang ating Tagapagligtas ay nagdanas din ng gayong uri ng pasakit, at na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, binibigyan Niya ang bawat isa sa atin ng lakas na makayanan ito.”
Mga Hebreo 3:7–19; 4:1–16
Ano ang ibig sabihin ng pumasok sa kapahingahan ng Panginoon?
Ginamit ang Awit 95:7–11, nagsalita si Pablo tungkol sa pagsuway at kawalang-paniniwala ng sinaunang Israel. Dahil sa kanilang paghihimagsik, hindi nakapasok ang Israel sa lupang pangako ng Canaan, o sa simbolikong kapahingahan ng Panginoon, na sinisimbolo ng lupain ng Canaan. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na Judio na iwasan ang kawalang-paniniwala at katigasan ng puso ng sinaunang Israel upang makapasok sila sa kapahingahan ng Panginoon.
Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith: “Ang mga sinaunang propeta ay nangusap tungkol sa ‘pagpasok sa kapahingahan ng Diyos’ [tingnan sa Alma 12:34; Doktrina at mga Tipan 84:23–24]; ano ang ibig sabihin nito? Sa aking isipan, ang ibig sabihin nito ay pagpasok sa kaalaman at pag-ibig ng Diyos, na may pananampalataya sa kanyang layunin at sa kanyang plano, hanggang sa puntong nalalaman natin na tama tayo, at na hindi na tayo naghahanap pa ng iba, hindi tayo nagagambala ng magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral, o sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian. … Ang taong nakarating sa gayong antas ng pananampalataya sa Diyos na ang lahat ng pag-aalinlangan at takot ay naiwaksi na mula sa kanya, ay nakapasok na sa ‘kapahingahan ng Diyos.’”
Kaya sa pamamagitan ni Jesucristo, mararanasan natin ang kapahingahan kapwa sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.
Mga Hebreo 4:14–16
Bakit tayo inaanyayahan na lumapit nang may katapangan sa trono ng biyaya?
Noong panahon ng Biblia, dumaraan ang mataas na saserdote sa tabing ng templo at pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan sa Araw ng Pagtubos. Ang mataas na saserdoteng ito ay maihahalintulad kay Jesucristo, ang ating dakilang Mataas na Saserdote. Tulad ng mataas na saserdote na pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan, si Jesucristo ay nakapasok na sa langit at ngayon ay nakaupo “sa kanan” ng Diyos.
Bilang ating dakilang Mataas na Saserdote, nahahabag si Jesucristo sa ating mga kahinaan dahil Siya ay “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma’y walang kasalanan.” Ang ibig sabihin din ng salitang Griyego na isinalin bilang tinukso ay sinubok o sinubukan. Itinuro ni Elder Ulisses Soares: “Matitiyak ko sa inyo na palaging nababatid ni Cristo ang mga pagsubok na nararanasan natin sa buhay na ito. Kanyang nauunawaan ang lahat ng kapaitan, pagdurusa, at pisikal na sakit gayundin ang mga emosyonal at espirituwal na hamon na kinakaharap natin. Ang mga sisidlan ng Tagapagligtas ay puspos ng awa, at palagi Siyang handang tulungan tayo. Posible ito dahil personal Niyang naranasan at inako sa Kanyang Sarili noong nabubuhay Siya sa mundo ang hapdi ng ating kahinaan at mga sakit.”
Puno ng pagkahabag sa atin, inaanyayahan tayo ni Jesucristo na “lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya.” Ang salitang Griyego na isinalin bilang “lumapit” sa King James Bible ay maaari ding isalin bilang “dumulog” o “magtungo.” Dahil nalalaman natin ang ginawa ni Jesucristo para sa atin, maaari nating tanggapin ang Kanyang paanyaya at lumapit sa Kanya nang may tiwala. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund, “Sa mortalidad, maaaring ‘lumapit tayong may katapangan’ sa Tagapagligtas at tumanggap ng habag, pagpapagaling, at tulong … sa simple, karaniwan, at makabuluhang mga paraan.”
Mga Hebreo 5:1–6, 10
Paano tinawag ng Diyos si Aaron?
Sa Mga Hebreo 5:4–6, 10, isinulat ni Pablo na tinanggap ni Jesucristo ang Kanyang awtoridad mula sa Diyos Ama, tulad ng pagtawag ng Diyos kay Aaron at sa iba pang matataas na saserdote noon. Tinanggap nila ang kanilang priesthood sa pamamagitan ng wastong awtoridad.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Naniniwala kami na walang taong makapangangasiwa sa kaligtasan sa pamamagitan ng ebanghelyo, sa mga kaluluwa ng tao, sa pangalan ni Jesucristo, maliban kung siya ay binigyang-karapatan ng Diyos, sa pamamagitan ng paghahayag, o naorden ng isang taong isinugo ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag. … At itatanong ko, paano pang tinawag si Aaron, kundi sa pamamagitan ng paghahayag?”
Ang pagtawag kay Aaron ay mula sa Diyos sa pamamagitan ng paghahayag kay Moises: “Ilapit mo sa iyo si Aaron na iyong kapatid … upang makapaglingkod sa akin bilang [saserdote]. ” Ang parehong huwaran na ito ay matatagpuan sa Luma at Bagong Tipan. Hinggil sa ordenasyon sa priesthood, itinuro ni Elder David A. Bednar: “Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon’ [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5]. Sa gayon, ang isang binatilyo o isang lalaki ay tumatanggap ng awtoridad ng priesthood at inoorden sa isang katungkulan ng isang taong mayhawak na ng priesthood at binigyan ng awtoridad ng isang lider na mayhawak ng kailangang mga susi ng priesthood.”
Mga Hebreo 5:6–8
Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula kay Melquizedek?
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie na ang talata 6–8 sa Mga Hebreo 5 ay “naaangkop kapwa kay Melquizedek at kay Cristo, dahil si Melquizedek ay halimbawa ni Cristo at ang ministeryo ng propetang iyon ay simbolikong kumakatawan sa ministeryo ng Panginoon gaya rin ng ministeryo ni Moises (Deuteronomio 18:15–19; Mga Gawa 3:22–23; 3 Nephi 20:23; [Joseph Smith—Kasaysayan] 1:40). Bagama’t ang mga salita sa mga talatang ito, lalo na ang nasa talata 7, ay orihinal na iniukol kay Melquizedek, ang mga ito ay nauukol nang may gayon ding puwersa at marahil mahigit pa sa buhay at ministeryo niya na siyang tumupad ng lahat ng mga pagpapalang ipinangako kay Melquizedek.”
Mga Hebreo 6:1–3
Anong mga alituntunin ang dapat nating sundin upang makamit natin ang pagiging ganap o perpekto?
Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mga Hebreo 6:1 ang talata tulad ng sumusunod: “Kaya nga hindi iniiwan ang mga alituntunin ng doktrina ni Cristo, tayo ay magpatuloy tungo sa pagiging ganap.” Ang mga Banal na pinatutungkulan sa aklat ng Mga Hebreo ay tumanggap na ng mga pangunahing alituntunin, ordenansa, at doktrina ng ebanghelyo (kabilang ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo). Hindi nila dapat talikuran ang mga alituntuning iyon kundi dapat silang patuloy na umunlad tungo sa espirituwal na maturidad.
Mga Hebreo 6:4–6
Ano ang ibig sabihin ng “muli[ng] ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos”?
Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie: “Kabilang sa paggawa ng walang kapatawarang kasalanan ay muling pagpapako sa sarili ng Anak ng Diyos at itinataas Siya sa kahihiyan (Mga Hebreo 6:4–8; Doktrina at mga Tipan 76:34–35). Para magawa ang walang kapatawarang kasalanang ito, dapat matanggap ng isang tao ang ebanghelyo, magtamo ng ganap na kaalaman tungkol sa kabanalan ni Jesucristo mula sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng paghahayag, at pagkatapos ay itatwa ‘ang bago at walang hanggang tipan kung saan siya pinabanal, tawagin itong hindi banal, at lapastanganin ang Espiritu ng biyaya’ [History of the Church, 3:232]. Sa gayon ay nagkasala siya ng pagpatay sa pag-ayon sa kamatayan ng Panginoon, sa madaling salita, sa kabila ng pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa katotohanan ay hayagan siyang naghimagsik at inilalagay ang sarili sa sitwasyon kung saan siya ang magpapako kay Cristo sa krus gayong lubos niyang nalalaman na Siya ay Anak ng Diyos. Kaya si Cristo ay muling ipinako sa krus at itinataas sa kahihiyan (Doktrina at mga Tipan 132:27).”
Mga Hebreo 6:13–20
Ano ang nalalaman natin tungkol sa mga pangako ng Diyos?
Ipinahayag ni Pablo na noong nangako ang Diyos kay Abraham, Siya ay “nanumpa sa kanyang sarili.” Noong unang panahon, ang panunumpa sa isang pangako ay isang pormal na bahagi ng tapat na pamumuhay. Dahil imposibleng magsinungaling ang Diyos, mapagkakatiwalaan natin ang Kanyang mga pangako. Ang mga ito ay nagdadala ng pag-asa at nagsisilbing “angkla ng kaluluwa.”
Alamin ang Iba Pa
Ang Salita ng Diyos
-
“A Two-Edged Sword,” Ensign, Peb. 2017, 72–73
Kapahingahan ng Panginoon
-
Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95–98
Binhi ni Abraham
-
Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 4–11
Trono ng Biyaya
-
Jeffrey R. Holland, “Nag-aalab sa T’wina,” Liahona, Mayo 2024, 7–9
-
Jörg Klebingat, “Paglapit sa Luklukan ng Diyos nang May Tiwala,” Liahona, Nob. 2014, 34–27
Media
Mga Larawan
The Garden of Gethsemane [Ang Halamanan ng Getsemani], ni William Henry Margetson