“Mateo 11–12; Lucas 11,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 11–12; Lucas 11
Pinuri ng Tagapagligtas ang kadakilaan ni Juan na Tagapagbautismo. Nangako Siya na bibigyan Niya ng kapahingahan ang mga lumalapit sa Kanya na may mabibigat na pasanin. Pinagaling ni Jesus ang isang lalaki sa araw ng Sabbath, at pinaratangan Siya ng mga Fariseo na nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas. Nagbabala ang Tagapagligtas tungkol sa paglapastangan sa Espiritu Santo. Nagbigay Siya ng gabay para sa panalangin at nagpatotoo sa Kanyang kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. Pinagsabihan Niya ang mga Fariseo at abogado dahil sa pagpapaimbabaw ng mga ito.
Mga Resources
Background at Konteksto
Mateo 11:2–6
Nagduda ba si Juan na Tagapagbautismo na si Jesus ang Mesiyas?
Habang nakabilanggo si Juan na Tagapagbautismo, pinapunta niya ang dalawa sa kanyang mga disipulo para tanungin si Jesus kung Siya ang Mesiyas. Sinabi ni Jesus sa mga disipulong ito na bumalik kay Juan at magpatotoo sa mga himalang nakita nilang ginawa ng Tagapagligtas. Maaaring isinugo ni Juan ang kanyang mga disipulo para malaman nila mismo na si Jesus ang tunay na Mesiyas. Ngunit posible rin na si Juan, sa kabila ng mga saksing kanyang natanggap, ay nangangailangan din ng katiyakan. Hindi alintana, pinuri ni Jesus si Juan na mas dakila kaysa sa isang propeta.
Mateo 11:7–15
Bakit naging dakilang propeta si Juan na Tagapagbautismo?
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung bakit itinuturing na isa sa mga pinakadakilang propeta si Juan Tagapagbautismo:
“Una. Ipinagkatiwala sa kanya ang banal na misyong ihanda ang daan para sa pagdating ng Panginoon. Sino pa ang pinagkatiwalaan nang gayon bago iyon o simula noon? Wala na.
“Ikalawa. Ipinagkatiwala sa kanya ang mahalagang misyon, at kinailangan sa kanyang mga kamay, na binyagan ang Anak ng Tao. Sino pa ang binigyan ng karangalang gawin iyon? Sino pa ang nagkaroon ng gayon kadakilang pribilehiyo at kaluwalhatian? …
“Ikatlo. Si Juan, noong panahong iyon, ang tanging legal na tagapangasiwa sa mga gawain ng kaharian na nasa lupa noon, at mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan. … Ang tatlong ito ang dahilan kaya siya naging pinakadakilang propetang ipinanganak [ng isang babae].”
Mateo 11:14
Paano naging Elias si Juan na Tagapagbautismo?
Ang sumusunod na mga tala ay tumatalakay sa tanong na ito: “Lucas 1:17. Ano ang ibig sabihin ng ‘espiritu at kapangyarihan ni Elias’?” at “Juan 1:19–28. ‘Ikaw ba si Elias’?” Ang Joseph Smith Translation ng Matthew 11:15 ay nagbibigay din ng karagdagang kaalaman: “At kung inyong tatanggapin, katotohanan, siya ang Elias, na siyang darating at maghahanda ng lahat ng bagay.”
Mateo 11:16–19
Ano ang ibig sabihin ng pariralang “mga batang nakaupo sa mga pamilihan na tumatawag sa kanilang mga kasama”?
Ikinumpara ni Jesus ang mga Judio noong Kanyang panahon sa mga batang naglalaro sa palengke. Kapag nagkukunwa-kunwariang nagdiriwang ng kasal, nagrereklamo ang mga bata kapag hindi sumasayaw ang mga kalaro. Kapag nagkukunwa-kunwarian sila na nagdaraos ng libing, nagrereklamo sila kapag hindi nagluluksa ang mga kalaro. Ang paghahambing ay nagpapahiwatig na ang mga tao sa panahon ni Jesus ay itinutulad ang relihiyon sa larong pambata: Kinakitaan nila ng mali sina Juan na Tagapagbautismo at si Jesucrito sa hindi pagsunod sa kanilang gawa-gawang mga patakaran at inaasahan. Nagreklamo sila na masyadong mahigpit si Juan sa pamumuhay ng kanyang relihiyon. Nang dumating si Jesus at malayang nakihalubilo sa iba, nagreklamo sila na hindi Siya mahigpit o sapat na banal.
Mateo 11:28–30
Ano ang inilalarawan ng pamatok?
Noong panahon ng Biblia, ang mga tao ay madalas na nagpapasan ng mabibigat na bagay sa kanilang balikat. Kabilang sa mga bagay na ito ang mga tapayan ng tubig, damit, bato, at kordero. Ang mga tao ay maglalagay ng napakabigat na bagay sa balikat ng malalaking hayop, tulad ng mga baka. Sa kontekstong ito, “ang mga balikat ay naging simbolo ng paggawa, mga pasanin, at mga responsibilidad.”
Ang pamatok ay parang kwelyo na nakasukbit sa balikat ng mga baka. Ito ay nagbibigkis sa mga hayop para magkatabi at magkasabay na humila ng mga karga na hindi makakayang hilahin nang mag-isa. Sa kontekstong ito, ang pamatok ay simbolo ng pakikipagtipan na nagbubuklod sa atin sa Tagapagligtas. Ang mabuklod kay Cristo ay nagtutulot sa atin na makahugot ng lakas sa Kanyang kapangyarihan upang hindi natin kailangang batahin ang mga pasanin sa buhay nang mag-isa.
Mateo 12:1–13
Ano ang ibig sabihin ng “matuwid bang magpagaling sa araw ng Sabbath”?
Tingnan sa “Marcos 2:23–28. Bakit tinutulan ng mga eskriba at mga Fariseo ang ginawa ng mga disipulo sa araw ng Sabbath?”
Mateo 12:24
Sino si Beelzebul?
Sa banal na kasulatan, si Beelzebul ay ginamit bilang isang titulo para sa pinuno ng mga demonyo, o Satanas.
Mateo 12:29
Ano ang mensahe ng “malakas na tao” na nakatali?
Sa talatang ito, “ang malakas na tao” ay kumakatawan sa diyablo, at ang taong gumapos sa malakas na tao ay kumakatawan kay Jesucristo. Nang magpalayas ng mga demonyo ang Tagapagligtas, ipinakita nito na may kapangyarihan Siya kay Satanas. Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage: “Si Cristo ay sumalakay sa kuta ni Satanas, pinalayas ang masasamang espiritu nito mula sa [mga katawan] ng tao na inangkin ng mga ito nang walang karapatan; paano nagawa ito ni Cristo kung hindi Niya muna nilupig ang ‘malakas na tao,’ ang panginoon ng mga demonyo, si Satanas mismo?”
Mateo 12:31–32, 43–45
Ano ang “paglapastangan laban sa Espiritu”?
Ang kasalanan ng “paglapastangan sa Espiritu Santo” ay tinatawag din sa banal na kasulatan bilang “pagtatatwa sa Espiritu Santo” o “kasalananang walang kapatawaran.”
Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ano ang dapat gawin ng isang tao para makagawa ng kasalanang walang kapatawaran? Kailangan niyang tanggapin ang Espiritu Santo, mabuksan sa kanya ang kalangitan, at makilala ang Diyos, at pagkatapos ay magkasala laban sa Kanya. Nagpatuloy ang Propeta: “Ang lahat ng kasalanan ay patatawarin maliban sa kasalanan laban sa Espiritu Santo. Matapos magkasala ang isang tao laban sa Espiritu Santo, wala nang pagsisisi sa kanya. Sasabihin na niya na hindi sumisikat ang araw habang nakikita niya ito; itatatwa na niya si Jesucristo kahit nabuksan na sa kanya ang kalangitan. At mula noon, nagsisimula na silang maging magkaaway.”
Nilinaw ng Joseph Smith Translation na sa talata 43–45, itinuturo ng Tagapagligtas ang tungkol sa kasalanan laban sa paglapastangan sa Espiritu Santo.
Mateo 12:39–40
Ano ang masama sa paghahanap ng mga tanda?
Minsan, itinuro ni Propetang Joseph Smith, “ang pananampalataya ay dumarating hindi sa pamamagitan ng mga tanda, kundi sa pamamagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos.”
Bibigyan tayo ng Panginoon ng nagpapatunay na katibayan ng lahat ng katotohanan ng ebanghelyo kapag kumilos tayo nang may pananampalataya. Ngunit ang mga taong ang paniniwala ay nakabatay sa panlabas na katibayan ng kapangyarihan ng Diyos ay naghahangad na isantabi ang pananampalataya. Gusto nila ng katibayan na walang kapalit. Naghahangad sila ng mga resulta nang hindi tinatanggap ang responsibilidad.
Mateo 12:41–42
Ano ang kahulugan ng “mga tao sa Ninive” at ang “reyna ng timog”?
Ang pariralang “mga tao sa Ninive” ay tumutukoy sa mga sinaunang naninirahan sa Ninive, na mga kaaway ng Israel. Si Jonas, na isang Israelita, ay tinawag na mangaral ng pagsisisi sa kanila. Ang mga tao sa Ninive ay nakinig sa kanyang mga babala at nagsisi. Ang “reyna ng timog” ay tumutukoy sa reyna ng Seba. Bagama’t hindi Israelita, malaki ang paggalang niya kay Solomon, ang hari ng Israel.
Tinukoy ng Tagapagligtas ang mga tao sa Ninive at ang reyna ng Seba habang pinagsasabihan ang mga Fariseo dahil sa hindi paniniwala sa Kanya. Si Jesucristo ay “higit na dakila kaysa kay Jonas,” o Jonah, at “higit na dakila kaysa kay Solomon.” Subalit ang mga pinunong Judio, na may lahing Israelita at dapat ay mas nakakaalam, ay tumangging igalang at sundin si Jesucristo.
Lucas 11:5–10
Ano ang mensahe ng talinghaga tungkol sa kaibigang dumating sa hatinggabi?
Noong una, ang kaibigan sa talinghaga ay tumangging bigyan ng tinapay ang lalaki dahil hatinggabi na. Nakahiga na sila ng kanyang mga anak. Ang pagpupumilit ng lalaki at hindi ang kanilang pagkakaibigan ang nakakumbinsi sa kaibigan na bumangon na at bigyan siya ng tinapay.
Ang kaibigang pinuntahan ng lalaki para hingan ng tinapay ay kumakatawan sa ating Ama sa Langit. Itinuturo ng talinghaga na bagama’t mahal tayo ng Ama sa Langit, ang ating walang humpay, matuwid, at tapat na mga panalangin ang nagbubukas sa mga pintuan ng langit. Ang Joseph Smith Translation ay nagdagdag ng pambungad sa talinghaga na tumutulong sa paglilinaw sa mensaheng ito: “Ang inyong Ama sa langit ay hindi ipagkakait na ibigay sa inyo ang anumang inyong hinihiling sa kanya.”
Alamin ang Iba Pa
Juan na Tagapagbautismo
-
Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 91–102
Pagpasan Natin sa Pamatok ng Tagapagligtas
-
Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95–98
-
J. Anette Dennis, “Madaling Dalhin ang Kanyang Pamatok at Magaan ang Kanyang Pasan,” Liahona, Nob. 2022, 80–83
-
David A. Bednar, “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 87–90
-
“Take My Yoke upon You,” Ensign, Set. 2013, 22–23
Media
Mga Video
“A House Divided” (6:00)
“The Lord’s Yoke” (3:12)
Mga Larawan
John Preaching in the Wilderness [Nangangaral si Juan sa Ilang], ni Del Parson
John the Baptist Preaching in the Wilderness [Si Juan na Tagapagbautismo Habang Nangangaral sa Ilang], ni Robert T. Barrett
Christ Healing the Man with the Withered Han [Pagpapagaling ni Cristo sa Lalaking Tuyot ang Kamay], ni Robert T. Barrett