Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Santiago


“Santiago,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Santiago

Matapos bumati sa kanyang mga mambabasa, ipinakilala ni Santiago ang ilang pangunahing tema ng kanyang sulat, tulad ng pagtitiis sa mga pagsubok, paghahangad ng karunungan, at pamumuhay nang ayon sa pinaniniwalaan. Binigyang-kahulugan ni Santiago ang “dalisay na relihiyon” bilang pagmamalasakit sa mga ulila at mga balo at pagpapanatili ng sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan. Sinabi niya na dapat mahalin ng mga Banal ang kanilang kapwa at ipakita ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Malinaw na inilarawan ni Santiago ang mapanirang katangian ng hindi pagpipigil sa pagsasalita. Nagbabala siya sa kanyang mga mambabasa na huwag kaibiganin ang sanlibutan kundi labanan ang panunukso ng diyablo at lumapit sa Diyos. Binalaan ni Santiago ang mayayaman na nang-aapi sa kapwa. Pinayuhan ni Santiago ang mga Banal na maghintay nang may pagtitiis hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinikayat ni Santiago ang mga may sakit na humingi ng tulong sa mga elder upang mapahiran sila ng langis.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Para kanino isinulat ang sulat ni Santiago at bakit?

Karaniwang tinatanggap na ang may-akda ng sulat ni Santiago ay si Santiago, ang kapatid ng Panginoon. Noong una ay hindi naniwala si Santiago at ang kanyang mga kapatid sa mensahe ni Jesus. Kalaunan, si Santiago ay naging disipulo ng Tagapagligtas at lider sa Kanyang Simbahan. Si Santiago ay saksi sa nabuhay na mag-uling Cristo.

Ang Santiago ang una sa pitong pangkalahatang sulat na kasama sa Bagong Tipan. Tinawag ang mga ito na mga pangkalahatang sulat dahil layunin ng mga may-akda nito na mabasa ang mga ito ng mas maraming tao at hindi lamang ng iisang kongregasyon o lugar. Isinulat ni Santiago ang kanyang sulat “sa labindalawang lipi na nasa pangangalat.” Maaaring ipinadala ito sa mga mananampalatayang Kristiyano na umalis sa Judea at nakatira sa Phoenicia, Cyprus, at Syrian Antioch.

Ang sulat na ito ay naglalaman ng maiikling paliwanag tungkol sa mga alituntunin para sa pamumuhay ng mga Kristiyano. Binibigyang-diin ng mga turong ito na ang mabubuting gawain ay mas mahalaga kaysa sa pagpapahayag ng paniniwala. Itinuro ni Santiago na ang tunay na pananampalataya ay nakikita sa mga gawa, o mga kilos ng isang tao.

Ang Sermon ng Tagapagligtas sa Bundok na nakatala sa Mateo 5–7 ay may pagkakatulad sa mga salita ni Santiago. Ang paglitaw ng mga turo sa sulat na ito ay nagpapakita na ang mga ito ay nalalaman ng mga tagasunod ng Panginoon, bago pa man isinama ang mga ito sa Ebanghelyo ni Mateo.

Naniniwala ang ilang iskolar na si Santiago ay pinaslang noong AD 62. Maaaring isinulat niya ang sulat na ito sa pagitan ng AD 40 at 60. Kung isinulat bago ang AD 50, ang Sulat ni Santiago ay maaaring isa sa mga pinakaunang dokumento sa Bagong Tipan.

Santiago 1:5

Ano ang nadarama ng Diyos sa pagtatanong natin sa Kanya?

Sa talatang ito, inaanyayahan ni Santiago ang mga mambabasa na humingi ng karunungan sa Diyos. Binigyang-diin niya na ang Diyos ay nagbibigay “nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat.” Hindi tayo pagagalitan o sasawayin dahil sa pagtatanong. Hindi rin mali sa Diyos ang pagtatanong natin. Matapos basahin at pagnilayan ang paanyayang ito na “humingi sa Diyos,” sinabi ng batang si Joseph Smith: “Nakarating ako sa pagpapasiya na alin sa dalawa, ako ay mananatili sa kadiliman at kaguluhan, o kaya’y kinakailangan kong gawin ang tagubilin ni Santiago, yaon ay, humingi sa Diyos. Sa wakas nakarating ako sa matibay na hangarin na ‘humingi sa Diyos,’ nagpapasiya na kung siya ay nagbigay ng karunungan sa mga yaong kulang ng karunungan, at magbibigay nang sagana, at hindi manunumbat, maaari akong magbakasakali.” Ang resulta ng determinasyon ni Joseph na magtanong ay isang maluwalhating pangitain. Ang Diyos Ama at si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smitn at sinagot ang kanyang mga tanong.

Santiago 1:6–8

Bakit inihambing ni Santiago ang mga taong kulang sa pananampalataya sa “alon sa dagat”?

Inihambing ni Santiago ang taong kulang sa pananampalataya sa alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin. Ang metapora na ito ay naglalarawan ng espirituwal na kawalang-katatagan na nangyayari kapag mahina ang pananampalataya. Inilarawan din ni Santiago ang isang taong walang pananampalataya bilang taong “nagdadalawang-isip.” Ang paglalarawang ito ay nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugang “dalawang kaluluwa.” Ang isang taong nagdadalawang-isip ay may isang bahagi sa kanya na naniniwala sa Diyos at ang isa naman ay nag-aalinlangan o hindi naniniwala. Maliban kung piliin ng taong ito ang pananampalataya, hindi siya “tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.”

Santiago 2:1–10

Ano ang sinabi ni James tungkol sa pagtatangi o paboritismo?

Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Santiago 2:1 ay nagbigay ng sumusunod na paglilinaw: “Mga kapatid ko, hindi ninyo makakamtan ang pananampalataya ng ating Panginoong Jesucristo, na Panginoon ng kaluwalhatian, at gayon man ay nagtatangi pa sa mga tao.” Ang ibig sabihin ng “nagtatangi pa ng mga tao” ay nagpapakita ng paboritismo. Kinundena ni Santiago ang gayong hindi pantay na pagtrato sa iba, lalo na ang diskriminasyon laban sa mahihirap para paboran ang mayayaman.

Santiago 2:14–26

Ano ang itinuro ni Santiago tungkol sa pananampalataya at mga gawa?

Sa mga talatang ito, binanggit ni Santiago ang mga taong nagsasabi na ang pananampalataya ay isang bagay na hiwalay sa mga gawa. Maaaring ang mga turo ni Apostol Pablo tungkol sa pananampalataya at mga gawa ay hindi naunawaan ng mga miyembro ng Simbahan. Binigyang-diin ni Pablo na ang kaligtasan ay nagmumula sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng batas ni Moises. Kapag nagsasalita tungkol sa mga gawa, hindi tinutukoy ni Santiago ang mga ritwal ng batas ni Moises. Sa halip, tinutukoy niya ang mga gawa ng kabutihan na naaayon sa mga paniniwala ng isang tao.

Tinalakay ni Santiago ang isang uri ng pananampalataya na walang ginagawa at hindi humahantong sa mabuting gawa.

Halimbawa, sa Santiago 2:15–17, hindi tinatanggap ni Santiago ang “mababaw … na pananampalataya na hindi nakagagawa ng kaibhan sa pag-uugali ng isang tao.”

Isinulat ni Pangulong Jeffrey R. Holland:

“Para sa amin, ang mga gawain ng kabutihan, na matatawag nating ‘tapat na pagkadisipulo,’ ay hindi-magkakamaling panukat ng katotohanan ng aming pananampalataya. Naniniwala kami kay Santiago, na kapatid ni Jesus, na ang tunay na pananampalataya ay laging naipapakita sa katapatan (tingnan sa Santiago 2, lalo na sa mga talata 14, 17–18, 20–26). …

“… Para sa amin, kabilang sa mga bunga ng pananampalatayang iyan ang pagsisisi, pagtanggap ng mga tipan sa ebanghelyo at mga ordenansa (kabilang na ang pagpapabinyag), at isang pusong may pasasalamat na naghihikayat sa atin na ipagkait sa ating sarili ang lahat ng kasamaan, na pasanin sa araw-araw ang ating krus (tingnan sa Lucas 9:23), at sundin ang Kanyang mga utos—lahat ng Kanyang utos ”

Santiago 2:21–25

Ano ang mga gawa nina Abraham at Rahab?

Kapwa binanggit nina Santiago at Pablo ang propetang si Abraham sa Lumang Tipan bilang mahalagang halimbawa ng pananampalataya at mabubuting gawa. Ang kahandaan ni Abraham na sundin ang utos na ialay si Isaac ay patunay ng kanyang pananampalataya sa Diyos.

Si Rahab ay isang patutot na naninirahan sa Jerico noong panahong dumating ang mga hukbo ng Israel sa lupang pangako. Nalaman niya ang tungkol sa paghawi ng Panginoon sa Dagat na Pula para sa mga Israelita. Naniwala siya na tutulungan ng Panginoon ang mga Israelita na labanan ang kanyang lungsod. Si Josue, ang lider ng Israel, ay nagsugo ng dalawang espiya sa Jerico. Natuklasan ang mga espiya, at ang hari ng Jerico ay nagpadala ng mga kawal upang dakpin sila. Itinago ni Rahab ang mga espiya sa kanyang tahanan at pagkatapos ay tinulungan silang makatakas. Dahil sa kanyang ginawa, siya at ang kanyang pamilya ay naligtas nang wasakin ang natitirang bahagi ng Jerico. Nanirahan siya kasama ng mga Israelita sa nalalabing panahon ng kanyang buhay.

Santiago 3:1–12

Ano ang itinuro ni Santiago tungkol sa bibig at dila?

kabayong may preno o bit at bridle

Paglalarawan ni Paul Mann

Nagbabala si Santiago sa mga Banal tungkol sa pinsalang maaaring ibunga ng mga salitang nakasasakit, hindi mabuting pananalita, o galit. Upang matulungan ang mga mambabasa na matanto ang kahalagahan ng pagkontrol sa pananalita, ikinumpara niya ang bibig at ang dila sa preno ng kabayo at timon ng barko. Ang preno o bit ay isang maliit na piraso ng bakal na inilalagay sa bibig ng isang kabayo na kumokonekta sa bridle. Dahil sa bit at bridle, nagagawa ng nakasakay sa kabayo na ituon ang kabayo sa pupuntahan. Ang timon ng barko ay malamang na tumutukoy sa isang maliit na steering oar sa likuran ng isang bapor. Sa ganitong paraan ang malaking barko ay napapatakbo ng isang maliit na timon. Ginamit ni Santiago ang mga halimbawang ito para ipakita na may kapangyarihan ang ating mga salita. Tayo ang nagpapasiya kung gagamitin natin ang ating mga salita sa mabuti o masama.

Santiago 5:7-8

Ano ang mga “una at huling” ulan?

Ang mga magsasaka sa sinaunang Israel ay matiyagang naghintay sa “unang” ulan ng panahon ng pagtatanim, na nakatulong sa isang binhi na sumibol at lumago. Ang “huling ulan” ay nakatulong sa mga halaman na lumaki at lumago bago ang panahon ng pag-ani. Ginamit ni Santiago ang matalinghagang paglalarawang ito upang ituro na, gaya ng magsasaka na matiyagang pinangangalagaan ang bukirin at naghihintay sa ulan at pag-ani kalaunan, ang mabubuti ay dapat matiyagang mangaral ng ebanghelyo at pangalagaan ang isa’t isa, nalalaman na darating kalaunan ang kaligtasan.

Santiago 5:13–16

Ano ang layunin ng pagpapahid ng langis?

Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks:

“Sa Bagong Tipan mababasa natin na ang mga Apostol ni Jesus ay ‘nangagpahid ng langis sa maraming maysakit, at pinagaling sila’ (Marcos 6:13). Itinuro sa aklat ni Santiago ang papel ng pagpapahid ng langis kaugnay ng iba pang mga elemento sa basbas ng pagpapagaling sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. …

“Kapag pinahiran ng langis ang isang tao sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood, ang pagpapahid ay ibinubuklod ng awtoridad ding iyon. Ang ibig sabihin ng ibuklod ang isang bagay ay pagtibayin ito, gawing mabisa ito para sa layunin nito. Kapag ang mga elder ay nagpahid ng langis sa maysakit at ibinuklod ang pagpapahid, binubuksan nila ang mga dungawan ng langit para maibuhos ng Panginoon ang mga pagpapalang niloloob Niya para sa taong maysakit. …

“Ang pananampalataya ay kailangan sa pagpapagaling sa pamamagitan ng mga kapangyarihan ng langit. Itinuturo pa nga sa Aklat ni Mormon na ‘kung walang pananampalataya [ang] mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila’ (Eter 12:12).”

Alamin ang Iba Pa

Humingi sa Diyos

Dalisay na Relihiyon

  • W. Christopher Waddell, “Pure Religion,” Ensign, Abril 2018, 45–47

Pananampalataya at mga Gawa

Mga Salita at Pananalita

  • Ronald A. Rasband, “Mahalaga ang mga Salita,” Liahona, Mayo 2024, 70–77

  • Jeffrey R Holland, “Ang Wika ng mga Anghel,” Liahona, Mayo 2007, 16–18

Mga Basbas ng Priesthood

Media

Mga Video

“Faith and Works” (8:25)

8:25

“The Tongue Is a Fire” (2:35)

2:35

Mga Tala

  1. Santiago 1:27.

  2. Tingnan sa Lincoln H. Blumell at iba pa, “Hebrews and the General Epistles: Hebrews, James, 1–2 Peter, 1–3 John, and Jude,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell (2019), 451.

  3. Tingnan sa Juan 7:3–5.

  4. Tingnan sa Mga Gawa 15:13; 21:18; Galacia 1:18–19; 2:9.

  5. Tingnan sa 1 Corinto 15:7.

  6. Ang iba pang pangkalahatang mga sulat ay 1 at 2 Pedro; 1, 2, at 3 Juan; at Judas.

  7. Santiago 1:1.

  8. Tingnan sa Kenneth L. Barker at John R. Kohlenberger III, Expositor’s Bible Commentary: New Testament (1994), 1016–17.

  9. Tingnan sa Santiago 2:14–26.

  10. Ang ilang magkatulad na tema sa pagitan ng mga turo ni Jesus at ni Santiago ay kinabibilangan ng pagtitiis sa mga pag-uusig (tingnan sa Mateo 5:10–12; Santiago 1:2–3, 12); pagiging “sakdal,” o mature sa espirituwal (tingnan sa Mateo 5:48; Santiago 1:4; 2:22); humihingi sa Diyos (tingnan sa Mateo 7:7–8; Santiago 1:5); paggawa ng kalooban ng Diyos (tingnan sa Mateo 7:21–24; Santiago 1:22); pagmamahal sa kapwa (tingnan sa Mateo 5:43–44; 7:12; Santiago 2:8); nakikilala ang mabuti at masama sa pamamagitan ng kanilang mga bunga (tingnan sa Mateo 7:16–20; Santiago 3:11–12); pagiging tagapamayapa (tingnan sa Mateo 5:9; Santiago 3:18); at hindi nanunumpa (tingnan sa Mateo 5:34–37; Santiago 5:12).

  11. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jesus Christ and the World of the New Testament (2006), 270.

  12. Tingnan sa Larry E. Dahl, “A String of Gospel Pearls,” sa Studies in Scriptures: Acts to Revelation, pat. Robert L. Millet (1987), 208.

  13. Tingnan sa Edward E. Hindson at Daniel R. Mitchell, King James Version Commentary: New Testament (2010), 707.

  14. James 1:5, New Revised Standard Version. Ang salitang Griyego para sa bukas-palad ay haplōs, na isinalin ng King James Bible bilang “nang sagana” (tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), entry 574, pahina 1049).

  15. Ang salitang Griyego na oneidizō, na isinalin bilang “hindi nanunumbat” sa King James Bible, ay nangangahulugang “nagsasaway, pinagagalitan; naninisi; nang-iinsulto.” Ang pinagbabatayang ideya ay “pagsasabi ng mga salitang humahamak sa isang tao o isang bagay” (Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, pahina 650).

  16. Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 2179, James 1:5.

  17. Joseph Smith—Kasaysayan 1:13.

  18. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20.

  19. Tingnan sa Earl D. Radmacher at iba pa, mga pat., NKJV Study Bible, ika-3 ed. (2018), 1883, tala para sa Santiago 1:8.

  20. Santiago 1:7.

  21. Santiago 2:1, footnote a.

  22. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, entry 4382, pahina 1131.

  23. Tingnan sa Santiago 2:2–6. Ang Aklat ni Mormon ay nagbigay ng gayon ding babala (tingnan sa 2 Nephi 26:33; Jacob 2:13; Alma 1:30; 3 Nephi 6:10–12, 15).

  24. Tingnan sa Mark D. Ellison, “Paul and James on Faith and Works,” Religious Educator, tomo 13, blg. 3 (2012), 159–160.

  25. Tingnan sa “Roma 3:20–31. Maililigtas ba tayo ng mga gawa?” at “Galacia 2:15–16. Paano tayo binibigyang-katwiran ng ‘pananampalataya kay Jesucristo’?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.

  26. Tingnan sa Ellison, “Paul and James on Faith and Works,” 161.

  27. Ellison, “Paul and James on Faith and Works,” 161.

  28. Jeffrey R. Holland, Our Day Star Rising: Exploring the New Testament (2022), 255.

  29. Tingnan sa Santiago 2:21–25; tingnan din sa Roma 4; Galacia 3:6–19.

  30. Tingnan sa Genesis 15:6; 22:1–14; Mga Hebreo 11:17–19.

  31. Tingnan sa Josue 2.

  32. Tingnan sa Josue 6:22–25.

  33. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 123:16.

  34. Dallin H. Oaks, “Pagpapagaling ng Maysakit,” Liahona, Mayo 2010, 48–49.