Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 at 2 Pedro


“1 at 2 Pedro,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

1 at 2 Pedro

Si Apostol Pedro ang nangungunang saksi ni Jesucristo sa naunang Simbahan ng mga Kristiyano. Ang kanyang dalawang sulat ay isinulat para sa mga convert o nagbalik-loob sa panahon ng matinding pang-uusig at apostasiya. Nangako siya sa mga Banal na ito na kung tiisin nila nang mabuti ang pang-uusig, tatanggap sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian. Ipinaalala ni Pedro sa mga Banal na ito na sila ay “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios.” Dapat silang maging banal tulad ni Jesucristo na banal. Isinulat ni Pedro ang tungkol sa ministeryo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus. Hinikayat niya ang mga Banal na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at sa gayon ay maging mga kabahagi ng banal na katangian. Nagbabala rin siya tungkol sa mga bulaang propeta at bulaang guro.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Para kanino isinulat ang mga sulat ni Pedro?

Si Pedro ang punong Apostol na binigyan ni Jesucristo ng mga susi ng priesthood. Si Pedro ay may katungkulang katulad ng sa Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Isinulat ni Pedro ang kanyang unang sulat sa Babilonia, na marahil ay isang simbolikong pagtukoy sa Roma. Ang kanyang unang sulat ay para sa mga miyembro ng Simbahan na “nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia”—ang limang lalawigang Romano na matatagpuan sa makabagong Turkey. Sumulat si Pedro upang patatagin at palakasin ang loob ng mga Banal sa “pagsubok na dumarating sa [kanilang pananampalataya]” at ihanda sila sa “mahigpit na pagsubok” na darating.

Napapanahon ang payo ni Pedro dahil ang mga miyembro ng Simbahan noon ay dumaranas na ng napakatinding pang-uusig. Noong AD 64, isang sunog ang puminsala sa karamihan sa Roma. “Maraming Romano sa panahong iyon ang naniniwala na sinadya ni Emperador Nero ang sunog upang mapadali ang isa sa kanyang mga proyekto sa pagtatayo ng gusali. Upang hindi mapaghinalaan, inakusahan at pinahirapan ni Nero ang mga Kristiyano ng lungsod, isinisi ang kapinsalaang iyon sa kanila sa harap ng publiko.” Karaniwang pinaniniwalaan na si Pedro ay pinaslang sa panahong ito ng pang-uusig. Malamang na isinulat niya ang kanyang ikalawang sulat bago siya namatay.

Ang pangunahing tema sa 2 Pedro ay ang kahalagahan ng pagtatamo ng kaalaman tungkol kay Jesucristo. Ipinangako ni Pedro sa kanyang mga mambabasa na kung hahanapin nila ang makadiyos na mga katangian at magkakaroon ng banal na katangian, kanilang “[mapapatatag] ang pagkatawag at pagkapili.” Ikinumpara ni Pedro ang totoong kaalaman tungkol kay Jesucristo sa maling mga turo at maling paniniwala na ipinalaganap ng mga nag-apostasiya.

1 Pedro 1:17–19

Ano ang itinuro ni Pedro tungkol sa tungkulin ni Jesucristo sa pagtubos sa atin?

Ang ibig sabihin ng tubusin ay “iligtas, bilhin, o [sagipin], sa gayon mapalalaya ang isang tao mula sa pagkaalipin sa pamamagitan ng kabayaran.” Lahat tayo ay nangangailangan ng pagtubos mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan. Itinuro ni Pedro na ang ating espirituwal na pagtubos ay binayaran hindi sa pilak o ginto kundi “ng mahalagang dugo ni Cristo.”

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kahulugan ng pagtubos, tingnan ang “Roma 3:24. Ano ang pagtubos?

1 Pedro 1:20

Ano ang kahulugan ng ang Tagapagligtas ay “itinalaga na nang una bago itinatag ang sanlibutan”?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bago pa itinatag ang mundo ay inihanda na ang plano ng kaligtasan. Kasama dito ang maluwalhating posibilidad na magkaroon ng banal na mana sa kaharian ng Diyos.

“Ang sentro ng planong iyon ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa mga kapulungan bago pa ang buhay na ito, Siya ay inordenan na noon pa ng Kanyang Ama upang magbayad-sala sa ating mga kasalanan at malagot ang mga gapos ng pisikal at espirituwal na kamatayan. Ipinahayag ni Jesus, ‘Ako ang … inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao. … Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan’ [Eter 3:14].”

1 Pedro 1:23–25

Bakit inihambing ni Pedro ang mga tao sa damo?

Ang pariralang “lahat ng laman ay gaya ng damo” ay nagmula sa Isaias 40:6–8, na naghahambing ng mga kahinaan ng tao sa mga halaman na natutuyot sa hangin. Hindi tulad ng natuyot na damo, ang salita ng Panginoon ay “buhay at nananatili” magpakailanman; ito ay nagbibigay ng buhay at lakas sa lahat ng tao na tumatanggap nito at isinisilang na muli.

1 Pedro 2:4–8

Ano ang kahulugan ng batong buhay, batong panulok, at batong nagpapatisod?

Itinuro ni Pedro na ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay nagbubunga ng “buhay na pag-asa” sa mga mananampalataya. Ang mga Banal ay dapat magsikap na maging “banal sa lahat ng paraan ng pamumuhay.” Ang pag-asa at kabanalang ito, itinuro ni Pedro, ay naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Puno ng pag-asa at kabanalan kay Cristo, ang mga Kristiyano ay tulad ng mga buhay na bato na idinagdag sa isang “espirituwal na bahay.”

Tinawag din ni Pedro si Cristo na pangunahing batong panulok, na binibigyang-diin na ang espirituwal na bahay ay itinayo sa nabuhay na mag-uling si Jesucristo. Kabaligtaran ng papel ni Cristo bilang pangunahing batong panulok, tinawag din ni Pedro si Jesucristo na “isang batong nagpapatisod sa kanila, at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.” Sa madaling salita, ang Tagapagligtas ay magiging hadlang sa landas ng mga taong suwail.

1 Pedro 2:9–10

Ano ang kahulugan ng isang “lahing pinili” at “sambayanang pag-aari ng Diyos”?

Itinuro ni Pedro na kapag nakipagtipan ang mga nagbalik-loob sa Diyos, sila ay naging “isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos.” Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ang ibig sabihin ng lahing pinili bilang sambahayan ni Israel, kapwa sa sinauna at makabagong panahon. Kabilang dito ang “matatapat na miyembro ng Simbahan na tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo at inampon sa kanyang pamilya.”

Hinggil sa pariralang “sambayanang pag-aari ng Diyos,” itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa Lumang Tipan, ang salitang Hebreo na pinagmulan ng pagsasalin ng pag-aari ay segullah, na ibig sabihin ay ‘mahalagang ari-arian’ o ‘kayamanan.’ Sa Bagong Tipan, ang salitang Griyego kung saan nagmula ang saling pag-aari ay peripoiesis, na ibig sabihin ay ‘pagmamay-ari,’ o ‘natanggap.’

“Kaya naman, makikita natin na ang ibig sabihin ng parirala sa banal na kasulatan na pag-aari ng Diyos ay ‘pinahahalagahang yaman,’ ‘ginawa’ o ‘pinili ng Diyos.’ Ang matawag tayo na mga lingkod ng Panginoon bilang sambayanang pag-aari ng Diyos ay isang napakalaking papuri.”

Sinabi ng isang iskolar tungkol sa salitang Hebreo na segullah: “Ang malaman ang pinagmulan ng mga salitang Hebreo ay makatutulong sa atin na maunawaan ang totoong kahulugan ng sinasabi ng Diyos sa Kanyang pinagtipanang mga tao. Sila ay natatanging kayamanan sa Kanya dahil naiiba sila sa lahat ng iba pa Niyang mga kayamanan. … Ang pinagtipanang mga tao ay natatanging kayamanan sa Diyos dahil hindi sila katulad ng iba; sa katunayan, sila ay higit na katulad Niya. Napakahalaga ng konseptong ito kaya paulit-ulit na sinasabi ng Diyos sa Israel na dapat silang maging banal.”

1 Pedro 2:25

Paano naging “Pastol at Tagapag-alaga ng [ating] mga kaluluwa” si Jesucristo?

Ang salitang tagapag-alaga na ginamit sa King James Version ng Biblia ay nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugan ding “tagapangasiwa” o “tagapagbantay.” Sa Kanyang ministeryo sa lupa, ipinahayag ng Tagapagligtas, “Ako ang mabuting pastol. Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.” Bilang Mabuting Pastol at Tagapangalaga ng ating mga kaluluwa, “hahanapin [ni Jesucristo] ang nawala at ibabalik ang naligaw, tatalian ang nabalian, at palalakasin ang mahihina.”

1 Pedro 3:1–7

Bakit pinayuhan ni Pedro ang mga asawang babae na “pasakop” sa kanilang mga asawa?

Hinikayat ni Pedro ang mga Kristiyanong asawang babae na “pasakop” sa kanilang mga asawang hindi mananampalataya na “hindi sumusunod sa salita.” Ipinaliwanag niya na ang mabuting pag-uugali ng mga asawang babae ay maaaring maging halimbawa sa kanilang mga asawa para maniwala kay Jesucristo. Ang mga salitang pagpapasakop at kababaang-loob ay kadalasang ginagamit sa mga banal na kasulatan na ang ibig sabihin ay pagiging hindi makasarili, pagpapakumbaba, at pagmamahal sa mga taong nauugnay sa iyo. Sa konteksto ng relasyon ng mag-asawa, ang mag-asawa ay dapat maging mapagpakumbaba, mababang-loob, at hindi sakim sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa.

Ibinahagi ni Elder Ulisses Soares ang mahalagang payo tungkol sa relasyon ng mag-asawa sa ating panahon: Ang “mga asawa … [ay] hindi ipinoposisyon ang kanilang mga sarili bilang pangulo o pangalawang pangulo ng kanilang pamilya. Walang mas mataas o mas mababa sa relasyon ng mag-asawa, at walang nauuna o nahuhuling maglakad. Lumalakad silang katabi ng banal na anak ng Diyos bilang magkapantay. Nagiging isa sila sa isipan, ninanais, at layunin ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo, pinamumunuan at ginagabayan ang pamilya nang magkasama.”

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan sa “Efeso 5:21–33. Ano ang mensahe ni Pablo tungkol sa pagpapasakop sa asawa?

1 Pedro 3:15

Bakit mahalagang ipagtanggol o maging handa sa pagsagot sa tanong ng sinuman kung bakit tayo may pag-asa kay Jesucristo?

Sa talatang ito, ang salitang ipagtanggol ay isinalin mula sa salitang apologia. Ang salitang Griyego na ito ay salitang-ugat ng apologetics, isang katagang ginamit upang ilarawan ang pagtatanggol sa mga paniniwala sa relihiyon. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell na ang mga Banal ay may responsibilidad na ipagtanggol ang katotohanan:

“Mahusay na pagtatanggol ang talagang kinakailangan ngayon sa ilan sa mga argumentong mapanlilinlang na nakikita at naririnig natin sa mundo. …

“Nagbabala si Austin Farrer, ‘Bagama’t ang pagsagot sa mga argumento ay maaaring hindi makakumbinsi, ang kawalan nito ay sumisira ng paniniwala. Maaaring hindi tanggapin ang mga bagay na napatunayan; ngunit madaling maiwaksi ang mga bagay na hindi naipagtanggol.’”

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sumagot nang magiliw at masaya. At iangkop ang inyong sagot sa sitwasyon ng taong iyon. Tandaan, siya ay anak din ng Diyos, ang Diyos na iyon na gustung-gustong maging karapat-dapat ang taong iyon para sa buhay na walang hanggan at makabalik sa Kanya balang-araw. Baka kayo mismo ang magbukas ng daan para maligtas siya at maunawaan niya ang doktrina ni Cristo.”

1 Pedro 3:18–20; 4:6

Ano ang itinuro ni Pedro tungkol sa daigdig ng mga espiritu?

Ang mga Ebanghelyo ay hindi nagbigay ng salaysay tungkol sa mga karanasan ni Jesucristo sa pagitan ng panahon ng Pagpapako sa Kanya sa Krus at ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Si Pedro ang nagbigay ng mahahalagang kaalaman na si Jesus ay “pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan” at na “ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay.” Ang maiikling pagbanggit na ito sa pangangaral ng Tagapagligtas sa mga espiritu sa bilangguan ng mga espiritu ay hindi lubos na ipinaliwanag sa Biblia at maraming teologo at iskolar ang nalito sa loob ng maraming siglo.

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpala sa atin ng karagdagang pag-unawa tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga nasa daigdig ng mga espiritu. Inihayag ng Panginoon kay Pangulong Joseph F. Smith na hindi Siya personal na naglingkod sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu; bagkus, nag-organisa Siya ng mga sugo upang mangaral sa mga yaong nasa bilangguan ng mga espiritu.

2 Pedro 1:4

Ano ang “mahahalaga at mga dakilang pangako” na binanggit ni Pedro?

Ang Diyos ay gumawa ng maraming “mahahalaga at mga dakilang pangako” sa mga taong gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Kanya. Itinuro ni Elder David A. Bednar ang tungkol sa pinakamahalaga sa mga pangakong ito: “Ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga anak na kung susundin nila ang mga tuntunin ng Kanyang plano at tutularan ang halimbawa ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, susunod sa mga kautusan, at magtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas, kung gayon dahil sa Pagtubos ng Tagapagligtas, sila ay ‘magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos’ [Doktrina at mga Tipan 14:7]. Ang buhay na walang hanggan ang pinakadakila at pinakamahalagang pangako.”

Ipinaliwanag ni Pedro na ang “mahahalaga at mga dakilang pangako” ng Diyos ay nagtutulot sa mga Banal na maging “kabahagi sa likas ng Diyos.” Nangangahulugan ito na maaari tayong “maging gaya ng Diyos, na lubos na tinatamasa ang bawat katangian, kaganapan, at katangiang taglay niya.”

2 Pedro 1:10–11, 19

Ano ang ibig sabihin ng “patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo”?

“Ang mabubuting tagasunod ni Cristo ay maaaring mabilang sa mga pinili na makatanggap ng katiyakan sa kadakilaan. Nagsisimula ang pagkakatawag at pagkakapiling ito sa pagsisisi at pagbibinyag. Nalulubos ito kapag sila ay ‘magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas’ [2 Nephi 31:19–20]. Tinatawag ang hakbanging ito ng mga banal na kasulatan na pagtiyak sa ating pagkakatawag at pagkakahirang.”

Si Pedro, dahil alam niyang hindi na siya mabubuhay pa nang mas matagal, ay sumulat na natanggap niya ang tinatawag niyang “salita ng propesiya na lalong tiyak.” Sa Doktrina at mga Tipan, ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ang kahulugan ng mahalagang pagpapalang ito: “Ang mas tiyak na salita ng propesiya ay nangangahulugan na malaman ng isang tao na siya ay ibinuklod sa buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng paghahayag at ng diwa ng propesiya, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote.”

Alamin ang Iba Pa

Banal na Katangian

Isang Lahing Pinili

  • Russell M. Nelson, “Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 32–35

Ang Daigdig ng mga Espiritu

Media

Mga Larawan

isang batang tupa na umiinom ng tubig mula sa nakasalikop na mga kamay ni Jesucristo

Gentle Shepherd [Magiliw na Pastol], ni Yongsung Kim

Si Jesus na nakasuot ng puting damit na napapaligiran ng mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu

Christ Preaching in the Spirit World [Si Cristo na Nangangaral sa Daigdig ng mga Espiritu], ni Robert T. Barrett

Mga Tala

  1. 1 Pedro 2:9.

  2. Tingnan sa Mateo 16:18–19.

  3. Para sa mga halimbawa ng pamumuno ni Pedro sa Simbahan matapos mamatay si Jesucristo, tingnan sa Mga Gawa 1:15–22; Galacia 2:7–9.

  4. Tingnan sa 1 Pedro 5:13.

  5. Tingnan sa Andrew C. Skinner, “Peter—the Chief Apostle,” sa Go Ye into All the World: Messages of the New Testament Apostles, mga pat. Ray L. Huntington at iba pa (2002), 215.

  6. 1 Pedro 1:1.

  7. 1 Pedro 1:7.

  8. 1 Pedro 4:12.

  9. Luke Drake, “Christianity in the Second Century,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell (2019), 761.

  10. Tingnan sa Bible Dictionary, “Peter.”

  11. Tingnan sa Andrew C. Skinner, “Peter—the Chief Apostle,” sa Go Ye into All the World: Messages of the New Testament Apostles, mga pat. Ray L. Huntington at iba pa (2002), 215–16.

  12. 2 Pedro 1:10.

  13. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tubos, Tinubos, Pagtubos,” Gospel Library.

  14. Tingnan sa 2 Nephi 9:4–10; Alma 34:7–9.

  15. 1 Pedro 1:19.

  16. Russell M. Nelson, “How Firm Our Foundation,” Ensign, Mayo 2002, 75.

  17. Tingnan din sa Mga Awit 103:15–16.

  18. 1 Pedro 1:23.

  19. Tingnan sa 1 Pedro 1:3–4.

  20. 1 Pedro 1:15.

  21. Tingnan sa 1 Pedro 1:18–19.

  22. 1 Pedro 2:5.

  23. Tingnan sa 1 Pedro 2:6. Tingnan din sa Isaias 28:16; Mga Gawa 4:10–12; Efeso 2:20–21; Helaman 5:12.

  24. 1 Pedro 2:8.

  25. Tingnan sa Isaias 8:14–15.

  26. 1 Pedro 2:9.

  27. Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary (1973), 3:294.

  28. Russell M. Nelson, “Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 34.

  29. Kerry Muhlestein, God Will Prevail (2021), 77.

  30. Tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 568.

  31. Juan 10:11.

  32. Ezekiel 34:16.

  33. 1 Pedro 3:1.

  34. Tingnan sa 1 Pedro 3:1.

  35. Tingnan sa Mga Hebreo 12:9; Mosias 3:19; Alma 7:23. Mahalagang tandaan din na ang payo ni Pedro ay ibinahagi sa konteksto ng kultura na tinirhan niya (tingnan sa Mark D. Ellison, “Family, Marriage, and Celibacy in the New Testament,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell [2019], 533–34).

  36. Tingnan sa Efeso 5:22–33.

  37. Ulisses Soares, “Katuwang ang Panginoon,” Liahona, Nob. 2022, 42.

  38. Tingnan sa 1 Pedro 3:15, footnote b.

  39. Neal A. Maxwell, Notwithstanding My Weakness (1981), 90.

  40. Russell M. Nelson, “Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya,” Liahona, Nob. 2010, 48.

  41. 1 Pedro 3:19.

  42. 1 Pedro 4:6.

  43. Tingnan sa Scott C. Esplin, “Wondering at His Words: Peter’s Influence on the Knowledge of Salvation for the Dead,” sa The Ministry of Peter, the Chief Apostle, mga pat. Frank F. Judd Jr. at iba pa (2014), 300–302.

  44. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:29–30.

  45. 2 Pedro 1:4.

  46. Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Maliwanag na lahat ng napakadakila at mahahalagang pangakong ibinibigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak ay hindi mabibilang o mailalarawan nang lubusan” (“Napakadakila at Mahahalagang Pangako,” Liahona, Nob. 2017, 91).

  47. David A. Bednar, “Napakadakila at Mahahalagang Pangako,” 91.

  48. 2 Pedro 1:4.

  49. Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary (1973), 3:352.

  50. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkakatawag at Pagkakahirang,” Gospel Library. Para malaman pa ang tungkol sa pagpapatatag ng pagkatawag at pagkakahirang, tingnan sa Robert L. Millet, “Make Your Calling and Election Sure,” sa Judd at iba pa, The Ministry of Peter, the Chief Apostle, 267–82.

  51. Tingnan sa 2 Pedro 1:14.

  52. 2 Pedro 1:19.

  53. Doktrina at mga Tipan 131:5.