“Mateo 13; Lucas 8; 13,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 13; Lucas 8; 13
Sa paglalakbay ni Jesus sa buong Galilea sa ikalawang taon ng Kanyang ministeryo, madalas Siyang magturo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ibinahagi niya ang mga talinghaga ng manghahasik, ng trigo at ng mga damo, ng binhi ng mustasa, ng pampaalsa o lebadura, ng kayamanan na nakatago sa bukid, ng mamahalin o mahalagang perlas, at ng lambat na inihagis sa dagat. Patuloy ding gumawa ang Tagapagligtas ng maraming makapangyarihang himala tulad ng pagpapayapa ng unos, pagpapalayas ng maraming demonyo, at pagpapagaling sa isang babae sa araw ng Sabbath. Ipinropesiya Niya ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli.
Mga Resources
Background at Konteksto
Mateo 13
Bakit nagturo ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga talinghaga?
“Ang salitang talinghaga ay nagmula sa Griyego na paraballo, na ang ibig sabihin ay ‘magtabi’ o ‘maghambing.’ Ang talinghaga, samakatuwid, ay isang simpleng kuwento kung saan inihahambing ng tagapagsalaysay ang mga karaniwang karanasan ng kanyang mga tagapakinig sa ilang banal na katotohanan.”
Nang tanungin kung bakit Siya nagturo sa pamamagitan ng mga talinghaga, sumagot si Jesus, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.” Kung gayon, ang isang talinghaga ay naghahayag ng katotohanan depende sa personal na paghahanda. Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Ang nilayong kahulugan o mensahe ng isang talinghaga ay kadalasang hindi nakalantad. Sa halip, nagbibigay lamang ito ng banal na katotohanan sa isang tumatanggap nito ayon sa kanyang pananampalataya sa Diyos, personal na espirituwal na paghahanda, at kahandaang matuto. Ito ang dahilan kung bakit dapat gamitin ng isang indibiduwal ang kanyang kalayaang pumili at aktibong ‘humingi, maghanap, at tumuktok’ [tingnan sa Mateo 7:7–8; Lucas 11:9–10] upang matuklasan ang mga katotohanang nakapaloob sa talinghaga”
Mateo 13
Paano natin mauunawaan ang mga talinghaga?
Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang mga sumusunod na ideya na maunawaan at makahanap ng personal na kahulugan sa mga talinghaga.
-
Isaalang-alang ang konteksto. Ano ang background ng kuwento? Anong pangyayari o mga tanong ang nagbunsod dito?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “May susi ako na nauunawaan ko ang mga banal na kasulatan. Nagsasaliksik ako, ano ba ang tanong na humantong sa sagot, o ang dahilan ng pagbanggit ni Jesus ng talinghaga? … Upang matiyak ang kahulugan nito, kailangan nating alamin ang pinakaugat kung bakit nasabi ito ni Jesus.”
-
Ibalangkas ang talinghaga sa pamamagitan ng pagsulat ng mahahalagang detalye. Maaaring kabilang dito ang mga bagay o taong nabanggit, mga kilos, at mga resulta ng mga kilos.
-
Hanapin ang mga kahulugan ng mga bagay o tao sa talinghaga. Maaaring makita ang mga ito sa teksto, footnote, sa pagtingin sa mga cross reference, o pagkonsidera sa sitwasyon o tanong na nagbunsod sa talinghaga.
-
Gumawa ng mga paghahambing habang iniisip mo kung paano nauugnay ang mga tao at bagay sa isa’t isa sa talinghaga.
-
Isipin ang sinabi ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta tungkol sa talinghaga.
Mateo 13:3–9, 18–33, 43–50
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talinghaga tungkol sa pagtitipon?
Ang pitong talinghaga na nakatala sa Mateo 13 ay nagtuturo tungkol sa pagtitipon sa pamamagitan ng paghahambing ng “kaharian ng langit” sa mga pisikal na bagay. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga salita ng Tagapagligtas, na nakatala sa ika-13 kabanata ng Kanyang Ebanghelyo ayon kay Mateo, … sa isip ko, ay nagbibigay sa atin ng malinaw na pang-unawa tungkol sa mahalagang paksa ng pagtitipon, gaya ng iba pang nakatala sa Biblia.”
Ang sumusunod na chart ay buod ng ilan sa mga turo ni Propetang Joseph Smith tungkol sa mga talinghaga ng pagtitipon sa Mateo 13. Kabilang sa mga turong ito ang mga paksang tulad ng pagtitipon ng Israel at ang pag-unlad at tadhana ng Simbahan mula sa panahon ni Jesucristo hanggang sa Milenyo.
Mateo 13:3–9, 18–23
Ano ang matututuhan natin sa iba’t ibang uri ng lupa sa talinghaga tungkol sa manghahasik?
(Ikumpara sa Marcos 4:1–9, 14–20; Lucas 8:4–8, 11–15.)
Sa talinghaga tungkol sa manghahasik (tinatawag ding talinghaga tungkol sa mga lupa), ang bukid ay kumakatawan sa mundo, at ang mga manghahasik ay kumakatawan sa mga lingkod ng Panginoon. Ang iba’t ibang uri ng lupa ay kumakatawan sa mga kalagayan ng puso ng mga tao:
-
Ang tabi ng daan ay kalsada o daan sa paligid o sa mga bukid. Tumitigas ito kapag laging nilalakaran ng mga magsasaka at manlalakbay. Dahil sa matigas ang lupa sa tabi ng daan ang mga binhing nahuhulog dito ay hindi bumabaon sa lupa at nagkakaugat. Dahil dito madaling makita at kainin ng mga ibon ang mga binhi.
-
Ang batuhan ay mabatong lupa na natatakpan ng manipis na patong ng matabang lupa. Bagama’t maaaring magkaugat nang mababaw ang mga binhi, hindi ito makakapag-ugat nang mas malalim dahil nahaharangan ng bato. Dahil mababaw ang ugat, hindi natagalan ng halaman ang nakakapasong sikat ng araw.
-
Ang lupang tinikan ay matabang lupa; gayunpaman, ito ay napuno ng mga tinik at iba pang mga damo kaya’t nawalan ng lugar ang mas namumungang halaman at napagkaitan ng tubig at mga sustansya.
-
Ang mabuting lupa ay matabang lupa na may sapat na lalim para sa malusog na ugat upang makapagbunga ang mga halaman.
Mateo 13:24–30
Ano ang mga damo?
Ang mga tares ay damong nakalalason na kilala rin bilang bearded darnel. “Ang isang nakalalasong fungus ay maaaring makaapekto sa mga buto ng darnel, na nagbibigay ng harinang ginawa mula sa mga butil na kontaminadong nakakalasong darnel. Ang pagkonsumo ng kontaminadong harina ay maaaring maging sanhi ng pagkalango, pagkabulag, o maging kamatayan.”
Bago mahinog at makapagbinhi, ang mga damo ay kapareho ng itsura ng trigo. Pero kapag hinog na, madaling makita ang pagkakaiba ng trigo at mga damo. Kaya, ang tanging paraan upang maingat na mapaghiwalay ang trigo mula sa mga damo ay maghintay hanggang sa oras ng pag-aani.
Mateo 13:31–32
Ano ang binhi ng mustasa?
(Ikumpara sa Marcos 4:30–32; Lucas 13:18–19.)
Malamang, ang talinghagang ito ay tumutukoy sa itim na binhi ng mustasa. Ang halamang ito ay karaniwan sa Galilea noong panahon ng Tagapagligtas. Bagama’t napakaliit ng mga binhi, ang halaman, sa paglaki nito ay “naiulat na lumaki hanggang sampung talampakan [mga 3 metro] at karaniwang umaabot sa tatlo hanggang anim na talampakan ang taas.” Sa mga sanga nito, ang maliliit na ibon ay maaaring makakain ng mga binhi at makahanap ng kanlungan. Ginamit ng Tagapagligtas ang talinghaga tungkol sa binhi ng mustasa upang ituro na ang Kanyang Simbahan ay magsisimula sa maliit ngunit lalago at magiging kanlungan at proteksyon ng Kanyang mga tao.
Kaliwa: Mga binhi ng mustasa, na makikita ang laki kung ihahambing sa balat ng mustasa at sa aspili. Kanan: Isang halaman ng mustasa.
Mateo 13:44–46
Ano ang nakatagong kayamanan at ang mamahaling perlas?
Ang mga talinghaga tungkol sa nakatagong kayamanan at mamahaling perlas ay may mga ilang detalye na magkatulad. Sa bawat talinghaga, ipinagbili ng isang lalaki ang lahat ng mayroon siya para bilhin ang mahalagang bagay—isang kayamanan at isang perlas. Sa bawat pagkakataon, ang pinahahalagahang bagay ay kumakatawan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang sama-samang pagbabasa ng mga talinghagang ito ay nagbibigay-diin sa malaking kahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang isang pagkakaiba sa dalawang talinghagang ito ay ang paraan ng paghahanap ng kayamanan at perlas. Sa isang talinghaga, tila hindi sinasadyang nakahanap ng kayamanan ang lalaki sa bukid. Sa isa namang talinghaga, ang mangangalakal ay masigasig na naghahanap ng mga perlas. Ipinapakita nito na kahit paano natin matagpuan ang ebanghelyo ni Jesucristo, nagkataon man o dahil masigasig na hinanap, sulit na isakripisyo ang lahat ng mayroon tayo para matamo ito.
Lucas 8:1–3
Ano ang alam natin tungkol sa mga babaeng kasama ng Tagapagligtas sa paglalakbay?
Si Maria na tinatawag na Magdalena ay isang matapat na disipulo ni Jesucristo. Malamang na nagsimula ang kanyang katapatan sa Tagapagligtas matapos Niyang palayasin ang pitong demonyo sa kanya. Nasaksihan niya ang Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas at naroon nang ihimlay ang katawan ng Tagapagligtas sa libingan. Si Maria ang unang taong nakakita sa nabuhay na mag-uling Cristo.
Kasama ni Juana si Maria Magdalena at iba pang mga kababaihan na naghanda ng mga halaman at pamahid sa paglilibing upang ipahid sa katawan ni Jesus pagkatapos ng Kanyang Pagpapako sa Krus. Nasaksihan ni Juana ang libingang walang laman at kasama ang iba pang mga babae ay tumakbo upang ibalita ito sa mga Apostol.
Sinamahan din si Jesus ng isang babaeng nagngangalang Susana sa Kanyang mga paglalakbay, gayundin ng iba pang mga babaeng pinagaling ng Tagapagligtas. Ang matatapat na kababaihang ito ay nagbigay ng serbisyo at pinansiyal na suporta para sa Tagapagligtas.
Lucas 13:1–5
Ang pisikal na pagdurusa ba ay bunga ng kasalanan?
Ito ay isang karaniwang paniniwala sa panahon ni Jesus na ang pisikal na pagdurusa ay nangyayari sa mga may mabigat na kasalanan. Ginamit ni Jesus ang mga kuwento tungkol sa mga taga-Galilea na pinatay ni Pilato at ang iba pa na namatay nang mabagsakan ng tore upang ipawalang-saysay ang paniniwalang ito. Itinuro din ni Jesus na bagama’t ang pagkamatay ng mga taga-Galilea na ito ay hindi dahil sa kasalanan, lahat tayo ay masasawi sa espirituwal kung hindi tayo magsisisi.
Alamin ang Iba Pa
Ang mga talinghaga ng Tagapagligtas sa Mateo 13
-
Neil L. Andersen, “Higit na Paglapit sa Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2022, 73–76
-
Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Liahona, Mayo 2015, 32–35
-
Frank F. Judd Jr., “Parables of Jesus: The Priceless Parables,” Ensign, Ene. 2003, 59–61
Mga Babaeng Sumunod kay Jesus
-
Lani at John Hilton, “Ang mga Babaeng Sumunod kay Jesucristo mula sa Galilea,” Liahona, Mar. 2022, 14–17
Media
Mga Video
“Parable of the Sower” (4:37)
“The Sower” (12:10)
“Jesus Declares the Parables of the Wheat and Tares, Mustard Seed, and Leaven” (2:21)
Mga Larawan
Parable of the Sower [Talinghaga ng Manghahasik], ni George Soper