Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 1; Lucas 1


“Mateo 1; Lucas 1,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mateo 1; Lucas 1

Nagbigay si Mateo ng talaangkanan ni Jesucristo, na nagsasabi ng Kanyang angkan mula kay Abraham at mula kay David. Nagpakita ang anghel na si Gabriel kay Zacarias at ipinahayag ang pagsilang at misyon ni Juan na Tagapagbautismo. Nalaman ni Maria mula kay Gabriel na siya ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Dinalaw ni Maria si Elizabeth. Pareho nilang pinuri ang Panginoon. Isinilang si Juan. Ipinropesiya ni Zacarias ang pagtubos sa Israel.

Mga Resource

Background at Konteksto

Mateo 1:1–17

Ano ang malalaman natin tungkol kay Jesus mula sa talaangkanan ni Mateo?

Nais ni Mateo na malaman ng mga mambabasa na natupad ni Jesus ang mga propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas. Ipinahayag ng mga propesiya na ang Mesiyas ay magiging inapo ni Abraham at magdadala ng kaligtasan sa buong mundo. Ang Mesiyas ay magiging inapo rin ni Haring David. Ipinapakita sa talaangkanang ibinigay ni Mateo na si Jesus ay inapo kapwa nina Abraham at Haring David.

Nang itala ni Mateo na si Jesus ay “tinatawag [ding] Cristo,” nilinaw niya na si Jesus ang katuparan ng pangako ng Diyos kay Haring David na ang Cristo ay darating sa pamamagitan ng kanyang angkan. Nangako ang Diyos na itatatag ang trono ni David magpakailanman. Ang Cristo ay ang anyong Griyego ng salitang Aramaiko na Mesiyas, na nangangahulugang “pinahiran” o “pinili.”

Ang mga hari at mataas na saserdote sa Israel ay pinahiran ng langis noong unang panahon. Pinili na maglingkod sa mga tungkuling ito, sila ay kumilos bilang “mga mesiyas.” Sa panahon ni Jesus, ang ipinangakong Anak ni David, na magiging pinakadakilang hari sa hinaharap, ay tinukoy bilang ang Mesiyas. Si Jesucristo ang mesiyas na hari na mamumuno at maghahari magpakailanman at tutuparin ang pangako ng Diyos kay David. Bilang Cristo at Mesiyas, si Jesus ang pinili at pinahiran ng Ama sa Langit upang kumatawan sa Kanya at magdala ng kaligtasan sa Kanyang mga anak.

Mateo 1:1–17

Bakit magkaiba ang talaangkanan ni Jesus sa Mateo at Lucas?

(Ikumpara sa Lucas 3:23–38.)

May ilang posibleng paliwanag sa magkaibang talaangkanan. Ipinahayag ng ilang iskolar na si Mateo ang nagbigay ng talaangkanan ni Jose, samantalang si Lucas naman ang kay Maria. Ipinapalagay nito na si Eli na binanggit sa Lucas 3:23 ay biyenang lalaki ni Jose.

Ang isa pang posibleng paliwanag ay ang pagbigay ni Mateo ng maharlikang linya ng paghalili sa trono ni Haring David. Nagbigay si Lucas ng mas personal at eksaktong talaangkanan pabalik kay Adan. Ang dalawang talaangkanan ay nagpapatibay na si Jesus ay Anak ni David at legal na tagapagmana ng trono.

Ang pinakamahalagang aspeto ng talaangkanan ni Jesucristo ay ipinahayag ng Ama sa Langit: “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.”

Mateo 1:3, 5–6, 16

Sino ang mga babaeng binanggit sa talaangkanan ni Jesucristo?

May limang babae na binanggit si Mateo sa talaangkanan ni Jesucristo. Tulad ng inaasahan, kasama si Maria na ina ni Jesus. Marahil sa hindi inaasahan, kabilang din sa talaangkanan ang apat na babae na kung hindi man mga Israelita, ay nauugnay sa mga hindi Israelita, o may kaduda-dudang reputasyon.

Si Tamar, o Thamar, ay nagkaroon ng isang hindi pangkaraniwang karanasan. Siya ay kasal sa panganay na anak ni Juda, na namatay. Pagkatapos ay ibinigay ni Juda sa kanya ang susunod na panganay na anak na lalaki nito para pakakasalan. Namatay rin ito. Ang dalawang lalaki ay masasama, at wala silang naging anak sa kanya. Nang hindi tuparin ni Juda ang pangakong ipapakasal ang kanyang bunsong anak kay Tamar, hindi niya ito binigyan ng pagkakataong magkaasawa o magkaanak. Sa pagnanais na magkaroon ng mga anak, nagpanggap siya na isang patutot, nilinlang si Juda, at nagdalantao ng kambal—sina Perez at Zera. Si Perez ay ninuno ni Jesus.

Isang babaeng nagngangalang Rahab o Rachab ang nakatira sa Jerico bago ito sinakop ng mga Israelita. Naawa siya sa mga espiya ng Israel at tumulong sa pagtatago sa kanila. Sa kabila ng kanyang nakaraan bilang isang patutot na Canaanita, pinuri siya ng mga unang Kristiyano dahil sa kanyang pananampalataya.

Si Ruth ay isang babaeng Moabita. Nang mamatay ang kanyang asawa, pinili niyang umalis sa kanyang lupain at mga tao upang alagaan ang kanyang biyenan.

Si Batseba ay asawa ni Urias, isang dayuhang sundalo sa hukbo ni Haring David. Siya at si David ay nangalunya. Kalaunan ay naging asawa siya ni Haring David at ina ni Haring Solomon.

Ang isang bagay na matututuhan natin mula sa pagsama ni Mateo sa mga kababaihang ito sa talaangkanan ng Tagapagligtas ay na ang Diyos ay maaaring gumawa sa lahat ng tao at sa pamamagitan ng mga di-inaasahang paraan. Halimbawa rin ito ng katotohanan na ang ating kahihinatnan ay hindi nakabatay sa mga ginawa ng ating mga ninuno. Ang pagsasama ng kababaihan sa family history ng Tagapagligtas ay nagpapakita rin ng mahalagang papel na ginagampanan ng kababaihan sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos.

Mateo 1:18

Ano ang ibig sabihin ng nakatakdang ikasal?

Noong panahon ng Bagong Tipan, ang kasal ay kadalasang inaayos ng mga pinuno ng pamilya—karaniwan ay ang mga ama. Matapos magkasundo ang mga pamilya sa kasal, ang mag-asawa ay itinatakdang ikasal, o “maging mag-asawa.” Ibig sabihin ay sumang-ayon na silang maging mag-asawa. Legal na nakatali ang mag-asawa sa isa’t isa ngunit hindi pa sila nagsasama bilang mag-asawa. Kailangang sundin ang mahigpit na batas ng kalinisang-puri sa pagitan ng panahon ng pagtatakda ng kasal at ng seremonya ng kasal.

Mateo 1:18–25

Anong mga opsiyon mayroon si Jose nang malaman niyang nagdadalantao si Maria?

Nang malaman ni Jose ang pagdadalantao ni Maria, alam niyang hindi siya ang ama ng sanggol nito. Sa ilalim ng batas ng mga Judio, mayroon siyang mga sumusunod na opsiyon:

  • Maaari niyang idiborsyo nang hayagan si Maria at hayaang maparusahan ito. Iisipin ng mga tao na nagkasala ng pangangalunya si Maria—isang krimen na may parusang kamatayan sa ilalim ng batas ni Moises.

  • Maaari niyang wakasan nang pribado ang itinakdang pagpapakasal nila ni Maria sa harap ng dalawang saksi.

  • Maaari niyang ituloy ang kasal.

Mas gugustuhin ni Jose na magpakita ng awa kay Maria. Binalak niyang kanselahin ang planong papapakasal nang pribado. Ililigtas nito si Maria sa kahihiyan sa publiko at sa posibilidad na maparusahan. Gayunman, nang tiyakin sa kanya ng isang anghel na nanatiling marangal si Maria at ang anak nito ay Anak ng Diyos, pinili ni Jose na ituloy ang kasal. Sinabi ng isang iskolar, “Bunga ng hindi pangkaraniwang pagdadalantao kay Jesus, ang ideya ng pagiging hindi lehitimo ay ipinagpatuloy ng mga hindi nakababatid sa totoong dahilan at naging sanhi ng hindi magandang palagay sa reputasyon nina Maria at Jesus (at marahil ni Jose) sa buong buhay nila.”

Mateo 1:20

Ano ang alam natin tungkol sa pagdadalantao kay Jesucristo?

Tingnan sa “Lucas 1:34–35. ‘Paanong mangyayari ito, samantalang ako’y wala pang nakikilalang lalaki?’

Mateo 1:21

Ano ang ibig sabihin ng pangalang Jesus?

Ang pangalang Jesus ay nagmula sa Iēsous, isang anyong Griyego ng pangalang Yeshua sa Hebreo. Ang ibig sabihin ng Yeshua ay “nagliligtas si Jehova.” Ang mahabang anyo ng pangalan ay Yehoshua, na nangangahulugang “Si Jehova ay kaligtasan.” Ang dalawang anyo ng pangalan ay nagpapatotoo sa identidad at misyon ni Jesucristo. Si Jesucristo ay Jehova sa premortal na buhay o sa buhay bago tayo isinilang. Inilarawan ni Mateo ang misyon ng Tagapagligtas na maligtas sa pagsasabing, “Ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan”

Mateo 1:23

Ano ang kahulugan ng pangalang Emmanuel?

Ang Emmanuel ay nagmula sa mga salitang Hebreo na nangangahulugang “kasama natin ang Diyos.” Sa huling talata ng Mateo, ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Ako’y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.” Ang magkakatulad na pahayag na ito sa simula at katapusan ng Ebanghelyo ni Mateo ay nagpapahiwatig ng mensahe na hindi tayo malilimutan ng Diyos. Siya ay lagi nating kasama.

Mateo 1:25

Anong taon isinilang ang Tagapagligtas?

Walang opisyal na pahayag ang Simbahan kung anong taon isinilang ang Tagapagligtas. Ang kalendaryong kasalukuyang ginagamit sa halos lahat ng lugar sa buong mundo ay ginawa maraming siglo matapos mabuhay si Jesucristo. Hindi sumasang-ayon ang mga iskolar kung paano gagamitin ang kasalukuyang impormasyon sa kasaysayan upang makalkula ang taon ng kapanganakan ni Jesus. Bagama’t wala tayong eksaktong petsa, mayroon tayong talaan ng maraming pangyayari sa buhay at ministeryo ni Jesucristo.

Lucas 1:5–9

Ano ang “pangkat ni Abias”?

Sa Lumang Tipan, hinati ni Haring David ang mga saserdote ng Israel sa 24 na pamilya (tinatawag na “mga pangkat”). Bawat pamilya, o pangkat, ay tinawag na maglingkod sa templo nang dalawang beses sa isang taon sa loob ng isang linggo sa bawat pagkakataon. Sinasabi sa Lucas 1:5 na si Zacarias ay kabilang sa “pangkat,” o sa pamilya ng mga pari o saserdote, ni Abias. Sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Lucas 1:8, pinalitan ang salitang pangkat ng pagkasaserdote.

Ang mga saserdote ay nagpalabunutan kung sino sa kanila ang tatanggap ng karangalang magsunog ng insenso sa templo. Dahil sa dami ng mga saserdote, bihirang pribilehiyo ang pagkakataong magsunog ng insenso. Ito ay magiging pinakamahalagang bahagi sa buhay ng paglilingkod ni Zacarias bilang isang saserdote.

Lucas 1:7

Ano ang pananaw ng mga tao sa pagkabaog noong panahon ng Bagong Tipan?

Sa sinaunang Israel, ang pagkabaog ng mag-asawa ay itinuturing na isang matinding kasawiang-palad. May ilan pa nga na naniniwala na parusa ito sa nagawang kasalanan. Nanalangin si Zacarias na magkaanak sila ni Elizabeth. Si Zacarias ay walang mga inapo na magpapatuloy ng kanyang priesthood line. Nang malaman ni Elizabeth na buntis siya, sinabi niya na ang pagkakaroon ng anak ay mag-aalis ng kanyang “kahihiyan sa gitna ng mga tao.”

Sa kabila ng kanilang pagsubok, nanatiling tapat sina Zacarias at Elizabeth sa Panginoon. Ito ang una sa maraming pagkakataon sa Ebanghelyo ni Lucas na nagpakita ng awa ng Panginoon sa mga naghihirap o pinanghihinaan ng loob.

Lucas 1:17

Ano ang ibig sabihin ng “espiritu at kapangyarihan ni Elias”?

Ginagamit ng mga banal na kasulatan ang pangalan o katawagan na Elias sa ilang paraan. Sa pagkakataong ito, ang pagbanggit kay Elias ay nagsasaad ng ideya ng isang tagapagpauna. Noong unang panahon, ang mga tagapagpauna “ay tumatakbo sa unahan ng karwahe ng hari at inaalisan ng mga bato o iba pang sagabal ang daan, at malakas na ihahayag ang pagdating ng pinuno. … Si Juan ay kapwa tagapagpauna at tagapaghayag ni Jesus. Siya ang itinalagang tagapagbalita ng Diyos.”

Sinabi kay Zacarias ng anghel na si Gabriel na si Juan ay magpapatiuna sa Tagapagligtas “sa espiritu at kapangyarihan ni Elias.”

Lucas 1:26

Sino si Gabriel?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang identidad ng anghel na si Gabriel: “[Si] Noe …[ay] si Gabriel; kasunod siya ni Adan sa awtoridad sa Priesthood; tinawag siya ng Diyos sa katungkulang ito, at siya ang ama ng lahat ng nabubuhay sa kanyang panahon.”

Lucas 1:26–30

Sa anong paraan “pinagpala” ng Panginoon si Maria?

Bago pa man isinilang si Maria, alam na ng mga propeta ang kanyang sagradong tungkulin bilang ina ni Jesucristo. Tinukoy siya ng ilang propeta sa pangalan. Inihahayag sa Aklat ni Mormon na siya ang “mahalaga at piniling nillikha” na “magsisilang ng isang anak na lalaki, oo, maging ang Anak ng Diyos.”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie: “Kung paanong iisa lamang ang Cristo, iisa rin ang Maria. At kung paanong pinili ng Ama ang pinakamarangal at pinakamabuti sa lahat ng kanyang espiritung anak na lalaki na pumarito sa mundo bilang kanyang Bugtong na Anak sa laman, tiwala nating masasabi na pinili niya ang pinakakarapat-dapat at malalim ang espirituwalidad sa lahat ng kanyang espiritung anak na babae na maging mortal na ina ng kanyang Anak na Walang Hanggan.”

Lucas 1:31–35

Bakit kailangan ni Jesus na magkaroon ng mortal na ina at imortal na Ama?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Si Jesus ay isinilang sa isang imortal na Ama at isang mortal na ina. Mula sa Kanyang imortal na Ama, minana ni Jesus ang kapangyarihang mabuhay magpakailanman. Mula sa Kanyang mortal na ina, minana Niya ang kapalarang dumanas ng pisikal na kamatayan.

“Ang natatanging mga katangiang iyon ay mahalaga sa Kanyang misyon na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Kaya’t isinilang si Jesus ang Cristo upang mamatay (tingnan sa 3 Nephi 27:13–15). Namatay Siya upang tayo ay muling mabuhay. Siya ay isinilang upang ang buong sangkatauhan ay mabuhay pagkatapos mamatay.”

Lucas 1:34–35

“Paanong mangyayari ito, samantalang ako’y wala pang nakikilalang lalaki?”

Tinanong ni Maria ang anghel na si Gabriel kung paano siya magiging ina ni Jesus gayong “ako’y wala pang nakikilalang lalaki,” o sa madaling salita, gayong siya ay isang birhen. Sinabi ni Gabriel sa kanya na “bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan” at ang kanyang anak ay magiging Anak ng Diyos. Ang iba pang mga talata sa banal na kasulatan na tumutukoy sa pagdadalantao kay Jesucristo ay naglalarawan din na Siya ang Anak ng Diyos. Gayunman, hindi inihahayag ng mga banal na kasulatan na ito kung paano nangyari ang himalang ito. Sinabihan tayo ng mga lider ng Simbahan na huwag maghaka-haka kung paano ipinagdalantao ang Tagapagligtas.

Lucas 1:69

Ano ang ibig sabihin ng pariralang “nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin”?

Matapos isilang si Juan, pinuri ni Zacarias ang Diyos at ipinropesiya ang misyon ni Juan. Tulad ng nakatala sa Lucas 1:69, binanggit ni Zacarias na ang Diyos ay “nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan” (idinagdag ang pagbibigay-diin), na isang katawagan sa mesiyas na tumutukoy kay Jesucristo. Ang sungay ay simbolo ng kapangyarihan—pagtukoy sa lakas ng mga hayop na may sungay na mula sa Banal na Lupain.

Alamin ang Iba Pa

Ang Pagsilang ni Jesucristo

Mary, the Mother of the Son of God

  • Becky Craven, “Following Mary’s Example,” New Era, Dis. 2018, 24–27

  • Gaye Strathearn, “Maria, ang Ina ni Jesus,” Liahona, Ene. 2019, 12–17

  • Margot Hovley, “Mary, Mother of the Savior,” Ensign, Dis. 2019, 22–23

Media

Mga Video

An Angel Foretells Christ’s Birth to Mary” (4:18)

4:19

Mary and Elisabeth Rejoice Together” (5:14)

5:15

Mary, the Mother of Jesus” (2:11)

2:11

Mga Larawan

dinalaw ng anghel na si Gabriel si Zacarias

The Angel Gabriel Appears to Zacharias [Nagpakita si Anghel Gabriel kay Zacarias], ni Michael Malm

si Gabriel na nagpakita kay Maria

The Annunciation [Ang Pagpapahayag], ni John Scott

nag-uusap sina Maria at Elizabeth

Elisabeth and Maria, ni James L. Johnson

Maria at Elizabeth

Mga Tala

  1. Tingnan sa Genesis 12:1–3; 22:15–18; Abraham 2:8–11.

  2. Tingnan sa 2 Samuel 7:5–6, 12–13; Isaias 9:6–7; Jeremias 23:5–6.

  3. Tingnan sa Mateo 1:1.

  4. Mateo 1:16.

  5. Tingnan sa 2 Samuel 7:12–17.

  6. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ (1916), 89.

  7. Mateo 17:5; tingnan din sa Mateo 3:17; 3 Nephi 11:7; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.

  8. Tingnan sa Genesis 38:12–30; Mateo 1:3.

  9. Tingnan sa Josue 2:1–14.

  10. Tingnan sa Mga Hebreo 11:30–31; Santiago 2:24–25.

  11. Tingnan sa Ruth 1.

  12. Tingnan sa 2 Samuel 11.

  13. Mateo 1:18.

  14. “Bagama’t itinuturing nang legal na mag-asawa ang mga nakatakdang ikasal (Deuteronomio 22:23–24), sa pagitan ng panahon ng pagtakda ng kasal at ng pagdiriwang na nagpasimula ng pagsasama bilang mag-asawa, isang mahigpit na alituntunin ng kalinisang-puri ang ipinatupad (Mateo 1:18, 25). Sa sandaling itakda ang kasal, ang binata ay legal nang nagmamay-ari, ngunit hindi pisikal, sa dalaga. Gayunman, tinukoy pa rin ng batas ni Moises ang babae bilang asawa, at ang hindi pagiging matapat sa panahon ng pagtatakda ng kasal (espousal) ay maaaring parusahan ng kamatayan (Deuteronomio 22:23–24)” (Andrew C. Skinner, “The Life of Jesus of Nazareth: An Overview,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, ed. Lincoln H. Blumell [2019], 248).

  15. Tingnan sa Levitico 20:10; Juan 8:5.

  16. Tingnan sa Mateo 1:19.

  17. Tingnan sa Mateo 1:20–25; Lucas 3:23.

  18. Skinner, “The Life of Jesus of Nazareth: An Overview,” 248.

  19. Mateo 1:21; tingnan din sa Helaman 5:10.

  20. Mateo 1:23.

  21. Mateo 28:20.

  22. Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 1:8.

  23. Tingnan sa Lucas 1:13.

  24. Lucas 1:25.

  25. Tingnan sa Lucas 1:6.

  26. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elias,” Gospel Library.

  27. Robert J. Matthews, Behold the Messiah (1994), 46.

  28. Lucas 1:17.

  29. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 121.

  30. Tingnan sa Isaias 7:14–15; 1 Nephi 11:13–20.

  31. Tingnan sa Mosias 3:8; Alma 7:10.

  32. Alma 7:10.

  33. Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary (1965), 1:85.

  34. Russell M. Nelson, “Christ the Savior Is Born,” New Era, Dis. 2006, 5.

  35. Lucas 1:34.

  36. Lucas 1:35.

  37. Tingnan sa Mateo 1:18–20; 1 Nephi 11:15, 18–21; Alma 7:10.

  38. Tingnan sa Lucas 1:68–69.

  39. Tingnan sa 2 Samuel 22:3; Mga Awit 18:2.

  40. Tingnan sa 1 Samuel 2:10; Mga Awit 75:10.

  41. Tingnan sa Alonzo L. Gaskill, The Lost Language of Symbolism: An Essential Guide for Recognizing and Interpreting Symbols of the Gospel (2012), 49–50.