Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3


“Mateo 3; Mark 1; Lucas 3” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3

Ang pangangaral at pagbibinyag ni Juan na Tagapagbautismo ay katuparan ng propesiya. Nang mabinyagan si Jesus, bumaba ang Espiritu Santo at nanahan sa Kanya. Ipinahayag ng Ama na si Jesus ang Kanyang Minamahal na Anak. Tinawag ni Jesus sina Simon (Pedro), Andres, Santiago, at Juan na sumunod sa Kanya. Siya ay nagsimulang magturo at gumawa ng mga himala sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan at awtoridad.

Mga Resources

Background at Konteksto

Mateo 3:2

Ano “ang kaharian ng langit”?

Ang Simbahan ng Tagapagligtas ay tinatawag kung minsan bilang kaharian ng langit. Ang sabihing “malapit na ang kaharian ng langit” ay nangangahulugang malapit na itong dumating. Nang tawagin ni Jesucristo ang Kanyang Labindalawang Apostol, ibinigay Niya sa kanila ang “mga susi ng kaharian ng langit” upang pamunuan nila ang Kanyang Simbahan sa lupa. Sa Mateo 13 makikita natin ang karagdagang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kaharian ng langit.

Mateo 3:7

Ano ang kahulugan ng “lahi ng mga ulupong”?

(Ikumpara sa Lucas 3:7.)

Ang ulupong sa Palestina ang pinakakaraniwang makamandag na ahas na makikita sa Israel. Ang mga ulupong ay aktibo sa gabi. Ang mga ito ay karaniwang umaatake nang nakatago at nag-aabang ng mabibiktima. Sa banta ng panganib, pinupulupot ng mga ulupong ang kanilang katawan, sumasagitsit ang mga ito, at inaatake ang kalaban. Ang pariralang Griyego na isinalin bilang “lahi ng mga ulupong” ay maaari ding isalin na “mga anak ng mga ulupong” (o grupo ng mga itlog na iniluwal ng isang nanay na ulupong) at nagpapahiwatig ng pagpapaimbabaw at kasamaan ng mga Saduceo at Fariseo.

isang itim at puting ulupong sa Palestina

Mateo 3:12

Ano ang kahulugan ng pariralang “nasa kamay [Niya] ang kanyang kalaykay”?

Ang “kalaykay” ay ginagamit sa pagtatahip ng trigo sa hangin. Dahil dito ay naihihiwalay ang trigo sa mga hindi kanais-nais na balat ng binhi. Ang hindi kanais nais na bagay na ito ay tinatawag na ipa. Ang butil ng trigo ay babagsak na muli sa lupa habang tinatangay naman ng hangin ang mas magaan na ipa. Pagkatapos ay titipunin ang trigo sa bangan, o sa kamalig. Ang anumang natitirang ipa ay susunugin sa apoy. Itinuro ni Juan na Tagapagbautismo na ang Tagapagligtas na kasunod niyang darating ay paghihiwalayin ang mga naniniwala at mga di-naniniwala katulad sa paraan ng paghihiwalay ng trigo mula sa ipa.

paghihiwalay ng trigo mula sa ipa

Mateo 3:16

Ang Espiritu Santo ba ay nag-anyong kalapati?

(Ikumpara sa Lucas 3:22.)

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na ang Espiritu Santo ay hindi nagpakita bilang kalapati pagkatapos ng binyag ni Jesucristo. Sa halip, ang bumababang kalapati ay tanda na naroroon ang Espiritu Santo sa panahong iyon: “Ang palatandaan ng kalapati ay pinasimulan bago pa nilikha ang mundo, isang saksi para sa Espiritu Santo, at hindi kayang mag-anyong kalapati ng diyablo. Ang Espiritu Santo ay isang personahe, at … hindi nagiging kalapati; ngunit ang palatandaan ng kalapati ay ibinigay kay Juan upang ipahiwatig ang katotohanan ng isinagawa, sapagkat ang kalapati ay isang simbolo o tanda ng katotohanan at kawalang-malay.”

Marcos 1:21–22

Paano naiiba ang mga turo ni Jesus sa mga turo ng mga eskriba?

Ang mga eskriba ay itinuturing na eksperto sa mga legal na aspeto ng batas ni Moises. Kapag nangangaral at nagpapakahulugan ng batas, karaniwang nagdadagdag sila ng importansya at awtoridad sa kanilang pagtuturo sa pamamagitan ng pagtukoy o pagbanggit sa mga dating awtoridad at eksperto. Sa kabilang banda, nagsasalita si Jesus nang may awtoridad ng isang Tagapagbigay ng Kautusan, sapagkat Siya ang nagbigay ng batas ni Moises.

Marcos 1:23–27, 34

Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “masamang espiritu”?

Ang masasamang espiritu na naghahangad na mag-angkin ng pisikal na katawan ay mga tagasunod ni Lucifer. Nanirahan sila sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo bago sila itinaboy mula sa langit dahil sa paghihimagsik. Alam natin mula sa mga tala sa banal na kasulatan na ang masasamang espiritu ay maaaring pansamantalang manahan sa katawan ng kalalakihan at kababaihan. Gayunman, itinuro ni Propetang Joseph Smith na may kapangyarihan tayong labanan ang diyablo at ang mga espiritung sumusunod sa kanya.

Marcos 1:40–45

Ano ang ketong?

Sa Biblia, ang ketong ay tumutukoy sa iba’t ibang kondisyon ng balat. Sa panahon natin ngayon, ang ketong ay madalas na tinatawag na Hansen’s disease. Ang ketong ay maaaring makapinsala sa balat, nerves, mata, ilong, lalamunan, at buto. Kapag hindi nagamot, unti-unti itong humahantong sa isang masakit na kamatayan.

Ang mga ketongin noong panahon ng Biblia ay inihihiwalay sa lipunan. Inutusan silang sumigaw ng “Marumi!” para balaan ang sinumang lalapit sa kanila. Pinaniniwalaan na mahahawahan ng kanilang karumihan ang sinumang makakasalamuha nila. Dahil ang mga biktima ng ketong ay nakahiwalay at nag-iisa, itinuring ito ng mga Judio na wala nang pag-asa.

Sa pagpapagaling sa lalaking may ketong, hindi lamang pinagaling ng Tagapagligtas ang kanyang pisikal na katawan kundi ipinanumbalik din siya sa lipunan. Matapos pagalingin ng Tagapagligtas ang lalaki, inutusan Niya ang lalaki na sundin ang utos ni Moises para sa mga gumaling na ketongin. Ang ketongin ay dapat magpakita sa isang saserdote, mag-alay, at dumaan sa isang ritwal ng paglilinis.

Lucas 3:2

Bakit ang salita ng Diyos ay dumating kay Juan na Tagapagbautismo at hindi sa mataas na saserdote?

Sa ilalim ng batas ni Moises, ang mataas na saserdote ang namumuno sa Pagkasaserdoteng Aaron o Aaronic Priesthood. Siya ang namumuno sa lahat ng iba pang mga saserdote. Bagama’t sina Anas at Caifas ay matataas na saserdote sa panahon ng ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo, ang salita ng Diyos ay hindi dumating sa kanila. Sa halip, ito ay dumating kay Juan. Ipinapakita nito na ang mga pinuno ng Israel noon ay hindi karapat-dapat.

Ang katungkulan ng mataas na saserdote ay naging tiwali. Ilang taon nang nagtalaga si Herodes at iba pang mga opisyal ng Roma ng matataas na saserdote batay sa kung sino ang mapapakinabangan o masusuhulan. Ang mga Judio ay walang awtorisadong lider ng priesthood na pinahintulutan ng Diyos at nangangailangan ng espirituwal na muling pagsilang.

Si Juan na Tagapagbautismo ay pinili ng Diyos at wastong inordenan upang maging kinatawan ng Diyos. Siya ay mangangaral ng pagsisisi at isasagawa ang ordenansa ng binyag.

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Si Juan, noong panahong iyon, ang tanging legal na tagapangasiwa sa mga gawain ng kaharian na nasa lupa noon, at mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan. Kinailangang sundin ng mga Judio ang kanyang mga tagubilin o mapapahamak sila, ayon sa sarili nilang batas. … Kinuha ng anak ni Zacarias ang mga susi, ang kaharian, ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian mula sa mga Judio, sa pamamagitan ng banal na pagpapahid ng langis at utos ng langit.”

Lucas 3:23–38

Ano ang matututuhan natin mula sa talaangkanang ginawa ni Lucas para kay Jesucristo?

Tingnan sa “Mateo 1:1–17. Bakit magkaiba ang talaangkanan ni Jesus na ibinigay nina Mateo at Lucas?

Alamin ang Iba Pa

Juan na Tagapagbautismo, Paghahanda sa Daan at Pagbibinyag kay Jesus

  • Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 91–100

Ang Pangangailangang Mabinyagan

  • J. Devn Cornish, “Ang Pasukang Tinatawag na Binyag,” Liahona, Peb. 2015, 44–47

Paggawa ng mga Tipan

Media

Mga Video

The Baptism of Jesus” (3:10)

3:10

Leprosy” (0:55)

0:55

Mga Larawan

si Juan na Tagapagbautismo habang nangangaral

John Preaching in the Wilderness [Nangangaral si Juan sa Ilang], ni Del Parson

binibinyagan ni Juan si Jesucristo

Baptism II [Binyag II], ni J. Kirk Richards

sina Juan at Jesus na nagyakap sa binyag ni Jesus
pinagaling ni Jesus ang isang lalaking ketongin

Mga Tala

  1. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaharian ng Diyos o Kaharian ng Langit,” Gospel Library.

  2. Mateo 3:2.

  3. Mateo 16:19.

  4. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaharian ng Diyos o Kaharian ng Langit,” “Talinghaga,” Gospel Library.

  5. Tingnan sa Alan Ray Buescher, “Viper,” sa Eerdmans Dictionary of the Bible, pat. David Noel Freedman (2000), 1358.

  6. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 94.

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:36; Apocalipsis 12:9.

  8. Tingnan sa James E. Faust, “Serving the Lord and Resisting the Devil,” Ensign, Set. 1995, 6–7.

  9. Tingnan sa Levitico 13:45–46.

  10. Tingnan sa Marcos 1:44; Levitico 14:1–32.

  11. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mataas na Saserdote,” Gospel Library.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:28.

  13. Mga Turo: Joseph Smith, 95.