“Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6
Pinagaling ni Jesus ang isang lalaki sa tipunan ng tubig ng Bet-zatha. Itinuro Niya ang Kanyang kaugnayan sa Ama. Nang marinig ni Jesus na pinugutan ng ulo si Juan na Tagapagbautismo, umalis siya upang mapag-isa. Sinundan Siya ng malaking pulutong ng mga tao, at pinagaling Niya ang kanilang mga maysakit. Mahimalang pinakain ng Tagapagligtas ang limang libong tao sa pamamagitan lamang ng limang tinapay at dalawang isda. Itinuro ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay. Tinanggihan ng ilan sa Kanyang mga disipulo ang Kanyang mga turo at lumayo. Ang Tagapagligtas ay naglakad sa Dagat ng Galilea at inanyayahan si Pedro na lumapit sa Kanya.
Mga Resources
Background at Konteksto
Mateo 14:1–5
Bakit ikinulong ni Herodes si Juan na Tagapagbautismo?
(Ikumpara sa Marcos 6:14–20.)
Habang bumibisita sa Roma, naakit si Herodes Antipas kay Herodias, ang asawa ng kanyang kapatid sa ama na si Felipe. Iminungkahi ni Herodes na iwan ni Herodias si Felipe. Pagkatapos ay diniborsyo ni Herodes ang kanyang asawa upang pakasalan si Herodias. Gayunman, ang pagpapakasal ni Herodes sa asawa ng kanyang kapatid ay paglabag sa batas ni Moises. Nang kondenahin ni Juan na Tagapagbautismo na labag sa batas ang kasal, ipinakulong siya ni Herodes.
Gustong ipapatay ni Herodes si Juan, ngunit natakot siyang gawin ito dahil alam ng mga tao na propeta si Juan. Idinagdag ng Pagsasalin ni Joseph Smith na kilala ni Herodes si Juan na “isang banal na tao, at isang taong natatakot sa Diyos at siya ay sumasamba sa Diyos.”
Mateo 14:15–21
Ilang tao ang mahimalang pinakain ni Jesus?
(Ikumpara sa Marcos 6:34–44.)
Malinaw ring idinagdag sa Mateo 14:21 ang pahayag na “bukod pa sa mga babae at sa mga bata.”
Mateo 14:25
Nang lumapit ang Tagapagligtas sa mga disipulo nang madaling-araw na, magdamag na silang nagsasagwan pasalungat sa hangin.
Marcos 6:1–6
Bakit hindi kinilala si Jesus sa Nazaret?
Tingnan sa “Lucas 4:22–30. Bakit hindi kinilala si Jesus sa Nazaret?”
Marcos 6:5, 13; 7:32
Ano ang kahalagahan ng pagpapatong ng kamay at pagpapahid ng langis?
Ang Ebanghelyo ni Marcos ay naglalaman ng mas maraming reperensya kaysa sa iba pang mga Ebanghelyo tungkol kay Jesus at sa Kanyang mga Apostol na nagpagaling sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ang Marcos ang tanging Ebanghelyo na nagbanggit na pinahiran ng langis ng mga Apostol ng Tagapagligtas ang maysakit.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Madalas banggitin sa Lumang Tipan ang pagpapahid ng langis bilang bahagi ng basbas na ipinagkaloob ng awtoridad ng priesthood. Ang mga pagpapahid ay ipinahayag na para magpabanal at marahil ay maituturing ding sagisag ng mga basbas na ibinuhos mula sa langit bunga ng sagradong gawaing ito.
“Sa Bagong Tipan mababasa natin na ang mga Apostol ni Jesus ay “nangagpahid ng langis sa maraming maysakit, at pinagaling sila’ (Marcos 6:13). Itinuro sa aklat ni Santiago ang papel ng pagpapahid ng langis kaugnay ng iba pang mga elemento sa basbas ng pagpapagaling sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood:
“‘May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang [mga elder ng simbahan], at kanilang ipanalangin siya, at siya’y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon:
“‘At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at siya’y babangon ng Panginoon’ (Santiago 5:14–15).
“… Kapag ang mga Elder ay nagpahid ng langis sa maysakit at ibinuklod ang pagpapahid, binubuksan nila ang mga dungawan ng langit para maibuhos ng Panginoon ang mga pagpapalang niloloob Niya para sa taong maysakit.”
Marcos 6:7–12
Sino ang tinawag ni Jesucristo na maging Kanyang mga Apostol?
Tingnan sa “Mateo 10:1–5. Sino ang tinawag ni Jesucristo na maging Kanyang mga Apostol?”
Marcos 6:11
Ano ang ibig sabihin ng “ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila”?
Tingnan sa “Mateo 10:14. Ano ang ibig sabihin ng ‘ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa’?”
Marcos 6:13
Ano ang simbolismo ng langis?
Noong unang panahon, ang langis ng olibo ay ginagamit sa mga lampara para magbigay ng liwanag. Ginamit din ito para sa pampalasa at pagluluto ng pagkain; paggawa ng sabon, pabango, at insenso; at pampahid sa mga sugat. Ginamit ng mga sinaunang Israelita ang langis ng olibo para basbasan ang maysakit at pahiran ang mga hari at saserdote. Ang pagpapahid ng langis ay itinuring na simbolo ng kadalisayan, kabanalan, at pagiging malaya sa kasalanan. Halimbawa, binuhusan ni Moises ng kaunting langis ang ulo ni Aaron upang italaga siya bilang saserdote at pabanalin siya.
Ang langis ng olibo, na mula sa mga pinisang olibo, ay maaari ding ituring bilang simbolo ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa halamanan na nagtataglay ng pangalang Hebreo na Getsemani—na ibig sabihin ay ‘pisaan’—ang mga olibo ay binabayo at pinipisa upang magbigay ng langis at pagkain. Doon sa Getsemani, ang Panginoon ay ‘tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat … ay magsisi at lumapit sa kanya’ [Doktrina at mga Tipan 18:11]. Inako Niya ang bigat ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan, at tiniis ang napakabigat na pasanin kung kaya’t nilabasan Siya ng dugo sa bawat butas ng Kanyang balat.”
Juan 5:2–9
Ano ang pinaniniwalaan tungkol sa tipunan ng tubig ng Bet-zatha?
Naglakbay si Jesus patungong Jerusalem para ipagdiwang ang isang kapistahan ng mga Judio, malamang ay ang Paskuwa. Habang nasa lungsod, nagpunta Siya sa isang tipunan ng tubig malapit sa templo. Ayon sa paniniwala, isang anghel ang lumulusong kung minsan at kinakalawkaw ang tubig. Naniniwala ang mga tao na kapag gumalaw o bumula ang tubig, ang unang taong pumasok sa tipunan ng tubig ay himalang gagaling. Posibleng dahil sa bukal sa ilalim ng lupa kaya paminsan-minsang bumubula ang tubig.
Inanyayahan ng Tagapagligtas ang maysakit na lalaki na magtiwala sa Kanya sa halip na sa maling paniniwala. Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, natagpuan ng lalaki ang awa at paggaling. Angkop sa pangalang Bet-zatha na ang ibig sabihin ay “bahay ng awa” o “bahay ng biyaya”
Juan 6
Ano ang pagkakatulad nina Jesucristo at Moises?
Nang dalawin ng Tagapagligtas ang mga Nephita, sinabi Niya sa kanila na Siya ang propetang katulad ni Moises na tinutukoy sa banal na kasulatan. Ang mahahalagang pagkakatulad ng Tagapagligtas at ni Moises ay matatagpuan sa buong Mga Ebanghelyo. Maraming gayong pagkakatulad ang matatagpuan sa Juan 6. Ang mga pangyayaring nakatala sa kabanatang ito ay naganap noong panahon ng Paskuwa, isang pangyayaring malinaw na nauugnay kay Moises at sa Exodo. Ang ilang pagkakatulad ay nakasulat sa ibaba:
-
Himalang pinakain ni Jesus ang maraming tao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda. Sa pamamagitan ni Moises, himalang pinakain ng Panginoon ang mga tao ng manna na galing sa langit.
-
Iniwan ni Jesus ang maraming tao at himalang naglakad nang gabing iyon sa Dagat ng Galilea patungo sa Kanyang mga disipulo. Ang mga anak ni Israel, sa pangunguna ni Moises, ay himalang nakatawid sa Dagat na Pula sa gabi.
-
Ipinahayag ni Jesus ang Kanyang sarili bilang tinapay na bumababa galing sa langit, isa pang pagkakatulad sa manna na inilaan mula sa langit para kay Moises at sa mga tao.
Juan 6:15
Bakit gusto ng mga tao na si Jesus ang maging hari nila?
Matapos pakainin ang limang libo, marahil ang pangyayaring ito ang nagpatanyag sa Tagapagligtas sa publiko. Itinala ni Apostol Juan na sinubukan ng ilan na “[pilitin] siyang gawing hari.” Ano ang nagpatanyag sa Kanya sa paningin ng mga tao? Mahimalang pinakain ng Diyos ang sinaunang Israel ng manna na galing sa langit habang nasa ilang. Naniniwala ang mga Judio noong panahon ni Jesus na ang darating na Mesiyas ay uulitin ang himala at papakainin sila ng tinapay na galing sa langit.
Juan 6:32–35, 48–51
Ano ang simbolikong kahalagahan ng tinapay?
Ang tinapay ang pangunahing pagkain na kinakain ng mga tao sa Israel araw-araw para mabuhay. Sa pagpapahayag ng Kanyang Sarili na “tinapay ng buhay,” ginamit ni Jesus ang simbolong ito upang ituro na Siya ang ating mahalagang espirituwal na pagkain at ang tanging pinagmumulan ng buhay na walang hanggan.
Maaaring makabuluhan na pinakain ni Jesus ang limang libo at nagbigay ng sermon tungkol sa Tinapay ng Buhay habang naghahanda ang mga Judio para sa Paskuwa. Sa pagdiriwang na ito, kumain ang mga Judio ng tinapay na walang pampaalsa o lebadura bilang pag-alaala sa paglaya ng Israel mula sa Ehipto at sa manna na ibinigay ng Diyos sa kanila sa ilang. Nang banggitin ng karamihan ng tao na tinuturuan ni Jesus ang manna na inilaan para sa Israel noong panahon ni Moises, ipinaalala sa kanila ng Tagapagligtas na ang Diyos din na naglaan ng “tinapay [na iyon] na galing sa langit” ay inihahandog ngayon sa kanila ang Kanyang Anak, ang “tunay na tinapay na galing sa langit.”
Juan 6:51–58
Ano ang ibig sabihin ng kumain ng laman at uminom ng dugo ng Tagapagligtas?
Inialay ng Tagapagligtas ang Kanyang laman at dugo upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan at daigin ang kamatayan. Ang kumain ng Kanyang laman at uminom ng Kanyang dugo ay maaaring kumatawan sa pagtanggap ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari din itong magpahiwatig ng pangangailangang isabuhay ang Kanyang mga turo at taglayin ang Kanyang mga katangian. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson na ang pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo ay isang paraan ng pagpapahayag “kung paano magiging lubos na bahagi ng ating buhay ang Tagapagligtas.” Ipinahiwatig din ng mga salita ng Tagapagligtas ang sakramento, na pinasimulan Niya sa Huling Hapunan.
Alamin ang Iba Pa
Si Jesucristo sa tipunan ng tubig ng Bet-zatha
-
Timothy J. Dyches, “Ibig Mo Bagang Gumaling?” Liahona, Nob. 2013, 37–39
Si Jesus na Naglalakad sa Ibabaw ng Tubig
-
Alvin F. Meredith III, “Tumingin sa Paroroonan,” Liahona, Nob. 2021, 114–16
Si Jesus ang Tinapay ng Buhay
-
D. Todd Christofferson, “Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit,” Liahona, Nob. 2017, 36–39
-
M. Russell Ballard, “Kanino Kami Magsisiparoon?” Liahona, Nob. 2016, 90–92
Media
Mga Video
“The Feeding of the 5,000” (2:53)
“Wherefore Didst Thou Doubt?” (2:10)
“I Am the Bread of Life” (6:52)
“Daily Bread: Change” (3:00)
Mga Larawan
Wherefore Didst Thou Doubt? [Bakit Ka Nag-alinlangan?], ni Robert T. Barrett
Learn about Jesus [Matuto tungkol kay Jesus], ni Dan Burr