Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 6–7


“Mateo 6–7,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mateo 6–7

Nagpatuloy ang Tagapagligtas sa Sermon sa Bundok, na itinuturo kung paano manalangin, mag-ayuno, at maglingkod sa kapwa. Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na ibigin ang Diyos nang higit pa sa mga pinahahalagahan ng sanlibutan. Nagtapos siya sa pagtuturo na ang daan tungo sa buhay na walang hanggan ay makipot at ang mga sumusunod sa kalooban ng Ama sa Langit ay papasok sa kaharian ng langit.

Mga Resources

Background at Konteksto

Mateo 6:1–4

Paano nakaapekto ang kultura sa panahon ng Bagong Tipan sa paraan ng pagbibigay ng limos ng mga tao?

Ang mga tao sa panahon ng Bagong Tipan ay namuhay sa kultura na pinahahalagahan ang karangalan. Ang karangalan ay ibinatay higit sa lahat sa mga inaasahan ng lipunan, tulad ng pamilya, angkan, o nayon. Kung nakamit ng isang tao ang mga inaasahan ng grupo, siya ay nadaragdagan ng karangalan. Ang isang paraan ng pagkamit ng karangalan ay ang makatanggap ng pagkilala ng publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng limos, o paggawa ng mabuti.

“Sa kontekstong ito,” sabi ng isang iskolar, “ang pahayag ni Cristo sa Sermon sa Bundok na, ‘Mag-ingat kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. … Huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay’ (Mateo 6:1–4), ay maaaring nakakagulat. Tinutulan ni Cristo ang pinakadahilan ng pagbibigay ng limos at kinuwestyon ang nakagawiang pagpapahayag ng pangunahing pinahahalagahan.”

Mateo 6:5–7

Anong mga uri ng panalangin ang kinondena ng Panginoon?

Sa panahon ng Bagong Tipan, ang panalangin ay mahalagang bahagi ng buhay ng mga Judio. Ang mga Judio ay nananalangin sa umaga at gabi, na nakaharap sa Jerusalem. Nag-aalay sila ng mga panalangin bago at pagkatapos kumain. Nagdarasal sila na nakayuko o nakatayo. Sa scripture passage na ito, hindi kinokondena ng Tagapagligtas ang mga hayagang pagdarasal kundi ang mga panalangin na ginawa para mapahanga ang iba.

Nagbabala rin ang Panginoon laban sa paggamit ng mga walang kabuluhang paulit-ulit sa panalangin. Ang mga katagang “walang kabuluhang paulit-ulit,” ay isinalin mula sa salitang Griyego na battalogēsēte, na maaari ding isalin bilang “pagdaldal” o “pagsasalita nang hindi pinag-iisipan.” Ito ay kaugalian ng mga pagano na ulit-ulitin ang “mahabang listahan ng mga pangalan ng kanilang mga diyos” upang humingi ng tulong sa mga ito. Kaya, kinokondena ng Panginoon ang mahabang panalangin na gumagamit ng mga walang katuturang mga salita.

Mateo 6:13

Ano ang ibig sabihin ng Panginoon sa “huwag mo kaming akayin sa tukso”?

Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith na ang ibig sabihin ng mga pariralang ito ay hindi tayo inaakay ng Panginoon sa tukso: “At huwag mo kaming hayaang maakay ng tukso, sa halip iligtas kami sa masama.”

Mateo 6:22

Ano ang ibig sabihin ng “kung tapat ang iyong mata”?

Ang salitang tapat, ayon sa pagkakagamit sa talatang ito, ay nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugang simple, tunay, matuwid, o prangka. Ang pag-alam sa kahulugang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pagbibigay ng limos, pagdarasal, at pag-aayuno. Ang mga kilos na ito ay dapat gawin nang simple at taos-pusong pagtuon sa ating Ama sa Langit o sa tatanggap.

Mateo 6:24

Ano ang kayamanan?

Ang kayamanan ay karaniwang tumutukoy sa mga kayamanan ng mundo o pera.

Mateo 6:25, 34

Ano ang ibig sabihin ng “huwag kayong mabalisa ”?

Sa King James Bible, ang ibig sabihin ng pariralang “huwag kayong mabalisa” ay huwag masyadong mag-alala. Bagama’t ipinahihiwatig sa bersiyon sa 3 Nephi 13:25–34 na ang mga turong ito ay para sa mga Apostol ng Panginoon, naaangkop din ang mga turong ito sa lahat ng tinawag na maglingkod.

Mateo 7:1

Ano ang ibig sabihin ng “huwag humatol”?

Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang mga salita ng Tagapagligtas sa talatang ito: “Huwag hahatol nang di makatarungan, upang huwag kayong hatulan datapwat humatol nang makatarungan.

Ganito ang ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa kahulugan ng makatarungang paghatol:

Una, ang matwid na paghatol, ayon sa kahulugan nito, ay dapat pumapagitna. … Hindi nito ipapahayag na nawalan na ng pagkakataon ang isang tao para sa kadakilaan o maging ang lahat ng pagkakataon para sa kapaki-pakinabang na papel sa gawain ng Panginoon. …

Ikalawa, ang matwid na paghatol ay ginagabayan ng Espiritu ng Panginoon, hindi ng galit, paghihiganti, pagkainggit, o pansariling interes. …

Ikatlo, upang maging matwid, ang isang pumapagitnang paghatol ay dapat na sakop ng ating pangangasiwa. Hindi tayo dapat … magpatupad ng mga paghatol na nasa labas ng ating mga personal na responsibilidad. …

Ikaapat, hangga’t maaari, iwasang humatol hanggang sa magkaroon kayo ng sapat na kaalaman sa katotohanan. …

“Ang ikalimang alituntunin ng matwid na pumapagitnang paghatol ay hangga’t maaari, iiwas tayo sa paghatol ng mga tao, at hahatulan lamang ang mga sitwasyon. …

Ikaanim, ang pagpapatawad ay kaakibat na alituntunin ng utos [na ito]. … Sa makabagong paghahayag, sinabi ng Panginoon: ‘Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao’ [Doktrina at mga Tipan 64:10]. …

Ikapito, ang pangwakas na … alituntunin ng isang matuwid na paghatol ay ang pagsasabuhay nito ng matwid na mga pamantayan.”

Mateo 7:3–5

Ano ang puwing at troso?

Ang salitang Griyego na isinalin bilang puwing ay tumutukoy sa isang maliit na “batik, piraso, o salubsob.” Ang salitang Griyego na isinalin bilang troso ay tumutukoy sa isang malaking “kahoy na ginagamit sa pagtatayo ng mga bahay.” Sa mga talatang ito, itinuro ng Tagapagligtas na sa halip na magtuon tayo mga pagkakamali ng ibang tao, ang pagtuunan natin ay ang sarili nating mga mali.

Mateo 7:23

Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas sa “Hindi ko kayo kilala kailanman”?

Itinama ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang “Hindi ko kayo kilala kailanman” at ginawang “Hindi ninyo ako kailanman nakilala.”

Mateo 7:28–29

Paano naiiba ang paraan ng pagtuturo ng Tagapagligtas sa paraan ng pagtuturo ng mga eskriba?

“Ang mga tagapakinig ng Galilea ay may … mga dahilan kung bakit sila namamangha na maaaring hindi natin nauunawaan. Una sa lahat, si Jesus ng Nazaret, ang pinakamagaling na guro at teologo, ay walang mga kredensyal ng isang guro ayon sa mga kaugalian ng kanyang panahon. …

“Pangalawa, hindi lamang nagturo si Jesus nang walang awtoridad ng mga guro ng panahong iyon, hindi rin siya nagturo nang tulad ng mga guro ng panahong iyon. Tanggap sa mundo ng Bagong Tipan ang kasabihang ‘Kapag mas sinauna ang isang bagay, mas kapani-paniwala.’ Kapag mas sinauna ang tao o bagay, mas may kredibilidad ito. Kaya, karaniwang makikita sa mga teksto ng rabiniko, ‘Sinabi ni Rabbi X sa ngalan ni Rabbi Y, na mula sa sali’t saling pahayag mula kay Rabbi Z.’ Ito ay isang makapangyarihang paraan ng pagpapatunay ng isang pahayag. Gayunman, hindi binanggit ni Cristo ang mga naunang rabbi. Bukod dito, hindi siya nagsalita bilang mga propeta, na madalas magsabing, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon.’ Tuwiran niyang ipinahayag, ‘Sinasabi ko sa inyo,’ na maigting na ipinapabatid na ang kanyang salita ang pinaka-may awtoridad at nangingibabaw sa batas, sa karaniwang interpretasyon nito, at sa mga kaugalian noon.

“Sa huli, ang nagbigay sa mga tao ng awtoridad sa gusto nilang ikilos sa publiko ay ang kanilang antas ng karangalan. Ang mga taong mas mababa (tulad ng anak ng isang karpintero) ay hindi inaasahang mamuno sa publiko, gumawa ng mga himala, o mangaral nang may malaking karunungan. Subalit nangaral si Cristo nang may kapangyarihan, katapangan, at walang kapantay na karunungan. Kaya naman namangha ang mga tao. Si Jesucristo, ang anak ng isang karpintero, ay nagsalita na para bang siya ay anak ng isang hari.”

Alamin ang Iba Pa

Paano Manalangin sa Ama sa Langit

Paghatol nang Makatarungan

  • Tyler J. Griffin, “How Do We ‘Judge Righteous Judgment’?Ensign, Peb. 2019, 54–59

Media

Mga Video

Sermon on the Mount: The Lord’s Prayer” (2:19)

2:29

Sermon on the Mount: Treasures in Heaven” (4:30)

4:43

Mga Larawan

si Jesus na nagtuturo sa mga tao sa gilid ng burol
itinuro ni Jesus ang Sermon sa Bundok

On Earth as It Is in Heaven [Sa Lupa Gaya ng sa Langit], ni Justin Kunz

si Jesus habang nagtuturo

The Lord’s Prayer [Ang Panalangin ng Panginoon], ni James Tissot

isang taong nagbibigay ng limos para sa mahihirap

Mga Tala

  1. Amy B. Hardison, “The Sociocultural Context of the Sermon on the Mount,” sa The Sermon on the Mount in Latter-day Scripture, pat. Gaye Strathearn at iba pa (2010), 27.

  2. Tingnan sa Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 1677–78, tala para sa Mateo 6:5.

  3. Andrew C. Skinner, “A Reading of the Sermon on the Mount: A Restoration Perspective,” sa The Life and Teachings of Jesus Christ: From Bethlehem through the Sermon on the Mount, pat. Richard Neitzel Holzapfel at Thomas A. Wayment (2005), 348.

  4. Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 1651, tala para sa Mateo 6:7.

  5. Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:14; tingnan din sa Santiago 1:13.

  6. Tingnan sa Walter Bauer, A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, pat. Frederick William Danker, ika-3 ed. (2000), 104.

  7. Tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 1105.

  8. Tingnan sa Matthew 6:25, footnote b; tingnan din sa Matthew 6:27–28, 30–31. Ikumpara sa Lucas 10:41 at Filipos 4:6–7.

  9. Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:1–2; ang italics ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto.

  10. Dallin H. Oaks, “‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 9–12.

  11. Matthew 7:3, footnote b.

  12. Matthew 7:3, footnote c.

  13. Joseph Smith Translation, Matthew 7:33 (sa Matthew 7:23, footnote a); ang italics ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto. Gayundin, pinalitan ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang “Hindi ko kayo kilala” sa “Hindi ninyo ako nakikilala” sa talinghaga ng sampung birhen (Joseph Smith Translation, Matthew 25:11 [sa Mateo 25:12, footnote a]).

  14. Hardison, “The Sociocultural Context of the Sermon on the Mount,” 38–39.