“2 Corinto 1–7,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
2 Corinto 1–7
Sa Ikalawang Sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto, nakikita natin ang katibayan ng tumitinding di-pagkakaunaawaan ng ilang mga Banal sa Corinto at ni Pablo. Sinalungat ng isang maliit na grupo ng mga miyembro sa Corinto si Pablo at ninais na hindi na sila pakialaman pa ni Pablo. Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang ginagawa at nagpahayag ng pagmamahal sa mga taga-Corinto. Itinuro niya ang kapayapaang dulot ng pagmamahal at pagpapatawad sa iba. Nagpatotoo siya na maaari silang makipagkasundo sa kanilang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nagpahayag si Pablo ng kagalakan na tinanggap ng mga Banal sa Corinto ang kanyang payo sa naunang sulat. Itinuro niya ang kahalagahan ng “kalungkutang naaayon sa Diyos.”
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Para kanino isinulat ang 2 Corinto at bakit?
Hindi nagtagal matapos isulat ni Pablo ang 1 Corinto, nagkagulo sa Efeso dahil sa pagtutol sa mga turo niya. Dahil dito, nagpunta siya sa Macedonia. Maaaring isinulat niya ang 2 Corinto habang naroon siya. Ang liham na ito ay marahil isinulat sa pagitan ng AD 54 at AD 56.
Sa pangkalahatan, ang sulat na ito ay naglalayong:
-
Pasalamatan at palakasin ang mga Banal na malugod na tumanggap sa naunang sulat niya.
-
Magbabala laban sa mga huwad na guro na nagbabaluktot sa dalisay na doktrina ni Cristo.
-
Ipagtanggol ang pagkatao at awtoridad ni Pablo bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo.
-
Hikayatin ang mga Banal sa Corinto na bukas-palad na magbigay ng handog na salapi para sa maralitang mga Banal sa Jerusalem.
Halos sa buong sulat na ito binigyang-diin ni Pablo ang kanyang pagmamahal at malasakit sa mga Banal sa Corinto. Bagama’t maigting ang pagsalungat ni Pablo sa mga tumutuligsa sa kanya, nakikita rin natin siya bilang isang lider na nagmamalasakit para sa kaligayahan at kapakanan ng mga Banal.
Sa sulat na ito, binanggit ni Pablo ang isang napakasagradong sandali sa kanyang buhay. Sa 2 Corinto 12:2–4, inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili bilang “isang lalaki kay Cristo” na “dinala sa ikatlong langit.” Sa pangitaing ito, nakita at narinig niya ang mga bagay na hindi masasambit.
2 Corinto 1:15–20
Bakit itinuro ni Pablo ang tungkol sa mga pangako ng Diyos?
Tila tugon ang mga talatang ito sa isang paratang kay Pablo na nagpakita siya ng kawalang-galang sa pangangakong bibisitahin ang Corinto at pagkatapos ay binago ang kanyang mga plano sa paglalakbay. Sabi ng ilan ay hindi siya mapagkatiwalaan—isang araw sinabi niyang “oo” (“oo, darating ako”), ngunit nang sumunod na araw sinabi niyang “hindi” (“hindi, hindi ako makakarating”). Tila gustong ipahiwatig ng mga kritiko ni Pablo, “Kung hindi natin mapagkakatiwalaan si Pablo, paano natin pagkakatiwalaan ang itinuro niya sa atin tungkol sa Diyos?” Bilang tugon, sinabi ni Pablo na ang mensaheng itinuro niya at ng kanyang mga kasama ay totoo. Ipinahayag niya na ang Diyos at si Jesucristo ay mapagkakatiwalaan at hindi pabagu-bago.
2 Corinto 1:21–22; 5:5
Ano ang mga garantiyang dumarating sa pamamagitan ng Banal na Espiritu?
Ipinahayag ni Pablo na siya at ang kanyang mga kasamang misyonero ay “pinahiran” at “tinatakan” ng Diyos. Ang salitang Griyego na ginamit ni Pablo para ipakita ang pagkakatatak ng Diyos ay nagpapahiwatig na inilagay ng Diyos ang Kanyang tatak ng pagmamay-ari sa kanila.
Kaugnay ng pagpapahid at pagtatatak na ito, ginamit ni Pablo ang salitang Griyego na arrabōn, na maaaring isalin na “paunang bayad,” “pangako,” “deposito,” “ang paunang hulog,” o “garantiya.” Ang salita ay isang komersyal na termino na tumutukoy sa isang mamimili na nagbibigay ng deposito bilang bahagi ng isang kasunduan para sa buong pagbabayad na gagawin kalaunan. Ginamit ni Pablo ang katagang ito para sabihin na “ibinibigay sa atin ng Panginoon ang Kanyang Banal na Espiritu sa buhay na ito bilang paunang tikim ng kagalakan ng buhay na walang hanggan. Ang Espiritu rin ang katiyakan na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako na magbibigay ng buhay na walang hanggan sa matatapat.” Kapag naranasan nating makasama ang Espiritu ng Panginoon, malalaman natin na tinatanggap tayo ng Panginoon at tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako sa atin.
2 Corinto 2:14–17
Sa paanong paraan na ang mga Banal ay tulad ng isang matamis na lasa o mabangong samyo sa Diyos?
Para ilarawan ang mga Banal, ginamit ni Pablo ang paglalarawan ng mga sinunog na hain at insenso sa templo. Tulad ng usok ng mga handog sa templo na inilarawan bilang matamis na lasa o mabangong samyo sa Diyos, ang buhay ng mga matwid na Banal ay sumasagisag sa handog na nakalulugod sa Diyos.
Ang talata 16 ay naglalarawan sa mga epekto ng mga Banal at ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga tagapakinig. Para sa mga kaaway ni Cristo, ang mabangong samyo ng mga Banal at ang kanilang patotoo kay Cristo ay tulad ng lasa ng kamatayan. Gayunman, sa mga taong tumanggap sa mga Apostol at sa kanilang mga turo, ito ang lasa ng buhay.
2 Corinto 3:1–3
Anong sulat ng rekomendasyon o papuri ang kailangan ni Pablo?
Bilang tugon sa mga nagtangkang siraan siya, tinanong ni Pablo, nang patalumpati, kung talagang kailangan niya ng mga sulat ng papuri para patunayan na siya ay isang lehitimong Apostol. Ang tinutukoy ni Pablo ay ang sinaunang kaugalian ng pagdadala ng mga sulat ng papuri kapag bumibisita sa isang bagong komunidad. Ang mga sulat na ito ay karaniwang pagpapakilala sa mga tao, nagpapatunay sa kanilang pagkatao, at nagpapatotoo na sila ay hindi mga impostor.
Itinuro ni Pablo na ang nagbagong buhay ng mga miyembro ng Simbahan ang kanyang pinakamagagandang sulat ng papuri. Ang mga liham na ito ay hindi isusulat ng tinta kundi ng Espiritu ng Diyos sa kanilang puso. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na kapag ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay nakasulat sa mga tapyas na laman ng ating puso, “nagiging mahalagang bahagi ang mga ito ng ating pagkatao.”
2 Corinto 3:18
Ano ang ibig sabihin ng nabago sa larawan o wangis ng Panginoon?
Ang salitang Griyego na metamorphoō ay maaaring isalin na “pagbabago, mag-ibang anyo, pagbabagong-anyo” o “pagbabago ng hitsura.” Sa talatang ito, ginagamit ang metamorphoō upang ipahiwatig ang unti-unting pagbabago tungo sa isang maluwalhating nilalang na kawangis ng Diyos. Itinuro din ni Alma na kapag tayo ay espirituwal na isinilang sa Diyos, tinatanggap natin ang Kanyang larawan sa ating mukha.
2 Corinto 4:3–4
Sino ang diyos ng sanlibutang ito?
Ang salitang Griyego na isinaling sanlibutan ay “karaniwang tumutukoy sa isang era o kasaysayan ng panahon.” Sa pariralang “diyos ng sanlibutang ito,” ipinapakahulugan nito ang “panahon at lugar kung saan pinamamahalaan ng diyablo ang mga iniisip at ginagawa ng mga tao—sa gayon nga, ang kasalukuyang sanlibutan.” Ang diyos ng sanlibutang ito ay si Satanas, na naghahangad na iligaw ang mga anak ng Diyos. Bagama’t may kapangyarihan si Satanas sa “sanlibutan,” ang kanyang kapangyarihan sa lupa ay limitado. Tiniyak sa atin ni Jesucristo, “Ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan,” at “ang kalangitan at ang lupa ay nasa aking mga kamay.”
2 Corinto 5:10
Ano ang mensahe ni Pablo tungkol sa Huling Paghuhukom?
Itinuro ni Pablo na lahat tayo ay tatayo sa harap ni Cristo upang hatulan para sa mga bagay na nagawa natin sa buhay na ito. Mahihiwatigan sa masusing pagbasa sa tekstong Griyego na “bagama’t ang bawat indibiduwal ay hinahatulann batay sa kanyang pag-uugali, ang nakasanayang gawain ng tao, at hindi ang [kanyang] bawat ginagawa, ang batayan ng paghatol.” Patungkol sa Huling Paghuhukom, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Hahatulan tayo alinsunod sa ating mga gawa, sa mga hangarin ng ating puso, at sa naging uri ng ating pagkatao. Ang paghatol na ito ay magtutulot ng pagpapatuloy ng mga anak ng Diyos sa kaharian ng kaluwalhatian batay sa kanilang naging pagsunod at kung saan sila mapapanatag. Ang hukom sa lahat ng ito ay ang ating Tagapagligtas, si Jesucristo … . Ang Kanyang karunungan sa lahat ng bagay ay nagbibigay sa Kanya ng ganap na kaalaman sa lahat ng ating mga gawa at naisin, kapwa yaong mga hindi napagsisihan o hindi binago at yaong mga pinagsisihan o matwid. Samakatwid, matapos ang Kanyang paghuhukom ay tatanggapin nating lahat ‘na ang kanyang mga paghahatol ay makatarungan’ (Mosias 16:1).”
2 Corinto 5:14–17
Ano ang ibig sabihin ng maging “bagong nilalang” kay Cristo?
Itinuro ni Pablo na maaari tayong maging mga bagong nilalang o nilikha “kay Cristo.” Sa Griyego, ang “kay Cristo” ay nagpapahiwatig ng “malapit na kaugnayan kay Cristo,” maging isang “pakikipagtipan sa Panginoon.” Itinuro ni Elder David A. Bednar na tayo ay nilayong “espirituwal na magbago at mapanibago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. … Tinagubilinan tayong … maging ‘[mga] bagong nilalang’ kay Cristo (tingnan sa 2 Corinto 5:17), hubarin ang ‘likas na tao’ (Mosias 3:19), at danasin ang ‘malaking pagbabago sa atin, o sa ating mga puso, kaya nga [tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti’ (Mosias 5:2). Mangyaring pansinin na ang pagbabalik-loob na inilarawan sa mga talatang ito ay malaki, hindi maliit—isang espirituwal na pagsilang na muli at mahalagang pagbabago sa nadarama at hangarin natin, sa iniisip at ginagawa natin, at kung ano tayo. Sa katunayan, kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible ng ating pag-asa sa ‘kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas’ (2 Nephi 2:8). Sa pagpili nating sundin ang Guro, pinipili nating magbago—na espirituwal na isilang na muli.”
2 Corinto 5:18–21
Ano ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa Diyos?
Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griyego na katallassō (“pagkakasundo”) ay palitan ang poot ng pagkakaibigan. Ang ating mga kasalanan ay naglalayo sa atin sa Diyos at sinisira ang ating relasyon sa Kanya. Sa ganitong sitwasyon, “ang Diyos [ay] ang napinsalang partido na gayunpaman ay naghahanap ng pakikipagkasundo sa atin. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pagsugo sa Kanyang Anak.” Para makipagkasundo sa atin, naglaan si Jesucristo ng “matatawag na ‘dakilang kapalit.’ … Pumarito [si Jesucristo] upang maging kapalit natin. Sa Getsemani at sa krus, inako ng ating Panginoon ang ating mga kasalanan. Nagboluntaryo Siya upang ibigay sa atin—isama sa ating espirituwal na talaan, bilang bahagi ng ating walang-hanggang mga ari-arian—ang kanyang katwiran.” Higit sa lahat, ang salitang pagbabayad-sala ay “naglalarawan ng ‘pakikipag-isa’ sa mga yaong nawalay at nagsasaad ng pakikipagkasundo ng tao sa Diyos. Kasalanan ang sanhi ng pagkawalay, at kung gayon ang layunin ng pagbabayad-sala ay itama o daigin ang mga bunga ng kasalanan.”
2 Corinto 6:14–17
Ano ang mga babala ni Pablo tungkol sa pakikisama sa maruruming bagay?
Ginamit ni Pablo ang imahe ng mga hayop na magkaiba na pinagsama sa iisang pamatok upang mapigilan ang mga miyembro ng Simbahan na “makipamatok sa mga hindi mananampalataya.” Ipinagbawal ng batas ni Moises ang pagsamahin sa iisang pamatok ang baka at asno upang magkatuwang na mag-araro. Ang pagsamahin sa iisang pamatok ang baka at asno ay magiging sanhi para mahadlangan ng asno (ang mas mahinang hayop) ang pag-usad ng baka (ang mas malakas na hayop). Bukod pa rito, ang mas malakas na hayop ay maaaring makasakit o makabalisa sa mas mahinang hayop kung magkapamatok ang mga ito.
Ganito inilahad ng isa sa mga salin ng Biblia ang alalahaning ito ni Pablo: “Huwag makiangkop sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat ano ang mapagkakasunduan ng katwiran at kawalan ng batas? O ano ang pagkakaunawaan ng liwanag at kadiliman? Ano ang kasunduan ni Cristo kay Beliar? O ano ang pinagsasaluhan ng isang mananampalataya sa hindi mananampalataya? Ano ang kasunduan ng templo ng Diyos sa mga diyus-diyusan?”
Sa madaling sabi, hindi hinihikayat ni Pablo na magkaroon ng kaugnayan ang mga Banal sa mga sumasamba sa mga diyus-diyusan o makibahagi sa kanilang maruruming gawain. Nagtapos si Pablo sa pagpapatibay ng isang pangakong ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ni Isaias: kung ang mga mananampalataya ay hihiwalay sa mga maling gawain at maruruming bagay, tatanggapin sila ng Panginoon.
2 Corinto 7:8–11
Ano ang kalungkutang naaayon sa Diyos?
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen:
“[Ang ibig sabihin ng kalungkutang naaayon sa Diyos] ay makadama ng matinding kalungkutan at pagsisisi dahil sa pag-uugali na nagdagdag ng sakit at pagdurusa sa Tagapagligtas, habang inaalis natin sa ating kaluluwa ang anumang pagkakaila o pagdadahilan. …
“Marahil ang pinakamatinding pagkagising sa buhay na ito sa isang espirituwal na sensitibong anak ng Diyos ay ang natatanging personal na realisasyon na ang pagbabayad-sala ni Jesucristo para sa kasalanan ay talagang totoo at ang Kanyang pagdurusa ay hindi lamang para sa iba—kundi para din sa inyo at sa akin! … Habang espirituwal nating nauunawaan na nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan, nakadarama tayo ng kalungkutan para sa bahagi natin sa Kanyang pasakit. Nauunawaan natin na bahagi ito ng plano ng ating Ama, ngunit napupuspos tayo sa kaloob na ibinibigay Niya sa atin. Ang pagkamanghang ito, ang pagpapahalagang ito, ang pagsambang ito sa isang Tagapagligtas na gumawa nito para sa atin, ay nagpapaluhod sa atin habang ang ating espiritu ay napupuspos ng kalungkutang naaayon sa Diyos.”
Maaaring kabilang sa makasanlibutang kalungkutan ang pagsisisi sa mga negatibong ibinubunga ng ating mga ginagawa. Halimbawa, nalulungkot dahil sa “nahuli at pinarusahan dahil sa [ating] mga ginawa.” Napansin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na miyembro noon ng Unang Panguluhan, “Angkalumbayang ayon sa sanlibutan ay hinahatak tayo pababa, pinapawi ang pag-asa, at inuudyukan tayong magpatangay pa sa tukso.”
Alamin ang Iba Pa
Mga Bagong Nilalang kay Cristo
-
Rebecca L. Craven, “Panatilihin ang Pagbabago,” Liahona, Nob. 2020, 58–60
-
Mga Paksa at Mga Tanong, “Pagbabalik-loob,” Gospel Library
Kalungkutang Naaayon sa Diyos
-
Dieter F. Uchtdorf, “Godly Sorrow,” New Era, Set. 2019, 32–33
Pakikipagkasundo
-
Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 77–79
Media
Mga Video
“Reconciled to God” (1:59)
“Repentance” (1:44)
Larawan
Covered Wagons [Mga Bagon na Natatakpan], ni Gary L. Kapp. Dalawang baka na magkasama sa isang pamatok. “Huwag kayong makipamatok sa mga hindi mananampalataya” (2 Corinto 6:14–17).