Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 Corinto 14–16


“1 Corinto 14–16,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

1 Corinto 14–16

Itinuro ni Apostol Pablo na ang kaloob na magpropesiya ay mas dakila kaysa kaloob na magsalita ng mga wika. Ang kaloob na magpropesiya ay ibinibigay upang espirituwal na mapalakas ng mga miyembro ang iba. Isa si Pablo sa maraming saksi sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Dahil nadaig ni Jesucristo ang kamatayan, ang lahat ay mabubuhay na mag-uli. Pinagtibay ng pagsasagawa ng binyag para sa mga patay na magkakaroon ng Pagkabuhay na Mag-uli. Ang nabuhay na mag-uling mga katawan ay mga katawang walang kabulukan at magkakaiba sa kanilang mga antas ng kaluwalhatian. Hinikayat ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na maging bukas-palad sa pagbibigay ng donasyon para sa mahihirap sa Jerusalem. Hinikayat din niya ang mga espirituwal na nanghihinang mga Banal sa Corinto na “manindigan sa pananampalataya” at gawin ang lahat ng bagay nang may pag-ibig sa kapwa.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

1 Corinto 14:1–6

Ano ang kaloob na magpropesiya?

Ang pandiwa na pagpopropesiya ay nagmula sa salitang Griyego na ibig sabihin ay “magsalita ng isang inspiradong mensahe” o “ihayag ang kalooban ng Diyos.” Bagama’t maaaring isipin ng ilang tao na ang kaloob na magpropesiya ay laan lamang sa propeta ng Panginoon, inihahayag ng mga banal na kasulatan na ang kaloob na ito ay para sa lahat ng tapat na tagasunod ni Cristo, kapwa kalalakihan at kababaihan.

Itinuro ni Elder Robert D. Hales:

“Ang kaloob na magpropesiya … ay naiiba sa katungkulan ng priesthood ng propeta. Ang kaloob na magpropesiya ay patotoo tungkol kay Jesus.

“Itinuro ni Apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay dapat ‘mithiin ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo’y makapagpropesiya [ibig sabihin, magpatotoo sa Tagapagligtas]’ (1 Cor 14:1).

“Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na, ‘Lahat ng miyembro ng Simbahan ay dapat maghangad ng kaloob na magpropesiya, para sa kanilang sariling patnubay’ (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:201).”

Higit na pinahahalagahan ni Pablo ang kaloob na magpropesiya kaysa sa kaloob na magsalita ng mga wika dahil ang magpropesiya ay pagpapatatag sa Simbahan. Ipinahayag niya na ang kaloob na magpropesiya sa loob ng Simbahan ni Cristo ay magkakaroon ng malakas na epekto sa mga mananampalataya at mga hindi mananampalataya, na aakay sa kanila tungo sa pagbabalik-loob.

1 Corinto 14:2–22

Ano ang kaloob na magsalita ng mga wika?

Ang espirituwal na kaloob na magsalita ng mga wika ay makikita kapag binibigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo ang mga tao na “magsalita, umunawa, o magpaliwanag ng mga di kilalang wika.” Ang mga Apostol at iba pa ay nagsalita gamit ang “iba’t ibang wika” sa araw ng Pentecostes. Sa kaganapang ito, ang kaloob na magsalita ng mga wika ay ipinakita sa pamamagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo ng mga tagapaglingkod ng Diyos sa mga wika na naunawaan ng mga nakikinig ngunit hindi alam ng mga mismong nagsasalita. Ang isa pang pagkakataon na naipapakita ang kaloob na magsalita ng mga wika ay kapag binigyang-inspirasyon ng Espiritu ang isang tao na magsalita sa wikang hindi alam ng nagsasalita o ng mga tagapakinig. Ang pangalawang manipestasyong ito ng kaloob na magsalita ng mga wika ang tila pinakahinahangad ng ilang miyembro ng Simbahan sa Corinto. Nagbabala si Pablo na ang ganitong uri ng kaloob na magsalita ng mga wika ay nagbibigay sa mga di-nananampalataya ng katibayan ng kapangyarihan ng Diyos ngunit hindi nagtuturo o nagpapatibay sa mga Banal maliban kung matutugunan ang mga partikular na kondisyon.

1 Corinto 14:34–35

Bakit sinabi ni Pablo na dapat manatiling tahimik ang mga babae sa Simbahan?

Mahirap malaman ang layunin ng payo ni Pablo nang hindi natin alam ang aktuwal na tanong o mga sitwasyon na nagbunsod dito. Anu’t anuman, sa mga turo ni Pablo sa sulat ding ito, hindi niya pinagbawalan ang mga kababaihan na manalangin o magpropesiya sa mga miting ng simbahan. Sa palagay ng ilang iskolar, ang talata 34–35 ay hindi orihinal sa isinulat ni Pablo kundi mga karagdagan kalaunan.

Pinalitan sa Joseph Smith Translation ang salitang magsalita ng mamuno sa dalawang talatang iyon. Ipinahihiwatig ng ipinalit na salitang ito ang posibilidad na sinusubukang itama ni Pablo ang isang sitwasyon kung saan ang ilang kababaihan sa Corinto ay kumikilos nang hindi nararapat sa mga oras ng pagsamba o nagnanais na sila ang mamuno sa halip na ang mga priesthood leader.

Ang malinaw mula sa banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik at mga buhay na propeta ay ang kahalagahan ng pakikilahok ng kababaihan sa mga miting ng Simbahan upang manalangin, mangaral, manghikayat, at magpatotoo. Itinuro ni Pangulong Russell M.Nelson: “Bilang [matwid at endowed] na babaeng Banal sa mga Huling Araw, nagsasalita at nagtuturo kayo nang may kapangyarihan at awtoridad mula sa Diyos. Sa pagpapayo o pag-uusap man, kailangan namin ang inyong tinig na nagtuturo ng doktrina ni Cristo. Kailangan namin ang inyong opinyon sa family, ward, at stake council. Ang inyong pakikibahagi ay mahalaga at hindi kailanman palamuti lamang!”

1 Corinto 15:1–12

Bakit nahirapan ang ilang Banal sa Corinto sa doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli?

Nakatanggap ng ulat si Pablo na may ilang indibiduwal sa Corinto ang nagtuturo na walang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay. Bagama’t hindi ipinaliwanag sa sulat ni Pablo ang dahilan kung bakit, ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring naimpluwensyahan ng mga turo ng mga Epicureo at Saduceo, na mga naniniwalang walang susunod na buhay pagkatapos ng kamatayan. O marahil nagsimula nang tanggapin ng mga Banal ang mga ideya na nagpapahiwatig na ang pisikal na katawan ay walang gaanong halaga at iwawaksi pagdating sa kabilang-buhay.

1 Corinto 15:20, 23

Paano naging “unang bunga” ng Pagkabuhay na Mag-uli si Jesucristo?

Ayon sa Batas ni Moises, ilalaan ng magsasaka ang kanyang unang bungkos ng mga tangkay ng butil, ang mga unang bunga ng kanyang ani, bilang handog sa Panginoon. Pinagtibay ng handog na ito na ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Ang mga unang bunga ay itinuring na garantiya ng pag-aani na darating. Ginamit ni Pablo ang imahe ng “pinakauna ng mga unang bunga” nang ilarawan niya ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Tulad ng mga unang bunga na ani ng isang magsasaka na pinakauna sa maraming pananim na aanihin pa, si Jesucristo ang una sa lahat ng nilalang na nabuhay na mag-uli. Siya ang nagbukas ng daan upang bumangon ang lahat mula sa kamatayan.

1 Corinto 15:29

Bakit binanggit ni Pablo ang binyag para sa mga patay?

Ipinapahiwatig ng talatang ito na isinagawa noong panahon ni Pablo ang pagbibinyag para sa mga patay. Ginamit niya ang ordenansa ng binyag para sa mga patay upang pagtibayin ang realidad ng Pagkabuhay na Mag-uli. Bilang pagtugon sa “mapaghamong tanong” ni Pablo, sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter: “Bakit kayo nagbibinyag para sa mga patay kung walang pagkabuhay na mag-uli? Makikita sa kasaysayan na totoong nagsagawa ng pagbibinyag para sa mga taong namatay nang hindi nakamtan ang ordenansang ito noong sila ay nabubuhay pa. … Mawawalan ng kabuluhan ang gayong mga ordenansa kung walang pagkabuhay na mag-uli. Wala nang halaga ang anumang bagay kung walang pagkabuhay na mag-uli; lahat ay magtatapos sa kadiliman ng kamatayan.”

Ang kaalaman tungkol sa plano ng Diyos para sa pagtubos sa mga patay ay naipanumbalik na sa ating panahon. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland na “ang paggawa ng mga nabubuhay sa mga nakapagliligtas na ordenansa para sa kanilang mga yumaong kamag-anak … [ay nagpapakita] nang may higit na karingalan sa malasakit ng isang nagmamahal na Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak sa mundo kailanman sila nabuhay o saanman namatay.”

1 Corinto 15:35–44

Paano naiiba ang mga katawang mortal sa mga katawan ng mga nabuhay na mag-uli?

Itinuro ni Pablo na ang nabuhay na mag-uling katawan ng isang tao ay maiiba sa kanilang katawang mortal. Upang ilarawan ang puntong ito, binanggit niya ang pagtatanim ng binhi at kalaunan ay pag-aani ng isang buong halaman. Ang itinanim na binhi ay tulad ng mortal na katawan. Ang pag-usbong ng binhi na yumabong at naging isang halaman ay tulad ng isang nabuhay na mag-uling katawan. Tayo ngayon ay may katawang-lupa, ngunit sa Pagkabuhay na Mag-uli, magkakaroon tayo ng mga katawang niluwalhati. Ang ating “natural na katawan,” pahayag ni Pablo, ay magiging “espirituwal na katawan” sa Pagkabuhay na Mag-uli. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, ang ating katawan ay magiging espirituwal na katawan, ngunit ang mga ito ay magiging mga katawang nahahawakan, mga katawang nadalisay, magkagayunman ang mga ito ay magiging mga katawang laman at buto, … at sila ay magiging imortal at hindi kailanman mamamatay.”

1 Corinto 15:39–44

Ano ang mga pagkakaiba ng mga nabuhay na mag-uling katawan?

Nabanggit ni Pablo na may mga pagkakaiba ang nabuhay na mag-uling mga katawan, tulad din na may mga pagkakaiba ang katawan ng mga tao at ang iba pang uri ng mga hayop. Ipinaliwanag din niya na sa kanilang kaluwalhatian at karilagan, ang mga katawang ukol sa langit ay naiiba sa mga katawang ukol sa lupa tulad ng pagkakaiba ng araw, buwan, at mga bituin sa kaluwalhatian.

Noong Pebrero 1832, sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ay tumanggap ng pangitain kung saan nakita nila ang tatlong antas ng kaluwalhatian, simula sa mga tatanggap ng selestiyal na gantimpala:

“Sila ang mga yaong ang katawan ay selestiyal, na ang kaluwalhatian ay gaya ng araw, maging ang kaluwalhatian ng Diyos, ang pinakamataas sa lahat. …

“At muli, aming nakita ang terestriyal na daigdig, at masdan at narito, sila ang mga yaong panterestriyal, na yaong kaluwalhatian ay naiiba mula sa simbahan ng Panganay na nakatanggap ng kaganapan ng Ama, maging gaya ng pagkakaiba ng buwan mula sa araw sa kalangitan. …

“At muli, aming nakita ang kaluwalhatian ng telestiyal, na ang kaluwalhatian ay mas mababa, maging gaya ng kaluwalhatian ng mga bituin ay naiiba sa kaluwalhatian ng buwan sa kalangitan.”

Matapos niyang matanggap ang pangitaing ito, si Propetang Joseph Smith ay nabigyang-inspirasyon na baguhin ang 1 Corinto 15:40 sa ganitong paraan: “Gayundin ang mga katawang selestiyal, at mga katawang terestriyal, at mga katawang telestiyal; subalit ang kaluwalhatian ng selestiyal ay iba; at ng terestriyal, ay iba; at ng telestiyal, ay iba.”

1 Corinto 15:45, 47, 49–53

Sino ang unang Adan at ang huling Adan?

Ang literal na kahulugan ng Adan ay “tao.” Ito ang pangalang ibinigay ng Diyos sa “unang tao.” Si Adan ay kilala rin bilang si Miguel. Dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, tumanggap tayo ng mga katawang mortal. Si Jesucristo ang “huling Adan” o “pangalawang tao” dahil Siya ang unang nabuhay (na mag-uli) at tumanggap ng niluwalhating katawan. Ang mga ginawa ng unang Adan (sa pamamagitan ng Pagkahulog) at ni Jesucristo (sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli) ay parehong kailangan para sa ating kaligtasan.

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Bilang isa sa inorden Niyang mga saksi, ipinapahayag ko … na si Jesus ng Nazaret ang Tagapagligtas na iyon ng sanlibutan noon at ngayon, ang ‘huling Adan,’ ang May-akda at Tagatapos ng ating pananampalataya, ang Alpha at Omega ng buhay na walang hanggan. ‘Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin’ [1 Corinto 15:22], pahayag ni Pablo.”

Alamin ang Iba Pa

Ang Pagkabuhay na Mag-uli

Kababaihan sa Simbahan

Media

Mga Video

“Resurrection of the Dead” (1:44)

1:45

“Kayo ang Kababaihang Nakinita Niya” (3:15)

3:15

Mga Larawan

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo

batong bangko na may walang lamang tela na nakatabon sa ibabaw

He Is Not Here [Wala Siya Rito], ni Walter Rane

Si Jesucristo na nakikipag-usap kay Maria Magdalena sa labas ng libingang walang laman

He is Risen [Siya’y Nagbangon], ni Greg Olsen

Si Jesucristo na nakikipag-usap kay Maria Magdalena sa labas ng libingang walang laman

The Resurrection [Ang Pagkabuhay na Mag-uli], ni Harry Anderson

isang anghel na umiihip ng trumpeta, mas maraming anghel sa himpapawid, at ang mga tao ay lumilitaw mula sa mga ulap na malapit sa lupa

The Trumpet Shall Sound [Tutunog ang Trumpeta], ni J. Kirk Richards

bautismuhan ng Rome Italy Temple

Ang bautismuhan ng Rome Italy Temple

Mga Tala

  1. 1 Corinto 16:13.

  2. Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), entry 4395, pahina 1131.

  3. Tingnan sa Mga Bilang 11:26, 29; Mga Hukom 4:4; Joel 2:28–29; Lucas 2:25–29; Mga Gawa 2:17–18; Doktrina at mga Tipan 46:22.

  4. Robert D. Hales, “Gifts of the Spirit,” Ensign, Peb. 2002, 15.

  5. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Wika, Kaloob na mga,” Gospel Library.

  6. Mga Gawa 2:4.

  7. Tingnan sa Mga Gawa 2:5–11.

  8. Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary (1971), 2:383.

  9. Tingnan sa 1 Corinto 14:19, 22, 26–28.

  10. Tingnan sa 1 Corinto 11:5.

  11. Tingnan sa Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 1952, tala para sa 1 Corinto 14:34–35; Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 1657, tala para sa 1 Corinto 14:34–35.

  12. Tingnan sa Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 14:34–35 (sa 1 Corinthians 14:34, footnote b at 14:35, footnote a).

  13. Tingnan sa Richard D. Draper at Michael D. Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, Brigham Young University New Testament Commentary (2017), 717.

  14. Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 79; tingnan din sa M. Russell Ballard, “Ang Mahalagang Papel ng Kababaihan,” Liahona, Mar. 2021, 9–11; Mga Paksa at Mga Tanong, “Kababaihan sa Simbahan,” Gospel Library.

  15. Tingnan sa 1 Corinto 15:12.

  16. Tingnan sa Draper at Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 759.

  17. Tingnan sa Robert L. Millet, Becoming New: A Doctrinal Commentary on the Writings of Paul (2022), 97–98, 134. Iminungkahi ng ilan na ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ay naimpluwensyahan ng mga ideya noong unang panahon na ang “katawan ay libingan”(Griyego sōma sēmas) at na ang pisikal na katawan ay walang halaga at hindi kailangan sa kabilang-buhay. Ang mga pananaw na ito ay laganap noong unang siglo, noong si Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto (tingnan sa Flavius Josephus, War of the Jews, trans. William Whiston [1875], 2.8.11).

  18. Tingnan sa Levitico 23:9–14; Deuteronomio 26:1–11.

  19. Tingnan sa Coogan at iba pa, The New Oxford Annotated Bible, 1658, tala para sa 1 Corinto 15:20.

  20. Exodo 23:19.

  21. Tingnan sa 1 Corinto 15:20, 23; tingnan din sa 2 Nephi 2:8–9.

  22. Tingnan sa David L. Paulsen at Brock M. Mason, “Baptism for the Dead in Early Christianity,” Journal of Book of Mormon Studies (2010), tomo 19, blg. 2, 22–49. Ito lamang ang pagtukoy sa gawain sa loob ng Bagong Tipan. Gayunman, ipinakikita ng iba pang mga sinaunang teksto na nagsagawa ng binyag para sa mga patay ang mga unang Kristiyano.

  23. Howard W. Hunter, sa Conference Report, Abr. 1969, 137.

  24. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:29–33; 128:12–18, 22; Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Binyag para sa mga Patay,” Gospel Library.

  25. Jeffrey R. Holland, “Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa,” Liahona, Mayo 2020, 82.

  26. Tingnan sa 1 Corinto 15:37–38. Ginamit ni Pablo ang isang salitang Griyego na literal na nangangahulugang “hubad na binhi” (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, entry 1131, pahina 538), na nagtuturo na ang ating mortal na katawan ay parang kahubaran bago isinuot ang kaluwalhatian ng pagkabuhay na mag-uli.

  27. Tingnan sa 1 Corinto 15:42–44.

  28. Joseph Fielding Smith, sa Conference Report, Abr. 1917, 63.

  29. Doktrina at mga Tipan 76:70–71, 81.

  30. Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Corinto 15:40; ang italiko ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto. Para sa iba pang mga turo tungkol sa kung anong uri ng tao ang tatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal sa Pagkabuhay na Mag-uli, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:50–70, 92–96; 88:22, 28–29.

  31. Tingnan sa Longman and Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, entry 120, pahina 421; tingnan din sa Daniel 7:9, 13–14, 22; Doktrina at mga Tipan 116; 138:38.

  32. Tingnan sa 1 Corinto 15:45; Doktrina at mga Tipan 84:16.

  33. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:11; 107:53–54.

  34. Tingnan sa 1 Corinto 15:45, 47.

  35. Tingnan sa Juan 5:21; Doktrina at mga Tipan 88:17–20.

  36. Jeffrey R. Holland, “Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,” Liahona, Mayo 2015, 106.