“1–3 Juan; Judas,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1–3 Juan; Judas
Bagama’t ilang dekada pa lamang mula nang mamatay si Jesucristo, naging banta ang mga huwad na guro at apostasiya sa Simbahan. Bilang mga saksi sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, pinayuhan nina Juan at Judas ang mga Banal kung paano manatiling tapat. Tinalakay ni Juan ang kahalagahan ng pagmamahal at pagkakaisa sa loob ng Simbahan ni Jesucristo. Inanyayahan niya ang lahat na maging mga anak ng Diyos at magmahalan. Ang sulat ni Judas ay isang babala sa kanyang mga tagapakinig na maging maingat sa mga nagsasabing sila ay mga Kristiyano ngunit hindi sumusunod sa mga batas ng Diyos. Hinikayat niya ang mga Banal na paglabanan ang kasalanan at maging masigasig sa pagpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Para kanino isinulat ang 1–3 Juan at bakit?
Hindi kailanman nakasaad sa teksto ng 1 Juan kung sino ang sumulat nito. Ang may-akda ng 2–3 Juan ay tinatawag lamang ang kanyang sarili na “ang matanda [elder].” Dahil ang wika at estilo ng tatlong aklat ay pareho sa isa’t isa at sa Ebanghelyo ni Juan, iniugnay ng mga unang Kristiyano ang mga sulat na ito kay Apostol Juan.
Hindi malinaw na nakasaad kung para kanino ang 1 Juan. Sa anyo nito, ang 1 Juan ay isang sanaysay ng doktrina kaysa isang mensahe na laan sa isang partikular na kongregasyon ng mga Kristiyano. Isinulat ang liham na ito para sa mga mananampalataya.
Ang mga huwad na guro ay lumikha ng mga pagkakahati-hati sa mga Banal. Labis na ikinabahala ang paglaganap ng katanyagan ng isang pilosopiya na nakilalang Docetismo (tingnan sa “1 Juan 4:1–3; 2 Juan 1:7. Bakit hindi matanggap ng ilan na si Jesucristo ay nagkatawang-tao?”). Ang mga tagasunod ng Docetismo ay lumabis sa pagbibigay-diin sa espirituwal na katangian ni Jesus hanggang sa puntong hindi na nila tinanggap ang ideya na pumarito Siya sa lupa at nagkaroon ng pisikal na katawan. Sinabi nila na si Jesus ay “nagpakita na animo’y” isang mortal. Pinabulaanan ni Juan ang mga maling turong ito sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa pisikal na pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas. Ipinahayag Niya na si Jesucristo ay tunay na naparito sa lupa sa laman at nagdusa at namatay para sa atin. Inanyayahan ni Juan ang kanyang mga mambabasa na “makisama” sa mga naglilingkod na kasama niya at sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Pag-ibig o pagmamahal ang pangunahing tema ng unang sulat na ito.
Ang sulat ng 2 Juan ay isinulat para sa isang hindi kilalang “hinirang na babae at sa kanyang mga anak,” na maaaring tumutukoy sa isang partikular na pamilya o babasahin bilang metapora para sa mga Banal. Ang 2 Juan ay hinggil sa parehong mga maling turo na tinugon sa 1 Juan. Ang sulat ng 3 Juan ay isinulat kay Gayo, isang matapat na pinuno na naglaan ng matutuluyan para sa mga naglalakbay na Banal. Ang dalawang sulat na ito ay hinggil sa lumalaking pagkakahati-hati ng mga Banal sa lugar.
1 Juan 1:3
Ano ang ibig sabihin ng makisama sa Diyos Ama at sa Anak?
Ang ibig sabihin ng salitang Griyego para sa pakikisama ay pagkakaroon ng malapit na ugnayan sa iba. Isinulat ni Juan na isa sa layunin ng kanyang liham ay hikayatin ang kanyang mga mambabasa na makisama sa komunidad ng mga mananampalataya, sa mga Apostol, at sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Itinuro ni Juan na para makisama sa Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo, kailangan nating magsumikap na maging katulad Nila. Sa pamamagitan ng ating pakikisama sa Kanila, lilinisin tayo ng dugo ni Jesucristo sa lahat ng ating mga kasalanan.
1 Juan 2:1–2; 4:10
Ano ang ibig sabihin na si Jesus ay ating Tagapagtanggol?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang ibig sabihin ng tagapagtangol ay “isang ‘tinig na nagtatanggol para sa iba,’ o ‘isang tao na nagsusumamo para sa iba.’” Itinuro ni Juan na si Jesucristo ang ating Tagapagtanggol sa harap ng Ama sa Langit at ang “pantubos,” o pambayad-salang sakripisyo, para sa ating mga kasalanan. Bilang ating Tagapagtanggol, alam ni Jesucristo ang ating kahinaan at kung paano tayo tutulungan. Kung mananampalataya tayo sa Kanya, magsusumamo Siya para sa atin at mamamagitan alang-alang sa atin.
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ang sumusunod tungkol sa tungkulin ni Jesucristo bilang ating Tagapagtanggol:
“Ang pagtatanggol ni Cristo para sa ating kapakanan ay hindi pagsalungat sa plano ng Ama. Si Jesucristo … ay hindi susuportahan ang anumang bagay maliban sa yaong ninanais ng Ama noon pa man. Walang alinlangang natutuwa at sinasang-ayunan ng ating Ama sa Langit ang ating mga tagumpay.”
“Bahagi ng pagtatanggol sa atin ni Cristo ang ipaalala sa atin na nagbayad Siya para sa ating mga kasalanan at ibinigay sa lahat ng tao ang awa ng Diyos.”
1 Juan 2:20, 27
Ano ang kahalagahan ng pagpapahid mula sa Banal?
Binanggit ni Juan ang tungkol sa “pinahiran ng Banal,” na si Jesucristo. Ang unction o pagpapahid, ay maaaring tumukoy sa kaloob na Espiritu Santo, na ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo. Mahalaga ang pagpapahid na ito dahil sa mga anti-Cristo na tumatanggi na si Jesucristo ay nagkatawang-tao. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang mga Banal ay maaaring magkaroon ng “tiyak na kaalaman na totoo ang Panginoon nang hindi nakikita nang personal ang Panginoon. Maaari silang magtiwala sa patotoo ng mga taong nakakita sa Kanya (tingnan sa 1 Juan 2:14; tingnan din sa D at T 46:13–14). … Pinatotohanan pa niya na ang mga patotoong ito—matalinong pagtiyak mula sa Espiritu—ay higit na dakila kaysa sa ‘patotoo ng mga tao’ (1 Juan 5:9).”
1 Juan 3:6–9
Inaasahan ba tayo na hindi magkakasala kailanman?
Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith na may pagkakaiba sa pagitan ng isang tao na nagkakasala at ng isang tao na nagpapatuloy sa kasalanan: “Ang sinumang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi siya nakita, ni nakilala man siya. … Siya na nagpapatuloy sa kasalanan ay sa diyablo. …Ang sinumang isinilang sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan; sapagkat ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa kanya; at hindi siya makapagpapatuloy sa kasalanan, sapagkat siya ay isinilang sa Diyos, tinanggap ang yaong banal na Espiritu ng pangako.” Ang patuloy na paggawa ng kasalanan ay sumasalungat sa paanyaya ng Tagapagligtas na magpatuloy, o manatili, sa Kanya.
1 Juan 4:1–3
Ano ang ibig sabihin ng “subukin ang mga espiritu” at bakit mahalaga ito?
Ang payo rito ay ipamuhay ang simpleng pagsubok sa mga espirituwal na karanasan at patotoo. Kung ang karanasang iyon ay hahantong sa mas malalim na paniniwala na si Jesucristo ay tunay na pumarito sa mundo, maaari ninyong pagkatiwalaan ang espiritung iyon. Kung ang karanasan ay humahantong palayo sa katotohanang ito, ito ay anti-Cristo. Nilinaw ng orihinal na salitang Griyego na ang talatang ito ay hindi patungkol sa isang partikular na anti-Cristo. Sa halip, sinasabi nito na ang sinumang tumatanggi na si Jesus ay tunay na nagkatawang-tao ay isang anti-Cristo.
1 Juan 4:1–3; 2 Juan 1:7
Bakit hindi matanggap ng ilan na si Jesucristo ay nagkatawang-tao?
Ang pagtanggi na tanggapin na nagkatawang-tao si Jesucristo ay nagpapahiwatig na naimpluwensyahan ang ilang mga Kristiyano ng isang pilosopiya na tinatawag na Docetismo. “Ang Docetismo ay mula sa salitang Griyego na dokeō, [ibig sabihin] ‘tila’ or ‘sa wari.’” Ang mga Docetista ay may negatibong pananaw sa materyal na mundo at pisikal na katawan. Ang tingin nila sa katawan ay imoral at masama. Naniniwala sila na “ang Diyos ay hindi nagbabagong imateryal [walang pisikal na katawan], alam ang lahat, makapangyarihan sa lahat, at … hindi makakaranas ng sakit ng pagdurusa.” Sa kanilang pananaw sa Diyos at sa pisikal na bagay, hindi nila matanggap na si Jesucristo, ang banal na Anak ng Diyos, ay naranasan ang mga limitasyon ng pagiging tao. Itinuro nila na si Jesucristo ay hindi literal na isinilang sa laman. Ang paniwala nila ay hindi Siya nanahan sa katawang nahihipo, nagdurugo, nagdurusa, namamatay, o bumangon na may pisikal na nabuhay na mag-uling katawan—hindi Niya aktuwal na naranasan ang mga bagay na ito.
Pinabulaanan ni Juan ang mga maling turong ito sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa pisikal na pag-iral ng Tagapagligtas. Ipinahayag Niya na si Jesucristo ay tunay na naparito sa lupa sa laman. Siya ay nagdusa at namatay para tubusin tayo.
1 Juan 5:7–8
Paano naiiba ang 1 Juan 5:7–8 sa King James Bible sa ibang mga Biblia?
Sa King James Bible, mababasa nang ganito ang mga talata, “‘Sapagkat may tatlong nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa. At may tatlong nagpapatotoo sa lupa, ang Espiritu, at ang tubig, at ang dugo: at ang tatlong ito ay nagkakasundo sa isa.’ Ang mga salitang italiko ay wala sa lahat ng mga unang manuskritong Griyego bago ang ikalabing-anim na siglo. Kung wala ang dagdag na parirala, ang orihinal na mababasa sa mga talata ay, ‘Sapagkat may tatlong nagpapatotoo, ang Espiritu, at ang tubig, at ang dugo; at ang tatlong ito ay nagkakasundo sa isa.’ Maraming naunang salin sa Ingles, kabilang na ang King James, ang may mga maling katagang ito. Sa madaling salita, ang isang talata na tumatalakay sa Pagbabayad-sala ni Cristo at pagiging muling isinilang sa pamamagitan ng espiritu, tubig, at dugo ay binago upang isama ang paghahambing ng tatlong elementong ito sa Trinity Ang mga karagdagang salitang ito ay tinatawag na Johannine Comma. Ang katagang “comma” sa kontekstong ito ay tumutukoy sa maikling sugnay o parirala—hindi bantas.
Sino si Judas at ano ang kanyang mensahe?
Nagpakilala ang may-akda na kapatid ni Santiago. Ayon sa kaugalian, ang may-akda ay kapatid sa ama ni Jesucristo. Walang indikasyon na si Judas ay isang Apostol o pangkalahatang pinuno sa Simbahan. Sa kabila nito, siya ay lubos na iginagalang sa Jerusalem at ang kanyang liham ay itinuring na mahalaga. Ang babala ni Judas ay laban sa mga ideya at asal na maaaring makasira sa pananampalataya. Nababahala siya lalung-lalo na sa hindi mapigilang seksuwal na mga pagnanasa. Dahil sa biyaya ni Cristo, ang ilan ay pinangangatwiranan ang kanilang inaasal. Ipinaalala ni Judas sa kanyang mga tao ang pantay-pantay na pakikitungo ng Diyos sa kanyang mga anak sa buong panahon at na ang kasalanan ay hindi kailanman kinukunsinti.
Judas 1:5–7
Bakit inungkat ni Judas ang mga kasalanan ng iba sa mga banal na kasulatan?
Ipinaalala ni Judas sa kanyang mga mambabasa na ang biyaya ni Cristo ay hindi nagtatatwa sa katarungan ng Diyos sa pagpaparusa sa mga makasalanang tao na tumatangging magsisi. Maraming sinaunang Israelita ang nalipol dahil sa paghihimagsik matapos palayain mula sa Egipto. May ilang espiritu sa premortal na buhay ang piniling tanggihan ang plano ng Ama at manatili sa mga tanikala. Ang Sodoma at Gomorra ay mga sinaunang kalapit na lungsod na nawasak dahil sa kasalanan.
Judas 1:9
Kailan nakipaglaban sa diyablo si Miguel para sa katawan ni Moises?
Malamang na tinukoy ni Judas ang isang aklat na Apokripal (hindi bahagi ng banal na kasulatan) na tinatawag na “Ang Pag-akyat ni Moises.” Sa kuwentong ito, nakipagtalo si Miguel sa diyablo para sa katawan ni Moises dahil inakusahan ng diyablo si Moises na isang mamamatay-tao. Sinunod ni Miguel ang Diyos, ang banal na hukom. Nilinaw ng Aklat ni Mormon na “kinuha ng Panginoon si Moises sa kanyang sarili.”
Judas 1:11
Bakit isinumpa sina Cain, Balaam, at Kora?
Inihambing ni Judas ang mga huwad na guro sa mapanghimagsik na sina Cain, Balaam, at Kora (“Core” sa King James Version ng Bagong Tipan). Pinaslang ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel para makuha ang mga kawan ng kanyang kapatid. Ang payo ni Balaam ay humantong sa pag-apostasiya ng sinaunang Israel. Naghimagsik si Kora laban kay Moises dahil hiniwalay siya mula sa mataas na priesthood. Sa bawat pagkakataong ito, isinumpa ng Panginoon ang mga lalaking ito dahil sa kanilang masasamang ginawa.
Judas 1:14–16
Ano ang nalalaman natin tungkol sa propesiya ni Enoc?
Isinama ni Judas ang isang propesiya mula sa aklat ni Enoc, na hindi banal na kasulatan na popular sa mga unang Kristiyano. Ang aklat ni Moises, na natanggap ni Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag, ay nagpapatunay na si Enoc ay binigyan ng kaalaman tungkol sa mga huling araw at sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Judas 1:22–23
Ano ang matututuhan natin mula sa mga reperensya tungkol sa apoy at damit na nadungisan?
Ang paghila ng isang tao mula sa apoy ay nagpapahiwatig ng agarang pagsisikap na tulungan ang iba na umiwas sa espirituwal na panganib at pagkasira, katulad ng pagsagip sa isang tao mula sa literal na apoy. Ang malinaw na paglalarawan sa pagkapoot sa damit na nadungisan ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng hindi lamang pag-iwas sa mismong kasalanan kundi pati na rin sa anumang bagay na nauugnay sa kasalanan.
Alamin ang Iba Pa
Pagmamahal ng Diyos
-
D. Todd Christofferson, “Ang Pagmamahal ng Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 16–18
-
Dallin H. Oaks, “Pag-ibig at Batas,” Liahona, Nob. 2009, 26–29
Hanapin, Kilalanin, at Ipamuhay ang Walang Hanggang Katotohanan
-
John C. Pingree Jr., “Walang Hanggang Katotohanan,” Liahona, Nob. 2023, 99–102
Media
Video
“Beware of False Prophets and False Teachers” (1:48)
Larawan
Si Jesucristo Ang Ating Tagapagtanggol
Our Advocate [Ang Ating Tagapagtanggol], ni Jay Bryant Ward