Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Gawa 1–5


“Mga Gawa 1–5,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mga Gawa 1–5

Sa loob ng 40 araw matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, naglingkod si Jesucristo sa Kanyang mga disipulo. Pagkatapos ay umakyat Siya sa Langit, nangangakong magbabalik sa mga huling araw sa gayunding paraan. Napuspos ng Espiritu Santo ang mga Apostol sa araw ng Pentecostes. Ang ebanghelyo ng Tagapagligtas ay ipinangaral nila nang may kapangyarihan. Mga tatlong libong katao ang nabinyagan. Sina Pedro at Juan ay inaresto dahil sa pagpapatotoo kay Jesucristo matapos pagalingin ang isang lalaking isinilang na pilay. Tumanggi silang sumunod sa mga utos ng mga pinunong Judio na itigil ang pagtuturo at pagpapagaling sa pangalan ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay pinalaya sila mula sa bilangguan ng isang anghel.

Resources

Background at Konteksto

Alamin ang Iba Pa

Media

Background at Konteksto

Ano ang aklat ng Mga Gawa?

Sa pagkomento sa pamagat ng aklat na ito, ibinigay ni Pangulong Jeffrey R. Holland ang sumusunod na kaalaman sa kung ano ang aklat ng Mga Gawa: “Sa katunayan, ang maaaring mas kumpletong [pamagat] para sa aklat ng Mga Gawa ay ‘Ang mga Gawa ng Nabuhay na Mag-uling Cristo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa Buhay at Ministeryo ng Kanyang mga Inordenang mga Apostol.’” Ang Mga Gawa ng mga Apostol ay bumubuo ng isang mahalagang buod ng mga pangyayari sa buhay at mga turo ni Jesucristo at ang mga isinulat at gawain ng Kanyang mga Apostol. Kabilang dito ang mga sagradong karanasan na humantong sa pag-unlad ng Simbahan ng Tagapagligtas. Sa Mga Gawa, nakikita natin kung paano nilutas ng mga lider at miyembro ang mga hindi pagkakasundo sa loob ng simbahan at tumugon sa mga pag-uusig mula sa mas malaking lipunan. Natatala sa malaking bahagi ng aklat ang ministeryo ni Pablo sa maraming lupain.

Ang aklat ng Mga Gawa “ay pangalawa sa dalawang bahaging akda na isinulat ni Lucas kay Teofilo. Ang unang bahagi ay kilala bilang Ebanghelyo Ayon kay Lucas.” Ilang talata sa Mga Gawa ang isinulat sa unang pangkatauhang panghalip, na nagpapahiwatig na si Lucas ay kasama sa mga bahaging iyon ng salaysay. Ang mga pangyayaring naitala sa Mga Gawa ay naganap sa pagitan ng mga AD 30 at AD 62. Naniniwala ang mga iskolar na isinulat ang Mga Gawa sa pagitan ng AD 60 at AD 90.

Mga Gawa 1:3

Ano ang pagpapakasakit ni Cristo?

Ang salitang pagpapakasakit sa King James Version ay tumutukoy sa matinding pagdurusa ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Kanyang Nagbabayad-salang Sakripisyo. Maraming Kristiyano ang tumutukoy sa huling linggo ng Tagapagligtas bilang Linggo ng Pagpapakasakit.

Mga Gawa 1:4

Ano ang pangako ng Ama sa mga disipulo ng Tagapagligtas?

Bago Siya namatay, ipinangako ni Jesucristo sa Kanyang mga Apostol na ipadadala sa kanila ng Ama ang Espiritu Santo. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, inutusan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol na hintaying matupad ang pangakong ito bago lisanin ang Jerusalem. Natupad ito sa araw ng Pentecostes nang ibuhos ang Espiritu Santo sa Labindalawa. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang espirituwal na “kaloob na ito ay upang ihanda ang mga disipulo para sa kanilang misyon sa mundo.”

Mga Gawa 1:14

Ano ang alam natin tungkol sa mga kapatid ni Jesucristo?

Ayon sa mga Ebanghelyo nina Mateo at Marcos, si Jesus ay may apat na kapatid na lalaki at may mga babae rin. Sila ang mga anak na lalaki at babae ni Maria at ng amain ng Tagapagligtas na si Jose. Bagaman hindi palaging naniniwala ang Kanyang mga kapatid sa kabanalan ni Jesus, sila ay nabibilang ngayon sa mga mananampalataya. Kalaunan, ang kapatid ni Jesus na si Santiago ay naging lider ng Simbahan sa Jerusalem at naging Apostol. Ang kapatid Niyang si “Juda” o “Judas” ang malamang na may-akda ng Sulat ni Judas.

Mga Gawa 1:26

Ano ang nakaugaliang palabunutan o sapalaran?

Noong unang panahon, ang palabunutan ay isang paraan ng paggawa ng mga desisyon. Ang mga detalye ng proseso ay hindi lubos na alam, at maaaring marami itong pamamaraan. Maaaring gumagamit ng maliliit na bagay na hinahagis o binubunot, o maaaring nakasulat ang mga pangalan sa mga piraso ng palayok. Naniniwala ang karamihan sa mga Judio na ang kamay ng Diyos ang nagpapasiya sa kinakalabasan. Kung paano ginawa ang ganitong palabunutan ay walang may alam.

Mga Gawa 2

Ano ang mahalaga sa araw ng Pentecostes?

Isang linggo matapos umakyat sa langit si Jesucristo, libu-libong tao ang nagtipon sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Kapistahan ng Pentecostes. Ito ay isang pagdiriwang sa tag-ani at ginaganap limampung araw pagkatapos ng Paskua. Sa kapistahang ito, ang mga lalaking kabilang sa tipan ay haharap sa Panginoon sa Jerusalem. Dinadaluhan ito ng mga Judio at ng mga proselita mula sa lahat ng dako ng sinaunang Malapit na Silangan, na maraming iba’t ibang wika ang pananalita. (Ang proselita ay isang tao na hindi mula sa angkan ng mga Judio na nahikayat sumanib sa Judaismo.) Sa araw na ito, nagkaroon ng pagbuhos ng Espiritu Santo. Narinig ng mga naroon na nagsasalita ang mga Apostol sa wika nila. Nang ipahayag nila ang kanilang pagkamangha, ipinahayag ni Pedro na ito ay katuparan ng propesiya, nagpatotoo kay Jesucristo, at inanyayahan silang magpabinyag. Mga tatlong libong kaluluwa ang nadagdag sa Simbahan.

Mga bansa ng mga tao na nabanggit sa Pentecostes

Mga bansa ng mga tao na nabanggit sa Pentecostes

Mga Gawa 2:1–6

Paano naipakilala ang Espiritu Santo sa araw ng Pentecostes?

Kadalasang mahirap ilarawan ang mga espirituwal na karanasan. Ang nangyari sa araw ng Pentecostes ay isa sa mga karanasang iyon. Ang mga Apostol at ang iba pa ay nagtipon sa isang lugar sa Jerusalem. Nang biglang narinig mula sa langit ang isang tunog na kahawig ng malakas na ihip ng hangin. Pinuno nito ang buong lugar at naging tanda ng pagdating ng Espiritu Santo. Pagkatapos ay nagpakita sa kanila ang Espiritu Santo na parang mga dila ng apoy na nahati-hati. Sa sinaunang Israel, kadalasang sumasagisag ang apoy sa presensya ng Diyos. Ang mga dilang apoy na ito ay dumapo sa mga Apostol. Bagaman mahirap ilarawan, ang mga dilang apoy na ito ay saksi na natanggap ng mga Apostol ang Espiritu Santo. Pinahintulutan ng Espiritu Santo na maranasan ng mga Apostol ang kaloob na mga wika. Sa gayon narinig ng mga naroon na nagsasalita ang mga Apostol sa wika nila. Tungkol sa pangyayaring ito, itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na sa pagpapakitang ito ng Espiritu Santo “sa gayon nabigyang kapangyarihan ang Labindalawa.”

Mga Gawa 2:43–47

Paano tinustusan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pangangailangan ng isa’t isa?

Ang mga naunang mananampalatayang ito sa Jerusalem ay bumuo ng isang komunidad na nagbibigay ng suporta at pakikisama. Sila ay tapat sa mga turo ng mga Apostol, sama-samang sumasamba, at “ang kanilang ari-arian ay para sa lahat.” Sa pamamagitan ng boluntaryong pagbebenta ng lupa o bahay at pagbibigay ng kita sa mga Apostol, napangalagaan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga kasampalataya.

Ang mga banal na kasulatan ay nagbigay ng mga ulat tungkol sa mga tao ni Enoc, sa mga Lamanita at Nephita, at sa mga unang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na namuhay na “ang kanilang ari-arian ay para sa lahat.”

Mga Gawa 3:1

Ano ang oras ng panalangin?

Bukod sa iba pang mga panalangin na iniaalay sa buong araw, nakaugalian na ng mga Israelita na mag-alay ng mga panalangin sa tatlong tiyak na oras ng araw: sa ikatlo, ikaanim, at ikasiyam na oras (o mga 9:00 n.u., 12:00 n.t., at 3:00 n.h.). Ang panalangin sa ikasiyam na oras ay inaalay kasabay ng hain sa templo sa gabi. Ang mga nakatira malapit sa templo ay madalas manalangin sa mga bulwagan ng templo. Sina Pedro at Juan ay nasa templo sa ikasiyam na oras ng araw upang manalangin.

Mga Gawa 3:18–21

Ano ang ibig sabihin ng pagbabalik, o pagpapanumbalik, ng lahat ng bagay?

Habang binabanggit ang mga propetang nagpatotoo kay Cristo, ginamit ni Pedro ang mga katagang “mga panahon ng kaginhawaan” at “pagbabalik [pagpapanumbalik] ng lahat ng bagay.” Ang mga katagang ito ay malamang na tumutukoy sa “huling dispensasyon at Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.”

Bagaman ginagamit ng King James Bible ang salitang pagbabalik, karamihan sa iba pang mga pagsasalin ay gumagamit ng salitang pagpapanumbalik. Tungkol sa pagbabalik o pagpapanumbalik na ito, isinulat ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol: “Mapagpakumbaba naming ipinapahayag na bilang kasagutan sa kanyang dalangin, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo kay Joseph [Smith] at pinasimulan ang ‘pagpapanumbalik ng lahat ng bagay’ (Mga Gawa 3:21) tulad ng ibinadya sa Biblia. Sa pangitaing ito, nalaman niya na kasunod ng pagkamatay ng mga orihinal na Apostol, ang Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan ay nawala sa lupa. Magiging kasangkapan si Joseph sa pagbabalik nito.”

Mga Gawa 4:7–12

Sa anong kapangyarihan pinagaling nina Pedro at Juan ang lalaking lumpo?

Nagpatotoo si Pedro na gumaling ang lalaki sa pangalan ni Jesucristo. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na may kapangyarihan at awtoridad sa pangalan ni Cristo. Nagpatotoo rin si Pedro na sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo maliligtas ang isang tao. Ang katotohanang ito ay pinatutunayan sa buong banal na kasulatan. Itinuro ni Elder Paul B. Pieper, “Nais ng ating Ama sa Langit na malinaw nating maunawaan na ang pangalan ng Kanyang Anak, na Jesucristo, ay hindi basta pangalan lamang tulad ng iba. Ang pangalan ng Tagapagligtas ay may kakaiba at napakahalagang kapangyarihan. Ito lamang ang pangalan kung saan posible ang kaligtasan.”

Mga Gawa 5:15

Bakit hinangad ng mga tao na gumaling sa pagdaan ng anino man lang ni Pedro?

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Maraming tao ang dinala sa [Labindalawa] at sila ay pinagaling ‘bawat isa.’ (Mga Gawa 5:16.) Ang pananalig sa pananampalataya ni Pedro ang naghikayat sa mga tao na dalhin sa mga lansangan ang mga maysakit na nasa mga higaan at banig ‘upang sa pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng anino niya ang ilan sa kanila.’ (Mga Gawa 5:15.) Maaaring isipin ng isang tao kung may naisulat bang mga kataga sa anumang talaan na higit na nagpapatotoo sa pananampalataya at kapangyarihan ng isang mortal na nagtataglay ng banal na priesthood ng Diyos.”

Mga Gawa 5:34–39

Sino si Gamaliel?

Si Gamaliel ay apo ng bantog na si rabi Hillel. Siya ay miyembro ng Sanedrin at isang bantog na dalubhasa sa batas ng mga Judio. Si Pablo ay tinuruan ng sikat na gurong ito. Ang matalinong payo ni Gamaliel ang malamang na nagligtas sa buhay ng mga Apostol, na muling dinala sa harap ng kapulungan ng mga Judio pagkatapos silang ilabas sa bilangguan ng isang anghel.

Alamin ang Iba Pa

Ministering sa Simbahan

Ang Pagbabalik, o Pagpapanumbalik, ng Lahat ng Bagay (tingnan sa Mga Gawa 3:21)

Ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas

Media

Mga Video

Peter and John Heal a Man Crippled Since Birth” (3:21)

3:28

Peter Preaches and is Arrested” (2:58)

2:58

Peter and John Are Judged” (2:51)

2:55

Peter and John Continue Preaching the Gospel” (5:38)

5:41

Mga Larawan

mga apostol na nakatingin sa kalangitan habang dalawang anghel ang nakatayo sa harapan nila

The Ascension [Ang Pag-akyat sa Langit], ni Harry Anderson

maraming tao na binibinyagan sa araw ng Pentecostes

The Day of Pentecost [Ang Araw ng Pentecostes], ni Sidney E. King

pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaki sa templo

Such as I Have I Give Thee [Ang Nasa Akin ay Siya Kong Ibinibigay sa Iyo], ni Walter Rane

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Teaching, Preaching, Healing,” Ensign, Ene. 2003, 37.

  2. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gawa ng mga Apostol, Mga,” Gospel Library; tingnan sa Lucas 1:1–4; Mga Gawa 1:1.

  3. Tingnan sa Mga Gawa 16:10–17; 20:5–15; 21:1–18; 27; 28:1–16.

  4. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament (2009), 156.

  5. Tingnan sa Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 1856.

  6. “Ang pagpapakasakit (mula sa Latin patior, passus, ‘magdusa’) ay tumutukoy sa masasaklap na pangyayari ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo” (D. Kelly Ogden at Andrew C. Skinner, Verse by Verse: Acts Through Revelation [1998], 30).

  7. Iba’t ibang denominasyong Kristiyano ang nagdiriwang ng Linggo ng Pagpapakasakit sa iba’t ibang paraan (tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at Thomas A. Wayment, “Foreword,” sa Celebrating Easter, ed. Thomas A. Wayment at Keith J. Wilson, [2007], ix–x).

  8. Tingnan sa Juan 14:16–17, 26.

  9. Tingnan sa Mga Gawa 1:4. Ang utos ding ito ng Tagapagligtas ay nakatala sa Lucas 24:49.

  10. Tingnan sa Mga Gawa 2:2–4, 33.

  11. Joseph Smith’s Commentary on the Bible, tinipon at ed. Kent P. Jackson (1994), 143.

  12. Tingnan sa Mateo 13:55; Marcos 6:3. Ang salitang Griyegong (adelphos) na isinaling “mga kapatid” sa Mga Gawa 1:14 ay maaaring mangahulugan na “mga kapatid na lalaki” ngunit sa pangmaramihan ay maaari ding mangahulugan na “mga kapatid na lalaki at babae.” Tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 126.

  13. Tingnan sa Juan 7:5.

  14. Tingnan sa Mga Gawa 12:17; 15:13; Galacia 1:19.

  15. Tingnan sa Mateo 13:55; Marcos 6:3.

  16. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sapalaran, Gospel Library.

  17. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 157.

  18. Tingnan sa William Hamblin at Daniel Peterson, “Casting Lots: Definition, Biblical References & Context in Ancient Israel,” Deseret News, Ene. 27, 2023, deseret.com.

  19. Tingnan sa Mga Kawikaan 16:33.

  20. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pentecostes.”

  21. Tingnan sa Bible Dictionary, “Feasts”; tingnan din sa Exodo 23:14–17; Deuteronomio 16:16.

  22. Tingnan sa Mga Gawa 2:6–11; Robert J. Matthews, “The Jerusalem Council,” sa Sperry Symposium Classics: The New Testament, ed. Frank F. Judd Jr. at Gaye Strathearn [2006], 256–57.

  23. Tingnan sa Bible Dictionary, “Proselytes.”

  24. Tingnan sa Mga Gawa 2:4–7, 14–41.

  25. Tingnan sa Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 1897, tala para sa Mga Gawa 2:2.

  26. Ang ibig sabihin ng Griyegong diamerizō, na isinaling “nahahati” sa King James Version, ay “hatiin sa mga bahagi, ipamahagi” (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 1064; tingnan din sa 237).

  27. Ang Griyego para sa salitang dila ay glōssa. Maaaring ipakahulugan ito na tunay na dila o ideya ng wika ng tao, na mahirap iakma sa isang pisikal na bagay na dumapo sa mga disipulo (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 837–38).

  28. Tingnan sa Exodo 3:2–5; 13:21; 24:17; Helaman 5:22–24, 43–45; 3 Nephi 19:13–14.

  29. Tingnan sa Mga Gawa 2:3.

  30. Tingnan sa Barker at iba pa, NIV Study Bible, 1897, tala para sa Mga Gawa 2:2 at 2:3.

  31. Boyd K. Packer, “The Cloven Tongues of Fire,” Ensign, Mayo 2000, 7.

  32. Mga Gawa 2:44.

  33. Tingnan sa Mga Gawa 4:34–37.

  34. Tingnan sa Moises 7:18.

  35. Tingnan sa 4 Nephi 1:3.

  36. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 105:3–5.

  37. Tingnan sa Mga Awit 55:17; Daniel 6:10.

  38. Tingnan sa Daniel 9:21; Lucas 1:10.

  39. Tingnan sa William Barclay, The Acts of the Apostles, rev. ed. (1976), 32.

  40. Tingnan sa Mga Gawa 3:18.

  41. Mga Gawa 3:19.

  42. Mga Gawa 3:21.

  43. Roseann Benson at Joseph Fielding McConkie, “A Prophet … Like unto Thee,” Religious Educator: Perspectives on the Restored Gospel, tomo 12, blg. 3 (2011), 113. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie, “Ang itinalagang panahong ito, ang panahon ng kaginhawahan, ay mangyayari sa ikalawang pagparito ng Anak ng Tao, sa araw na isugong muli ng Panginoon si Cristo sa lupa.” (sa Conference Report, Oct. 1967, 43).

  44. Higit sa lahat, ang New King James Version ay gumagamit ng salitang pagpapanumbalik.

  45. Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” Gospel Library.

  46. Mga Gawa 4:10; tingnan din sa Mga Gawa 3:6–7.

  47. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Taking upon Us the Name of Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1985, 81–83.

  48. Tingnan sa Mga Gawa 4:12

  49. Tingnan sa 2 Nephi 25:20; 31:20–21; Mosias 3:18; Doktrina at mga Tipan 18:23; 93:19; Moises 6:52.

  50. Paul B. Pieper, “Lahat ng Tao ay Kailangang Taglayin sa Kanilang Sarili ang Pangalang Ibinigay ng Ama,” Liahona, 2018, 44.

  51. Jeffrey R. Holland, “The Lengthening Shadow of Peter,” Ensign, Set. 1975, 35.

  52. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 1629, tala para sa Mga Gawa 5:34.

  53. Tingnan sa Mga Gawa 22:3.

  54. Tingnan sa Mga Gawa 5:17–28.