“Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21
Nagpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon kay Maria Magdalena at sa iba pang kababaihan, sa dalawang disipulo na naglalakad patungong Emaus, at sa mga Apostol. Nagpakita rin Siya sa pito sa Kanyang mga disipulo sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea, kung saan inutusan Niya si Pedro na pakainin ang Kanyang mga tupa. Ibinadya ng Tagapagligtas ang martir na pagkamatay ni Pedro at ang pagbabagong-anyo ni Juan, ang Pinakamamahal. Inatasan Niya ang Labindalawa na magturo at magbinyag sa lahat ng bansa. Pagkatapos, Siya ay umakyat sa Langit at naupo sa kanang kamay ng Diyos.
Resources
Background at Konteksto
Mateo 28:1–10
Ano ang papel na ginampanan ng kababaihan bilang mga saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas?
(Ihambing sa Marcos 16:1–14; Lucas 24:1–12; Juan 20:1–2, 11–18.)
Pagkatapos ng Sabbath, isang grupo ng kababaihang disipulo ang nagpunta sa libingan ng Tagapagligtas. Nagpakita ang mga anghel at sinabi sa kanila na wala roon si Jesucristo at na Siya ay “muling nabuhay.” Nagpunta si Maria Magdalena kina Pedro at Juan at naibulalas na wala na ang katawan ng Tagapagligtas “at hindi [namin] alam kung saan nila siya inilagay.” Nagpunta sa libingan sina Pedro at Juan upang sila mismo ang makakita. Pagkaalis nila, si Maria ay naiwang nag-iisa sa libingang walang laman. Matapos ang maikling pakikipag-usap sa dalawang anghel, nagpakita sa kanya ang Nabuhay na Mag-uling si Cristo. Si Maria ang unang mortal na nakakita sa Kanya. Pagkatapos ay nagpakita ang Tagapagligtas sa iba pang matatapat na kababaihan. Sila naman ay nagpatotoo sa mga Apostol na kanilang nakita Siya at nahawakan ang Kanyang mga paa. Sa ilalim ng batas ng mga Judio, karaniwang hindi pinahihintulutan ang mga babae na maging saksi. Ang pagkakaroon ng maraming kababaihan na mga unang saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay nagpapakita ng pagpapahalaga ni Jesucristo sa kababaihan sa loob ng Kanyang kaharian.
Mateo 28:1
Paano naimpluwensyahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang pagdaraos ng Sabbath?
Noong panahon ng Lumang Tipan, idinaraos ng mga taong nakipagtipan sa Diyos ang Sabbath tuwing Sabado. Ginawa ito noon dahil nagpahinga ang Diyos mula sa gawain ng paglikha sa ikapitong araw at “ginawang banal ito.” Bagama’t hindi binanggit sa Lumang Tipan ang pagdaraos ng Sabbath bago ang panahon ni Moises, “ang Sabbath ay isang walang-hanggang alituntunin at malamang na umiiral mula pa noong panahon ni Adan.” Dahil nabuhay na mag-uli si Jesucristo sa unang araw ng linggo, nagtitipon ang mga unang Kristiyano tuwing Linggo upang ipagdiwang ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ito ay nakilala bilang Araw ng Panginoon. Hati ang mga unang Kristiyano kung ang Sabbath ba ay dapat idaos nang Sabado o Linggo. Upang makilala sila mula sa Judaismo, mas pinili ng mga Kristiyano ang araw ng Linggo.
Mateo 28:6
Bakit nahirapang maniwala ang mga disipulo na nabuhay na mag-uli si Jesus?
(Ihambing sa Marcos 16:11–14; Lucas 24:1–11.)
Itinuro ni Pangulong James E. Faust: “Marahil, hindi dapat batikusin nang husto ang mga Apostol sa hindi paniniwala na si Jesus, na ipinako at inilibing sa libingan, ay nagbalik sa lupa bilang isang niluwalhating nilalang. Sa lahat ng karanasan ng tao, hindi pa ito kailanman nangyari. Wala pang nangyaring katulad nito. Mas kakaibang karanasan ito kaysa sa pagpapabangon sa anak na babae ni Jairo (tingnan sa Marcos 5:22, 24, 35–43), sa binata na taga-Nain (tingnan sa Lucas 7:11–15), o Lazaro (tingnan sa Juan 11:1–44). Silang lahat ay namatay muli. Gayunman, si Jesus ay naging isang nabuhay na mag-uling nilalang.”
Mateo 28:18
Ano ang naging karanasan ni Jesucristo matapos Niyang Mabuhay na Mag-uli?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Bago siya ipinako sa krus, sinabi [ni Jesucristo] na sa ‘ikatlong araw ako ay magiging sakdal’ [Lucas 13:32, idinagdag ang pagbibigay-diin]. Isipin ninyo iyan! Ang walang kasalanan at hindi nagkakamaling Panginoon—sakdal na sa mga pamantayan ng ating mortalidad—ay inihayag ang kanyang kasakdalang mangyayari pa lamang sa hinaharap. Ang Kanyang walang hanggang pagiging sakdal ay susunod sa kanyang muling pagkabuhay at pagtanggap ng ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa … lupa’ [Mateo 28:18; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:2–22].”
Marcos 16:9–20
Si Marcos ba ang sumulat sa mga huling talata ng kanyang ebanghelyo?
Ang mga pinakamaaasahang manuskrito ng Ebanghelyo ni Marcos ay walang Marcos 16:9–20. Ang estilo ng wikang Griyego na ginamit sa mga talatang ito ay naiiba sa iba pang sulatin ni Marcos. Ipinahihiwatig nito na maaaring isinulat ng ibang tao ang mga talatang ito. Ang karagdagang ito ay maaaring isang pagtatangkang iakma ang salaysay ni Marcos sa iba pang tatlong ebanghelyo. Anuman ang mga dahilan ng mga pagkakaiba-iba ng manuskrito, tinatanggap ng Simbahan ang buong Marcos 16 bilang banal na kasulatan.
Lucas 24:36–42
Bakit mahalaga para sa mga saksi na mahawakan ang Nabuhay na Mag-uling Cristo?
Noong panahon ng Bagong Tipan, “tinanggihan ng karamihan sa mga tao ang ideya ng isang pisikal at walang hanggang pagkabuhay na mag-uli ng katawan.” Maging ang pinakamalalapit na tagasunod ng Panginoon ay nahirapang maunawaan ang kahulugan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Upang mapagtibay ang katotohanan ng Kanyang pisikal na pagkabuhay na mag-uli, hinayaan ni Jesucristo na hawakan ng mga saksi ang Kanyang katawan. Mula sa Ebanghelyo ni Lucas, nalaman natin na inanyayahan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na hawakan ang Kanyang mga kamay at paa bilang katibayan ng Kanyang pisikal na pagkabuhay na mag-uli. Nang kumain Siya sa harap nila, lubos nilang tinanggap ang katotohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Walong araw matapos ang pangyayaring ito, nahawakan din ni Tomas ang katawan ng Panginoon.
Juan 20:17–18
Bakit sinabi ni Jesus kay Maria Magdalena na, “Huwag mo akong hawakan”?
Sinasabi ng King James Bible na sinabi ni Jesucristo kay Maria Magdalena na huwag Siyang hawakan. Ang iba pang salin ng Biblia, kasama na ang Pagsasalin ni Joseph Smith, ay nagsasabing sinabihan ni Jesus si Maria na huwag Siyang hawakan. Ang isang mas literal na pagsasalin sa Griyego ay, “Tigilan mo ang paghawak sa akin.” Kaya, maaaring inatasan lamang siya ng Tagapagligtas na hayaan Siyang umalis upang maiharap Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang Ama.
Juan 20:22
Bakit “hiningahan” ni Jesus ang Kanyang mga disipulo?
Sa parehong Hebreo at Griyego, ang salita para sa “espiritu” ay katumbas din ng kahulugan ng salitang “hininga” o hangin.” Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee na ang pangyayaring ito ay malamang na tumutukoy sa “kumpirmasyon at ang utos na tanggapin ang Espiritu Santo … sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.” Ang Espiritu Santo ay natanggap ng mga disipulo sa araw ng Pentecostes.
Juan 20:23
Ano ang alam natin tungkol sa kapangyarihan ng mga Apostol na magpatawad ng mga kasalanan?
Tungkol sa talatang ito, itinuro ni Pangulong Lorenzo Snow, “Ang mga apostol at pitumpu ay inorden ni Jesucristo na mangasiwa sa mga ordenansa ng Ebanghelyo. … Kaya’t sinabi ni Cristo sa mga apostol, Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; at sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad [tingnan sa Juan 20:23]: ibig sabihin, bawat taong lumalapit nang may pagpapakumbaba, na taos-pusong nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at tatanggap ng pagbibinyag mula sa mga apostol ay mapapatawad sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo, at sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay matatanggap ang Espiritu Santo; ngunit ang mga taong tatangging tumanggap sa kaayusang ito ng mga bagay-bagay mula sa mga apostol ay mananatili sa kanila ang kanilang mga kasalanan.” Ibinigay ng Tagapagligtas ang kapangyarihang ito sa Kanyang mga Apostol kapwa sa sinaunang panahon at sa makabagong panahon.
Juan 21:7
Hubad ba si Pedro noong siya ay nangisda?
Ang ilang salin sa Biblia ay nagsabing hubad si Pedro noong nangingisda siya. Ang salitang Griyego para sa “hubad” ay hindi palaging “hubo” ang ibig sabihin, kundi maaaring “walang gaanong suot” o “walang panlabas na kasuotan.” Maaaring nakasuot lamang si Pedro ng panloob na damit o tela sa balakang habang nagsisikap siya sa pangingisda. Dahil itinuturing ng mga Judio na “gawain sa relihiyon” ang pagbati sa isang tao, maaaring isinuot ni Pedro ang kanyang panlabas na kasuotan para maghanda sa pagbati sa Tagapagligtas.
Juan 21:15–19
Ano ang kahalagahan ng tatlong paanyaya ng Tagapagligtas kay Pedro?
Tatlong taon bago ang naganap na pagkikita nilang ito ng Tagapagligtas, sina Pedro at Andres ay nangingisda noon sa Dagat ng Galilea. Nang tinatawag sila, sinabi ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin.” Ngayon, pagkatapos ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, bumalik si Pedro at ang ilan pang Apostol sa dagat ding iyon para mangisda. Muli, pinuntahan sila si Jesus at nakisalo sa kanilang pagkain. Habang kumakain, tatlong paanyaya ang inialok ni Jesus kay Pedro. Sa pagsasalaysay ng karanasang ito sa kanyang sariling mga salita, ipinaliwanag ni Pangulong Jeffrey R. Holland ang layunin ng paanyaya ng Tagapagligtas nang ganito: “Pedro, bakit ka narito? Bakit narito tayong muli sa pampang na ito, sa tabi ng mga lambat ding ito, at ito pa rin ang pinag-uusapan natin? Hindi pa ba malinaw noon at ngayon na kung gusto ko ng isda, makakakuha ako? Ang kailangan ko, Pedro, ay mga disipulo—at kailangan ko sila magpakailanman. Kailangan ko ng magpapakain at magliligtas sa aking mga tupa. Kailangan ko ng mangangaral ng aking ebanghelyo at magtatanggol sa aking simbahan. Kailangan ko ng isang taong mahal ako, totoong mahal ako, at minamahal ang ipinagagawa sa akin ng ating Ama sa Langit. … Kaya, Pedro, sa ikalawa at malamang ay huling pagkakataon, hinihiling kong iwan mo ang lahat ng ito at humayo ka at magturo at magpatotoo, gumawa at maglingkod nang tapat hanggang sa araw na gawin nila sa iyo ang mismong ginawa nila sa akin.”
Juan 21:18–19
Ano ang nalalaman natin tungkol sa pagkamatay ni Pedro?
Sa talatang ito, lumilitaw na sinabi kay Pedro na sa pagsunod kay Jesus ay isusuko niya kalaunan ang kanyang sarili sa pagpapako sa krus sa kamay ng mga Romano. Ang naunang tradisyon ng mga Kristiyano ay ipinako si Pedro sa krus sa panahon ng pag-uusig sa Simbahan noong namumuno si Nero (marahil sa pagitan ng AD 64 at 68.) Ayon sa tradisyon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad.
Juan 21:22–23
Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa “kung ibig kong siya’y manatili hanggang sa ako’y dumating”?
Nabanggit noon ng Tagapagligtas na may ilang tao na hindi makatitikim ng kamatayan hanggang hindi nila Siya nakikitang muling pumarito. Matapos ipropesiya ni Jesus ang kamatayan ni Pedro, nagtanong si Pedro tungkol sa magiging kapalaran ni Juan. Tila nagpahiwatig ang Tagapagligtas na mananatili si Juan hanggang sa Ikalawang Pagparito. Itinuturo ng paghahayag sa makabagong panahon na ang disipulo na si Juan ay hindi namatay at mananatili hanggang sa bumalik si Cristo.
Alamin ang Iba Pa
Ang Pagkabuhay na Mag-uli
-
D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2014, 111–14
-
Para mabasa ang iba pang mga mensahe ng mga lider ng Simbahan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, tingnan ang paksang “Pagkabuhay na Mag-uli” sa koleksyon ng Pangkalahatang Kumperensya sa Gospel Library.
Ministering
-
Jeffrey R. Holland, “Ang Unang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2012, 83–85
-
Robert D. Hales, “Pagiging Mas Kristiyanong Kristiyano,” Liahona, Nob. 2012, 90–92
Media
Mga Video
“Jesus Is Resurrected” (4:15)
“Feed My Sheep” (5:47)
Para sa karagdagang mga video, tingnan sa “Easter” sa Media Library.
Mga Larawan
The Resurrection [Ang Pagkabuhay na Mag-uli], ni Harry Anderson
Paglalarawan ni Dan Burr
Christ at Emmaus [Si Cristo sa Emaus], ni Walter Rane
Feed My Sheep [Pakainin Mo ang Aking mga Tupa], ni Kamille Corry
Go Ye Therefore [Magsiyaon Nga Kayo], ni Harry Anderson