“Juan 1,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Juan 1
Sa simula, si Jesucristo ay kasama ng Ama. Isa sa mga titulo ni Jesus ay “ang Salita.” Siya ang buhay at ilaw ng lahat ng bagay. Sa pamamagitan Niya, ang daigdig at lahat ng bagay ay nilikha. Ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan lamang ni Cristo. Bininyagan ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus at ang iba pa. Naniwala ang ilang tao kay Jesucristo at nagpatotoo tungkol sa Kanya.
Mga Resource
Background at Konteksto
Juan 1:1
Bakit tinatawag si Jesucristo na “ang Salita”?
Ilang beses tinawag ni Apostol Juan si Jesucristo na “ang Salita” sa Bagong Tipan. Ang “Salita [Word]” ay ang salin sa Ingles ng salitang Griyego na logos. Ang logos ay kumakatawan sa mga salitang binibigkas at ang mga ideya kung bakit ginamit ang mga salitang iyon. Ang logos ay “ang paraan kung saan ipinapahiwatig ng isang tao ang kanyang [mga] saloobin sa iba o nilalayong ipatupad ang mga ideyang ito.”
Isinulat ni Pangulong Russell M. Nelson: “[‘Ang Salita’] ay isa pang pangalan para sa Guro. Ang katawagang iyan ay tila kakaiba, ngunit angkop ito. Gumagamit tayo ng mga salita upang maipahayag natin sa iba ang gusto nating sabihin. Kaya si Jesus ang Salita, o pahayag, ng Kanyang Ama sa mundo.”
Binibigyang-diin ng Ebanghelyo ni Juan na si Jesucristo ang sugo ng Ama sa sanlibutan. Ipinapahayag Niya ang mga salita ng Ama. Mababasa natin sa paghahayag sa mga huling araw, “Sa simula ang Salita, sapagkat siya ang Salita, maging ang sugo ng kaligtasan.”
Juan 1:1–2
Bakit makabuluhan na si Jesucristo “sa simula ay kasama na … ng Diyos”?
Sa apat na Ebanghelyo, tanging ang Ebanghelyo ni Juan ang nagtuturo tungkol sa buhay ni Jesucristo bago siya isinilang. Pinagtitibay ng mga banal na kasulatan sa mga huling araw ang buhay ni Jesus bago siya isinilang. Inihayag ng Tagapagligtas kay Propetang Joseph Smith, “Ako sa simula ay kasama ng Ama, at ako ang Panganay.” Inilarawan sa aklat ni Abraham ang Cristo bago siya isinilang bilang “tulad ng Diyos.” Itinuturo sa aklat ni Moises na si Jesucristo ang “Minamahal na Anak [ng Ama sa Langit], … Minamahal at Pinili mula pa sa simula.”
Juan 1:3, 10
Ano ang ibig sabihin ng “lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya”?
Mula sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” nalaman natin na si Jesus “ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan, ang Mesiyas ng Bago. Sa ilalim ng pamamahala ng Kanyang Ama, Siya ang manlilikha ng daigdig” (Gospel Library). Mula sa aklat ni Moises nalaman natin na si Jesucristo ay lumikha ng “mga daigdig na di mabilang,” maging “milyun-milyong mundo na tulad nito.”
Juan 1:14, 16–17
Ano ang ibig sabihin na si Jesucristo ay “puspos ng biyaya at katotohanan”?
Ang salitang Griyego para sa “biyaya” ay charis, na maaari ding mangahulugan ng mapagmahal na kabaitan, awa, o pagtulong. Ang biyaya ay “dakilang tulong o lakas … [na ibinibigay] sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ng Diyos.”
Ang salitang Griyego para sa “katotohanan” ay alētheia, na nangangahulugang maaasahan at matuwid sa pag-iisip at gawa. Binigyang-kahulugan ng Panginoon ang katotohanan bilang “kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa.” Ang katotohanan ay ganap at hindi naiimpluwensyahan ng mga pangyayari. Ang katotohanan ay hindi nagbabago, tulad ng Panginoon ay hindi nagbabago.
Ang sumusunod na mga scripture passage ay makatutulong sa atin na mas maunawaan kung paanong ang Tagapagligtas ay “puspos ng biyaya at katotohanan”: 2 Nephi 2:6–10; Alma 9:26–27; at Doktrina at mga Tipan 93:8–17.
Juan 1:18
Bakit sinasabi sa talatang ito na “walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos”?
Mababasa sa Pagsasalin ni Joseph Smith, “Walang taong nakakita kailanman sa Diyos, maliban sa siya ay nagpatotoo sa Anak; sapagkat maliban sa pamamagitan niya ay walang taong maliligtas.” Ang mahalagang karagdagang ito na naka-italics ay nagpapaliwanag na ang Ama ay nangungusap sa Kanyang mga anak sa lupa upang magpatotoo tungkol sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Nakatala sa mga banal na kasulatan ang ilang pagkakataon na ipinakilala ng Ama si Jesucristo.
Juan 1:19
Ano ang kahulugan ng mga salitang “mga Judio” dito at sa iba pang mga talata sa aklat ni Juan?
Ginamit ni Juan ang katagang “mga Judio” nang 71 beses sa kanyang Ebanghelyo. Sa bawat halimbawa nito, dapat nating ipaliwanag ang kahulugan ng kataga sa loob ng partikular na konteksto nito. Halimbawa, sa Juan 2:6, ang “mga Judio” ay tumutukoy sa mga mamamayang Judio bilang isang lahi o bansa. Sa Juan 1:19; 5:10; 9:22; at 18:12, ang “mga Judio” ay tumutukoy sa mga awtoridad ng mga Judio, kabilang na ang mga punong saserdote, eskriba, at matatanda. Sa Juan 9:18, ang “mga Judio” ay tumutukoy sa mga hindi mananampalataya.
Juan 1:19–28
Sino si Elias?
Sa Juan 1:19–28, tinanong ng mga pinunong Judio si Juan na Tagapagbautismo kung siya si Elias. Ang Elias ay ang anyong Griyego na may pangalang Elias sa Hebreo, na siyang pangalan ng isang propeta na ipinropesiya na babalik balang araw.
Naunawaan ni Juan na Tagapagbautismo, ngunit tila hindi ng mga saserdote at Levita, na may iba’t ibang kahulugan ang pangalan o titulong Elias. Si Juan na Tagapagbautismo ay isang Elias, na ang ibig sabihin ay isang tagapagpauna, at siya ay isinugo upang ihanda ang daan para sa Mesiyas.
Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith na dumating si Juan na Tagapagbautismo para ihanda ang daan para kay Jesucristo. Nakasaad rito na si Juan na Tagapagbautismo ay “hindi ikinaila na siya si Elias; kundi nagpahayag, sinasabing; Hindi ako ang Cristo.”
Juan 1:29, 36
Bakit tinawag si Jesucristo na “ang Kordero ng Diyos”?
Si Apostol Juan ang tanging manunulat ng Bagong Tipan na inilakip ang “ang Kordero” o “ang Kordero ng Diyos” bilang titulo para sa Tagapagligtas. Madalas ding tawagin ng propetang si Nephi sa Aklat ni Mormon ang Tagapagligtas bilang “ang Kordero ng Diyos.”
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na bilang Kordero ng Diyos, tinupad ni Jesucristo ang batas ng sakripisyo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala: “Ang Lumang Tipan ay maraming pagtukoy sa pagbabayad-sala, na nangangailangan ng paghahandog ng hayop. Hindi lahat ng hayop ay angkop na ialay. Dapat isaalang-alang ang mga sumusunod:
-
Ang pagpili ng panganay ng kawan, na walang kapintasan [tingnan sa Levitico 5:18; 27:26].
-
Ang pag-aalay ng buhay ng hayop sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo nito [tingnan sa Levitico 9:18].
-
Pagpatay sa hayop nang wala ni isa mang butong mababali [tingnan sa Exodo 12:46; Mga Bilang 9:12].
-
Ang isang hayop ay maaaring ialay para sa kapakanan ng iba [tingnan sa Levitico 16:10].
“Tinupad ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang mga paghahalintulad na ito ng Lumang Tipan. Siya ang panganay na Kordero ng Diyos, na walang kapintasan. Ang Kanyang sakripisyo ay naganap sa pamamagitan ng pagtigis ng Kanyang dugo. Wala ni isang buto sa Kanyang katawan ang nabali—na mahalagang pansinin dahil ang dalawang salarin na kasabay ng Panginoon na ipinako ay binalian ng mga buto sa kanilang mga binti [tingnan sa Juan 19:31–33]. At ang Kanyang sakripisyo ay para sa kapakanan ng iba.”
Juan 1:31, 33
Hindi ba alam ni Juan na Tagapagbautismo na si Jesus ang Mesiyas?
Ang mga katagang “Hindi ko siya nakilala” sa Juan 1:31, 33 ay naging dahilan para mapatanong ang ilan kung alam ni Juan na Tagapagbautismo na si Jesus ang Mesiyas. Sa Pagsasalin ni Joseph Smith, dalawang beses na itinatama ang mga katagang “Hindi ko siya nakilala.” Sa Juan 1:31, tinanggal ang salitang hindi at ang talata ay ginawang, “nakikilala ko siya, at na siya ay ipahahayag sa Israel.” Sa Juan 1:33 ay muling tinanggal ang salitang hindi kaya ganito na ang mababasa, “nakilala ko siya.”
Pinatutunayan ng mga pagwawasto na ito na alam ni Juan na Tagapagbautismo na si Jesus ang Mesiyas. Makatuwiran ito kung isasaalang-alang ang malinaw na patotoong ibinigay ni Juan na Tagapagbautismo tungkol kay Jesus: “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Siya yaong aking sinasabi, Kasunod ko’y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin.”
Juan 1:42
Ano ang ibig sabihin ng “tatawagin kang Cefas”?
Nang tawagin ng Tagapagligtas si Pedro na maging Kanyang disipulo, binigyan Niya si Pedro ng isa pang pangalan, Cefas. Ang kahulugan ng Cephas ay “tagakita” o “bato.” Sa pagtawag kay Pedro bilang tagakita, binanggit ni Jesus ang pagtanggap ni Pedro ng mga susi ng pagbubuklod at ng awtoridad na pamahalaan ang Simbahan pagkatapos Niyang umakyat.
Gayundin, tinawag ni Jesucristo si Joseph Smith na tagakita sa araw na muli Niyang itinatag ang Kanyang Simbahan sa lupa. Sa wikang katulad ng pagtanggap ni Pedro ng mga susi ng pagbubuklod, sinabi kay Joseph at sa Simbahan kung ano ang magiging mga pagpapala ng pagsunod sa tagakita ng Panginoon.
Juan 1:45
Paano nalaman ni Felipe na si Jesus ang Mesiyas?
Nang sabihin ni Felipe kay Nathanael ang tungkol kay Jesus, sinabi niya na natagpuan niya ang taong “isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta.” Ang Kautusan ay ang unang limang aklat ni Moises. Ang mga Propeta ay mga aklat tulad ng Isaias, Mikas, Jeremias, at Zacarias. Nakilala ni Felipe at ng iba pang mga disipulo si Jesus bilang Mesiyas dahil sinaliksik nila ang mga banal na kasulatan para sa mga palatandaan tungkol sa Kanya.
Juan 1:46
Bakit itinanong ni Nathanael kung “mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?”
Ang Nazaret ay isang maliit na nayon na binubuo ng humigit kumulang 200 hanggang 400 na residente. Hindi ito binanggit sa Lumang Tipan. Noong nabubuhay pa ang Tagapagligtas, marahil ay inisip ng maraming tao na walang halaga ang Nazaret. Dahil dito, inisip ni Nathanael kung may mabuting bagay na maaaring magmula sa Nazaret. Kalaunan sa Bagong Tipan, ang Nazaret ay kilala bilang lugar kung saan lumaki si Jesus.
Juan 1:47
Ano ang ibig sabihin ng maging isang tao na “walang pandaraya”?
Sinabi ng Tagapagligtas na si Nathanael ay isang tao na “walang pandaraya.” Ang salitang Griyego na isinalin dito bilang “pandaraya” ay nangangahulugang panlilinlang, katusuhan, o kataksilan. Ayon sa Tagapagligtas, si Nathanael ay isang taong may dalisay na hangarin.
Alamin ang Iba Pa
Mga Titulo ni Jesucristo
-
M. Russell Ballard, “Ang Ilaw ng Buhay,” Liahona, Ene. 2023, 4–7
-
Jeffrey R. Holland, “Narito, ang Cordero ng Dios,” Liahona, Mayo 2019, 44–46
Pagbabahagi ng Ebanghelyo
-
David A. Bednar, “Magsiparito Kayo, at Inyong Makikita,” LiahonaNob. 2014, 107–10
Media
Video
“The Baptism of Jesus” (3:10)
Mga Larawan
composite ng The Grand Council [Ang Malaking Kapulungan] ni Robert T. Barrett
Christ the Creator [Si Cristo na Tagapaglikha], ni Robert T. Barrett
John the Baptist Preaching in the Wilderness [Si Juan na Tagapagbautismo habang Nangangaral sa Ilang], ni Robert T. Barrett
John the Baptist Baptizing Jesus [Binibinyagan ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus], ni Greg K. Olsen