“Mateo 18; Lucas 10,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 18; Lucas 10
Itinuro ni Jesucristo na ang tanging paraan para makapasok sa kaharian ng langit ay ang magbalik-loob at magpakumbaba tulad ng isang maliit na bata. Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo ang mga alituntunin para tulungan sila na gabayan ang Simbahan. Lahat ng Labindalawa ay tumanggap ng mga susi ng kaharian. Nang tanungin ni Pedro kung gaano kadalas niya dapat patawarin ang iba, ibinahagi ni Jesus ang talinghaga tungkol sa aliping hindi nagpatawad. Tumawag ang Tagapagligtas ng Pitumpu at binigyan sila ng tagubilin. Sila ay nangaral, nagpagaling, at bumalik upang mag-ulat tungkol sa kanilang mga ginawa. Ikinuwento ng Tagapagligtas ang talinghaga ng mabuting Samaritano. Itinuro Niya kina Maria at Marta ang kahalagahan ng pagbibigay ng priyoridad sa mga bagay ng Diyos.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Mateo 18:5–10
Ano ang nadarama ng Tagapagligtas sa mga taong inaapi ang Kanyang “maliliit na ito”?
Tingnan sa “Marcos 9:42–48. Ano ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa mga taong inaapi ang Kanyang ‘maliliit na ito’?”
Mateo 18:21–22
Ano ang ibig sabihin ng patawarin ang iba “hanggang sa makapitumpung pito”?
Sa Biblia, ang bilang na 7 ay sumisimbolo sa pagkakumpleto, kaganapan, o kabuuan. Ang bilang na 490 (o “pitumpung beses na pito”) ay sumisimbolo sa pagiging perpekto. Ginamit ni Jesus ang mga numerong 7 at 490 bilang “simbolo ng ganap na pagpapatawad.”
Ipinahayag ni Elder Lynn G. Robbins: “Ginamit ng Panginoon ang matematika ng makapitumpung pito bilang metapora ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, pagmamahal, at biyaya. ‘Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin’ [Mosias 26:30; idinagdag ang pagbibigay-diin].” Dapat din nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na magpatawad sa iba.
Mateo 18:23–35
Ano ang pagkakaiba ng 10,000 talento sa 100 denario?
Sa talinghagang ito, ang hari ay kumakatawan sa Panginoon at ang alipin na may utang na 10,000 talento ay kumakatawan sa bawat isa sa atin. Ginamit ng Tagapagligtas ang talinghagang ito upang ituro ang kahalagahan ng pagpapatawad sa iba.
Ang talinghaga ay tumutukoy sa “sampung libong talento” (talata 24) at “isandaang denario [sa Griyego ay dēnaria]” (talata 28), na mga uri ng pera noong panahon ni Jesus. Ang 100 denario na utang ng kapwa alipin ay walang halaga kung ikukumpara sa 10,000 talento.
“Noong unang siglo A.D., ang 10,000 talento ay tinatayang katumbas ng 100,000,000 denario. Ang isang denario ay karaniwang isang araw na sahod ng karaniwang manggagawa. Kung ang manggagawang iyon ay nagtatrabaho ng tatlong daang araw sa isang taon, aabutin ng mga 33 taon bago siya kumita ng isang talento. At aabutin ng mahigit 300,000 taon bago kumita ng 10,000 talento, ang kabuuan ng utang ng alipin.”
Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “May mga pagkakaiba-iba ng opinyon ang mga iskolar hinggil sa laki ng perang binanggit dito … at para madaling makuwenta, kung ang mas maliit, at hindi pinatawad na 100-denariong utang ay ipagpalagay nating $100 sa ating kasalukuyang panahon, kung gayon ang utang na 10,000-talento na pinatawad ay maaaring umabot ng $1bilyon—o mahigit pa!
“Sa isang taong may ganitong utang, napakalaking halaga nito—talagang hindi natin ito kayang unawain. … Para sa mga layunin ng talinghagang ito, nilayon ito na hindi mauunawaan; nilayon ito na hindi maarok ng ating kakayahang makaunawa, pati na rin ang kawalan natin ng kakayahang magbayad. Iyan ay sa kadahilanang ito … ay kuwento tungkol sa atin, ang makasalanang sangkatauhan—mga may utang, mga suwail, at mga bilanggo …
“Si Jesus ay gumamit dito ng isang paraan na di-kayang maunawaan dahil ang Kanyang Pagbabayad-sala ay isang kaloob na hindi maaarok at hindi matutumbasan.”
Lucas 10:1–20
Sino ang Pitumpu?
Si Lucas ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nagtala na tumawag si Jesucristo ng Pitumpu. Kasama ang Labindalawang Apostol, tungkulin ng Pitumpu ang ipangaral ang ebanghelyo at ihanda ang daan para sa Tagapagligtas. Ang pagtawag Niya sa Pitumpu at mga tagubilin sa kanila ay katulad ng tungkulin at mga tagubilin na ibinigay Niya sa Kanyang Labindalawang Apostol. Ngayon, ang mga General Authority Seventy ay mga lider ng Simbahan na tinawag ng Unang Panguluhan ng Simbahan. Naglilingkod sila bilang “mga natatanging saksi” na tumutulong sa Labindalawa sa “[pagpapatatag] ng simbahan,” “pamamahala sa lahat ng bagay,” at “pangangaral at pangangasiwa ng ebanghelyo” sa buong mundo.
Lucas 10:30
Ano ang alam natin tungkol sa daan mula Jerusalem patungo sa Jerico?
Ang daan na “[pababa] mula sa Jerusalem patungo sa Jerico” ay 3,280 talampakan ang taas. Maaaring tinutumbok nito ang mga tuyong ilog, tulad ng ipinapakita sa imahe sa ibaba. Ang daan ay mga 12.5 milya (20 km) ang haba at kakikitaan ng mapanglaw at maburol na lupain, kung saan kadalasan ay nagtatago at inaatake ng mga tulisan ang mga dumaraang manlalakbay.
Lucas 10:31–36
Ano ang kahalagahan ng saserdote, Levita, at Samaritano sa talinghaga ng mabuting Samaritano?
Ayon sa batas ni Moises, ang mga saserdote at Levita ay itinalagang magturo ng batas ng Diyos at maglingkod sa Diyos at sa kanilang kapwa. Lubos nilang alam ang utos na “iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili.” Sa katunayan, iniutos ng Diyos sa mga Israelita, kabilang na ang mga saserdote at Levita, na kaagad na tumulong kapag nasa panganib ang buhay ng kanilang kapwa.
Sa talinghaga ng Tagapagligtas, nilabag ng saserdote at ng Levita ang mga kautusang ito. Sa halip na sundin ang batas ni Moises, maaaring ang sinusunod nila ay ang tradisyon ng matatanda, o ang oral na batas. Nakasaad sa tradisyong ito na ang mga Judio ay hindi obligadong iligtas ang mga di-Judio o ang mga hindi kilalang lahi mula sa kamatayan. Ang gayong tao ay hindi itinuturing na kapitbahay o kapwa-tao.
Ang nakakapagtaka, ginampanan ng Samaritano ang mga tungkulin ng saserdote at ng Levita na nakasaad sa batas ni Moises. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Naisip mo na ba kung bakit pinili ng Tagapagligtas na gawing bida ang Samaritano sa kuwentong ito? May malaking pagkapoot sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano noong panahon ni Cristo. Karaniwan ay iniiwasan ng dalawang grupong ito ang makahalubilo ang isa’t isa. Maganda at may aral pa rin ang talinghaga kung ang taong nahulog sa kamay ng tulisan ay tinulungan ng kapwa niya Judio.
“Ang sadyang paggamit Niya ng mga Judio at Samaritano ay malinaw na nagtuturo sa atin na tayong lahat ay magkakapitbahay, at na dapat nating mahalin, pahalagahan, igalang, at paglingkuran ang isa’t isa sa kabila ng malaking kaibhan—kabilang na ang kaibhan sa relihiyon, pulitika, at kultura.”
Lucas 10:33–35
Bakit gumamit ang Samaritano ng langis at alak para gamutin ang mga sugat ng lalaki?
Ginamot ng Samaritano ang mga sugat ng sugatang lalaki gamit ang langis at alak, na parehong nakapagpapagaling. Ang langis ay ginamit upang maibsan ang sakit na dulot ng mga sugat, at ang alak ay ginamit upang disimpektahin ang mga sugat. Ang langis at alak ay simbolo rin ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Tulad ng mabuting Samaritano, si Jesucristo ay mahabagin. Pinagagaling Niya ang ating espirituwal na sugat na dulot ng kasalanan at iniligtas tayo mula sa kamatayan. Dinadala Niya tayo sa kaligtasan at pinakikilos ang iba para tulungan tayo. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo mismo ang nagsakripisyo para sa ating paggaling.
Lucas 10:38–42
Ano ang inaasahan sa isang babaeng punong-abala sa panahon ng Bagong Tipan?
“Napakahalaga ng mabuting pagtangap at pag-aasikaso sa mga bisita sa lipunang Judio, at ang karangalan at reputasyon ng isang babae ay bahagyang nakasalalay sa kung gaano niya kahusay na natutugunan ang mga inaasahan sa kultura tungkol sa tungkulin ng babaeng punong-abala.” Dahil sa mga kaugaliang ito ng lipunan, maaaring ituring na makatwiran ang reklamo ni Marta na iniwan siya ni Maria na mag-asikaso nang mag-isa. Nilinaw ng sagot ng Tagapagligtas sa pag-aalala ni Marta na ang mga bagay ng Diyos ay mas mahalaga kaysa sa mga kaugalian ng lipunan, kahit na ito ay mabubuting kaugalian.
Alamin ang Iba Pa
Pagkatutong Mahalin ang Isa’t Isa
-
Bonnie D. Parkin, “Choosing Charity: That Good Part,” Liahona, Nob. 2003, 104–6
Pagpapakita ng Ating Pagkadisipulo sa pamamagitan ng Paglilingkod
-
Camille Fronk Olson, “Marta at Maria,” Liahona, Abr. 2019, 52–53
Pagpapatawad at mga Pangalawang Pagkakataon
-
Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Liahona, Mayo 2018, 21–23
Mga Simbolo na Matatagpuan sa Talinghaga tungkol sa Mabuting Samaritano
-
John W. Welch, “Ang Mabuting Samaritano: Limot nang mga Simbolo,” Liahona, Peb. 2007, 27–33
Media
Mga Video
“Forgive Every One Their Trespasses: The Parable of the Unmerciful Servant” (6:05)
“Parable of the Good Samaritan” (4:55)
“The Good Samaritan” (12:23)
Mga Larawan
The Good Samaritan [Ang Mabuting Samaritano], ni Walter Rane
Nakinig si Maria sa Kanyang Salita [Mary Heard His Word], ni Walter Rane