Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18


“Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18

Nilisan ng Tagapagligtas ang Galilea at naglakbay patimog patungo sa Judea. Itinuro Niya ang tungkol sa pag-aasawa at diborsyo, binasbasan ang maliliit na bata, at pinayuhan ang mayamang binata. Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo na ang mga nagsasakripisyo alang-alang sa Kanya ay magmamana ng buhay na walang hanggan. Itinuro ni Jesus ang talinghaga tungkol sa mga manggagawa sa ubasan, ipinropesiya ang Kanyang sariling kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, at itinuro sa Kanyang mga Apostol na maglingkod sa kapwa. Pinagaling Niya ang isang bulag. Itinuro niya ang talinghaga tungkol sa isang hindi makatarungang hukom at ang talinghaga tungkol sa Fariseo at maniningil ng buwis.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Mateo 19:3–9

Ano ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa pag-aasawa at diborsyo?

Ang tanong ng mga Fariseo tungkol sa diborsyo ay nagpapahiwatig na may pagtatalu-talo sa mga Fariseo. Naniniwala ang ilan na hindi dapat pahintulutan ang diborsyo sa anumang kadahilanan maliban sa seksuwal na pagkakasala. Ang iba naman ay naniniwala na katanggap-tanggap ang diborsyo para sa “anumang kadahilanan,” tulad ng “kawalan ng anak, pagiging maargumento, o pagiging hindi maayos sa pamamahay.”

Tumugon ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtutol sa diborsyo sa anumang kadahilanan maliban sa seksuwal na pagkakasala. Ipinaalala rin Niya sa mga Fariseo ang orihinal na layunin ng kasal na itinuro sa Genesis 1:27–28; 2:22–24. Binigyang-diin Niya na “ang kasal ay nilayong magtatag ng permanenteng relasyon.” Tinutulan ng turong ito ang “hindi matuwid na pang-aapi sa kababaihan” na bunga ng diborsyo dahil sa walang kabuluhang dahilan.

Maaaring hindi komportable ang mga makabagong mambabasa sa turo ni Jesus na ang sinumang magdiborsyo sa asawang babae at pagkatapos ay muling magpakasal ay nagkakasala sa kanya ng pangangalunya. Ngunit maaaring napansin ng mga nasa panahon ni Jesus na ang turong ito ay nag-angat ng katayuan ng mga kababaihan. Noong panahon ng Biblia, ang isang babaeng may asawa ay itinuturing na “pag-aari” ng kanyang asawa. Alinsunod dito, ang pangangalunya ay itinuring na isang pagkakasala laban sa isang lalaki. “Sa pagtuturo na ang pangangalunya ng lalaki ay isang pagkakasala laban sa kanyang asawa, inilagay ni Jesus ang lalaki sa ilalim ng ‘parehong obligasyong moral tulad ng asawang babae’ at ‘iniangat ang dignidad at katayuan ng mga babae.’ Ang asawang babae ay hindi lamang ‘pag-aari’ ng kanyang asawa na parang ari-arian, kundi ang bawat isa ay pag-aari ng isa’t isa at may karapatan sa katapatan ng isa’t isa (tingnan sa 1 Corinto 7:3–4).”

Sa pagkomento sa Mateo 19:8–9, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang uri ng kasal na kailangan para sa kadakilaan—na nagtatagal sa kawalang-hanggan at makadiyos—ay hindi nag-iisip ng diborsyo. Sa mga templo ng Panginoon, ang mga magkasintahan ay ikinakasal para sa kawalang-hanggan. Ngunit hindi nararating ng ilang mag-asawa ang mithiing iyon. Dahil ‘sa katigasan ng [ating] mga puso’, hindi ipinatutupad ngayon ng Panginoon ang mga bunga ng paglabag sa selestiyal na pamantayan. Pinapayagan Niyang mag-asawang muli ang mga taong nakipagdiborsyo at hindi sila nagkasala sa tinukoy sa mas mataas na batas sa paggawa nito. Kung hindi nakagawa ng mabigat na kasalanan ang miyembrong nakipagdiborsyo, maaari siyang makakuha ng temple recommend batay sa gayunding mga pamantayan ng pagkamarapat na angkop sa iba pang mga miyembro.”

Mateo 19:12

Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa mga eunuko?

Ang isang eunuko ay isang lalaking emaskulado. Ang isang tao ay maaaring maging isang eunuko sa pamamagitan ng kapanganakan, pagkakapon, o sa sariling kagustuhan “alang-alang sa kaharian ng langit.” Ang huling pangkat na ito ay pinakamainam na maunawaan sa matalinghagang paraan. Maaaring kabilang dito ang mga taong kusang-loob na umiwas sa pag-aasawa o pakikipagtalik upang maglingkod sa Diyos. Halimbawa, si Pedro at ang iba pang mga disipulo ay pansamantalang nawalay sa kanilang asawa para sundin ang Tagapagligtas at gawin ang Kanyang gawain. Sa halip na sang-ayunan ang panghabang-buhay na hindi pag-aasawa o pakikipagtalik, maaaring itinuro ng Tagapagligtas na kailangang pansamantalang isakripisyo ng mga disipulong ito ang relasyon ng pamilya at mag-asawa habang naglalakbay sila kasama Siya.

Ang panawagan na pansamantalang mangilin para masunod ang Tagapagligtas ay hindi nagpabago sa kahalagahan ng kasal. Ang sinauna at makabagong paghahayag ay nagpapatunay na ang pag-aasawa at pagkakaroon ng anak ay mga kautusan ng Diyos at mahahalagang aspeto ng Kanyang plano ng kaligtasan.

Mateo 19:24

Ano ang ibig sabihin ng pagdaan ng isang kamelyo sa butas ng isang karayom?

Malamang na ginamit ni Jesus ang hyperbole (sadyang eksaherasyon) para ituro na ang isang mayaman ay mahihirapan nang husto na makapasok sa langit. Idinagdag sa Joseph Smith Translation na, “Sa mga taong nagtitiwala sa mga kayamanan, ito’y hindi maaaring mangyari; ngunit maaari ito sa mga taong nagtitiwala sa Diyos at pinipiling iwan ang lahat para sa akin, dahil sa pamamagitan nito lahat ng bagay na ito ay magiging posible.”

Mateo 20:1–16

Bakit lahat ng manggagawa ay pare-pareho ang sahod?

Ito ang sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland tungkol sa talinghagang ito: “Mahalagang malaman na wala ni isa na naagrabiyado rito. Pumayag ang unang mga manggagawa sa buong araw na sahod, at natanggap nila iyon. Bukod pa riyan, sa wari ko ay malaki ang pasasalamat nila na natanggap sila sa trabaho. Sa panahong iyon ng Tagapagligtas, ang karaniwang manggagawa at kanyang pamilya ay umaasa lamang sa kita nila sa maghapon. Kung hindi ka nag-ani o nangisda o nagtinda, malamang na wala kang kakainin. Dahil mas maraming manggagawa kaysa gawain, pinakamasuwerte ang unang grupong ito sa lahat ng manggagawa sa umagang iyon. …

“Ngunit sa pagtatapos ng araw, bumalik sa ikalimang beses ang may-ari na may dalang pambihirang huling alok! Ang huli at lubhang pinanghinaan ng loob na mga manggagawang ito, nang marinig na tatratuhin sila nang patas, ay tinanggap ang alok kahit hindi nila alam kung magkano ang kanilang magiging sahod, batid na mas mabuti nang may trabaho kaysa wala, na matagal na nilang nararanasan. At nang kumuha na sila ng sahod, nagulat sila na pare-pareho ang ibinayad sa kanilang lahat! Gulat na gulat siguro sila at talagang labis na nagpasalamat! Tiyak na noon lang sila nakaranas ng gayon kalaking pagkahabag simula pa noong nagtrabaho sila.

“Sa pagbabasa ko sa kuwentong ito ay nadama ko na kailangang makita ang pagrereklamo ng mga unang manggagawa. Tulad ng sinabi sa kanila ng may-ari ng lupa sa talinghaga (at iibahin ko lang nang kaunti): ‘Mga kaibigan, naging makatarungan ako sa inyo. Pumayag kayo sa magiging bayad sa inyo sa buong araw, magandang kita na ito. Napakasaya ninyo nang matanggap kayo sa trabaho, at napakasaya ko sa pagsisilbi ninyo. Binayaran kayo nang buo. Kunin ninyo ang inyong sahod at tamasahin ang pagpapala. Para sa iba naman, malaya naman akong gawin ang gusto kong gawin sa pera ko.’ At narito ang nakapupukaw na tanong para sa sinuman noon o ngayon na kailangang makarinig nito: ‘Bakit ka maiinggit kung piliin kong maging mabait?’”

Marcos 10:45

Paano “ibi[ni]gay [ni Jesucristo] ang kanyang buhay na pantubos sa marami”?

Ang “pantubos” ay isinalin mula sa salitang Griyego na lytron, na nangangahulugang isang halaga para sa pagpapalaya o isang paraan kung saan ang pagpapalaya ay ginagawang posible. Noong panahon ng Lumang Tipan, kapag ang isang tao ay nasa pagkaalipin, ang kanyang pamilya ay inaasahang magbabayad ng halaga ng pagpapalaya. Bilang Panganay ng ating Ama sa Langit, binayaran ni Jesucristo ang pantubos na kailangan upang mapalaya ang lahat ng tao mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Ang pantubos na ito ay hindi binayaran ng salapi o ginto kundi ng “mahalagang dugo ni Cristo.”

Ang “marami” ay tutubusin ng “Isa” lamang, si Jesucristo, na magbabayad para sa kanilang pagkatubos. Itinuro ng propetang si Isaias: “Ipina[pa]san ng PANGINOON [kay Jesucristo] ang lahat nating kasamaan. … Sa pamamagitan ng kanyang kaalaman[,] [a]ariing-ganap ng matuwid kong lingkod ang marami, at papasanin niya ang kanilang mga kasamaan.”

Lucas 18:1–8

Ano ang matututuhan natin mula sa talinghaga tungkol sa hindi makatarungang hukom?

Sinabi ni Lucas na ang pangunahing mensahe ng talinghaga tungkol sa hindi makatarungang hukom ay na “dapat laging manalangin at huwag manlupaypay” ang mga tao. Ang ibig sabihin ng salitang Griyego na isinalin bilang “manlupaypay” ay manghina o mawalan ng pag-asa. Sa talinghaga, ang pagdarasal nang hindi pinanghihinaan ng loob ay inilalarawan ng isang balo na paulit-ulit na hinihiling sa isang hukom na resolbahin ang kawalang-katarungan.

Ang talinghagang ito ay isa rin sa ilang pagkakataon na itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa pagiging perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng pagkukumpara nito sa pagiging di-perpekto ng tao. Kung ang isang masamang hukom ay sasagutin sa wakas ang isang nagmamakaawang balo na hindi niya pinangangalagaan, gaano pa kaya ang Diyos, ang matuwid na Hukom ng lahat, ay sasagutin ang mga panalangin ng Kanyang mga tao at bibigyan sila ng katarungan?

Lucas 18:9–14

Bakit ikinumpara ng Tagapagligtas ang isang Fariseo sa isang maniningil ng buwis?

Ang mga Fariseo ay karaniwang iginagalang dahil sa mahigpit na pagsunod sa batas. Gumawa sila ng maraming patakaran at tradisyon, na kilala bilang oral law, upang matiyak na nasusunod ang batas ni Moises. Sa kasamaang palad, mas binigyang-diin sa kanilang turo “ang pagsunod sa mga patakaran at nag-udyok ng espirituwal na kapalaluan.” Humantong ito sa pagiging mapagmalinis sa sarili. Sa kabilang banda, ang mga Maniningil ng buwis ay kinamumuhian at itinuring na mga tiwali. Madalas silang igrupo sa mga patutot at makasalanan. Ngunit maraming maniningil ng buwis ang mapagpakumbabang tinanggap ang mga turo ni Jesus. Walang nakatala sa Mga Ebanghelyo ng anumang pagkakataon na tinanggihan ni Jesus ang mga taong handang makinig at pagbutihin ang kanilang buhay.

Alamin ang Iba Pa

Kasal

  • Dallin H. Oaks, “Diborsyo,” Liahona, Mayo 2007, 70–72

Pagkadisipulo, pagiging disipulo

Media

Videos

“Christ and the Rich Young Ruler” (2:28)

2:28

“Laborers in the Vineyard” (3:05)

3:5

“Suffer the Little Children to Come unto Me” (2:44)

2:44

Mga Larawan

si Cristo at ang binatang mayaman

Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno], ni Heinrich Hofmann

mga manggagawa na nagtatrabaho sa isang ubasan
isang Fariseo at isang maniningil ng buwis na nagdarasal

Paglalarawan ni Robert T. Barrett

Mga Tala

  1. Richard D. Draper, “What Therefore God Hath Joined Together, Let No Man Put Asunder,” sa The Sermon on the Mount in Latter-day Scripture, pat. Gaye Strathearn at iba pa (2010), 123, note 5.

  2. Draper, “What Therefore God Hath Joined Together,” 114.

  3. Draper, “What Therefore God Hath Joined Together,” 115.

  4. Dallin H. Oaks, “Diborsyo,” Liahona, Mayo 2007, 70.

  5. Tingnan sa Marcos 10:11.

  6. Mark D. Ellison, “Family, Marriage, and Celibacy in the New Testament,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell (2019), 540.

  7. Dallin H. Oaks, “Diborsyo,” 70.

  8. Tingnan sa Bible Dictionary, “Eunuch.”

  9. Tingnan sa Mateo 19:27–29; tingnan din sa Ellison, “Family, Marriage, and Celibacy,” 541.

  10. Tingnan sa Mateo 19:27–29.

  11. Tingnan sa Genesis 1:27–28; 2:24; Doktrina at mga Tipan 49:15–17; 131:1–4; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  12. Joseph Smith Translation, Mark 10:26 (sa Mark 10:27, footnote a).

  13. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 31.

  14. Tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 646, 1104.

  15. Tingnan sa Levitico 25:48–49.

  16. 1 Pedro 1:19.

  17. Isaias 53:6, 11; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  18. Lucas 18:1.

  19. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, 1071.

  20. Tingnan sa Lucas 11:5–8, 11–13.

  21. Ang ibig sabihin ng salitang Griyego na isinalin bilang “bigyan ng katarungan” sa Lucas 18:3, 5, 7–8 ay pagpapatupad ng katarungan o pagpaparusa (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words, 1071).

  22. Tingnan sa bahaging “Sino ang mga Fariseo?” sa “Sa Pagitan ng Luma at Bagong Tipan,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.

  23. Sa isa pang pagkakataon, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na gawin ang itinuro ng mga eskriba at Fariseo ngunit huwag tularan ang kanilang mga halimbawa (tingnan sa Mateo 23:3). Pagkatapos ay pinagsabihan Niya ang mga eskriba at Fariseo dahil sa kanilang pagiging mapagkunwari (tingnan sa Mateo 23:4–36).

  24. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Fariseo, Mga,” Gospel Library.

  25. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Maniningil ng Buwis,” Gospel Library.

  26. Tingnan sa Mateo 9:10–11; 11:19; 21:32; Marcos 2:15–16.

  27. Tingnan sa Mateo 21:31–32; Marcos 2:15–16; Lucas 15:1. Ang ilang Fariseo ay nakinig din sa mga turo ni Jesus: tingnan sa Juan 3:1–13; 19:38–40; Mga Gawa 15:5; Filipos 3:4–9.

  28. Tingnan sa Lucas 18:14; Doktrina at mga Tipan 52:15.