“Juan 2–4,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan
Juan 2–4
Sa simula ng Kanyang ministeryo sa mga tao, ginawang alak ni Jesucristo ang tubig sa isang kasalan sa Cana ng Galilea. Dumalo Siya sa Paskuwa sa Jerusalem at nilinis ang templo. Ipinropesiya Niya ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at gumawa ng mga himala. Itinuro ni Jesus kay Nicodemo na ang lahat ng tao ay kailangang ipanganak ng tubig at ng Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Nagpatotoo si Jesus na Siya ay isinugo ng Diyos upang iligtas ang sanlibutan. Pinatotohanan ni Juan na Tagapagbautismo na si Jesus ang Anak ng Diyos. Tinuruan ni Jesus ang isang Samaritana, na kinilala Siya bilang Mesiyas. Ibinahagi niya ang kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas, at marami sa Samaria ang naniwala na si Jesus ang Mesiyas. Pinagaling Niya ang anak ng isang pinuno na malapit nang mamatay.
Mga Resources
Background at Konteksto
Juan 2:1–11
Labag ba ang pag-inom ng alak sa mga kautusan noong kapanahunan ng Biblia?
Maraming mga reperensya sa Biblia ang tungkol sa masamang dulot ng paglalasing at matapang na inumin. Hindi partikular na binanggit sa mga scripture verse na ito ang pagbabawal sa pag-inom ng alak, kundi ang pagkundena sa paglalasing. Sa ating panahon, inihayag ng Panginoon ang Word of Wisdom, na nagbabawal ng pag-inom ng mga inuming nakalalasing. Pero mahalagang hindi natin husgahan ang mga tao ng mga naunang dispensasyon batay sa mga kautusang ibinigay sa atin ng Panginoon sa ating panahon.
Juan 2:4
Walang galang ba si Jesus nang sabihin Niya sa Kanyang ina, “Babae, anong kinalaman niyon sa akin at sa iyo?”
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan na si Jesus sa katunayan ay magalang. Tinanong ni Jesus ang Kanyang ina kung ano ang gusto nito na gawin Niya at ipinahayag din Niya ang Kanyang kahandaang gawin ito. Mababasa sa iwinastong talata: ‘Babae, ano ang nais mo na gawin ko para sa iyo? Iyan ang aking gagawin sapagkat ang aking oras ay hindi pa dumarating.”
Noong panahon ni Jesus, ang titulong “babae” ay isang magalang na paraan ng pagtawag sa nakatatandang babae. Ang Kanyang mga salita at kilos sa piging ng kasal ay nagpapakita na “batid [Niya] ang mabibigat na gawain ng mga kababaihan sa araw-araw. Iginalang ni Jesucristo ang Kanyang ina sa pag-aalok na tulungan ito sa mga pasanin at responsibilidad.”
Juan 2:6
Gaano karami ang tubig na ginawang alak?
Ginamit na panukat ng mga tagasalin ng King James Bible ang laman ng isang banga upang masabi kung gaano karaming likido ang kasya sa tapayan. Ang isang banga ay naglalaman ng mga 9 na galon (mga 34 na litro). Kaya kung ang bawat tapayan ay naglalaman ng “dalawa o tatlong bangang tubig,” kung gayon ang bawat isa ay maaaring maglaman ng 18 hanggang 27 galon (mga 68 hanggang 102 litro). Nangangahulugan ito na ang anim na tapayan ay maaaring maglaman 108 hanggang 162 galon (mga 409 hanggang 613 litro).
Juan 2:13–16
Bakit may mga mamamalit ng salapi sa templo?
Ang mga manlalakbay na Judio na nagpunta sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa ay kailangang bumili ng mga hayop na iaalay bilang mga hain sa templo. Bahagi ito ng kanilang pagsamba. Bukod pa rito, iniutos ng batas ni Moises sa bawat lalaking Judio na magbayad ng buwis sa templo taun-taon. Ang mga nagpapalit ng pera at nagbebenta ng mga hayop na iniaalay ay nagtulot sa mga bisita na makabili ng mga hayop na isasakripisyo na kailangan nila at makapagbayad ng buwis sa templo.
Ang pagpapatakbo ng mga kalakal na ito sa mga panlabas na patyo ng templo ay kawalang-pitagan at kawalang-galang sa mga sagradong layunin ng templo. Bukod dito, ang mga mamamalit ng salapi at mangangalakal ng hayop ay tila nakikinabang sa pamamagitan ng pagsingil ng labis na presyo para sa kanilang mga serbisyo. Tulad ng sinabi ni Jesus, ginawa nilang “yungib ng mga magnanakaw” ang bahay ng Kanyang Ama.
Juan 2:18–21
Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw”?
Matapos itaboy ni Jesus ang mga mamamalit ng salapi sa templo, humingi sa Kanya ng tanda ang ilan sa mga pinunong Judio na nagpapatunay na may karapatan Siya na palayasin sila. Tumugon si Jesus sa pagsasabing, “Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.” Mali ang kanilang pagkaunawa at ipinalagay nila na ang tinutukoy ni Jesus ay ang templo. Sa halip, ang tinutukoy ni Jesus ay ang Kanyang katawan—ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli sa hinaharap. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag uli, naalala ng mga disipulo ni Jesus ang pahayag na ito at naniwala sila.
Juan 3:1–2
Sino si Nicodemo?
Si Nicodemo ay isang Fariseo at miyembro ng Sanhedrin. Ang Sanhedrin ang “senado ng Judio at ang pinakamataas na korte ng Judio maging sa mga bagay na sibil at pansimbahan.” Kaya si Nicodemo ay may impluwensya sa pulitika, lipunan, at relihiyon. Mula sa mga banal na kasulatan nalaman natin na tila matapat si Nicodemo sa mga tanong niya kay Jesus. Halimbawa, nalaman natin sa Juan 7:45–52 na kinutya si Nicodemo nang ipagtanggol niya ang Tagapagligtas sa mga punong saserdote at Fariseo. Matapos ipako sa krus ang Tagapagligtas, tinulungan ni Nicodemo si Jose na taga-Arimatea na ilibing ang katawan ng Panginoon. Nag-ambag din siya ng mga pamahid at mga halamang pampabango na ginamit sa paghahanda ng katawan ni Jesus para sa paglilibing.
Juan 3:14–17
Ano ang kahalagahan ng “ahas sa ilang”?
Sa kanilang paglalakbay sa ilang, ang mga Israelita ay kinagat ng mga makamandag na ahas. Hiniling ng mga tao kay Moises na magsumamo sa Panginoon na alisin ang mga ahas. Bilang tugon, iniutos ng Diyos kay Moises na maglagay ng isang ahas na tanso sa isang tikin. Lahat ng mga tumingin sa ahas na tanso ay gumaling. Ginamit ni Jesus ang simbolo ng ahas na tanso upang ituro na lahat tayo ay dapat umasa sa Kanya upang maligtas. Pinagtitibay ng Aklat ni Mormon na ang ahas na tanso ay sumisimbolo sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na iligtas tayo.
Juan 3:22–26; 4:1–2
Nagbinyag ba si Jesus?
Ang mga salita sa Juan 3:22 ay nagpapahiwatig na ang Tagapagligtas ay nagsagawa ng mga binyag, samantalang ang Juan 4:1–2 ay nagpapahiwatig na hindi Niya ginawa iyon. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng mga talata sa Juan 4 ay naglilinaw ng kalituhang ito at nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa mga intensyon ng mga pinunong Judio sa Tagapagligtas:
“Nang samakatwid nabalitaan ng mga Fariseo na si Jesus ay nagkaroon at nagbinyag ng maraming disipulo nang higit pa kaysa kay Juan,
“Sila ay masigasig na naghanap ng ilang paraan upang kanilang mapatay siya; sapagkat marami ang tumanggap kay Juan bilang isang propeta, subalit hindi sila naniniwala kay Jesus.
“Ngayon nalalaman ito ng Panginoon, bagamat hindi siya mismo ang nagbibinyag ng marami na tulad ng kanyang mga disipulo;
“Sapagkat kanyang hinahayaan sila para sa isang halimbawa, inihahanda ang bawat isa.”
Juan 4:4, 9, 27
Ano ang kaugnayan ng mga Judio at Samaritano?
Ang Samaria ay naging kabisera ng Hilagang Kaharian ng Israel noong unang bahagi ng ikasiyam na siglo BC. Nang wasakin ng mga taga-Asiria ang Hilagang Kaharian (noong 722 BC), dinala nilang bihag sa Asiria ang maraming Israelita. Pagkatapos ay inilipat nila ang iba pang mga nasakop na tao sa Samaria at sa karatig rehiyon.
Ang bagong grupong ito ng mga tao, kilala bilang mga Samaritano sa Bagong Tipan, ay “magkahalong Israelita at Gentil. Ang kanilang relihiyon ay pinaghalong mga paniniwala at gawi ng mga Judio at mga pagano.” Ang paglalakip ng paganismo sa pagsamba kay Jehova ay “kinasuklaman ng mga makabagong Judio.”
Ang pagkapoot sa pagitan ng mga Judio at Samaritano ay sumidhi dahil sa ilang nakakalungkot na pangyayari sa kasaysayan. Sa panahon ni Jesus, lalong lumala ang pagkapoot nila sa isa’t isa kung kaya’t mas ginustong maglakad nang mahaba ng mga Judio sa palibot ng Samaria sa halip na diretsong dumaan dito kapag naglalakbay patungo sa Jerusalem. Sa ganitong paraan, “naiwasan nilang magkaroon ng anumang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano.”
Juan 4:19–23
Ano ang ibig sabihin ng “sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito”?
Noong huling bahagi ng ikaanim na siglo BC, nag-alok ang mga Samaritano na tulungan ang mga Judio na muling itayo ang templo sa Jerusalem, ngunit tinanggihan ng mga Judio ang kanilang alok. Kalaunan ang mga Samaritano ay nagtayo ng karibal na templo sa Bundok Gerizim sa Samaria. Ito ang bundok na tinutukoy ng babae sa balon nang sabihin niyang, “Ang aming mga ama ay sumamba sa bundok na ito.”
Noong huling bahagi ng ikalawang siglo BC, tumanggi ang mga Samaritano na tulungan ang mga Judio sa kanilang paghihimagsik laban sa mga Seleucid. Bilang tugon, sinira ni John Hyrcanus, isang pinunong Judio, ang templo ng mga Samaritano sa Bundok Gerizim. Hindi na ito muling itinayo kailanman. Ang pangwasak na ito ay nagdagdag sa pagkamuhi na namamagitan sa mga Samaritano at mga Judio. “Pinaigting din nito ang mga pagsisikap [ng mga Samaritano] na ibukod ang kanilang sarili mula sa kanilang mga kapitbahay na Judio.”
Juan 4:24
Bakit sinasabi sa talatang ito na “Ang Diyos ay Espiritu”?
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ay nagbibigay ng mas malinaw na pag-unawa sa itinuro ng Tagapagligtas sa pagkakataong ito. Sabi rito: “Sapagkat sa mga yaon ipinangako ng Diyos ang kanyang Espiritu. At sila na sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at sa katotohanan.”
Katulad nito, napansin ng mga iskolar ng Biblia na bagama’t ang orihinal na tekstong Griyego para sa Juan 4:24 ay maaaring isalin bilang “Ang Diyos ay isang espiritu,” maaari din itong isalin bilang “Ang Diyos ay espirituwal” o “Ang Diyos [ay nangangako] ng espiritu” Alam natin mula sa paghahayag sa mga huling araw na ang Diyos Ama at si Jesucristo ay may nahahawakan o pisikal na katawan at na ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.
Ang pahayag sa Juan 4:24 ay maaari ding maunawaan na pagbibigay-diin sa kalikasan ng pagsamba sa halip na sa likas na katangian ng Diyos. Dahil ang Diyos ay isang espirituwal na nilalang, kailangang sambahin Siya ng mga tao “sa espiritu at katotohanan,” hindi lamang sa pamamagitan ng panlabas na ritwal na isinasagawa sa mga partikular na lugar.
Juan 4:27
Bakit ang mga disipulo ni Jesus ay “nagtaka na siya’y nakikipag-usap sa isang [Samaritanong] babae”?
Upang maiwasan ang init ng araw, ang mga babaeng naninirahan sa lugar na ito ay karaniwang pumupunta sa balon sa madaling araw o bago lumubog ang araw. Para mapanatili ang pagiging kagalang-galang, pupunta sila roon bilang isang grupo.
Ang Samaritana na nagpunta sa balon sa katanghalian ay tila nag-iisa. “Tanging ‘masamang babae’ lang ang lantarang nakakagawa niyon. Maaaring iyon ay dahil wala siyang lugar sa lipunan o dahil alam niya na may mga manlalakbay na maaaring madatnan sa may balon at nais na makipag-ugnay sa kanya.”
Tulad ng nabanggit ng isang iskolar ng Biblia, maaaring nagtaka ang mga disipulo ni Jesus sa pakikipag-usap Niya sa babae sa balon dahil sa mga sumusunod na dahilan:
-
“Siya [ang sumira] sa ipinagbabawal na pakikipag-usap sa isang babae, lalo na sa isang lugar na walang nakatira at walang mga saksi. …
-
“Hindi pinansin ni Jesus ang limang daang taong alitan na nabuo sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano.”
Ang kahandaan ni Jesus na hindi lamang makipag-usap sa Samaritana kundi upang ituro sa kanya, na gumagawa ng mabigat na kasalanan, ang landas tungo sa kaligtasan ay isang mensahe ng pag-asa para sa lahat.
Alamin ang Iba Pa
Ang Himala ni Jesus sa Cana
-
Adam C. Olson, “Kung Magagawa Niyang Alak ang Tubig … ,” Liahona, Ene. 2023 (digital lamang)
Espirituwal na Isilang Muli
-
D. Todd Christofferson, “Isinilang na Muli,” Liahona, Mayo 2008, 76–79
Isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak na si Jesucristo
-
Michael T. Ringwood, “Sapagkat Gayon na Lamang ang Pagmamahal ng Diyos sa Atin,” Liahona, Mayo 2022, 88–90
Ang Babae sa Balon
-
Susan H. Porter, “Mga Aral sa May Balon,” Liahona, Mayo 2022, 59–61
Media
Mga Video
“Jesus Turns Water into Wine” (2:39)
“Jesus Cleanses the Temple” (1:34)
“Jesus Teaches a Samaritan Woman” (4:10)
Mga Larawan
The Marriage at Cana [Ang Kasalan sa Cana], ni Carl Bloch
composite ng Crucifixion [Pagpapako sa Krus] at Moses and the Brass Serpent [Si Moises at ang Ahas na Tanso], ni Harry Anderson