Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 Corinto 8–13


“1 Corinto 8-13,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

1 Corinto 8–13

Ang ilang miyembro ng Simbahan sa Corinto ay naimpluwensyahan ng mga paniniwala at gawi ng mga pagano. Tinugon ni Apostol Pablo ang tanong kung katanggap-tanggap ba ang pagkain ng karne na inihandog sa mga diyus-diyusan ng mga pagano. Itinuro niya ang tungkol sa ordenansa ng sakramento. Nagpayo rin siya tungkol sa kaugalian ng mga kababaihan na gumagamit ng mga pantakip sa buhok sa oras ng pagsamba. Itinuro ni Pablo sa mga Banal ang tungkol sa mga espirituwal na kaloob, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa-tao nang higit sa lahat ng iba pang kaloob.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

1 Corinto 8:1–13

Bakit nag-alala ang ilang nagbalik-loob tungkol sa pagkain ng karne na inihandog sa mga diyus-diyusan?

Noong panahon ni Pablo, ilan sa mga karneng ibinibenta sa mga pamilihan ng Corinto at iba pang mga lungsod ay ginamit bilang mga hain o alay sa pagsamba ng mga pagano. Sa pakiramdam ng matatapat na Judio ay ipinagbabawal sa kanila ng batas ni Moises ang pagkain ng ganitong karne. Bukod pa rito, sa Konseho ng Jerusalem, partikular na inatasan ni Santiago ang mga gentil na nagbalik-loob sa Simbahan na “umiwas sa mga bagay [karne] na inihandog sa mga diyus-diyusan.” Ipinapahiwatig sa liham ni Pablo na ilan sa mga gentil sa Corinto na bago pa lamang nagbalik-loob ang nagsabing walang masama sa pagkain ng ganitong karne.

Ipinaalala ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na ang mga diyus-diyusan ay kumakatawan sa mga huwad na diyos at walang kabuluhan. Ipinaalala rin ni Pablo sa mga taga-Corinto na ang pagkain na kinakain natin ay hindi nagtatakda ng ating kaligtasan. Kaya hindi nila higit na ikabubuti ang kumain ng karne o hindi rin nagkukulang kung hindi sila kumain ng karne. Gayunman, nag-alala si Pablo na ang pagkain ng karne ay makapagbibigay sa iba ng impresyon na hinihikayat ng mga Kristiyano ang mga paganong ritwal. Iminungkahi ni Pablo na huwag silang kumain ng karneng ito para maiwasang magbigay ng maling impresyon sa iba.

1 Corinto 8:4–6

Ano ang ibig sabihin ni Pablo ng pagkakaroon ng “maraming diyos, at maraming panginoon”?

Itinuro ni Pablo na ang mga diyus-diyusan, o mga huwad na diyos, ay hindi umiiral. Pinagtibay niya na “may isang Diyos, ang Ama, … at may isang Panginoon, si Jesucristo.”

Nagbigay ng dagdag na kaalaman si Propetang Joseph Smith: “Palagi kong ipinahahayag na ang Diyos ay isang katangi-tanging persona[he], si Jesucristo ay isang hiwalay at katangi-tanging persona[he] mula sa Diyos Ama, at ang Espiritu Santo ay isang katangi-tanging persona[he] at isang Espiritu: at ang tatlong ito ay bumubuo ng tatlong magkakaibang persona[he] at tatlong Diyos. …

“May ilang nagsasabi na ang pagpapakahulugan ko sa [mga turo ni Pablo sa 1 Corinto 8:5] ay iba sa kanila. Sinasabi nila na ang ibig sabihin nito ay mga diyos ng mga pagano. Sinabi ni Pablo na maraming mga Diyos at maraming mga Panginoon; at dahil dito maraming Diyos. … Ako ay may patotoo ng Espiritu Santo, at may patotoo na hindi diyos ng mga pagano ang tinukoy ni Pablo sa teksto.”

1 Corinto 9:19–23

Bakit sinabi ni Pablo na “sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao”?

Ayaw ni Pablo na makasakit ng kapwa na iba ang mga tradisyon sa kanilang kultura. Determinado siyang ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng tao. Kusang-loob niyang iniangkop ang kanyang pag-uugali para paglingkuran ang mga taong iba’t iba ang pinagmulan. Hindi ibig sabihin nito na tinanggap niya ang mga maling doktrina o gawain. Ang kanyang katapatan ay hindi sa anupamang kultura o bansa, kundi sa pangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo.

1 Corinto 9:24–27

Ano ang matututuhan natin sa paghahambing ni Pablo sa pagtakbo sa isang karera?

Malaki ang pagpapahalaga ng mga Griyego at Romano sa mga paligsahang pampalakasan. Ang sinaunang Olympic games ay totoong inaabangan sa tuwing ginaganap ito kada ilang taon sa buong Mediterranean area. Ang Isthmian games, na ginaganap noon sa Corinto, ay katulad na katulad ng Olympic games. Nagpapaligsahan ang mga atleta para sa premyong korona sa nagwagi na gawa sa mga dahon o sanga ng pino. Binigyang-diin ni Pablo na nagsisikap ang mga atleta na maging mahinahon, o makontrol ang sarili. Malamang na tinutukoy niya ang mahigpit na diyeta at training na ginagawa ng mga atleta para makapaghanda sa kompetisyon.

Isinulat ni Pablo na ang mga tagasunod ni Jesucristo ay tumatakbo rin sa isang karera, hindi laban sa iba kundi laban sa kasalanan at sa mga hamon ng buhay na ito. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nagsisikap na mapaglabanan ang tukso at makamit ang espirituwal na kakayahang pamahalaan o kontrolin ang sarili. Ang gantimpala ay hindi isang nasisirang korona kundi isang korona ng buhay na walang hanggan.

1 Corinto 10:1–11

Ano ang nais ni Pablo na malaman ng mga Banal sa Corinto tungkol sa mga karanasan ng mga anak ni Israel?

Nang pamunuan ni Moises ang mga anak ni Israel palabas ng Egipto, pinagpala sila ng Panginoon ng maraming himala. Hinati ng Panginoon ang Dagat na Pula upang makatawid ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa. Itinuro ni Pablo na ang pagtawid na ito ay sumisimbolo sa binyag. Kalaunan, hinampas ni Moises ang isang bato at bumukal ang tubig mula rito. Ipinaliwanag ni Pablo na sumasagisag ang bato kay Jesucristo. Ang tubig ay sumisimbolo sa mga salita at turo ni Jehova, kabilang na ang payo ng Kanyang tagapaglingkod na si Moises. Ilan sa mga anak ni Israel ang tumalima sa espirituwal na mga tagubiling ibinigay sa ilang. Sa kasamaang-palad, ang iba ay bumulung-bulong at nabigong sumunod sa tagubilin ng Panginoon. Halimbawa, gumawa sila ng mga kasalanang seksuwal at naghandog sa isang gintong guya. Nagreklamo rin sila sa mahimalang pagkain na ibinigay ng Panginoon noong nagugutom sila. Nagbabala si Pablo sa mga Banal sa Corinto na huwag tularan ang mga pagkakamaling ito. Nilinaw sa Joseph Smith Translation na ang babala ni Pablo ay para rin sa atin ngayon: “At ang mga ito ay isinulat upang pagpayuhan din tayo at, pagpayuhan sila na mga darating sa katapusan ng daigdig.”

1 Corinto 10:14–22

Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pagtanggap ng sakramento at mga paganong hain?

Inihambing ni Pablo ang sakramento sa mga kapistahang may kaugnayan sa mga pagdiriwang ng mga pagano. Tulad ng pakikilahok sa sakramento na lumilikha ng bigkis at pagsasamahan kay Cristo, ang pakikilahok sa isang paganong kapistahan ay lumilikha ng bigkis at relasyon sa isang huwad na diyos. Binalaan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na “kung ipipilit nilang kumain ng parehong pagkain (hapunan ng Panginoon at mga paganong hain), gagalitin nila ang Panginoon na tulad ng ginawa noon ng sinaunang Israel. Ang pinag-uusapan dito ay higit pa sa pagkain ng karne na inialay sa mga diyus-diyusan. Ang punto ni Pablo ay tinatahak ‘ng malakas’ ang mapanganib na landas at maaaring manibugho ang Diyos na nakakatakot ang mga ibubunga.”

1 Corinto 10:23–24

Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “lahat ng mga bagay ay matuwid”?

Binanggit at tinanggihan ni Pablo ang isang slogan o sawikain na karaniwan sa mga taga-Corinto: “Ang lahat ng bagay ay pinahihintulutan.” Malinaw na ginagamit ng ilang Banal sa Corinto ang sawikaing ito upang bigyang-katwiran ang masasamang pag-uugali.

Kasama sa King James Version ng Biblia ang mga salitang “lahat ng mga bagay ay matuwid para sa akin.” Karamihan sa iba pang mga pagsasalin ay hindi kasama ang mga salitang “para sa akin.” Bukod pa rito, nilinaw ng Joseph Smith Translation ang parirala bilang “hindi lahat ng bagay ay matuwid para sa akin.” Sa madaling salita, hindi tungkol sa kanyang sarili ang sinasabi ni Pablo. Sa halip, tinatanggihan niya ang ideya na ang kanilang bagong kalayaan kay Cristo ay nangangahulugan na naaangkop nang gawin ang lahat ng bagay ngayon.

1 Corinto 11:3–15

Bakit kailangang magtalukbong ng ulo ang kababaihan habang nananalangin?

Noong panahon ni Pablo, may mga pamantayan ang mga Judio, Griyego at Romano hinggil sa mga talukbong sa ulo. Halimbawa, itinuturing sa lipunang Romano na kagalang-galang na magtalukbong ng ulo ang kababaihan habang nasa publiko.

Mula sa talatang ito ng banal na kasulatan, napag-alaman natin na ang mga kababaihan sa Corinto na lumalahok sa mga pagsamba ay inaasahang magtatalukbong ng kanilang ulo habang ginagawa ito. Napansin ni Pablo na ang mga babaeng sumasamba nang hindi nakatalukbong ang ulo ay nagdadala ng kawalan ng dangal. Noong panahon ni Pablo, ang kawalan ng dangal ay isang seryosong bagay. Ang kawalan ng dangal ay nagdudulot sa isang tao, o sa mga taong nauugnay sa kanila, ng kahihiyan at kasiraan.

Makikitang sinasalungat ng ilang kalalakihan at kababaihan ang mga tanggap na kaugalian ng kanilang panahon. Hindi malinaw kung bakit nila ito ginagawa. Ang malinaw ay “hinikayat ni Pablo ang mga Kristiyano na umayon sa mga pamantayan ng kahinhinan at dekorum sa panahong iyon.”

1 Corinto 12:1–11

Ano ang mga espirituwal na kaloob?

“Ang mga espirituwal na kaloob ay mga pagpapala o kakayahan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga kaloob ng Espiritu ay nagbibigay-daan sa mga disipulo ng Tagapagligtas na matugunan ang mga pangangailangan ng iba. Para sa maikling paglalarawan ng iba’t ibang espirituwal na kaloob, tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Mga Espirituwal na Kaloob,” sa Gospel Library.

1 Corinto 12:12–27

Bakit inihambing ni Pablo ang Simbahan sa katawan ng tao?

Tulad ng bawat bahagi ng katawan na gumaganap ng isang kinakailangang tungkulin, ang bawat miyembro ng Simbahan ay may natatanging tungkulin na gagampanan din. Isinulat ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Isang kasiya-siyang bagay ang kailanganin sa katawan ni Cristo—at ang lahat ay kailangan. Kung tayo man ay isang mata o braso ay hindi na importante; ang mahalaga ay kailangan tayo ng pinakamaringal na kaanyuang ito at hindi perpekto ang katawan kung wala tayo.”

1 Corinto 13:1

Ano ang pag-ibig sa kapwa-tao?

Ang katagang pag-ibig sa kapwa-tao sa King James Version ng Biblia ay nagmula sa salitang Griyego na agapē. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang orihinal na wikang Griyego ng Bagong Tipan … ay [may] tatlong magkakaibang salita para sa pag-ibig, na taliwas sa makukuha natin sa wikang Ingles. Ang tatlong salitang Griyego para sa pag-ibig ay naaangkop sa iba’t ibang antas ng emosyon. Ang katagang ginamit para sa pinakamataas na antas ng pag-ibig ay agapē, upang ilarawan ang uri ng pagmamahal na nadarama natin para sa Panginoon o sa iba pang mga tao na lubos na nating pinahahalagahan. Ito ay isang katagang puno ng malaking paggalang at pagsamba.” Itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon na “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo.” Magiging katulad lamang tayo ni Jesucristo kapag may pag-ibig tayo sa ating kapwa-tao.

1 Corinto 13:1–3

Gaano ang pagpapahalaga ni Pablo sa kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao?

Matapos magturo tungkol sa mga espirituwal na kaloob, hinikayat ni Pablo ang mga Banal na “pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang kaloob.” Pagkatapos, ipinaliwanag niya na ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao ay “isang daan na walang kahambing.” Sa madaling salita, ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang bagay na “labis na nakahihigit” kaysa iba pang mga espirituwal na kaloob. Hindi lamang ito ang pinakadakilang kaloob kundi “ang batayan kung saan ang lahat ng iba pa ay pinangangasiwaan.” Kung walang pag-ibig sa kapwa-tao, pahayag ni Pablo, tayo ay walang kabuluhan. Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin: “Ang mensahe ni Pablo sa mga bagong Banal na ito ay simple at tuwiran: Walang gaanong epekto ang anumang ginagawa ninyo kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao. Maaari kayong magsalita ng mga wika, magkaroon ng kaloob na propesiya, makaunawa sa lahat ng hiwaga, at magtaglay ng lahat ng kaalaman; kahit may pananampalataya kayong mailipat ang mga bundok, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao [ay] walang pakinabang ito sa inyo.”

1 Corinto 13:9–12

Paano ginamit ni Pablo ang salamin para ilarawan ang pang-unawa ng mortal?

Ang kaalaman natin sa buhay na ito ay hindi perpekto. Ipinaliwanag ni Pablo na ang ating limitadong pananaw ay katulad ng pagtingin sa ating repleksyon sa isang madilim na salamin. Noong panahon ni Pablo, ang salamin ay madalas na isang pinakintab na metal, na hindi magpapakita ng malinaw na imahe. Balang-araw ay magkakaroon tayo ng perpektong kaalaman, tulad ng harapang nakikita ang isang tao sa halip na makita ang isang hindi malinaw na repleksyon sa isang metal na salamin. Tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng Diyos.

isang Roman-Celtic na salamin

Alamin ang Iba Pa

Mga Kaloob ng Espiritu

  • Dallin H. Oaks, “Spiritual Gifts,” Ensign, Set. 1986, 68–72

  • Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 133–42

Pag-ibig sa Kapwa-tao

Media

Video

“Charity Never Faileth” (3:36)

3:36

Mga Larawan

Si Jesucristo na naghahanda ng sakramento para sa Kanyang mga disipulo

The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni Simon Dewey

Si Jesus kasama ang Kanyang mga disipulo sa Huling Hapunan

The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni Harry Anderson

Mga Tala

  1. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jesus Christ and the World of the New Testament (2006), 226; Eric D. Huntsman, “‘The Wisdom of Men’: Greek Philosophy, Corinthian Behavior, and the Teachings of Paul,” sa Shedding Light on the New Testament: Acts–Revelation, pat. Ray L. Huntington at iba pa (2009), 79–82.

  2. Mga Gawa 15:29; tingnan din sa Mga Gawa 15:20; 21:25.

  3. Tingnan sa 1 Corinto 8:1–13; 10:19–33.

  4. Tingnan sa 1 Corinto 8:4; Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 1648, tala para sa 1 Corinto 8:1–13.

  5. Tingnan sa 1 Corinto 8:8.

  6. Tingnan sa Frank F. Judd Jr., “The Epistles of the Apostle Paul: An Overview,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell (2019), 426.

  7. Tingnan sa 1 Corinto 8:9–13.

  8. 1 Corinto 8:6.

  9. Joseph Smith, sa History, 1838–1856 (Manuscript History of the Church), tomo F-1, 101–2, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabantas.

  10. Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary (1971), 2:353.

  11. Tingnan sa Earl D. Radmacher at iba pa, mga pat., NKJV Study Bible, ika-3 ed. (2018), 1717; tingnan din sa Edward E. Hindson at Daniel R. Mitchell, mga pat., Zondervan King James Version Commentary: New Testament (2010), 474.

  12. Tingnan sa 1 Corinto 9:25; Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), entry 1466, pahina 1069.

  13. Kenneth L. Barker at John R. Kohlenberger III, mga pat., The Expositor’s Bible Commentary: Abridged Edition: New Testament (1994), 634.

  14. Tingnan sa Hebreo 12:1–2; Mosias 4:27.

  15. Tingnan sa 1 Corinto 9:25.

  16. Tingnan sa Exodo 13–17.

  17. Tingnan sa Exodo 14:21–22.

  18. Tingnan sa 1 Corinto 10:1–2.

  19. Exodo 17:6.

  20. Tingnan sa 1 Corinto 10:4.

  21. Tingnan sa Robert L. Millet, Becoming New: A Doctrinal Commentary on the Writings of Paul (2022), 104–5.

  22. Tingnan sa Exodo 16:2–3, 7–8.

  23. Tingnan sa 1 Corinto 10:7; Exodo 32:1–8.

  24. Tingnan sa 1 Corinto 10:9; Mga Bilang 11:1–10.

  25. Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 10:11 (sa 1 Corinthians 10:11, footnote b); ang italiko ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto.

  26. Tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 1718, tala para sa 1 Corinto 10:14–22.

  27. Richard D. Draper at Michael D. Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians (2017), 496.

  28. Draper at Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 502. Tingnan din sa 1 Corinto 6:12–13.

  29. 1 Corinto 10:23; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  30. “Ang dative pronoun μοί (moi), na isinalin na ‘para sa akin’ sa KJV, ay hindi matatagpuan sa mga pangunahing manuskrito” (Draper at Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 502).

  31. Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 10:23 (sa 1 Corinthians 10:23, footnote a); ang italiko ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto.

  32. Tingnan sa Draper at Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 502.

  33. Tingnan sa Huntsman, “The Wisdom of Men,” 82–84.

  34. “Ang mga salita [ni Pablo] ay hindi tumutukoy sa pinagmulan ng talukbong na hindi na isinusuot ng babae. Maaaring ito ay isang maliit o manipis na halos aninaw na belo, makapal na belo, isang hood, scarf, o kahit na bahagi ng kanyang panlabas na damit na nakatakip sa kanyang ulo” (Draper at Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 521).

  35. Draper at Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 520.

  36. Huntsman, “The Wisdom of Men,” 84.

  37. Mga Paksa at Mga Tanong, “Mga Espirituwal na Kaloob,” sa Gospel Library.

  38. Tingnan sa 1 Corinto 12:5–7.

  39. Jeffrey R. Holland, Our Day Star Rising: Exploring the New Testament with Jeffrey R. Holland (2022), 190.

  40. Tingnan sa Draper at Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 629.

  41. Russell M. Nelson, “A More Excellent Hope” (debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 8, 1995), 7, speeches.byu.edu.

  42. Moroni 7:47.

  43. Tingnan sa Millet, Becoming New, 122–23. Itinuro ni Mormon na kailangan nating taglayin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo kung nais nating maging katulad Niya (tingnan sa Moroni 7:47–48). Ang ibig sabihin ng salitang taglayin ay hawakan, kamtin, o okupahin (tingnan sa American Dictionary of the English Language, webstersdictionary1828.com).

  44. 1 Corinto 12:31.

  45. 1 Corinto 12:31.

  46. Richard Lloyd Anderson, Understanding Paul: Revised Edition (2007), 117.

  47. Draper at Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 624.

  48. Joseph B. Wirthlin, “Ang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2007, 28.

  49. Tingnan sa 1 Corinto 13:12.

  50. Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 2022, tala para sa 1 Corinto 13:12.

  51. Tingnan sa 1 Corinto 13:12; 2 Nephi 9:13–14.

  52. Tingnan sa Juan 14:26; 16:13.