“Galacia,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Galacia
Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia dahil ang ilan ay lumihis ng landas mula sa Panginoon at tinanggap ang mga maling turo. Ipinagtanggol niya ang kanyang tungkulin bilang Apostol at binigyang-diin na tumanggap siya ng paghahayag mula mismo sa Diyos. Itinuro niya na hindi bibigyang-katwiran ang mga tao sa pamamagitan ng mga gawa ng batas ni Moises kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa katapatan din mismo ni Cristo. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tinubos ni Jesucristo ang sangkatauhan. Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na mamuhay sa kalayaan ng tipan ng ebanghelyo at tamasahin ang mga bunga ng Espiritu. Dapat magpasan ang mga Banal ng mga pasanin ng isa’t isa at huwag mapagod sa paggawa ng mabuti. Itinuro ni Pablo ang batas ng pag-aani.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Para kanino isinulat ang Galacia at bakit?
Binisita ni Pablo ang mga simbahan sa Galacia sa kanyang ikalawa at ikatlong paglalakbay bilang misyonero Maaaring isinulat niya ang kanyang liham sa mga taga-Galacia habang naglalakbay sa Macedonia sa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, mga AD 57. Ang Galacia ay isang rehiyon sa hilagang-gitnang Asia Minor, na sumasaklaw sa karamihan ng kasalukuyang Turkey. Ang populasyon ay dayo mula sa kanlurang Europa (modernong France), kung saan sila kilala bilang mga Gaul.
Nag-alala si Pablo na mapalayo sa totoong ebanghelyo ang mga Banal sa Galacia dahil sa ilang tao na nagsisikap na ibaluktot ito. Ipinahihiwatig sa sulat ni Pablo na ang mga bumabaluktot sa ebanghelyo ay ang mga Banal na Judio na iginigiit na dapat tuliin at sumunod ang mga Banal na gentil sa batas ni Moises para maligtas. Tinanggap ng ilang Banal sa Galacia ang mga turong ito.
Ang aklat ng Galacia ay isang matinding pananalita at pagsaway sa mga miyembro ng Simbahan na nalilihis ng landas at sa mga huwad na guro na naglilihis sa kanila. Ang mga pangunahing punto ng sulat na ito ay ang mga sumusunod:
-
Pagtatanggol ni Pablo sa kanyang sarili laban sa mga paratang ng mga huwad na guro na kumakalaban sa kanya
-
Pagtuturo na ang lahat ng tao, Judio man o Gentil, ay maliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya nila kay Jesucristo, at hindi sa mga gawa ng batas ni Moises
-
Paglilinaw sa ginagampanan ng batas ni Moises sa plano ng Diyos
-
Pagpapaliwanag sa kaibhan ng lumang tipan na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Moises at ng bagong tipan kay Cristo
-
Pananawagan sa mga Banal na mamuhay nang karapat-dapat para sa patnubay ng Espiritu
Ang Galacia ay naglalaman din ng pinakaunang isinulat ni Pablo tungkol sa doktrina ng pagbibigay-katwiran. Itinuro niya na hindi tayo bibigyang-katwiran ng mga gawa ng batas ni Moises kundi sa pamamagitan ng pananampalataya natin kay Jesucristo at sa katapatan din mismo ni Cristo.
Galacia 1:6–12
Ano ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Galacia tungkol sa pagbaluktot sa ebanghelyo?
Nagpatotoo si Apostol Pablo sa mga taga-Galacia na may iisa lamang na totoong ebanghelyo ni Jesucristo. Natanggap niya ito “sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo.” Nagbabala si Pablo tungkol sa mga taong binabaluktot ang totoong ebanghelyo ng Tagapagligtas. Partikular niyang binalaan ang mga Kristiyanong Judio na sumisira sa mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paggigiit na ang mga gentil na nagbalik-loob ay kailangang makibahagi sa mga ritwal ng batas ni Moises para maligtas. Ang mga makabagong iskolar ay madalas na tinatawag ang grupong ito na mga Judaizer. “Sa katunayan, sinasabi ni Pablo na ang ebanghelyong ipinangaral niya ay ebanghelyo ni Cristo, na hindi akda o itinatag ng sinuman maliban kay Jesucristo. Kung si Jesus ang nagbigay ng mensahe ni Pablo, maaaring sinabi niya, ‘Ito ang aking ebanghelyo na ibinigay ko kay Pablo at hindi kaninuman. Direktang ipapangaral niya ito sa inyo nang walang anumang pagbabago.’ Sa ganitong paraan, ang babala ni Pablo sa mga taga-Galacia ay katulad ng sariling pahayag ni Jesus sa mga Nephita. Ito ay kanyang ebanghelyo at hindi sa kung sino. Siya ang may-akda at nagpasakdal nito.” Ang sinumang nagtuturo ng ebanghelyo maliban sa nag-iisang totoong ebanghelyo ng Tagapagligtas ay hahatulan.
Galacia 2:1–5
Bakit patuloy na ipinamuhay ng ilang Kristiyano ang batas ni Moises?
Tingnan sa “Mga Gawa 15:1–6. Ano ang nagbunsod para magdaos ng kumperensiya sa Jerusalem?”
Galacia 2:11–16
Bakit sinaway ni Pablo si Pedro?
Pinuna ni Pablo si Pedro sa isang bagay na nangyari sa Antioquia. Habang binibisita ni Pedro ang mga Banal doon, hindi siya tumutol na makisalo sa pagkain ng mga gentil na nagbalik-loob. Bagama’t ang pagsalo sa pagkain ng mga Gentil ay hindi ipinagbabawal sa ilalim ng batas ni Moises, tila itinuturing ito ng karamihan sa mga Judiong Kristiyano na hindi katanggap-tanggap. Nang dumating ang ilang Judiong Kristiyano, umalis si Pedro sa pagsalo sa pagkain sa mga nagbalik-loob na gentil. Tinawag ni Pablo ang mga ginawa ni Pedro na pagkukunwari. Nag-alala si Pablo na baka ang mga aksiyong ito ay maging dahilan para maniwala ang mga Gentil na kailangan nilang makibahagi sa mga kaugalian ng mga Judio para matanggap sila. Ipinapakita ng sitwasyong ito kung gaano kahirap para sa mga Banal noong unang panahon na talikuran ang ilan sa kanilang mga tradisyon. Kung makikita si Pedro na kumakain kasalo ang mga Banal na gentil, magdaramdam sa kanya ang ilang mga Banal na Judio. Ngunit ang hindi pagsalo sa kanila sa pagkain ay ipagdaramdam naman ng ilang mga Banal na gentil.
Galacia 2:15–16
Paano tayo binibigyang-katwiran ng “pananampalataya kay Jesucristo”?
Bilang tugon sa mga Banal na Judio na iginigiit na kailangang sundin ng mga Banal na gentil ang batas ni Moises para maligtas, itinuro ni Pablo ang doktrina ng pagbibigay-katwiran. Itinuro ni Pablo na ang mga Judio at mga Gentil ay kapwa binigyang-katwiran (pinatatawad mula sa kaparusahan ng dahil sa kasalanan) sa pamamagitan ng “pananampalataya kay Jesucristo,” at hindi sa mga gawa ng batas ni Moises.
Sa Galacia 2:16 (at iba pang mga talata), hindi malinaw sa ayos ng pangungusap kung ang “pananampalataya kay Jesucristo” ay tumutukoy sa ating pananampalataya o sa katapatan ni Cristo. Dagdag pa rito, “Ang salitang Griyego na isinalin na pananampalataya (pistis) ay maaaring parehong mangahulugang ‘pananampalataya’ at ‘katapatan.’” Ipinahihiwatig nito na tayo ay binibigyang-katwiran sa dalawang paraan: (1) sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo at (2) “sa pamamagitan ng katapatan ni Jesucristo—ibig sabihin, sa pamamagitan ng katapatan mismo ni Jesucristo sa pagbabayad-sala para sa ating mga kasalanan.”
Kung minsan ay mali ang pagpapakahulugan sa Galacia 2:16 na matatamo lamang ang kaligtasan sa pamamagitan ng ating paniniwala kay Jesucristo at na ang mga gawa ng kabutihan ay hindi na kailangan para maligtas. Mahalagang maunawaan na sa Galacia, “sa tuwing gagamitin [ni Pablo] ang katagang mga gawa [ergōn], palagi niya itong ginagamit bilang bahagi ng pariralang ‘mga gawa ng batas.’” Kaya ang ibig sabihin ni Pablo ay hindi kailangan para sa ating kaligtasan ang mga gawa ng batas ni Moises.
Ang pananampalatayang binabanggit ni Pablo sa mga talatang ito ay higit pa sa paniniwala o pagsang-ayon sa isipan. Ang mga salitang Griyego para sa pananampalataya ay “maraming kahulugan na nagpapahiwatig … ng personal na pangako at pagkilos—mga konotasyon na tulad ng tiwala, kumpiyansa, katapatan, at pagsunod. Kaya nga, nangusap si Pablo tungkol sa ‘pananampalataya na gumagawa’ (Galacia 5:6).”
Galacia 2:20
Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang ipinako siya sa krus kasama ni Cristo?
Itinuro ni Pablo na ang kanyang dating buhay ay simbolikong pinatay nang ipako si Cristo sa krus, at ipinahayag niya na si Cristo ay nabubuhay na ngayon sa kanya. Ito ay isa pang paraan na tinangkang ituro ni Pablo na ang mga lumang gawi at paniniwala ay kailangan nang talikuran dahil kay Jesucristo.
Galacia 3:6–29
Bakit binanggit ni Pablo si Abraham?
Ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Galacia si Abraham upang tulungan silang maunawaan na hindi nila kailangang sundin ang mga gawa ng batas ni Moises para maligtas. “Ang mga Judio at mga naniniwalang Gentil ay iginagalang si Abraham bilang ‘ama’ ng matatapat. … Ipinaliwanag ni Pablo na nabuhay si Abraham mahigit apat na siglo bago si Moises. Yamang siya ay ipinahayag na matwid ng Diyos bago pa man umiral ang batas ni Moises, hindi masasabing darating ang katwiran sa pamamagitan ng batas ni Moises. … Ang mga Gentil na nagbalik-loob na yumayakap sa ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya ay binibigyang-katwiran sa paraang katulad ni Abraham at itinuturing na kabilang sa mga pinagtipanang tao.” Sa madaling salita, lahat ng matatapat na Banal, kapwa Judio at Gentil, ay “mga anak ni Abraham” at ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon.
Galacia 3:13
Paano naging sumpa para sa atin si Jesucristo?
Naniwala ang ilang Judio na hindi maaaring si Jesus ang Mesiyas dahil Siya ay ipinako sa krus (ibinitin sa puno; ginagamit kung minsan sa mga banal na kasulatan ang mga salitang “ibinitin sa puno”). Tinukoy nila ang isang talata sa Deuteronomio na nagsasaad na ang isang kriminal na pinatay sa pamamagitan ng pagbitin sa puno ay “isinumpa ng Diyos.” Ayon sa ganitong pangangatwiran, ang ilang mga Judio ay naniwala na tiyak na isinumpa ng Diyos si Jesus. Muling binago ni Pablo ang konsepto ng sumpa kaugnay ng Tagapagligtas. Ipinaliwanag ni Pablo na nang akuin ni Jesucristo ang ating mga kasalanan, Siya ay “pumalit sa ating lugar, na nagsilbing proxy natin—’na isumpa para sa atin.’”
Galacia 3:19–25
Paano inakay ng batas ni Moises ang mga Judio patungo kay Jesucristo?
Matapos ituro na ang mga gawa ng batas ni Moises ay hindi magbibigay-katwiran sa atin sa harapan ng Diyos, ipinaliwanag ni Pablo kung bakit ibinigay ng Diyos ang mga batas ni Moises sa Israel. Ang batas ni Moises ay pansamantalang paraan na ibinigay ng Diyos sa Israel dahil sa kanilang mga paglabag at kakulangan sa espirituwalidad. Ito ay isang “tagapagturo o tagasupil” upang ihanda sila na tanggapin si Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas.
Galacia 3:26–27
Ano ang ibig sabihin ng “ibinihis si Cristo”?
Itinuro ni Pablo na “ibinihis natin si Cristo” sa pamamagitan ng tipan ng binyag. Ang salitang Griyego para sa “ibihis” ay enduō (endow), na ang ibig sabihin ay isuot, o idamit. Sa madaling salita, ang ibig sabihin ng “ibihis si Cristo” ay “isuot ninyo si Cristo sa inyong sarili.”
Galacia 4:1–9
Paano naging katulad ng isang tagapagmana na wala pa sa hustong gulang ang pamumuhay sa batas ni Moises?
Ang tagapagmana ay legal na may karapatan sa isang mana. Inihambing ni Pablo ang mga namumuhay sa batas ni Moises sa isang tagapagmana na hindi matatanggap ang kanyang mana hangga’t hindi siya sumasapit sa hustong gulang. Ang tagapagmana na wala pa sa hustong gulang ay pinakikitunguhan na tulad sa isang alipin. Gayundin, ang Israel ay tulad ng tagapagmana na wala pa sa hustong gulang habang ipinapamuhay nila ang batas ni Moises. Ngunit kapag nakipagtipan sila kay Cristo, sila ay nasa hustong gulang na at maaaring matanggap ang buong ipinangakong mana.
Galacia 4:21–31
Paano ginamit na alegorya ni Pablo ang mga asawa’t mga anak ni Abraham?
Sa alegorya ni Pablo, si Hagar (o Agar) at ang kanyang anak na si Ismael ay sumasagisag sa lumang tipan, o sa batas ni Moises. Si Sara at ang kanyang anak na si Isaac ay sumasagisag sa bagong tipan. Tulad ni Hagar na isang alipin, nais ni Pablo na maunawaan ng mga Banal sa Galacia na ang mga nagpapailalim sa batas ni Moises ay mga alipin din. Si Isaac ang anak ng pangako, at ang mga tumatanggap kay Jesucristo ay kasama sa mana na iyon at malaya rin.
Galacia 5:16–21
Ano ang babala ni Pablo tungkol sa pagbibigay-kasiyahan sa mga paghahangad o pagnanasa ng laman?
Ang salitang Ingles na lust ay isinalin mula sa salitang Griyego na epithymia at nagpapahiwatig ng isang masidhi at sabik na pagnanais. Itinuro ni Elder Ulisses Soares: “Ang salitang pagnanasa ay tumutukoy sa masidhing pananabik at maling pagnanais sa isang bagay. Kabilang dito ang anumang masasamang kaisipan o hangaring nag-uudyok sa isang indibidwal na magtuon sa mga makasariling gawi o makamundong pag-aari sa halip na gumawa ng mabuti, maging mabait, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at iba pa. Madalas itong nakikita sa pinakamasisidhing pagnanais na bigyang-kasiyahan ang laman.”
Alamin ang Iba Pa
Ibihis si Cristo
-
D. Todd Christofferson, “Iisa kay Cristo,” Liahona, Mayo 2023, 77–80
Pagdaig sa Pagnanasa
-
Ulisses Soares, “Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip,” Liahona, Nob. 2020, 82–85
Ang Espiritu Santo
-
Mga Paksa at Mga Tanong, “Espiritu Santo,” Gospel Library
Media
Mga Larawan
Hagar and Ishmael Expelled [Pinaalis sina Hagar at Ismael], ni George Soper