Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mga Gawa 16–21


“Juan 16–21,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mga Gawa 16–21

Dahil pinatnubayan siya ng Espiritu, sinimulan ni Pablo ang kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero sa iba’t ibang lugar na kilala ngayon bilang Turkey at Greece. Tinanggap ng maraming tao ang ebanghelyo ni Jesucristo. Nagtatag si Pablo ng mga simbahan sa Filipos, Tesalonica, Berea, at Corinto. Nagbigay siya ng isang mahalagang sermon sa Areopago sa Atenas. Sinimulan ni Pablo ang kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero sa Efeso. Mga tatlong taon siyang nanatili roon. Ang mga lokal na mga negosyante at mga sumasamba sa diyosang si Diana ay nabahala sa tagumpay ni Pablo. Nang matapos ang kanyang ikatlong misyon, binalaan ni Pablo ang mga pinuno ng Simbahan sa Efeso tungkol sa nagbabantang mga panganib at apostasiya sa Simbahan.

Mga Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Mga Gawa 16:1–18:22

Ano ang alam natin tungkol sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero?

mapa na nagpapakita ng mga lokasyon mula sa ikalawang misyon ni Pablo

Umalis si Pablo para sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero kasama si Silas. Una nilang pinuntahan ang Derbe at Listra. Habang nasa Listra, inanyayahan ni Pablo si Timoteo na sumama sa kanila ni Silas sa kanilang gawaing misyonero. Sila ay sandaling nagturo ng ebanghelyo sa Tesalonica. Nagpatuloy ang kanilang misyon sa Atenas. Pagkatapos sa Atenas, gumugol nang hindi bababa sa 18 buwan si Pablo sa Corinto. Sa Corinto nagturo siya sa mga sinagoga tuwing Sabbath at nagtrabaho bilang tagagawa ng tolda. Malamang na isinulat din niya ang 1 at 2 Tesalonica habang siya ay nasa Corinto. Nang lisanin ni Pablo ang Corinto, nanatili sina Silas at Timoteo upang patuloy na turuan ang mga tao roon. Si Pablo ay sandaling nanatili sa Efeso bago bumalik sa Jerusalem at pagkatapos ay sa Antioquia. Sa kanyang ikalawang misyon, itinuro ni Pablo ang ebanghelyo, pinalakas ang Simbahan, at ipinalaganap ang balita tungkol sa napagpasiyahan sa kumperensya sa Jerusalem. Ang misyon na ito ay tumagal ng mga tatlo’t kalahating taon (mga AD 50–52).

Mga Gawa 16:1–3

Bakit tinuli ni Pablo si Timoteo?

Ang desisyon mula sa kumperensya sa Jerusalem ay hindi kailangang tuliin o sundin ng mga nabinyagang Gentil ang batas ni Moises para maligtas. Gayunman, maraming miyembro ng Simbahan ang hindi pabor sa desisyong ito. Maaaring inakala nila na ang isang misyonero na hindi tuli ay walang paggalang sa Diyos at sa Kanyang mga batas. Tinuli ni Pablo si Timoteo bago sila nagmisyon para mas epektibong makapaglingkod si Timoteo sa mga miyembro ng Simbahan.

Mga Gawa 16:10

Si Lucas ba ay kasama ni Pablo sa misyon?

Ipinahihiwatig ng mga banal na kasulatan na si Lucas ang may-akda ng Mga Gawa. Ang mga panghalip na namin at kami na makikita sa Gawa 16:10 ay maaaring magpahiwatig na si Lucas ay saksi sa mga pangyayaring ito. Malamang na sumama si Lucas kay Pablo at sa iba pang mga misyonero sa Troas.

Mga Gawa 16:12–15

Sino si Lydia?

Si Lydia ay nanirahan sa Tiatira, isang lungsod na bantog sa mga lilang tela. Ang pinakamatingkad na kulay-ube ay nakukuha mula sa isang partikular na uri ng kabibe. “Dahil napakamahal nito, lilang tina ang ginamit sa mga damit na isinusuot ng mga maharlika.” Si Lydia ay mangangalakal ng lilang tela at malamang na mayaman. May sarili siyang bahay at may mga alipin.

Si Lydia ang unang kilalang convert na European ni Pablo at siya ang unang taong binanggit sa pangalan na sumapi sa Simbahan noong ikalawang misyon ni Pablo. Kalaunan, nagtipon ang mga mananampalataya sa kanyang bahay para sa pagsamba at pagtuturo.

Mga Gawa 16:16–19

Ano ang espiritu ng panghuhula?

Isang aliping batang babae ang nagdala ng maraming pakinabang sa kanyang mga amo sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga magaganap sa hinaharap. Ang gawaing ito ay kilala rin bilang panghuhula at kinondena sa ilalim ng batas ni Moises. Nang ang masamang espiritu na sumapi sa batang babae ay malakas na sumigaw na kinilala sina Pablo at ang kanyang mga kasama bilang mga lingkod ng Diyos, inutusan ni Pablo ang espiritu na lumabas sa batang babae. Nakatala sa mga banal na kasulatan ang iba pang mga pagkakataon na nagpatotoo ang masasamang espiritu tungkol sa Tagapagligtas at ang mga ito ay sinaway at pinalayas Niya.

Mga Gawa 17:15–32

Anong mga paniniwala ang nalaman ni Pablo sa Atenas?

Noong unang panahon, ang Atenas “ang intelektuwal na kabisera ng mundo.” Dito nagmula ang ilan sa mga pinakadakilang pilosopo sa mundo, tulad nina Socrates, Plato, at Aristotle. Nang pumunta si Pablo sa Atenas, ang lungsod ay may reputasyon pa rin sa pagiging pilosopikal sa pag-iisip at pagdedebate. Nakatagpo siya roon ng hindi bababa sa dalawang pilosopikal na grupo, ang mga Epicurean at ang mga Stoic.

Hindi itinanggi ng mga Epicurean ang pagkakaroon ng Diyos ngunit itinuring Siya na malayo at walang kinalaman sa mga gawain ng tao. Ang mensahe ni Pablo tungkol sa personal na katangian ng Diyos at ang bahagi Niya sa ating buhay ay salungat sa mga turo ni Epicurus. Ang mga Epicurean ay mga materyalista. Ipinahayag nila na ang katawan at kaluluwa ay binubuo ng materya. Ayon sa kanilang pilosopiya, ang isang kaluluwa ay gawa sa materya, dahil dito hindi ito maaaring magtagal magpakailanman. Kaya, itinuro nila na hindi imortal ang kaluluwa. Maaaring ito ang dahilan kung bakit kinutya ng ilang taga-Atenas si Pablo nang banggitin niya ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Ang mga Stoic ay mga materyalista rin. Naniniwala sila na ang Diyos ay aktibo at nasa buong kalikasan at Siya ay bahagi ng mundo. Dahil umiiral din tayo bilang bahagi ng mundong ito, maaaring mas naging katanggap-tanggap sa mga Stoic ang turo ni Pablo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Maaaring ito ang dahilan kung bakit may mga taga-Atenas na handang makinig muli kay Pablo.

Nang kausapin niya ang mga taong maalam sa pilosopiyang Griyego, hindi binanggit ni Pablo ang kasaysayan o banal na kasulatan ng mga Judio tulad ng karaniwang ginagawa niya kapag nagtuturo sa mga tagapakinig na Judio. Matapos magtuon sa mga bagay na pareho nilang pinaniniwalaan ng mga taga-Atenas, nagturo si Pablo ng mahalagang doktrinang Kristiyano.

Mga Gawa 17:23–27

Bakit may dambana ang mga taga-Atenas sa isang di-kilalang diyos?

Takot ang mga taga-Atenas na makasakit ng sinumang diyos. Tila nagtatayo sila ng dambana upang hindi makasakit sa damdamin ng sinumang diyos na maaaring hindi nila kilala. Ginamit ni Pablo ang dambanang ito upang magturo tungkol kay Jesucristo at magpatotoo na Siya ang Diyos na hindi nila kilala.

Mga Gawa 17:28–29

Ano ang ibig sabihin ng “tayo’y supling ng Diyos”?

Ang pagbanggit ni Pablo sa isang makatang Griyego ay gumagamit ng salitang Griyego na genos, na isinalin bilang “supling.” Ang ibig sabihin ng salitang ito ay “angkan” o “pamilya.” Nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.” Noong 1909, inilabas ng Unang Panguluhan ang sumusunod na doktrinal na pahayag: “Lahat ng kalalakihan at kababaihan ay may pagkakatulad sa Ama at Ina ng lahat, at literal na mga anak na lalaki at babae ng Diyos.”

Mga Gawa 18:6

Ano ang kahulugan ng pagpagpag ni Pablo ng kanyang kasuotan?

Sa Corinto, nang tanggihan ng mga Judio na nasa sinagoga ang turo ni Pablo, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sinabing, “Ang inyong dugo’y sumainyong sariling mga ulo! Ako’y malinis.” Ang pagpagpag ng kanyang kasuotan ay nagpapakita na siya ay walang sala sa mga kasalanan ng mga taong tinuturuan niya. Ang gawaing ito ay binanggit din sa Aklat ni Mormon. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa “Mateo 10:14. Ano ang ibig sabihin ng ‘ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa’”?

Mga Gawa 18:23

Ano ang alam natin tungkol sa ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero?

mapa na nagpapakita ng mga lungsod na binisita ni Pablo sa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero

Ang ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero ay ang kanyang pinakamahabang misyon sa tagal at distansya. Binisita ni Pablo ang mga kongregasyon na itinatag niya sa kanyang unang dalawang paglalakbay bilang misyonero at pagkatapos ay gumugol ng mga tatlong taon sa Efeso. Ang Efeso ay isang malaking lungsod at mahalagang sentro ng komersyo at kultura. Ito ay isang mainam na kapaligiran para kay Pablo na “ipalaganap ang kanyang espirituwal na mensahe sa iba’t ibang dako.” Sa misyon na ito, isinulat ni Pablo ang kanyang mga liham na nakatala sa 1 at 2 Corinto at Roma; maaaring naisulat na rin ang Galacia sa panahong ito.

Mga Gawa 19:23–35

Sino si Diana ng mga taga-Efeso?

modelo ng Templo ni Artemis

Modelo ng Templo ni Artemis, sa Miniatürk Park, Istanbul, Turkey

Napakahalaga sa mga taga-Efeso ang pagsamba sa diyosa na si Diana. Siya ay isang diyosa ng Roma at kilala bilang Artemis sa mga Griyego. Sa labas ng mga pader ng lungsod ng Efeso, itinayo ang isang templo sa kanyang pangalan. Ang templong ito ay itinuturing na isa sa pitong kamangha-mangha ng sinaunang daigdig.

Nagpupunta ang mga manlalakbay mula sa iba’t ibang panig ng Imperyong Romano upang sambahin si Diana sa templo. Ang mga lokal na mangangalakal ay kumikita sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga pagkain, pagpapaupa ng tirahan, paglalaan ng mga handog at mga souvenir. Nagtagumpay nang husto si Pablo sa pagdadala ng mga tao sa Simbahan ng Tagapagligtas kaya naapektuhan nito ang kita ng mga mangangalakal na ito, na umaasa sa mga bisita sa Templo ni Artemis. Ang mga panday-pilak na gumagawa at nagbebenta ng mga imahe ng diyosa na si Diana ay nag-udyok sa mga tao na kalabanin si Pablo at ang kanyang mensahe ng ebanghelyo. Gusto ni Pablo na magsalita sa mga tao, ngunit pinigilan siya ng mga miyembro ng Simbahan at mga awtoridad ng gobyerno na nag-aalala para sa kanyang kaligtasan.

Mga Gawa 20:7

Bakit nakibahagi si Pablo at ang iba pang mga disipulo sa sakramento sa unang araw ng linggo?

Tingnan sa “Mateo 28:1. Paano naimpluwensyahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang araw kung kailan gagawin ang Sabbath?

Mga Gawa 20:29–30

Ano ang kahulugan ng babala ni Pablo sa mga taga-Efeso?

Ang propesiya ni Pablo sa mga pinuno ng Simbahan tungkol sa “mababangis na asong-gubat” na papasok sa kalipunan nila ay naglalarawan sa espirituwal at hindi pisikal na babala. “Inilalarawan ni Pablo ang pagpasok ng masasamang pwersa sa Simbahan at ang pagkakaroon ng mga ito ng kapangyarihan laban sa mga Banal. Ang propesiya ni Pablo ay katulad ng kanyang babala sa 2 Tesalonica 2:3 tungkol sa “pagtalikod.”

Mga Gawa 21:18–28

Bakit nakibahagi si Pablo sa mga ritwal ng batas ni Moises kung hindi na ito kinakailangan?

Ang desisyon ng konseho ng Jerusalem ay hindi malinaw na pinatigil ang batas ni Moises para sa mga Kristiyano. Nakasaad sa kautusan na ang mga Gentil na sumapi sa Simbahan ay hindi kailangang tuliin upang makatanggap ng kaligtasan. Ngunit hindi nito tinalakay kung ano ang dapat na maging pananaw ng mga miyembrong Judio sa pagtutuli. Dahil sa ganitong kalabuan, ang mga Kristiyanong Judyo na “masisigasig sa kautusan” ay patuloy na sumusunod dito.

Upang maglubag ang loob ng mga Kristiyanong Judiong ito, pinayuhan ni Santiago at ng iba pa si Pablo na makibahagi sa isang pampublikong pagtupad ng mga seremonya ng ritwal bago pumasok sa templo. Nang makibahagi si Pablo sa mga seremonya ng templo, hinarap siya ng mga Judio mula sa Asya (hindi mga Kristiyanong Judio) sa templo at gumawa ng kaguluhan laban sa kanya.

Mga Gawa 21:38

Sino ang Ehipcio na kapitan ng Roma na napagkamalang si Pablo?

Mga tatlong taon bago madakip si Pablo, isang Judio na Ehipcio ang nagpanggap na siya ay propeta at nakapagganyak ng maraming tagasunod sa ilang. Dinala niya ang kanyang mga alagad sa Bundok ng mga Olibo at ipinangako sa kanila na ang mga pader ng Jerusalem ay babagsak at ang Imperyong Romano ay wawasakin. Si Felix, na gobernador ng Roma, ay intusan ang kanyang hukbo na talunin ang mga alagad na ito. Ngunit hindi niya nadakip ang pinunong Egipcio, na nanatiling isang pugante.

Alamin ang Iba Pa

Ang Supling ng Diyos

Media

Video

“We Are the Offspring of God” (4:30)

4:30

Mga Larawan

Si Lydia na nagtitina ng kulay-ube sa tela

She Worketh Willingly with Her Hands [Siya ay Nagtatrabaho nang Kusang-loob sa pamamagitan ng Kanyang mga Kamay], ni Elspeth Young

Si Pablo ay naglalakad pababa ng hagdan sa Atenas
Tinuturuan ni Pablo ang isang grupo ng mga tao sa Atenas

Paglalarawan ni Dan Burr

Mga Tala

  1. Dahil sa mainitang pakikipagtalo kay Bernabe, humiwalay si Pablo sa kanya at pinili si Silas bilang kanyang kasama sa misyon (tingnan sa Mga Gawa 15:36–40).

  2. Tingnan sa Mga Gawa 16:1–3. Si Timoteo ay naging isa sa mga pinagkakatiwalaang kasama ni Pablo (tingnan sa Filipos 2:19–23).

  3. Tingnan sa Mga Gawa 18:11; Nicholas J. Frederick, “The Life of the Apostle Paul: An Overview,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, ed. Lincoln H. Blumell (2019), 408.

  4. Tingnan sa Mga Gawa 18:1–3. Tingnan din sa Mga Gawa 20:33–34; 2 Corinto 11:9; 2 Tesalonica 3:7–10.

  5. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” Gospel Library.

  6. Tingnan sa Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 409.

  7. Tingnan sa Mga Gawa 16:4. Tingnan din sa “Mga Gawa 15:1–6. Bakit nagkaroon ng pagpupulong sa Jerusalem?” at “Mga Gawa 15:23–28. Paano tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan ang desisyon mula sa pagpupulong sa Jerusalem?

  8. Tingnan sa Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 406.

  9. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gawa ng mga Apostol, Mga.”

  10. Earl D. Radmacher and others, mga editor, NKJV Study Bible, 3rd ed. (2018), 1651, tala para sa Mga Gawa 16:14.

  11. Tingnan sa Mga Gawa 16:15.

  12. Tingnan sa Mga Gawa 16:15, 40.

  13. Tingnan sa Mga Gawa 16:16, 19.

  14. Tingnan sa Grant Adamson, “Greco-Roman Religion and the New Testament,” sa Blumell, New Testament History, Culture, and Society, 203.

  15. “Ang paniniwala sa mahihiwagang inkantasyon, gayuma, at panggagaway ay karaniwan sa lipunan ng mga Griyego. Naniniwala ang mga Griyego na ang mga propetisa sa Delphi ay nahuhulaan ang hinaharap sa pamamagitan ng inspirasyon mula sa diyos na si Apollo, na nag-aanyong ahas na python. Dahil sa magkakatulad na pahayag, ang batang babaeng manghuhula ay tinatawag kung minsan na pythoness o ahas na babae. Pinagkakakitaan niya ang publiko para sa kanyang mga amo dahil dito narinig niya ang mensahe ng kaligtasan na ipinangaral ni Pablo at ng iba pang mga misyonero. Kahit totoo ang ipinahayag niya sa publiko tungkol sa mga misyonero at sa kanilang mensahe—kinakatawan nila ang Kataas-taasang Diyos at itinuro ang tanging paraan para maligtas—ang kanyang ginawa ay ‘ipinaghinagpis’ o ikinayamot ni Pablo” (Camille Fronk Olson, Women of the New Testament [2014], 286).

  16. Tingnan sa Deuteronomio 18:9–14; Josue 13:22.

  17. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mga sinaunang Apostol ay may kapangyarihan ng priesthood na makita at sawayin at palayasin ang masasamang espiritu (tingnan sa “Try the Spirits,” Times and Seasons, Abr. 1 1842, 744–45, josephsmithpapers.org).

  18. Tingnan sa Marcos 1:23–25, 34; 3:11–12.

  19. Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 408.

  20. Tingnan sa Bryce Gessell, “Greco-Roman Philosophy and the New Testament,” sa Blumell, New Testament History, Culture, and Society, 179–81.

  21. Kenneth L. Barker and others, mga editor., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 1933, tala para sa Mga Gawa 17:15.

  22. Tingnan sa Gessell, “Greco-Roman Philosophy and the New Testament,” 181.

  23. Tingnan sa Gessell, “Greco-Roman Philosophy and the New Testament,” 185–86.

  24. “Ang tampok na katangian ng pisikal na teorya ng Epicurean ay atomismo, na ipinapalagay na ang interaksyon ng hindi mapaghihiwalay, pangunahing mga particle ay lumilikha ng mga bagay at mga kaganapan na nararanasan natin. … Ang pagbibigay-diin ni Epicurus sa kung ano ang materyal, o gawa sa matter, ay nagbunsod na kanya na sabihin na ang kaluluwa ay binubuo rin ng mga atomo” (Gessell, “Greco-Roman Philosophy and the New Testament,” 185).

  25. Tingnan sa Mga Gawa 17:31–32.

  26. Tingnan sa Gessell, “Greco-Roman Philosophy and the New Testament,” 187.

  27. Tingnan sa Mga Gawa 17:32.

  28. Para sa halimbawa, tingnan sa Mga Gawa 13:16–41.

  29. Tingnan sa Acts 17:22, footnote a.

  30. Tingnan sa Barker and others, NIV Study Bible, 1934, tala para sa Mga Gawa 17:23; Michael D. Coogan and others, mga editor, The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, 5th ed. (2018), 1591, tala para sa Mga Gawa 17:23. Bukod pa rito, noong sixth century BC, si Epimenides, isang makata mula sa Creta, ay umapela sa isang diyos na hindi kilala ng mga tao upang protektahan ang mga taga-Atenas mula sa isang kakila kilabot na salot. Ang dambana para sa di-kilalang diyos ay maaaring itinayo bilang parangal sa diyos na ito (tingnan sa Radmacher at iba pa, NKJV Study Bible, 1653–54, tala para sa Mga Gawa 17:22–31).

  31. Ang makatang binanggit ni Pablo ay si Aratus, na sumulat, “Sapagkat tayo rin ay kanyang supling” (tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel and Thomas A. Wayment, Making Sense of the New Testament: Timely Insights and Timeless Messages [2010], 298).

  32. Tingnan sa Tremper Longman III and Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 454.

  33. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  34. Joseph F. Smith, John R. Winder, and Anthon H. Lund, “The Origin of Man,” Improvement Era, Nob. 1909, 78.

  35. Mga Gawa 18:6.

  36. Tingnan sa 2 Nephi 9:44; Jacob 1:19.

  37. Tingnan sa Mga Gawa 18:23–21:15.

  38. Ang ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero ay tumagal ng mga tatlo at kalahati hanggang apat na taon (AD 53–57). Naglakbay siya ng mahigit 3,500 milya, o 5,600 kilometro (tingnan sa Barker at iba pa, NIV Study Bible, 1937, mapa na pinamagatang “Paul’s Third Missionary Journey”).

  39. Tingnan sa Mga Gawa 19:10; 20:31.

  40. Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 409.

  41. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” Gospel Library.

  42. Tingnan sa Frederick, “The Life of the Apostle Paul,” 409.

  43. Tingnan sa Harold W. Attridge and others, mga editor, The HarperCollins Study Bible: A New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 1892, tala para sa Mga Gawa 19:24; Barker at iba pa, NIV Study Bible, 1938, tala para sa Mga Gawa 19:25.

  44. Tingnan sa Mga Gawa 19:24–27.

  45. Tingnan sa Mga Gawa 19:24–29.

  46. Tingnan sa Mga Gawa 19:30–31.

  47. Mga Gawa 20:29.

  48. Kent P. Jackson, “New Testament Prophecies of Apostasy,” sa Sperry Symposium Classics: The New Testament, ed. Frank F. Judd Jr. and Gaye Strathearn (2006), 397.

  49. Tingnan sa Mga Gawa 15; 21:21.

  50. “Ang dahilan ng kalabuang ito ay tila dahil ayaw ng mga Kapatid na labis na masaktan ang populasyon ng mga Judio sa Simbahan. Nais nilang tanggapin nang maayos ang mga Gentil, ngunit ayaw nilang mawala ang mga Kristiyanong Judio sa paggawa nito” (Selected Writings of Robert J. Matthews [1999], 275).

  51. Mga Gawa 21:20.

  52. “Bakit nila gagawin ito kung ang batas ay natupad na at hindi na ito kinakailangan? … Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie, ‘Ang Panginoon ay nagbibigay sa kanila ng mga katotohanan ng ebanghelyo nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin. Mas mabuting mapabilang sila sa Simbahan, na hinahanap ang Espiritu, sinisikap na sundin ang mga kautusan, at nagpupunyaging isagawa ang kanilang sariling kaligtasan, kaysa iwanan silang walang kawan hanggang sa magkaroon sila ng lubos na kaalaman sa lahat ng bagay’” (Elder Paul V. Johnson, “What More Might the Lord Be Willing to Give Us?,” Religious Educator, tomo 15, blg. 1 [2014], 16).

  53. Tingnan sa Mga Gawa 21:27.

  54. Tingnan sa Radmacher and others, NKJV Study Bible, 1661–62, tala para sa Mga Gawa 21:38.