“Mateo 2; Lucas 2,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 2; Lucas 2
Sina Jose at Maria ay naglakbay patungong Bethlehem, kung saan isinilang si Jesus. Ibinalita ng mga anghel sa mga pastol ang Kanyang pagsilang. Si Jesus ay dinala sa templo. Nagpatotoo sina Simeon at Anna tungkol sa Kanyang misyon na pagtubos. Noong bata pa si Jesus, dinalaw at sinamba Siya ng mga Pantas na Lalaki mula sa silangan. Si Jose ay binalaan sa isang panaginip tungkol sa masamang intensyon ni Herodes na ipapatay si Jesus, kaya dinala niya ang kanyang pamilya sa Ehipto upang panatilihin silang ligtas. Iniutos ni Herodes na patayin ang maliliit na bata sa lugar na nakapalibot sa Bethlehem. Nalaman ni Jose sa isang panaginip ang pagkamatay ni Herodes at dinala niya ang kanyang pamilya sa Nazaret. Noong 12 taong gulang si Jesus, nagturo Siya sa templo.
Mga Resources
Background at Konteksto
Mateo 2:1–12
Ano ang alam natin tungkol sa mga Pantas na Lalaki?
Maraming haka-haka tungkol sa identidad, pinagmulan, bilang, at pangalan ng mga Pantas na Lalaki. Ngunit hindi ibinigay ni Mateo ang mga detalyeng ito. Ginamit niya ang salitang Griyego na magi upang tukuyin ang mga lalaki. Ang salitang iyon ay tumutukoy sa isang sinaunang grupo ng mga astronomo at mga saserdote na kabilang sa relihiyong Zoroastrian sa Persia. Sino man ang mga Pantas na Lalaki o kung saan sila nanggaling, ipinakikita ng kanilang pagdalaw na “sila ay mabubuting tao na inatasang saksihan ang presensya ng Anak ng Diyos sa lupa.”
Hindi alam ang eksaktong panahon ng pagdalaw ng mga Pantas na Lalaki. Gayunman, ipinahihiwatig sa Mateo 2:11 na lumipas na ang ilang panahon mula nang isilang si Jesucristo. Natagpuan ng mga Pantas na Lalaki si Jesus sa isang “bahay,” hindi isang sabsaban, at Siya ay isang “[bata],” hindi isang sanggol.
Mateo 2:11
Ano ang alam natin tungkol sa mga kaloob na ibinigay ng mga Pantas na Lalaki kay Jesus?
Ang mga Pantas na Lalaki ay naghandog ng ginto, kamanyang, at mira upang parangalan at sambahin si Jesus.
Matagal nang pinahahalagahan ang ginto dahil sa ito ay makinang, maganda, malambot at madaling kortehan, hindi natutuklap at hindi kumukupas. Iniugnay ng mga tao sa sinaunang mundo ang ginto sa kamaharlikaan, kawalang-kamatayan, at diyos.
Ang kamangyan ay nagmula sa Arabia at hilagang Africa. Ito ay pinatuyong dagta ng puno na ginagamit sa mga pabango at insenso sa loob ng libu-libong taon. Sa kasaysayan, ang kamangyan ay isang lubos na pinahahalagahang kalakal. Sinusunog ito bilang insenso sa pagsamba sa templo sa sinaunang Israel.
Ang mira ay isa ring pinatuyong dagta mula sa matitinik na palumpong at mga puno na matatagpuan sa Arabia at hilagang Africa. Ang mira ay ginagamit sa mga pabango, insenso, at gamot sa loob ng libu-libong taon. Ginamit ng mga sinaunang Israelita ang mira sa pagsamba sa templo bilang sangkap sa banal na langis na pamahid para sa paglalaan sa mga hari, saserdote, at tabernakulo.
Mateo 2:1–8, 16–18
Anong uri ng tao si Haring Herodes?
Tinukoy ng mga mananalaysay si Herodes na binanggit sa Mateo 2 at Lucas 1:5 bilang si Herodes na Dakila. Hinirang ng mga pinunong Romano si Herodes bilang hari ng Judea kahit hindi siya Judio. Si Herodes ay namuno mula 37 BC hanggang 4 BC. Nakilala siya dahil sa iba’t ibang proyekto sa pagtatayo ng mga gusali, kabilang na ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Si Herodes ay isa ring imoral at mapaghinalang tao. Noong siya ay nabubuhay pa, iniutos niyang patayin ang isa sa kanyang mga asawa, tatlo sa kanyang mga anak na lalaki, at iba pang mga kamag-anak.
Dahil nadama niyang nanganganib siya kapag isinilang si Jesus, ang tunay na Hari ng mga Judio, iniutos ni Herodes na patayin ang mga batang dalawang taong gulang pababa sa Bethlehem at sa karatig na rehiyon.
Lucas 2:1–7
Ano ang mga kalagayang nakapalibot sa pagsilang ng Tagapagligtas?
Ang Bethlehem ay humigit-kumulang 90 milya (145 kilometro) sa timog ng Nazaret, kung saan nakatira sina Jose at Maria. Ang paglalakbay patungong Bethlehem ay hindi bababa sa apat hanggang limang araw kung lalakarin—marahil mas mahaba para sa mag-asawa dahil sa kalagayan ni Maria.
Ginamit ng King James Bible ang “bahay-panuluyan” para sa salitang Griyego na kataluma na matatagpuan sa Bagong Tipan ng Griyego. Ang salitang ito ayon sa paggamit sa Lucas 2:7 ay nangangahulugang “lugar na paupahan” o “silid ng panauhin.” Ang salitang Griyego na kataluma ay ginamit din sa Lucas 22:11 at tumutukoy sa silid kung saan pinagsaluhan ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang Huling Hapunan. Dito ang salita ay maaaring isalin bilang “guestchamber” o “silid para sa panauhin.” Ang silid ng panauhin ay kadalasang silid sa itaas. Sinasabi sa Lucas 2:7 na walang lugar para kay Maria at sa bagong silang na si Jesus sa silid ng panauhin.
Dahil dito, maaaring nanatili sila sa silong, kung saan ang mga hayop ay ikinukulong sa buong magdamag at pinapakain sa mga sabsaban. Ang silong ay maaaring ang lugar kung saan isinilang ang Tagapagligtas.
Ang kahandaan ng Tagapagligtas na isilang sa hamak na kalagayan ay inilalarawan ang isang paraan na Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay.”
Lucas 2:7
Ano ang “mga lampin”?
Ang mga lampin ay kumot o piraso ng tela na ibinabalot nang mahigpit sa mga sanggol.
Lucas 2:22–24
Bakit naghandog si Maria sa templo?
Ayon sa batas ni Moises, ang mga babae na katatapos lamang manganak ay itinuturing na marumi sa seremonya. Para maging malinis, kinailangang pumunta ni Maria sa templo at mag-alay ng hain. “[At] Kung hindi niya kayang bumili ng kordero, siya ay kukuha ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati.” Ang paghahandog ni Maria ng mga batu-bato [turtledoves] o kalapati sa halip na isang kordero ay nagpapahiwatig na kaunti lamang ang kanyang kabuhayan.
Lucas 2:40, 46–47
Ano ang nalalaman natin tungkol sa pagkabata ni Jesus?
Isinulat ni Elder James E. Talmage, “Ang pagkabata [ni Jesus] ay ang aktuwal na pagkabata, ang Kanyang pag-unlad ay kailangan at totoo tulad ng sa lahat ng bata.” Habang Siya ay lumalaki, “lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.” Noong 12 taon si Jesus, natagpuan nina Maria at Jose na nakikipag-usap Siya sa “mga guro” sa templo. Inihayag ng Pagsasalin ni Joseph Smith na ang mga lalaking ito ay “nakikinig sa kanya, at nagtatanong sa kanya” sa halip na si Jesus ang nakikinig at nagtatanong sa kanila. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Noong bata pa [si Jesus] taglay na Niya ang lahat ng talinong kailangan upang mapamunuan at mapamahalaan Niya ang kaharian ng mga Judio, at makapangatwiran sa pinakamatatalino at pinakamarurunong na dalubhasa sa batas at kabanalan, at pagmukhaing kalokohan ang kanilang mga teoriya at gawi kung ihahambing sa taglay Niyang karunungan.”
Alamin ang Iba Pa
Ang Pagsilang ni Cristo
-
Russell M. Nelson, “Ang Kapayapaan at Kagalakang Malaman na ang Tagapagligtas ay Buhay,” Liahona, Dis. 2011, 16–21
-
Eric D. Huntsman, “Glad Tidings of Great Joy,” Ensign, Dis. 2010, 52–57
Ang mga Pantas na Lalaki
-
Wendy Kenney, ““Kaming Tatlong Hari,” Liahona, Dis. 2009, 24–27
Media
Mga Video
“The Wise Men Seek Jesus” (5:41)
“Young Jesus Teaches in the Temple” (2:29)
Mga Larawan
The Announcement of Christ’s Birth to the Shepherds [Ang Pagpapahayag ng Pagsilang ni Cristo sa mga Pastol], ni Del Parson
The Birth of Jesus [Ang Pagsilang ni Jesus], ni Carl Heinrich Bloch