“Ang mga Ebanghelyo,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Ang mga Ebanghelyo
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may–akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Ano ang mga Ebanghelyo?
Ang mga aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ay tinatawag na Mga Ebanghelyo. Bawat isa ay ipinangalan sa may-akda nito. “Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay ‘mabuting balita.’” Bagama’t magkakaiba ang mga detalye at pananaw ng apat na Ebanghelyo, lahat ay nagsasalaysay ng mga pangyayari sa buhay at ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa. Pinatototohanan ng apat na Ebanghelyo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
Ang mga talaan nina Mateo, Marcos, at Lucas ay magkakatulad. Ang mga ito ay madalas na tinutukoy bilang mga synoptic Gospel, na ibig sabihin ay “see-alike” o pareho ng pananaw. Gayunpaman, ang bawat isa ay may natatanging materyal. “Ang talaan ni Juan ay lubos na naiiba sa iba pang tatlong Ebanghelyo sa bokabularyo, parirala, at paglalahad ng mga kaganapan.”
Tandaan: Sa resource na ito ay pinag-uusapan natin ang mga turo ng Tagapagligtas na nasa Mateo, Marcos, Lucas, at Juan.
Ang Ebanghelyo ni Mateo
Sino si Mateo at kailan niya isinulat ang kanyang Ebanghelyo?
Si Mateo ay isa sa Labindalawang Apostol ng Tagapagligtas at saksi sa marami sa mga pangyayaring inilarawan niya. Bago siya tinawag na maging disipulo, si Mateo ay isang publikano, o maniningil ng buwis. Kilala rin siya bilang si Levi, ang anak ni Alfeo.
Ang ilang mga iskolar at mga sinaunang sources ay nagsasabing isinulat ni Mateo ang kanyang Ebanghelyo sa pagitan ng AD 50 at 60. Sinasabi naman ng iba na ito ay nasa pagitan ng AD 80 at 90, ilang panahon matapos wasakin ng mga Romano ang Jerusalem.
Ano ang nalalaman natin tungkol sa Ebanghelyo ni Mateo?
Nagsulat si Mateo upang “hikayatin ang mga Judio na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas.” Madalas niyang tinutukoy ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas sa Lumang Tipan at ginamit ang pariralang “ito ay upang matupad.” Tinukoy niya si Jesus bilang Anak ni David upang bigyang-diin sa mga mambabasa na Judio na si Jesus ang kanilang Mesiyas at karapat-dapat na Hari. Tinunton niya ang maharlikang angkan ng Tagapagligtas mula kina David, Juda, at Abraham, na nagpapakita ng karapatan ni Jesus na mamuno sa Israel.
Isinama rin ni Mateo ang mahahalagang pangyayari at turo na may bahagi ang mga Gentil. Marahil isinama niya ang mga ito sa kanyang Ebanghelyo upang hikayatin ang mga mambabasang Judio na tanggapin ang gawaing misyonero na ginagawa sa mga Gentil.
Ang mga sumusunod ay iba pang mga tema at natatanging katangian ng Ebanghelyo ni Mateo:
-
Dumating si Jesucristo upang itatag ang Kanyang kaharian. Maraming beses na binanggit ni Mateo ang “kaharian ng langit,” at ang kanyang Ebanghelyo lamang ang naglalaman ng mga turo ni Jesus na binabanggit ang “iglesya.”
-
Ang mga ministeryo nina Moises at Jesucristo ay maraming pagkakatulad. Tila inorganisa ni Mateo ang kanyang Ebanghelyo sa paraang matutulungan ang mga mambabasa na Judio na matanto na tinupad ni Jesucristo ang propesiya ni Moises: “Palilitawin ng Panginoon mong Diyos para sa iyo ang isang propeta na gaya ko.”
-
Hindi iiwan ng Diyos ang Kanyang mga tao. Ang Ebanghelyo ni Mateo ang tanging tumutukoy kay Jesus bilang Emmanuel, na ang ibig sabihin ay “kasama natin ang Diyos.” Ang mga ginagawa, mga turo, at mga himala ng Tagapagligtas na nakatala sa Mateo ay nagpapakita na ang Diyos ay lagi nating kasama.
Ang Ebanghelyo ni Marcos
Sino si Marcos at kailan niya isinulat ang kanyang Ebanghelyo?
Ayon sa paniniwala, si Marcos ay si Juan Marcos, ang anak ni Maria. Ang kanilang tahanan sa Jerusalem ay nagsilbing lugar kung saan nagtitipon ang mga alagad ni Jesucristo. Kalaunan ay naglingkod si Marcos bilang kasamang misyonero ni Apostol Pablo. Ayon sa sinaunang sources ng Kristiyano, sinamahan din ni Marcos si Apostol Pedro sa Roma, kung saan isinulat ni Marcos ang kanyang Ebanghelyo batay sa mga alaala ni Pedro.
Ayon sa sinaunang sources, ang pagsulat ni Marcos ay kaagad na ginawa matapos magdusa si Pedro bilang martir, marahil sa pagitan ng AD 65 at 70. Marahil ang Kanyang Ebanghelyo ang unang isinulat sa apat.
Ano ang nalalaman natin tungkol sa Ebanghelyo ni Marcos?
Sa buong Ebanghelyo niya, ipinaliwanag ni Marcos ang mga kaugalian, heograpiya, at wika ng mga Judio sa kanyang mga mambabasa. Ito ang isang dahilan kung bakit inisip ng ilang iskolar na sumulat siya para sa mga gentil, o hindi Judio, na nagbalik-loob sa Kristiyanismo, lalo na ang mga Romano.
Tila isinulat ni Marcos ang kanyang salaysay sa panahon ng matinding pagsubok sa pananampalataya ng maraming miyembro ng Simbahan sa buong Imperyong Romano. Ang ikatlong bahagi ng Ebanghelyo ni Marcos ay naglalahad ng tungkol sa mga turo at karanasan ng Tagapagligtas sa huling linggo ng Kanyang buhay. Nagpatotoo si Marcos na ang pagdurusa ng Anak ng Diyos ay pagtatagumpay sa huli sa kasamaan, kasalanan, at kamatayan. Maaaring isinulat ni Marcos ang kanyang Ebanghelyo para gabayan ang mga mananampalataya at palakasin ang kanilang pananampalataya sa panahon ng matinding pag-uusig.
Ang mga sumusunod ay iba pang mga tema at natatanging katangian ng Ebanghelyo ni Marcos:
-
Ang Ebanghelyo ni Marcos ang pinakamaikling Ebanghelyo at nagbibigay-diin sa mga ginawa ni Jesus. Nagsimula si Marcos sa pagsasalaysay tungkol sa binyag at ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo. Pinanatili niya ang mabilis na pagsasalaysay ng mga pangyayari nang sunud-sunod. Si Marcos ay madalas gumamit ng mga salitang agad, kaagad, at anon (agad-agad), kung kaya’t nagmimistulang mabilis ang daloy at pangyayari.
-
Si Jesus ay hindi naunawaan at hindi tinanggap. Kabilang sa mahahalagang tema sa Marcos ay ang mga tanong kung sino si Jesus at kung sino ang nakaunawa sa Kanyang identidad. Si Jesus ay hindi naunawaan, hindi tinanggap, at pinatay, pero napagtagumpayan Niya ang lahat ng bagay, pati na ang kamatayan. Bagama’t gumawa si Jesus ng matitinding himala at nagturo nang may kapangyarihan, hindi Siya tinanggap ng kapwa Niya Judio, kabilang na ang mga tao na nasa Kanyang bayan at mga miyembro ng Kanyang pamilya. Maging ang Kanyang sariling mga disipulo ay hindi lubos na naunawaan ang Kanyang banal na misyon.
Ang Ebanghelyo ni Lucas
Sino si Lucas at kailan niya isinulat ang kanyang Ebanghelyo?
Ayon sa paniniwala, si Lucas ang “minamahal na manggagamot” na tinutukoy ni Apostol Pablo. Ang katangiang Griyego sa buong Ebanghelyo niya ay nagpapahiwatig na siya ay may mataas na pinag-aralan. Maaaring siya ay isang Gentil, o hindi Judio. Pagkatapos ng kanyang pagbabalik-loob, si Lucas ay naging kasamang misyonero ni Pablo.
Hindi alam ang eksaktong panahon kung kailan isinulat ni Lucas ang kanyang Ebanghelyo, ngunit tinataya ng mga iskolar na ito ay sa pagitan ng AD 80 at 90. Ang mga pinagkuhanan ng impormasyon ni Lucas ay ang mga taong “buhat sa pasimula ay mga saksing nakakita” sa buhay at ministeryo ng Tagapagligtas.
Ano ang nalalaman natin tungkol sa Ebanghelyo ni Lucas?
Ipinahayag ni Lucas ang kanyang Ebanghelyo kay Teofilo, na posibleng isang lalaking Griyego na may magandang katayuan sa lipunan. “Si Teofilo ay maaaring tagatangkilik o kaibigan ni Lucas at isang mananampalataya na nais palakasin ni Lucas sa pananampalataya kay Jesucristo.”
Dahil ang ibig sabihin ng Theophilus ay “kaibigan ng Diyos,” maaari din siyang kumatawan sa sinumang nananampalataya kay Cristo. Kung ganito nga ang sitwasyon, ang gawain ni Lucas ay malamang na nilayon para sa mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga Gentil na nagbalik-loob. Tila nais ni Lucas na malaman ng mga nagbabasa ng kanyang patotoo “ang katiyakan” tungkol sa Anak ng Diyos—ang Kanyang habag, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Muli.
Lucas ang pinakamahaba sa apat na Ebanghelyo at naglalaman ng pinaka-natatanging materyal ng mga synoptic Gospel. Ang mga sumusunod ay ilang mga tema at natatanging katangian ng Ebanghelyo ni Lucas:
-
Si Jesus ang Tagapagligtas para sa lahat ng tao. Binigyang-diin ni Lucas ang pakikiramay ng Tagapagligtas sa mga taong nagdurusa at ang Kanyang malasakit sa mga itinuturing na itinakwil at makasalanan. Ang Ebanghelyo ni Lucas lamang ang nagtala ng mga tagubilin ng Tagapagligtas sa Pitumpu na ipahayag ang ebanghelyo sa lahat ng tao.
-
Ang templo ang bahay ng Diyos. Ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagsisimula at nagtatapos sa mga salaysay tungkol sa mga tao sa templo, na nagpapahiwatig ng kahalagahan ng templo bilang pangunahing lugar ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga tao.
-
Malaki ang papel na ginampanan ng kababaihan sa buhay ni Jesus. Sinimulan ni Lucas ang mga salaysay tungkol sa dalawang tapat na babae na pinili ng Diyos—si Elizabeth, ang ina ni Juan Bautista, at si Maria, ang ina ni Jesus. Binanggit niya ang iba pang matatapat na kababaihan na sumunod kay Jesus at sumuporta sa Kanya. Nabanggit din niya na isang grupo ng matapat na kababaihan ang unang nagpahayag na si Jesus ay nabuhay na muli mula sa mga patay.
-
Si Jesus ay may nabuhay na muling katawan na may laman at mga buto. Ang pagiging manggagamot ni Lucas ay maaaring may kaugnayan sa ilang detalye na nakapaloob sa kanyang Ebanghelyo. Halimbawa, ang Ebanghelyo ni Lucas lamang ang nagbanggit ng tungkol sa Tagapagligtas na nagdurugo mula sa bawat maliit na butas ng Kanyang balat sa Getsemani at may nabuhay na muling katawan na may “laman at mga buto.”
Ang Ebanghelyo ni Juan
Sino si Juan at kailan niya isinulat ang kanyang Ebanghelyo?
Ang may-akda ng Ebanghelyo ni Juan ay hindi kailanman tinukoy ang kanyang sarili sa kanyang pangalan, bagaman tinutukoy siya bilang “alagad na minamahal ni Jesus.” Pinatutunayan ng paghahayag sa mga huling araw na ang “alagad na minamahal ni Jesus” ay si Juan at binigyan siya ng Tagapagligtas ng kapangyarihang magpatuloy sa paglilingkod sa lupa hanggang sa Ikalawang Pagparito.
Sinabi ng mga sinaunang Kristiyanong manunulat na isinulat ni Juan ang aklat na ito sa Efeso, na nasa Asia Minor (modernong Turkey). Naniniwala ang mga iskolar na maaaring isinulat ni Juan ang kanyang Ebanghelyo sa pagitan ng AD 90 at 110.
Ano ang nalalaman natin tungkol sa Ebanghelyo ni Juan?
Ang salaysay ni Juan ay inilarawan bilang isang Ebanghelyo na isinulat sa mga miyembro ng Simbahan na may kaunti nang kaalaman tungkol kay Jesucristo. Subalit sa kanyang Ebanghelyo, inanyayahan ni Juan ang lahat na “sumampalataya na si Jesus ang Cristo.” Kabilang sa paanyaya na ito ang mga hindi pa naniniwala kay Cristo gayundin ang mga naghahangad na palakasin ang kanilang pananampalataya sa Kanya.
Mga 92 porsiyento ng naitala sa Ebanghelyo ni Juan ay hindi matatagpuan sa iba pang Mga Ebanghelyo. Halimbawa, sa pitong himala na iniulat ni Juan, lima ang hindi nakatala sa ibang Ebanghelyo. Samantalang sina Mateo, Marcos, at Lucas ay naglahad ng maraming impormasyon tungkol sa ministeryo ni Jesus sa Galilea, itinala ni Juan ang maraming pangyayari na naganap sa Judea.
Ang Ebanghelyo ni Juan ay mayaman sa doktrina, at ilan sa mga pangunahing tema nito ay ang pagkadiyos ni Jesus bilang Anak ng Diyos, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, buhay na walang hanggan, ang Espiritu Santo, at ang kahulugan at kahalagahan ng pananalig.
Ang mga sumusunod ay ilan sa iba pang mga tema at natatanging katangian ng Ebanghelyo ni Juan:
-
Isinulat ni Juan ang maraming pangalan at titulo ni Jesucristo. Isinama ni Juan ang ilang mga titulo ni Jesus na hindi matatagpuan sa iba pang Mga Ebanghelyo. Halimbawa, inilarawan ni Juan si Jesus bilang ang Salita ang Kordero ng Diyos ang Ilaw ng Sanlibutan, at ang Mabuting Pastol.
-
Si Jesus ang sugo ng Ama sa Langit sa sanlibutan. Higit sa sinumang manunulat ng Ebanghelyo, binigyang-diin ni Juan ang pagkadiyos ni Jesus bilang Anak ng Diyos. Itinala ni Juan ang sariling patotoo ni Jesus tungkol sa Kanyang pagkadiyos at identidad bilang Jehova ng Lumang Tipan. Itinala ni Juan ang maraming pagkakataon na tinukoy ni Jesus ang Kanyang Ama. Binigyang-diin ng Ebanghelyo ni Juan na si Jesus ay isinugo ng Ama at sa pamamagitan lamang Niya tayo makakabalik sa Ama.
-
Inialay ng Tagapagligtas ang Panalangin ng Pamamagitan. Isa sa mga pinakamahalagang kontribusyon ni Juan ay ang pagsasama niya ng mga turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo sa mga oras bago ang Kanyang kamatayan, kabilang ang Panalangin ng Pamamagitan.
Alamin ang Iba Pa
-
“Harmony of the Gospels,” Gospel Library
-
Gaye Strathearn at Frank F. Judd Jr., “Ang mga Ebanghelyo: Apat na Patotoo Tungkol sa Tagapagligtas” (artikulong digital lamang), Liahona, Ene. 2023, Gospel Library
-
Gaye Strathearn at Frank F. Judd Jr., “The Distinctive Testimonies of the Four Gospels,” Religious Educator, tomo 8, blg. 2 (2007), 59–85